Third Person POV Dalawang araw lang dapat ay makauuwi na si Royvin sa Pilipinas pero nagkaroon ng emergency ang kumpanya niya sa Amerika kaya inabot pa siya ng isang linggo. Dumiretso siya agad sa opisina ng daddy niya dahil gustong-gusto na niya itong makausap. Dalawang linggo na lang at gaganapin na ang birthday niya. Kaya dapat ay maipaalam na niya sa daddy niya ang kahilingan niya para sa espesyal na araw na iyon. “Sir, hintayin ni’yo na lang po si Chairman sa opisina niya. Patapos na rin naman ang meeting nila,” magalang na sabi ng secretary ng daddy niya na si Lucy. “No problem, Lucy. Please bring me black coffee. Less sugar please,” utos pa niya rito. Masaya siya at excited habang kinakapa ang kaheta sa bulsa niya. Ipakikita niya ang ipinasadya niyang singsing para kay Raiza.

