chapter 1
Isáng umaga ng̃ Disiembre ay hiráp na sumasalung̃a sa palikólikông
linalakaran ng̃ ilog Pasig ang bapor Tabò, na may lulang maraming tao,
na tung̃o sa Lalaguna. Ang bapor ay may anyông bagól, halos bilóg
na warì’y tabò na siyáng pinanggaling̃an ng̃ kaniyang pang̃alan;
nápakarumí kahit na may nasà siyang magíng maputî, malumanay at warìng
nagmamalakí dahil sa kaniyang banayad na lakad. Gayon man, siya’y
kinagigiliwan sa dakong iyon, sanhî marahil sa pang̃alan niyang
tagalog ó dahil sa tagláy niya ang sadyâng ugalì ng̃ mg̃a bagay-bagay
ng̃ bayan, isáng warì’y tagumpáy na laban sa pagkakasulong, isáng
bapor na hindî tunay na bapor ang kabuòan, isáng sangkáp na hindî
nagbabago, hindî ayos ng̃unì’t hindî mapag-aalinlang̃anan, na, kung
ibig mag-anyông makabago ay nasisiyahan na ng̃ boong kalakhán sa
isáng pahid ng̃ pintura.
Na ang bapor na itó’y tunay na pilipino! Kauntìng pagpapaumanhín
lamang ang gamiti’t pagkakamanláng siya ang daóng ng̃ Pamahalàan,
na nayarì sa ilalim ng̃ pagsisiyasat ng̃ mg̃a _Reberendo_ at mg̃a
_Ilustrísimo_!
Balót ng̃ liwanag sa umaga, hayo na ang maputî niyang katawán (na
iniwawasiwas ang maitim na usok) na nagpapagaláw sa alon ng̃ ilog
at nagpapaawit sa hang̃in sa mg̃a maigkás na kawayang nasa sa
magkábilang pangpáng; may nagsasabing nag-uumusok din ang daóng ng̃
Pamahalàan!... Sa bawà’t sandalî’y tumítilî ang pasuit na paós at
mapagbalà na warì’y isáng manggagahís na ibig makapanaíg sa tulong
ng̃ sigáw, kayâ’t sa loób ng̃ bapor ay hindî magkarinigan, ang lahát
ng̃ mákatagpô’y pinagbabalàan; minsa’y warìng ibig durugin ang mg̃a
salambáw, (mg̃a yayat na kagamitán sa pang̃ing̃isdâ) na ang galáw
ay warìng kalansáy ng̃ _gigante_ na yumúyukô sa isáng pagóng na
nabuhay sa kapanahunang dako pa roon ng̃ pag-apaw ng̃ tubig sa boông
mundó; minsa’y tumátakbóng tung̃o sa mg̃a kakawayanán ó kayâ’y sa
mg̃a karihan, na napapalamutihan ng̃ gumamela at ibá pang bulaklák,
na warìng mg̃a magsisipaligòng nakalubóg na sa tubig ang mg̃a paa’y
ayaw pang maglublób... minsa’y sa pagsunód sa daáng itinuturò ng̃
iláng kawayang nakatirik sa ilog ay lumalakad ng̃ boông kasiyahang
loób ang bapor; ng̃unì’t ang isáng biglâng pagkakabagók ay kauntî
nang ikinabuwal ng̃ mg̃a sakáy; nápadumog sa isáng burak na mababaw
na hindî hinihinalà nino man......
At kung ang pagkakawangkî sa daóng ng̃ Pamahalàan ay hindî pa lubós,
ay tingnan ang pagkakalagáy ng̃ mg̃a lulan. Sa ilalim ng̃ _cubierta_
ay nang̃agdung̃aw ang mg̃a mukhâng kayumanggí at maiitim ng̃ mg̃a
taga rito, mg̃a insík at mestiso na nagkakasiksikang kasama ng̃ mg̃a
lulang kalakal at mg̃a kabán, samantalang sa itaás, sa ibabaw ng̃
_cubierta_ at sa lilim ng̃ isáng panambil na nagtatanggol sa kanilá
sa init ng̃ araw, ay nang̃akaupô sa maginhawang luklukan ang iláng
sakáy na suot taga Europa, mg̃a prayle at mg̃a kawaní, na humihitít
ng̃ malalakíng tabako, samantalàng tinátanáw ang mg̃a dinadaanan,
na hindî man nápupuna ang mg̃a pagsusumakit ng̃ kapitán na maiwasan
ang mg̃a balakid sa ilog.
Ang kapitán ay isáng ginoo na may magiliw na anyô, lubhâ ng̃ matandâ,
dating maglalayág na noong kabataàn niya ay namahalà sa lalòng
matuling daóng at sa lalòng malawak na karagatan at ng̃ayóng tumandâ’y
ginagamit ang lalòng malakíng pag-iisip, pagiing̃at at pagbabantáy
upáng maiwasan ang maliliít na kapang̃aniban.... At yaón dín ang
balakid sa araw araw, ang dati ring mabababaw na burak, ang dati ring
lakí ng̃ bapor na násasadsád sa mg̃a likô ring yaon, na warì’y isáng
matabâng babai sa gitnâ ng̃ siksikan ng̃ tao, kayâ’t ang mabaít na
kapitán ay humihintô sa bawà’t sandalî, umuurong, pinagkakalahatì
lamang ang tulin, pinagpapalipatlipat sa kaliwâ’t sa kanan ang limáng
marinerong may hawak na tikin upáng ipanibulos ang likông itinuturò
ng̃ timón. Warìng isáng matandâng kawal, na matapos mamunò sa mg̃a
tao sa isáng maligalig na himagsikan, ay nagíng taga pag-alagà, ng̃
tumandâ, ng̃ batàng masumpung̃in, matigás ang ulo at tamád.
At si aling Victorina na siyáng tang̃ìng babaing nakiupô sa lipon
ng̃ mg̃a europeo ay siyáng makapagsasabi kung ang bapor Tabò ay
tamád, masuwayin at masumpung̃in; si aling Victorina, na gaya ng̃
karaniwan ay napakamasindakin, ay nagtutung̃ayaw sa mg̃a kaskó,
bankâ, balsá ng̃ niyog, mg̃a indio na namamangkâ at sampûng mg̃a
naglalabá at nagsisipaligò na kinayayamután niya dahil sa pagkakatuwâ
at kaing̃ayan! Siya ng̃â namán, kung walâng mg̃a indio sa ilog at
sa bayan ay bubuti ang lakad ng̃ Tabò, oo! kung walâng isá mang
indio, sa mundó; hindî niya nápupunang ang mg̃a tumitimón ay pawàng
indio, indio ang mg̃a marinero, indio ang mg̃a makinista, indio
ang siyam na pù’t siyam sa bawà’t isáng daang sakáy at siyá man ay
india rin kung kakayurin ang kaniyang pulbós at huhubarán siya ng̃
ipinagmamalakíng _bata_. Nang umagang iyón ay lalò pang namumuhî si
aling Victorina dahil sa hindî siya pinapansín ng̃ mg̃a kalipon, at
dapat ng̃â namáng magkagayón, sapagkâ’t tignán ng̃â namán ninyó:
magkalipon doon ang tatlông prayleng nananalig na ang boông mundó’y
lalakad ng̃ patiwarík sa araw na silá’y lumakad ng̃ matuwíd; isáng
walâng pagál na D. Custodio na payapàng natutulog, na siyangsiya ang
loób sa kaniyang mg̃a munakalà; isáng walâng pagod na mánunulat na
gaya ni Ben-Zayb (katimbang ng̃ Ibañez) na nag-aakalàng kung kayâ’t
may nag-íisíp sa Maynilà ay sa dahilang siya’y nag-íisíp; isáng
_canónigo_ na gaya ni P. Irene na nagbibigay dang̃al sa mg̃a parì
dahil sa mabuti ang pagkakaahit ng̃ kaniyang mukhâng kinatatayuan
ng̃ isáng ilóng hudío at dahil sa kaniyang sotanang sutlâ na mainam
ang tabas at maraming botones; at isáng mayamang mag-aalahás na gaya
ni Simoun na siya mandíng tanung̃an at nag-uudyok sa mg̃a galáw ng̃
Capitán General; akalaìn ng̃â ba namáng magkátatagpô ang mg̃a haliging
itó na _sine quibus non_ ng̃ bayan, magkápipisan doon at maligayang
nag-uusap, na hindî nabibighanìng malugód sa isáng tumakwil sa
pagkapilipina, na nagpapulá ng̃ buhók, ¡bagay ng̃ sukat makabugnot
sa isáng Joba!, pang̃alang ikinakapit sa sarili ni aling Victorina
kailan ma’t may katung̃o.
At ang pagkayamót ng̃ babai’y nararagdagan sa bawà’t pagsigáw ng̃
Kapitán ng̃: baborp! estriborp!, bubunutin ng̃ mg̃a marino ang
kaniláng mahahabàng tikín at isasaksák sa isá’t isáng gilid at
pinipigil sa tulong ng̃ kaniláng mg̃a hità’t balikat na másadsád
sa dakong iyon ang bapor. Kung susukatin sa gayóng anyô ang daóng
ng̃ Pamahalàan ay masasabing nawawalâ ang pagkapagóng at nagiging
alimang̃o sa tuwîng málalapít ang isáng pang̃anib.
--Ng̃unì’t kapitán, ¿bakit tumutung̃o sa dakong iyan ang inyóng mg̃a
mangmang na timonel?--ang tanóng na pagalít ng̃ babai.
--Sapagkâ’t doon ay napakababaw, ali--ang sagót na malumanay ng̃
Kapitán at ikinindát ang matá.
Naugalì na ang ganitó ng̃ Kapitán upáng sabihin warì sa kaniyáng
mg̃a salitâ, na dahandahang lumabás: marahan, marahang marahan!
--Kalahatìng tulin ng̃ mákina, bá, kalahatìng tulin!--ang paalipustâng
tutol ni aling Victorina--¿bakit hindî boông tulin?
--Sapagkâ’t maglalayág tayo sa mg̃a palayang iyan, ali,--ang walâng
katinagtinag na sagót ng̃ Kapitán na sabay ang paglabì upang iturò
ang bukid; makálawang kumindát.
Ang aling Victorinang itó ay kilalá dahil sa kaniyang mg̃a kasagwâan
at mg̃a himaling. Dumádalóng palagì sa mg̃a lipunán at siya’y tinitiis
doon kailan ma’t kasama ang kaniyáng pamangkín, si Paulita Gomez,
magandá at mayamang binibini, ulila sa amá’t iná, na kinúkupkóp
ni aling Victorina. Nang tumandâ na ang aling Victorinang itó ay
nag-asawa sa isáng kulang-palad na ang pang̃alan ay D. Tiburcio
de Espadaña, at sa mg̃a sandalîng itó na nakikita natin siya ay may
labíng limáng taón nang kasál, ang buhók ay postiso at ang kalahatì
ng̃ kagayakan ay ayos taga Europa. Sa dahiláng ang kaniyáng boông
hang̃ád sapol ng̃ magkaasawa ay ang mag-anyông europea, sa tulong
ng̃ iláng mahalay na kaparaanan, ay nahulog díng untî-untî ang
kaniyáng ayos sa isáng anyông, sa kasalukuyan, kahi’t na magtulong si
Quatrefages at si Virchow ay hindî máwawatasan kung sa alíng lahìng
mg̃a kilala siya máihahalò. Makaraan ang iláng taóng pagkákasál, ang
kaniyáng asawang nagtiís, na warì’y _fakir_ na umalinsunod sa lahát
ng̃ kaniyáng maibigan, ay dinalaw ng̃ isáng masamâng sandalî, isáng
araw, at hinambalos siyá ng̃ tinútungkód sa pagkapilay. Dahil sa
pagkakabiglâ ni aling Joba, sa gayóng pagbabagong ugalì, ay hindî
naalumana ang magiging kasunód ng̃ pangyayari, at ng̃ makaraan ang
pagkakagitlá at ng̃ ang kaniyáng asawa ay makatanan, ay sakâ pa
lamang náramdamán ang sakít at náhigâng iláng araw, sa gitnâ ng̃
pagkagalák ni Paulita na mahilig sa pagtatawá at pagbibirô sa kaniyáng
ali. Ng̃unì’t ang asawa, sindák sa nágawâng kasalanan, na sa kaniya’y
warìng isáng kakilakilabot na pagpatay sa kabiyák ng̃ pusò ang gayóng
nágawâ, habol ng̃ mg̃a _furia_ sa tahanan (ang dalawáng aso at isáng
loro sa bahay), ay nagtatakbó ng̃ boông tuling ipinahintulot ng̃
kaniyáng pílay, lumulan sa unang sasakyáng nátagpûán, sumakáy sa unang
bangkâng nákita sa isáng ilog, at, Ulises na pilipino, nagpagalàgalà
sa mg̃a bayán-bayán, sa isá’t isáng lalawigan, sa isá’t isáng pulô,
na pinamumuntután ng̃ kaniyáng Calipso, na naka _quevedo_, na
nakayáyamot sa bawà’t mákasama sa paglalakbáy. Tumanggáp ng̃ balità
na ang lalaki’y nagtatagò sa isáng bayan ng̃ Laguna, kayâ’t yáon na
siya upáng akitin sa tulong ng̃ kaniyáng buhók na tininà.
Ang mg̃a kasabáy ay nagkáisáng magsanggaláng sa kaniyáng pakikitung̃o
sa pamagitan ng̃ isáng walâng hintông pagsasalitâang ang balàng
bagay ay pinagtalunan. Sa mg̃a sandalîng iyón, dahil sa palikôlikô
ng̃ ilog, ay pinag-uusapan ang pagtutuwíd sa kaniya at ang ukol sa
mg̃a gawâin ng̃ Obras del Puerto.
Si Ben-Zayb, ang mánunulat na mukhâng prayle, ay nakikipagtalo sa
isáng parìng batà na mukhâ namáng artillero. Kapwâ nagsisigawang ang
anyô ng̃ mukhâ ay iniaayos sa sinasabi, itinátaás ang mg̃a bisig,
inilalahad ang mg̃a kamáy, nagsisitadyák, nag-uusap ng̃ ukol sa
patitís, mg̃a palaisdàan, ilog San Mateo, mg̃a indio at ibp. sa gitnâ
ng̃ kasiyahang loob ng̃ mg̃a nakikiníg at sa gitnâ rin namán ng̃
boông pagkainíp ng̃ isáng matandâng parìng pransiskano, na lubhâng
nápakapayát at nang̃ang̃alirang, at ng̃ isáng dominiko na magandá
ang tindíg na nagbábakás.... nagbábakás sa kaniyáng mg̃a labì ng̃
isáng ng̃itîng pakutyâ.
Ang payát na pransiskano, na nakápuná sa ng̃itî ng̃ dominiko, ay
nagnasàng makilahók sa usapan, upáng maputol. Iginagalang siya
marahil, kayâ’t sa isáng kilos lamang ng̃ kamáy ay napigil ang
pag-uusap ng̃ dalawá, nang ang parìng-artillero ay tumukoy ng̃ ukol
sa kinátutuhan at ang mánunulat na prayle ay ng̃ ukol namán sa
karunung̃an.
--¿Alám bagá ninyó kung anó ang mg̃a taong marurunong, Ben-Zayb?--anáng
pransiskano na ang boses ay malalim, na hindî man lamang halos gumaláw
sa kaniyáng uupan, at ang mg̃a nang̃ang̃alirang na kamáy ay bahagyâ
nang ikilos--Nariyan sa lalawigan ang _Puente del Capricho_, na gawâ
ng̃ isáng kapatíd namin, at hindî nayarì, sapagkâ’t pinintasáng mahinà
at mapang̃anib ng̃ mg̃a marurunong, sa panunuláy sa kaniláng mg̃a
sapantahà, ng̃unì’t tignán ninyó’t nariyan ang tuláy na naglálabán
sa lahát ng̃ bahâ at lindol.
--Iyan, _puñales_, iyang talagá, iyan ng̃â sana ang sasabihin ko!--ang
wikà ng̃ parìng artillero na kasabáy ang suntók sa gabáy ng̃ kaniyáng
luklukang kawayan;--iyan, ang _Puente del Capricho_ at ang mg̃a
marurunong; iyan sana ang sasabihin ko, P. Salvi, _puñales_.
Nápahintông nakang̃itî si Ben-Zayb, marahil sa paggalang ó kayâ’y
dahil sa sadyâng walâng maalamang isagot; kahit gayong ¡siya ang
tang̃ìng nag-íisíp dito sa Pilipinas!--Si P. Irene ay sumasang-ayon
sa tulong ng̃ ulo, samantalang pinapahidpahiran ang kaniyáng mahabàng
ilóng.
Si P. Salvi, iyóng parìng payát at nang̃ang̃alirang, ay nagpatuloy, na
warìng nasiyahan sa gayóng pang̃ang̃ayupapà, sa gitnâ ng̃ katahimikan:
--Datapwâ’y hindî ibig sabihin ng̃ ganitó na kayó’y walâ sa katwiran
at gayón dín namán si P. Camorra (itó ang pang̃alan ng̃ parìng
artillero); ang kasamaán ay nasa lawà.....
--Sadyâ namáng walâng mabuting lawà sa lupaíng itó--ang patláng ni
aling Victorina, na muhîng muhî na at humandâ upáng lusubing mulî
ang kutà.
Ang mg̃a binabakod ay sindák na nagting̃inan, ng̃unì’t, gaya ng̃
katalasan ng̃ isáng general, dumulóg ang mag-aalahás na si Simoun:
--Ang kagamutan ay nápakadalî,--anyá na ang pagbigkás ng̃ salitâ ay
katang̃itang̃ì, kalahatìng inglés at kalahatìng amerikano sa Timog--at
hindî ko ng̃â maalaman kung bakit hindî pa náiisip ng̃ kahit sino.
Ang lahát ay luming̃ón, sampû ng̃ dominiko, at pinakinggán siyang
mabuti. Ang mag-aalahás ay isáng taong yayát, mataas, malitid,
nápakakayumanggí, suot inglés at ang ginagamit ay warìng salakót na
timsim. Katang̃ìtang̃ì sa kaniya ang mahabàng buhók na putîng putî na
nátitiwalî sa misáy na itím, madalang, na nagpapakilala ng̃ kaniyáng
pagkamestiso. Upang iwasan ang sinag ng̃ araw ay palagìng gumagamit
ng̃ salamíng asul na _de rejillas_, na tumátakíp sa kaniyáng mg̃a
matá at bahagi ng̃ mg̃a pisng̃í, na siyáng nagbibigáy sa kaniya ng̃
anyông bulág ó may sakít sa matá. Nakatayông ang paa’y nakabikakâ
upáng makapanimbang warî, ang mg̃a kamáy ay nakapasok sa mg̃a alapót
ng̃ kaniyáng _chaqueta_.
--Ang kagamutan ay lubhâng madalî--ang ulit--at walâng magugugol.
Ang pakiking̃íg na mabuti ay nag-ibayo. Násasabísabí sa mg̃a lipunán
sa Maynilà na ang táong iyon ay siyang sinusunód ng̃ General, kayâ’t
nákikinikinitá na ng̃ lahát na ang kagamutan ay magagawâ. Pati si
D. Custodio ay nápaling̃ón.
--Magbukás ng̃ isáng ludlód na tuwid, mulâ sa pagpasok ng̃ ilog
hangáng sa paglabás, na dádaan sa Maynilà, itó ng̃â, gumawâ ng̃
isáng bagong ilog na ludlód at tabunan ang dating ilog Pasig.
Hindî mag-aaksayá ng̃ lupà at iiklî ang paglalakbáy, mapipigil ang
pagkakaroon ng̃ dakong mababaw.
Ang panukalàng itó’y nakalitó sa lahát halos, na nahirati sa mg̃a
paraáng tapaltapal.
--Isáng munakalàng yankee--ani Ben-Zayb, na ibig kalugdán ni
Simoun--Ang mag-aalahás ay malaong naninirahan sa Amerika, sa Hilagà.
Inarì ng̃ lahát na malakí ang palagáy at ang gayón ay ipinakilala
sa mg̃a galáw ng̃ ulo. Tang̃ì si D. Custodio, ang may magandáng
loob na si D. Custodio, na dahil sa kaniyáng malayàng kalagayan at
matataás na katungkulang gináganáp, ay nag-akalàng nárarapat na
bakahin niya ang isáng panukalà na hindî sa kaniya buhat--¡iyon ay
isáng pang̃ung̃unang baít!--umubó, hinaplós ang kaniyáng misáy at sa
tulong ng̃ kaniyáng matigás na boses at warìng nasa sa isáng sadyâng
pagpupulong ng̃ Ayuntamiento, ay nagwikàng:
--Patawarin akó ni G. Simoun, na aking kagalanggalang na kaibigan,
kung sabihin kong hindî niya akó kasang-ayon; maraming salapî ang
magugugol at marahil ay sisirà tayo ng̃ mg̃a bayanan.
--Sumirà!--ang mahinahong sagót ng̃ mag-aalahás.
--¿At ang salapîng ibabayad sa mg̃a manggagawà?......
--Huwag bayaran. Sa mg̃a bilanggô at presidiario......
--Hindî makasásapát, ginoong Simoun!
--Kung hindî sásapát, ang lahát ng̃ bayan, ang mg̃a matatandâ, ang
mg̃a binatà, ang mg̃a batà, ay gumawâ, at palitán ang labing limáng
araw na sápilitáng paggawâ, ng̃ tatlo, apat ó limang buwang paggawâ
na ukol sa Pamahalàan, na may katungkulan pang ang bawà’t isá ay
magdalá ng̃ kaniyáng pagkain at kasangkapan.
Si D. Custodio ay sindák na luming̃ón upang tanawín kung sa kalapít
ay may isáng indio na nakakáding̃íg sa kanilá. Salamat na lamang at
ang nang̃aroroon ay pawàng taga bukid, at ang dalawáng timonel ay
warìng walâng pinápansín kun dî ang mg̃a likô ng̃ ilog.
--Ng̃unì’t, ginoong Simoun.....
--Manalig kayó, D. Custodio--ang matigás na patuloy ni Simoun--sa
ganiyáng paraan lamang nayayarì ang malalakíng gawâin, sa muntîng
gugol. Sa ganiyang paraan nayarì ang mg̃a Pirámide, ang lawàng Mœris
at ang Coliseo sa Roma. Boôboông lalawigan ay nanggagaling sa mg̃a
kaparang̃an na daládalá ang kaniláng mg̃a sibuyas upáng may mákain;
ang mg̃a matatandâ, mg̃a binatà at mg̃a batà ay nang̃aghahakót ng̃
bató, tinatapyás nilá at pinápasán sa pamamahalà ng̃ pamalò ng̃
nakapangyayari; at pagkatapos ay bumabalík sa kaníkaniláng bayan ang
nang̃álabí, ó nang̃amamatáy sa buhang̃inan ng̃ kalawakan. Makaraán
yaón ay dumádatíng ang ibáng lalawigan, pagkatapos ay ibá namán, sunód
sunód sa paggawâ sa loob ng̃ mg̃a taón; ang gawâin ay natatapos at
ng̃ayó’y hináhang̃àan natin, naglalakbáy tayo, napaparoon tayo sa
Egipto ó sa Roma, pinupuri natin ang mg̃a Faraon, ang mg̃a mag-aanak
na Antonina...... Maniwalà kayó D. Custodio; ang mg̃a patáy ay
naiiwang patáy at ang malakás lamang ang binibigyán ng̃ katwiran
ng̃ mg̃a kapanahunang súsunód.
--Ng̃unì’t ang mg̃a ganiyang kaparaanan, ginoong Simoun, ay
mangyayáring magíng sanhî ng̃ kaguluhan--ang sabi ni D. Custodio na
hindî mápalagay dahil sa masamâng tung̃o ng̃ salitâan.
--Kaguluhan; ha, ha! ¿Naghimagsík bagá ang bayang ehipsio minsan
man, naghimagsik ang mg̃a piít na hudio ng̃ laban sa maawâíng si
Tito? ¡Hindî ko akalàing mahinà palá kayó sa mg̃a bagay na násasabi
sa kasaysayan!
Napagkíkilala na ang Simoung yaón ay napakamapagmalakí ó walâng
pinagaralan. ¡Ipamukhâ kay D. Custodio na hindî nakababatíd ng̃
kasaysayan, ay isáng bagay na makagagalit sa káhit kanino! At gayón
ng̃â ang nangyari, nakalimot si D. Custodio sa dating hilig at
sumagót ng̃:
--Ang bagay, ay sa dahiláng hindî ehipsio ni hudio ang inyóng mg̃a
kakaharapín!
--At ang bayang itó’y hindî miminsang naghimagsík na--ang dugtóng na
may muntîng takot ng̃ dominiko--noong kapanahunang pinahihila ng̃
malalakíng kahoy upáng gawíng mg̃a daóng, kung hindî dahil sa mg̃a
parì......
--Ang kapanahunang iyón ay malayò na;--ang sagót ni Simoun na ang
tawa’y lalò pa mandíng matigás kay sa karaniwan--ang mg̃a pulông itó’y
hindî mulîng maghihimagsík ng̃ dahil sa mg̃a gawâin at buwis......
¿Hindî bagá pinupuri ninyó P. Salvi--ang dugtóng, na, ang hinaráp
ay ang payát na pransiskano--ang bahay at pagamutan sa Los Baños na
kinaroroonan ng̃ General?
Iginaláw ni P. Salvi ang ulo at tuming̃íng may pagkakamanghâ sa
tanóng.
--¿Hindî bagá sinabi ninyó sa aking ang dalawáng bahay na iyon ay
naitayô sa tulong ng̃ pagpilit sa mg̃a bayan na gumawâ doon, sa ilalim
ng̃ kapangyarihan ng̃ isáng uldóg? Marahil, ang Puente del Capricho,
ay nayarì din sa gayóng kaparaanan. At sabihin ninyó ¿naghimagsík
bagá ang mg̃a bayang itó?
--Ng̃unì’t.... naghimagsík na noong araw--ang sabi ng̃ dominiko--at
_ab actu ad posse valet illatio_.
--Walâ, walâ, walâ!--ang patuloy ni Simoun na humandâng dumaán sa
_escotilla_ upáng pumanaog sa kámara--ang nasabi ay nasabi na. At
kayó P. Sibyla ay huwag bumanggit ng̃ mg̃a wikàng latín at ng̃ mg̃a
katunggakán. ¿Sa anó’t náririto kayóng mg̃a prayle kung maaarìng
maghimagsík ang mg̃a bayan?
Si Simoun ay pumanaog sa muntîng hagdanan, na hindî pinansín ang
mg̃a tutol at sagót, at inuulit ulit ang salitâng: _Vaya, vaya!_
Si P. Sibyla ay namutlâ; noon lamang siya, Vice-Rector sa Universidad,
napagsabihang may katunggakán; si D. Custodio ay kulay berde; sa
alín mang pulong na kanyáng kinároonan ay hindî nakatagpô ng̃ isáng
katunggalîng kagaya niyon. Ang gayón ay nápakalabis.
--Isáng mulato amerikano!--ang pabulalás na ung̃ol.
--Indio-inglés!--ang marahang sabi ni Ben-Zayb.
--Sinasabi ko sa inyóng amerikano, ¿hindî ko malalaman?--ang tugóng
nayayamót ni D. Custodio--sinabi sa akin ng̃ General; iyá’y isáng
mag-aalahás na nákilala niya sa Habana at ayon sa hinalà ko’y siyang
nagbigáy sa kaniya ng̃ katungkulan, sapagkâ’t pinautang siya ng̃
salapî. Kayâ ng̃â, upang mabayaran, ay pinaparito at ng̃ gawín ang
balà na, dagdagán ang kaniyáng kayamanan sa pagbibilí ng̃ mg̃a
brillanteng.... hindî totoo, ¡anó ang malay natin! At napakawalâng
ling̃ap, na, matapos kunan ng̃ salapî ang mg̃a indio ay ibíg
pang..! ¡Pf!
At tinapos ang salitâ sa isáng makahulugáng kilos ng̃ kamáy.
Walâng makapang̃ahás na makisali sa gayóng mg̃a pag-alimura; si
D. Custodio ay mangyayaring makipagsirâ sa Capitán General kung ibig
niya, ng̃unì’t ni si Ben-Zayb, ni si P. Irene, ni si P. Salvi, ni ang
hinalay na si P. Sibyla ay walâng katiwalà sa paglilihim ng̃ ibá.
--Ang taong iyan, sapagkâ’t amerikano, ay nag-aakalàng ang kákaharapín
natin ay ang mg̃a “pieles rojas”.... ¡Magsalitâ ng̃ mg̃a bagay na iyan
sa loób ng̃ isáng bapor! Ipag-utos, pilitin ang tao!.... At iyan ang
nag-udyók ng̃ pagsalakay sa Carolinas, ng̃ pagdigmâ sa Mindanaw na
pupulubi ng̃ kalaitlait sa atin.... At siya ang humandóg na mamagitná
sa paggawâ ng̃ “crucero”, ng̃unì’t ang tanóng ko namán: ¿anó ang
muwang ng̃ isáng mag-aalahás, kahit na napakayaman at napakabihasa,
sa pagpapagawâ ng̃ mg̃a daóng?
Ang lahát ng̃ itó’y sinasabing pinalalaki ang boses ni D. Custodio,
kay Ben-Zayb, na sabáy ang kumpáy, higít ng̃ balikat, maminsanminsang
tumátanóng sa ting̃ín sa ibáng iginagaláw namán ang ulo nang walâng
ibig turan. Ang kanónigóng si P. Irene ay napapang̃itîng walâng ibig
sabihin, na tinátakpán ng̃ kamáy sa tulong ng̃ paghaplós sa kaniyáng
ilóng.
--Sinasabi ko sa inyó, Ben-Zayb--ang patuloy ni D. Custodio na ináalóg
ang bisig ng̃ mánunulat--ang lahát ng̃ kasamâáng nangyayari ay sanhî
ng̃ hindî pagtatatanóng sa mg̃a taong may malaong paninirahan dito.
Isáng panukalàng may malalakíng salitâ at malakíng gugol, isáng
gugulíng malakíng halagá ay nakabubulag at tinátanggáp agád....
dahil dito!