Chapter 3 Her Loss

4395 Words
Pagdating ko sa bahay ay ang umiiyak na lola ko ang aking inabutan. Ngunit ang mas nagpakaba sa akin ay naroroon sina tito at tita. Nang mapadako ang mga mata nila sa akin ay kitang-kita ko ang pagkadismaya at galit. “Addie? Totoo ba, apo? Totoo ba?” tanong agad sa akin ni lola. Napanganga naman ako dahil wala akong ideya sa pinagsasasabi niya. “Ang alin po, lola?” kinakabahang tanong ko. “Sinabi sa amin ng Ate Ethel mo na sumama ka raw sa isang lalaki sa hotel. Ganiyan ka ba namin pinalaki, ha, Addie? Alam mo ba kung gaanong nag-iiyak sa pag-aalala si Mama sa iyo? Ang paalam mo, may gagawin kang project kasama si Letty, pero kalandian lang pala ang aatupagin mo?” singhal sa akin ni tito kaya nabigla ako. Mabilis akong umiling pero hindi ko maihakbang ang mga paa ko. Gustong-gusto kong lapitan si lola at magpaliwanag pero natatakot ako sa tinging ipinupukol nina tito at tita sa akin. “Tito, hindi po totoo iyon. Hindi po gano’n,” natatarantang paliwanag ko. Pero naluha na ako nang mapamura si tito. “At gagawin mo pa kaming tanga, Addie? Halos gumapang na si Mama para makapag-aral ka. Itinataguyod ka pero inuuna mo pa ang paglalandi?” bulyaw niya sa akin. Lalo na akong hindi nakapagsalita sa matinding takot sa kaniya kaya naiyak na lamang ako. “Iwan ni’yo na kami. Ako na lang ang kakausap kay Addie,” sabad naman ni lola. Nabaling naman ang atensiyon nina tito at tita sa kaniya. “Ma, huwag mong sabihing kukunsintihin mo na naman ang batang iyan? Aba, puro sakit na lang yata ng ulo ang hatid niyan sa atin, ah!” galit pa ring pahayag naman ni tito. Lalo lang akong naiyak huling tinuran nito. Pakiramdam ko, kahit magpaliwanag pa ako ay hindi rin naman siya maniniwala. “Ako na nga ang bahala! Sige na, umalis na kayo at kakausapin ko siya,” pinal na saad ni lola. Lalong tumalim ang tingin ni tito sa akin at halos banggain na nila ako nang mabilis silang lumakad palabas ng bahay. Pagkaalis na pagkaalis nila ay bumigay na ang tuhod ko at bumagsak ako sa sahig na umiiyak. “Lola, sorry po. Sorry po talaga,” umiiyak kong sambit. Sobarng sakit ng dibdib ko at hiyang-hiya ako sa sarili ko. hinid ko alam kung paano akong nauwi sa ganoong kalagayan. Sino ang lalaking iyon? Bakit hindi ko maalala ang nagdaang gabi? “Sabihin mo sa akin ang lahat, apo. Sabihin mo sa akin ang totoo. Kilala kita kaya alam kong hindi kita pinalaking pariwara,” narinig kong tanong ni lola. Lalo lamang akong naiyak dahil mas lalo pang sumakit ang dibdib ko. “Lola, hindi ko po talaga alam kung ano’ng nangyari. Hindi ko alam kung paano. Nagising na lang po ako na may kasamang lalaki doon sa hotel tapos masakit po ang buong katawan ko,” pagtatapat ko sa kaniya. Lalo akong napahagulgol sa matinding sama ng loob. Malakas namang suminghap si lola at napaangat ang tingin ko sa kaniya. “Nagahasa ka ba, apo? Aba! Sino ang lalaking iyon at irereklamo natin!” agad niyang saad. Umiling ako. “Hindi ko po siya kilala, lola. Takot na takot po ako kanina kaya umalis po agad ako ng hotel,” tugon ko. Ngunit nanlaki ang mga mata ko nang biglang umawang ang mga labi ni lola at maging ang mga mata niya ay tila nag-iba ang hitsura. Nasapo niya ang dibdib at tila hindi makahinga. Hindi agad ako nakagalaw dahil sa matinding pagkabigla. Ngunit nang iangat niya ang isang kamay na tila inaabot ako ay para akong binuhusan ng malamig na tubig at biglang nagising sa reyalidad. “Lola? Lola, bakit po? Ano pong nangyayari sa inyo?” natatarantang tanong ko. Ngunit hindi siya nagsalita at parang lalong naghahabol ng hininga. Nanigas ang buong katawan niya at maging ang mukha niya ay ganoon din. “Lola?” tawag ko ulit sa kaniya. Ngunit alam ko na ang ibig sabihin nito. She’s either having a heart attack or a stroke. “Tito Armand, Tita Ramona, tulong po!” Nanginginig na ang buong katawan ko habang sumisigaw ng tulong. Pilit kong binubuhat si lola ngunit hindi ko kaya. “Tulong po! Tito, tita!” muli ay mas malakas na tawag ko sa kanila. Buong lakas kong binubuhat si lola dahil nawawalan na ng kulay ang mukha niya kaya lalo akong kinakabahan. Ngumiwi na rin ang mukha niya at tila namimilipit ang mga naninigas niyang mga kamay. “Ano’ng nangyari?” napaangat ang tingin ko sa humahangos na si Tito Armand at kasunod lang din niya sina Tita Ramona at Ate Ethel. “Tito, si lola po inaatake!” sabi ko agad. Mabilis naman siyang lumapit sa amin at binuhat si lola. “Ethel, sabihin mo sa kuya mo, ihanda ang sasakyan madali ka! Bilis!” utos ni tito kay Ate Ethel. Tiningnan pa ako nito ng masama bago tinalima ang sinabi ng Papa niya. “Kasalanan mong lahat ito, Addie. Kapag may nangyaring masama sa mama ko, pagbabayaran mo ito!” galit na banta sa akin ni tita. Napalunok ako at nanlamig ang buong katawan ko. Ngunit ang mga luha ko ay patuloy lang sa pagdaloy. Ni hindi ako makaiyak ng may tunog dahil sa masidhing takot na nararamdaman ko. Labis-labis ang pag-aalala ko para kay lola. Dinala nila si lola sa ospital ngunit hindi nila ako pinayagang makisakay sa sasakyan nila kaya nag-tricycle na lang ako patungo roon. Hindi ko rin napansin na kanina pa nagri-ring ang cellphone ko at tumatawag si Letty. Hindi tumitigil ang panginginig ko hanggang marating ko ang ospital. Ngunit pagdating ko roon ay nag-iiyakan na sila. Nang mapadako naman ang tingin ko sa doktor at mga nars na nag-aasikaso kay lola sa ER ay kasalukuyan nila itong nire-revive gamit ang defibrillator machine. Napatakip ang mga kamay ko sa bibig ko at mas masaganang luha pa ang bumalong mula sa mga mata ko. “Walang’ya ka! Kasalanan mo itong lahat!” Nagulat ako nang bigla akong sugurin at pagsasampalin ni Ate Ethel at hindi pa nakuntento ay sinabunutan pa ako. Dahil nabigla ako ay hindi agad ako nakalaban sa kaniya. “Ano ba, ate, bitiwan mo ako!” pilit kong inaalis ang kamay niyang mahigpit na nakahawak sa buhok ko. Ramdam ko rin ang hapdi sa anit ko. “Dahil sa kalandian mo kaya nandito at nag-aagaw-buhay si lola! Napakalandi mo kasi!” sigaw pa niya at lalong humigpit ang pagkakasabunot sa buhok ko. Dahil ayaw niya akong bitiwan at sobra na akong nasasaktan ay sinipa ko ang binti niya. Pasigaw na dumaing si Ate Ethel kaya nabitiwan niya ako. “Ma’am huwag po kayong manggulo dito. Nakaaabala po kayo sa ibang pasiyente,” saway na sa amin ng lumapit na guwardiya. “Iyang babaeng iyan ang palayasin ni’yo rito dahil siya ang nanggugulo!” singhal naman ni Ate Ethel. “Eh, Ma’am, kayo ho ang nanugod, eh. Kapag hindi pa kayo tumigil kayo ho ang palalabasin ko,” katuwiran naman noong guwardiya. Natulala si Ate Ethel at nanlilisik ang mga matang tumingin sa akin. “Ethel, bumalik ka na rito!” inis namang utos ni Tito Armand. Ngunit naging mas masaklap ang mga sumunod na minuto nang ideklara na ng doktor na patay na si lola. Parang bumagsak ang buong mundo sa akin at halos maglumuhod na ako sa harap ng doktor para ulitin niya ang pag-revive kay lola. Ngunit wala na raw talaga silang magagawa. Hinimatay pa si Tita Ramona dahil doon kaya maging siya ay dinala muna sa isang silid upang maasikaso. Pinalayas nila ako sa ospital at inutusang ayusin ang sala kung saan ibuburol si lola. Labag man sa kalooban ko ang iwan si lola ay wala rin akong magawa. Matinding pagdadalamhati ang nararamdaman ko habang nakasakay sa tricycle pauwi. Para akong nakalutang sa kawalan habang walang tigil na umiiyak. Eksaktong naiayos ko na ang pupuwestuhan ng kabaong ni lola kung sakaling dumating na ito noong biglang dumating si Lester. “Addie? Narinig ko ang nangyari, okay ka lang ba?” malungkot niyang tanong. Bakas din ang pag-aalala sa boses niya ngunit matinding galit at sama ng loob ang biglang pumuno sa dibdib ko. “Kasalanan ni’yo ito! Kung hindi kayo nagtaksil ni Ate Ethel, hindi ako pupunta sa hotel na iyon. Hindi sasama ang loob ni lola at hindi siya aatakehin! Kasalanan ni’yo ang lahat ng ito!” sumbat ko sa kaniya. Doon ay hindi ko na napigilan ang pumalahaw ng iyak. Tila ba paulit-ulit na dinudurog ang puso ko at hindi ko mapigilang sisihin ang aking sarili sa nangyari kay lola. Sana pala hindi na lang ako lumabas kagabi. Sana ay hindi na lang ako sumugod sa hotel na iyon. Sana… “Ano’ng pinagsasasabi mo? Hindi ko kasama sa hotel si Ethel kagabi dahil nandoon kami sa bahay nina Tito Caloy sa kabilang barangay. Birthday ng pinsan ko. Kaninang umaga lang kami dumating sa bahay at doon ko nalaman ang nangyari sa lola mo,” mabilis naman niyang paliwanag. Hindi maikakaila ang gulat sa mukha niya. Natigilan ako sa pag-iyak at nanlilisik ang mga matang tumingin sa kaniya. “Sinungaling! Kitang-kita ko ang video na ipinakita sa akin ng kaibigan ko. Ikaw ang kasama ni Ate Ethel sa hotel na iyon kaya nagpunta ako para tuluyan nang tapusin ang lahat sa atin at huwag na huwag mo na akong guguluhin kahit kailan!” asik ko naman sa kaniya. Ngunit lalong bumalatay ang kalituhan sa kaniyang mukha. “Hindi nga kami magkasama ni Ethel! Lintek naman, AZ. Hindi ako nagsisinungaling! Kahit pumunta ka pa sa bahay at tanungin mo ang mga parents ko. Wala nga kami kahapon sa bahay,” galit na niyang giit. Mariin akong napapikit. “Whatever! Hindi na rin naman maibabalik ang buhay ni lola,” pabalewalang tugon ko at tinalikuran na siya. Ngunit mabilis niyang nahawakan ang braso ko kaya napapiksi ako. “Bitiwan mo ako!” angil ko agad sa kaniya. “Addie, please. Mag-usap tayo. Inaamin ko naman ang pagkakamali ko. lasing ako no’n at nadala ako sa pang-aakit ng pinsan mo. Pero hindi na iyon mauulit, pangako! Please, AZ, mahal na mahal kita!” pagmamakaawa niya. Ngunit umiling ako. Wala akong ibang nararamdaman ngayon kung hindi pait sa biglaang pagkawala ni lola. “Umalis ka na muna, Lester. Please lang. Gusto ko munang mapag-isa,” pakiusap ko. Bumagsak na naman ang mga namuong luha ko. Lumungkot ang mukha niya at pabuntong-hininga akong binitiwan. Ibinuka niya ang bibig para magsalita ngunit tinalikuran ko na siya at lumakad papunta sa kuwarto ko. Padapa akong umiyak nang umiyak sa kama ko habang paulit-ulit na tinatawag si lola. Ang sakit-sakit. Sobrang sakit na parang gusto ko na lang ding mamatay. Una, nawala ang puri ko sa hindi kilalang lalaki. Ngayon naman ay nawala na rin sa akin ang kaisa-isang taong tunay na nagmamalasakit at nagmamahal sa akin. Lahat na lang ng taong nagmamahal sa akin ay iniiwan ako. Wala nang natira kahit isa. Magdidilim na nang dumating si lola na nasa loob na ng isang kulay puting kabaong. Habang inaayos ng mga tauhan ng punerarya ang lahat ay hindi rin tumitigil ang pagluha ko. Halos maghapon na akong umiiyak ngunit hindi na yata nauubos ang mga luha ko. Hindi pa rin ako kumakain buong maghapon dahil nga wala akong gana. “AZ, nandito lang ako, okay?” bulong sa akin ni Lester nang lumapit siya sa tabi ko. Nahuli ko naman ang masamang tinging ipinupukol sa amin ni Ate Ethel. Ngunit hindi ko siya nilingon at hindi rin ako sumagot. Nanatili ang tahimik kong pag-iyak hanggang sa maiayos na ang puwesto ng kabaong ni lola, maging ang mga bulaklak at dalawang kandilang nakalagay sa stand. “Addie, magluto ka ng makakain at kanina pa kami nagugutom,” maawtoridad na utos ni Tita Ramona. Papalapit pa lang sana ako para silipin si lola. “Tita, titingnan ko lang po si lola,” mahinang pakiusap ko. Ngunit naningkit ang mga mata nito at tumalim lalo ang tingin sa akin. “Gawin mo ang ipinag-uutos ko! Bakit, mabubuhay ba ang Mama ko kung sisilipin mo siya? Pasalamat ka may mga ibang tao rito. Kung hindi, tatamaan ka talaga sa akin!” asik nito agad. Napalunok naman ako. Napilitan na lamang akong tumango at sundin ang ipinagagawa niya. “Teka ho, huwag ni’yo naman pong ipahiya rito si AZ. Kanina pa nga po siya umiiyak,” pakikisabad naman ni Lester. Nagulat pa ako sa ginawa niya kaya lalo akong natakot na mas magalit si tita. “Huwag kang makialam dito. Saka balita ko, hiwalay na kayo, ‘di ba? Bakit nandito ka pa? Gusto mo rin bang matikman itong haliparot na pamangkin ko?” pang-iinsulto ni tita sa akin. Tumalim ang tingin ni Lester kaya humarang agad ako sa pagitan nila. “Tita, magluluto na po ako,” kimi kong saad. Nabaling sa akin ang atensiyon niya at isang ‘hmp’ lang ang pinakawalan niya bago ako padabog na tinalikuran. Narinig ko pa ang ilang pabulong-bulong na insulto niya sa akin habang lumalakad palabas ng bahay. “Tutulungan na kita,” pabulong na sabi naman ni Lester. “Lester, samahan mo naman akong bumili ng mga ibang kakailanganin dito, please,” biglang singit ni Ate Ethel. “Bakit naman kita sasamahan? Kaano-ano ba kita? Mas kailangan ako ng girlfriend ko rito,” binigyang-diin niya ang salitang ‘girlfriend’ kaya namula agad sa pagkapahiya si ate. Ngunit hindi ko na sila pinansin pa at tumuloy na lang ako sa kusina. Natigilan ako nang makitang sumunod nga sa akin si Lester. “Lester, kaya ko na ito. Doon ka na lang sa labas dahil baka mapagalitan na naman ako ng tita ko kapag makita ka niya rito,” taboy ko sa kaniya. “AZ, please. Gusto lang kitang tulungan,” pilit niya. Napapikit ako at nagbuga ng hangin. Sa huli ay wala akong lakas na makipagtalo sa kaniya kaya pinagbigyan ko na lang ang gusto niya. Inihanda namin ang hapunan para sa lahat. Ngunit pagkatapos nilang kumain ay wala man lang silang itinira para sa akin. Nag-uumpisa na ring magsidatingan ang ilang mga kapitbahay na nagpapaabot ng kanilang pakikiramay. Isang linggong ibinurol si lola dito sa bahay at halos bumigay na ang katawan ko sa dami ng trabahong iniatang sa akin nina Tita Ramona. Madalas din ay wala akong tulog. Tanging pagbabanyo at paliligo lang halos ang aking pahinga. Ngunit gayunpaman ay hindi ako nagreklamo dahil pakiramdam ko, kasalanan ko ang lahat. Pagkatapos ng libing ay sinabihan ako ni tita na kailangan naming mag-usap. Kaya naririto kami ngayon sa sala habang ako ay kinakabahan sa galit na nakikita ko sa kanilang mga mukha. “Hindi ko na matatagalang makita pa ang pagmumukha mo rito, Addie,” panimula ni tita kaya nagimbal agad ako. “Ano pong ibig ni’yong sabihin?” kinakabahang tanong ko. “Simple lang. Lumayas ka na sa bahay ni Mama at bahala ka na sa buhay mo! Sa tuwing nakikita kita ay naalala ko lang kung bakit nawala ang Mama ko. Hindi ko kailangan ng malanding pamangkin dito!” singhal niya sa akin. Napatda ako at agad dumaloy ang mga luha ko. “Pero, tita, saan po ako titira? Saka bahay naman po ito ng mga magulang ko kaya may karapatan din po akong manatili rito!” katuwiran ko. Mabilis na tumayo si tita at sinampal ako ng malakas. “Wala kang pag-aari rito. Napakaraming utang na naiwan dahil sa pagpapa-ospital ni lola hanggang sa maiburol at mailibing siya. Kulang pa ang bahay na ito na pambayad kung sakali man. Isa pa, kay Mama nakapangalan ang bahay at lupa na ito kaya bilang ako ang natitirang buhay na anak, ako lang ang puwedeng magmana nito!” Lalong nanikip ang dibdib ko sa mga sinabi ni tita. Literal na gumuho na ang mundo ko noong mawala si lola ngunit may iguguho pa pala. Ang bahay na ipinundar ng mga magulang ko ay mawawala rin sa akin? “Tita, please. Paalisin ni’yo na lang po ako kapag nakatapos na ako ng pag-aaral. Please po,” humahagulgol kong pakiusap. “Hindi! Lumayas ka na ngayon din! Wala na akong pakialam sa iyo! Wala kang ibang sisisihin sa mga nangyari sa iyo kung hindi ang sarili mo. Kung hindi mo inuna ang paglalandi, hindi aatakehin sa puso ang Mama ko at malamang ay naririto pa rin siya hanggang ngayon. Kasalanan mo ang lahat!” pumiyok na ang boses niya at maging siya ay naiyak na rin sa matinding galit. Noong araw ding iyon ay para akong isang hayop na ipinagtabuyan ng kapatid ni Papa. Bitbit ko ang mga gamit ko at nakituloy muna ako kina Letty. Gusto kong tawagan si Lester pero nagbago ang isip ko. Kahit sinamahan niya ako sa buong panahon ng pagdadalamhati ko kay lola, hindi ko pa rin maramdaman sa sarili ko na gusto kong makipagbalikan sa kaniya. “Ano na ang plano mo ngayon?” malungkot na tanong ni Letty. Pinahid ko ang mga luha sa mukha ko. “Susubukan kong kontakin ang Tita Lilibeth ko. Iyon iyong bunsong kapatid ni Mama. Gusto niya akong kunin noong mamatay si Mama pero hindi lang kasi pumayag si lola. Susubukan ko kung gusto pa rin niya akong kunin ngayon. Kahit maging katulong na niya ako, ayos lang,” sagot ko. Bumuntong-hininga naman siya. “Puwede ka naman dito sa amin, eh. Kaya lang baka hindi ka maging kumportable. Lalo at maliit lang itong bahay namin.” Malungkot naman akong ngumiti sa kaniya. Hinawakan ko ang dalawang kamay niya. “Huwag mo nang alalahanin iyon. Iyong pagpapatuloy ni’yo sa akin ngayon ay malaking tulong na. Makakabawi rin ako sa kagandanghang loob ni’yo sa akin,” sambit ko naman. Nagyakap kaming magkaibigan. Pagkatapos ay sinubukan kong i-chat ang tita ko. Taga-Cavite ito at paminsan-minsan ay nangungumusta rin sa akin. Me: Hello, Tita Beth, puwede po ba kayong tawagan at makausap? Pinindot ko ang send. Pinag-isipan ko itong mabuti. Kailangan kong tapangan ang hiya ko dahil desperada na ako. Halos lumundag ang puso ko nang mag-seen na siya. Maya-maya ay kita na ang pagta-type niya ng reply. Lilibeth Adler: Oo naman. Dito ka na ba tatawag? O ibigay mo na lang ang numero mo sa akin at ako ang tatawag sa iyo. Napangiti ako at nag-type na ng ire-reply ko. Me: Sa number ko na lang po, tita. Tumawag na siya agad pagkabigay ko ng numero ko sa kaniya. “Hello, Addie? Kumusta ka na, hija?” tanong nito agad nang mag-connect ang tawag. Hindi naman agad ako nakasagot at bigla na lang nag-iiyak. “Tita, kunin mo na po ako riyan sa iyo. Pinalayas na po ako ni Tita Ramona sa bahay ni lola,” pagsusumamo ko agad. Sabi ko, makikipag-usap lang ako. Peo hindi ko akalaing maiiyak na naman ako ng ganito. “What? Bahay nina Kuya Paco iyan, ‘di ba? Bakit ka nila paalisin sa sariling bahay ni’yo?” gulat na tanong nito. “Kay lola daw po nakapangalan iyon kaya siya raw po ang mas may karapatan,” patuloy lang akong umiiyak nang sumagot. “Napakasakim talaga ng tiyahin mong iyan. Aba, lumuwas ka na rito at dito ka na lang sa akin. Alam mo namang noon pa man ay gusto na kita kunin, hindi ba? Namatay lang ang lola mo, lumabas agad ang pagkasugapa ng tiyahin mong iyan. Akala mo, ibang tao ka sa kanila!” komento at utos niya agad sa akin. Nabuhayan ako ng loob sa sinabi niya. “Tita, hindi po ba nakakahiya sa inyo?” tanong ko pa. Kahit masaya ako na gusto niya akong kupkupin ay nahihiya pa rin ako. “Naku, huwag mong isipin iyon. Teka, may pera ka bang pamasahe papunta rito?” tanong naman niya agad. Sumakit na naman ang dibdib ko. “Wala nga po, tita. Kasi lahat po ng pera na naipon ko, nagamit na pandagdag sa pagpapalibing kay lola,” nahihiyang pag-amin ko. Narinig kong nagbuga siya ng hangin. “Kawawa ka naman sa ginawa nila sa iyo riyan. Sige, ayusin mo ang mga papeles mo sa school at padadalhan kita ng perang pamasahe mo papunta rito,” aniya. Naiyak lang akong lalo sa kabaitan ni Tita Beth. “Tutuloy pa rin po ba ako sa pag-aaral, tita?” basag ang boses na tanong ko. Akala ko kasi hindi na ako makapagpapatuloy pa dahil wala naman na si lola na magpa-aaral sa akin. “Oo naman! Pag-aaralin kita. Kaya pumunta ka na rito,” tugon niya. Abot-abot langit ang pasasalamat ko kay tita dahil sa sinabi niya. Nang araw ding iyon ay inayos ko ang mga kailangan kong dokumento sa paglipat ng school. Bago ako umalis ay nag-iyakan talaga kami ni Letty. Pero nangako naman ako sa kaniyang lagi pa rin kaming magcha-chat at magtatawagan. Saka dadalaw din naman ako sa kaniya kung sakaling makaluwag-luwag sa panahon at budget. Plano ko ring magtrabaho roon habang nag-aaral. Hindi ko iaasa ang lahat kay tita. Paalis na ang bus nang dumating ang humahangos na si Lester. “AZ, aalis ka? Saan ka pupunta?” malungkot na agarang tanong nito. Kumirot ang puso ko dahil sa kinahantungan ng relasyon naming dalawa. Ngunit gano’n talaga siguro. Parang iyong isang kantang narinig ko, pinagtagpo pero hindi itinadhana. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa akin, napatunayan ko talagang hindi ko pala kayang patawarin ang pagtataksil. Lalong-lalo na at nakita ko pa iyon mismo. “Goodbye, Lester. No pa rin ang sagot ko. Hindi ko na kayang makipagbalikan pa sa iyo, pagkatapos ng nakita ko. Hangad ko pa ring makahanap ka ng babaeng nararapat para sa iyo. At sana nga ay huwag mo nang ulitin sa kaniya ang ginawa mo sa akin. Kasi hindi mo alam kung gaano iyon kasakit para sa aming mga babae,” malamig kong pahayag. Sumasakit pa rin ang puso ko, pero talaga sigurong hanggang dito na lang kami. “AZ, please. Hihintayin kita. Magtatapos muna tayo, pero hindi ako magmamahal ng iba, ikaw lang. Mangako ka sa akin, AZ. Kaya naman kitang hintayin, eh!” pagsusumamo pa niya, pero agad din akong umiling. “Hindi mo na ako kailangang hintayin. Nagdesisyon na akong tapusin ang kabanata ng buhay ko na kasama ka. Kaya sana ay tanggapin mo na lamang iyon. Paalam,” matigas kong sagot at sumakay na ng bus. Tinatawag pa niya ang pangalan ko ngunit sumara na ang bus at nag-umpisa nang umarangkada paalis. Doon ko lang din napansin ang mga naiinis na tingin ng ibang pasahero dahil ako na lang pala ang hinihintay para lumarga na ang sinasakyan namin. Kitang-kita ko ang paghabol ni Lester sa sinasakyan kong bus, ngunit ipinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaang bumuhos ang mga luha ko. Iiwan ko ang lugar na ito na dala ang bigat ng dibdib ko dahil sa mga masasalimuot na kaganapan sa buhay ko. Third Person POV One Week ago… “Sigurado ka ba rito, Ethel? Paano kung mapahamak si AZ?” kinakabahang tanong ni Gino. Siya ang kinasabwat ni Ethel para dalhin si AZ sa hotel at masira ito sa mga mata ni Lester. Galit na galit siya dahil kahit ibinigay na niya ang lahat sa lalaking iyon ay ang pinsan pa rin niya ang mahal nito. Tuwang-tuwa na nga siya noong mahuli sila ni Addie na nagse-s*x sa kuwarto niya. Kitang-kita niya ang matinding sakit at galit sa mga mata ng pinsan. Akala niya ay mapapasakaniya na si Lester pagkatapos nang pakikipaghiwalay ni Addie, pero mali siya. Dahil sa huli ay parang baliw itong nanunuyo sa pinsan niya kahit hindi na siya pinapansin nito. Ano ba’ng meron ang babaeng iyon na wala sa kaniya? “Sure na sure na ako dito. Basta ilagay mo ang gamot sa inumin niya pagkatapos mong maipakita ang video. Siguradong magwawala iyan at susugod sa hotel. Mag-iinit din ang katawan niya at magiging wild sa kama. Tingnan ko lang kung hindi siya pandirihan ni Lester. Tapos ako na ang bahala kapag. Gawin mo ang gusto ko kung ayaw mong ibuking ko ang sekreto mo,” pananakot pa ni Ethel kay Gino. Si Gino ang magnanakaw sa campus. Nahuli niya ito minsang puntahan niya ang building ng pinsan. Sa takot na huwag siyang mabuking ay nangako itong gagawin ang lahat ng gusto ni Ethel. “Sige, gagawin ko. Basta please lang, siguraduhin mong walang masamang mangyayari kay AZ, ha? Mabait pa naman iyon,” pakisuyo pa niya kaya inirapan siya ni Ethel. “Oo nga! Ang kulit mo naman, eh!” singhal na niya rito. Humanap siya ng medyo kahawig ni Lester ang buhok at katawan. Patagilid ang ipinakita sa video kaya napangiti siya dahil parang si Lester nga talaga ang kasama niya sa video. Ngunit noong nasa hotel na ang pinsan niya ay nagulat siya ng sumama ito sa ibang lalaki. Ngunit gayunpaman ay tagumpay pa rin ang plano niya. Wala na siyang pakialam kung ano ang gagawin sa kaniya ng lalaking iyon. “Ano? Bakit ngayon mo lang sinabi?” gulat na tanong agad ni Ethel sa lola nang magsumbong ito kinaumagahan. Sinadya niyang ngayong umaga magsumbong lalo at hindi pa nakakauwi si Addie. “Ngayong umaga ko lang din po nalaman. Sinabi lang sa akin no’ng isang kaibigan kong nagtatrabaho doon sa hotel. Nakilala niya si Addie kaya nag-chat agad sa akin. Tapos sinabi ko naman po agad sa inyo?” pagsisinungaling pa ni Ethel. Namutla ang matanda at halatang nabigla talaga siya sa isinumbong ni Ethel. “Ano’ng nangyayari rito? Bakit ganiyan ang hitsura ni Mama?” tanong naman ni Ramona. “Si Addie, nakita no’ng kaibigan ko sa hotel may kasama raw na lalaki,” sumbong naman agad ni Ethel. Agad namang nagpuyos sa galit ang mga magulang niya kaya talagang pinagalitan at pinagsalitaan nila ng masasama at masasakit si Addie nang makauwi na ito. Ngunit ang hindi niya inasahan ay ang nangyari sa lola niya. Ngunit imbes na magsisi sa ginawa ay ibinuhos pa ni Ethel ang lahat ng sisi sa pinsan. Maging si Lester ay galit na galit sa kaniya dahil sa video na sinasabi ni Addie pero hanggang sa huli ay itinanggi niyang may kinalaman siya roon. Nabura na rin ang video na iyon at wala na silang mahahanap pa. Kahit sa hotel ay sira ang CCTV kaya walang anumang ebidensya ang nakuha nila para idiin siya. Si Gino naman ay nanahimik lang din.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD