"HAVE a seat." Walang kangiti-ngiting itinuro ni Melanie ang silya sa harapan ng kanyang lamesa.
Nang umagang iyon ay ipinatawag niya sa kanyang sekretarya si Odeza. Sinamantala niya ang pagkakataon na wala ang kanyang asawa at nasa business meeting kasama ang sina Meynard at Justin.
Atubili man pero agad din namang tumalima at umupo.
Katakot-takot na pagpipigil sa sarili ang ginawa niya habang nasa mismong harapan na niya ang babaeng kinababaliwan ng kanyang asawa.
"I heard that you're pregnant."
Halatang nagulat ito sa kanyang sinabi. Animo tinakasan ng kulay ang mukha at hindi magawang tumingin ng tuwid sa kanyang mga mata.
"Y-Yes, Mam." Mahinang tugon nito.
Lihim na nagtangis ang kanyang mga bagang sa narinig na sagot nito.
"Sino at nasaan ang ama?" Diretsahang tanong niya.
"Mam?" Tila lalo itong nagulantang.
"Stop calling me that way, Odeza. Tayong dalawa lamang ang nandito sa loob ng opisina ko at kung gusto kitang ipahiya, sa labas kita kokomprontahin." Gigil niyang tugon. At kung nakamamatay lamang ang mga tingin, kanina pa ito humamdusay sa kanyang kaharapan.
Ilang segundo itong hindi nakakibo pagkatapos ay tumikhim na animo inaalis ang nakabara sa lalamunan.
"A-Ano ang nais mong tumbukin, Melanie?"
Napangisi siya.
"Ang gusto ko ay aminin mo sa akin kung sino ang ama ng batang dinadala mo, Odeza." Mahinahon pero naroon ang diin at pag-uutos.
"What the hell are you talking about, Melanie?"
Hindi na siya nakapagpigil. Galit na tumayo siya mula sa pagkakaupo at kinuha sa drawer ang mga litratong ibinigay sa kanya ng private investigator. At pagkatapos ay ibinalibag niya sa harapan nito.
"Ayan! Ayan ang gusto kong malaman at marinig mismo sa mga bibig mo, Odeza!" Galit na bulyaw niya sa kaharap na nanatiling nakaupo. "Stop playing games with me. Dahil alam ko na ang buong katotohanan."
Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata nito nang sumambulat sa harapan nito ang mga larawang kasama nito ang kanyang asawa.
"Now, tell me. Si Edward ba ang ama ng batang nasa sinapupunan mo?"
Dahan-dahan itong tumayo mula sa pagkakaupo at saka humarap sa kanya.
"Kapag sinabi ko ba na oo ay hahayaan mo na lamang sa akin si Edward?"
Mabilis na umangat ang kanyang kamay at dumapo ang palad niya sa makinis nitong mukha. Sa lakas ng pagkakasampal niya ay halos bumiling ang mukha nito.
Hindi nito inasahan ang kanyang gagawin kaya hindi ito nakaiwas.
"Ang kapal ng mukha mo!" Mariin niyang dinuro ang mukha nito. "Hindi ka pa nasiyahan na nilandi mo ang asawa ko, pumasok ka pa dito sa kompanya ng pamilya namin! Inakala mo ba na habang-buhay ninyong maitatago sa akin ang katotohanan, ha?"
"Ang asawa mo ang nagkumbinsi sa akin na pumasok dito, Melanie. Hindi ako."
"Really? At hindi ka tumanggi dahil gusto mo!"
Hindi ito nakakibo.
"You are terminated from this company, Odeza." Tiim-bagang niyang wika. "And I want you to pack all your things now!"
"Before I do that, gusto kong malaman mo na asawa mo ang lumapit sa akin at hindi ako ang lumandi. Hindi ko naman masisisi ang asawa mo kung ganoon ang gawin. Aware naman ako na hindi ninyo mahal ang isa't isa at arranged marriage lamang ang naganap sa inyong dalawa. At kaya nananatili pa din sa poder ninyo si Edward ay dahil sa mga bata."
"Leave!" Malakas niyang sigaw na ang kanyang mukha ay pulang-pula sa matinding galit.
Nagmamadali naman itong lumabas sa loob ng kanyang opisina. Pagkasara ng pinto agad niyang ibinato doon ang flower vase na nakapatong sa ibabaw ng kanyang mesa.
Muli, napaiyak siya sa matinding galit at hinanakit.
LUHAAN si Melanie habang nakaupo sa gilid ng malaking kama nilang mag-asawa sa loob mismo ng kanilang silid habang hawak at tinititigan ang wedding picture nila na nakalagay sa maliit na frame.
Pagkatapos ng meeting niya with the HR regarding sa pagpapatalsik niya kay Odeza, walang lingon-likod siyang umalis ng opisina at umuwi ng bahay. Inutusan muna niya ang yaya ng kanyang mga anak na sunduin ang dalawang bata sa school. Idinahilan niyang hindi mabuti ang kanyang pakiramdam.
Nakatulungan na nga niya ang pag-iyak. At nang magising, madilim na sa labas.
Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang dahan-dahang pagbukas ng pinto ng silid. Hindi siya tuminag sa kinauupuan. Bagkos ay nanatili lamang siya mula sa tahimik na pagluha.
"Why did you do that to Odeza, Melanie."
Mariin siyang napapikit nang marinig ang boses ni Edward sa kanyang likuran. Hindi man niya ito lingunin batid niyang madilim ang mukha nito at nagpipigil ng galit.
"Bakit mo basta-basta na lamang pinatalsik ng kompanya si Odeza ng hindi ako kinukunsulta?" Muling tanong nito.
Nagkuwento ang babae nito pero hindi sinabi ang buong katotohanan ng napag-usapan nila.
"Bakit ko hihingin ang opinyon mo, Edward." Paos ang tinig na tugon niya.
Dahan-dahan niyang pinahid ang mga luhang naglalandas sa kanyang mga mata at pisngi at muling ibinalik sa ibabaw ng side table ang wedding frame nilang mag-asawa.
Talaga bang ipagtatanggol mo sa akin ang kabit mo, Edward? Piping hiyaw na tanong ng kanyang utak.
"That's against the law, Melanie."
Tumayo siya sa pagkakaupo at humarap sa asawa na noon ay nakakunot ang noo.
"Against the law?" Ulit niya. "Kailan pa naging labag sa batas na magtanggal ng isang ahas sa loob ng kompanya?"
"What?"
"Stop pretending as if na hindi mo alam kung ano ang tinutukoy ko, Edward." Gusto na na namang tumulo ng mga luha niya ng mga sandaling iyon pero pinigil niya ang kanyang sarili. "Alam ko na ang buong katotohanan at hindi mo na kailangang magpanggap sa akin."
Kitang-kita niya ang pamumulta nito dahil sa kanyang sinabi. Dahan-dahan siyang humakbang palapit sa kinatatayuan nito.
"Madami akong nagawang mali pero lahat ng iyon ay pinagsisihan ko na. I'm not a perfect wife but I did my best to be the best wife and mother, Edward. Binago ko ang sarili ko for you and for the kids. Ginawa ko lahat ng ito para sa pamilya natin at dahil mahal kita." Garalgal ang tinig na wika niya.
"Yes, you're right. Nagkaroon ako ng affair with the other man. Pero itinigil ko. Dahil pinili ko kayo. Dahil ayokong mawasak o masira ang pamilyang binuo natin. At hindi ko inaasahan na gagawin mo rin sa akin ang ginawa ko sa iyo noon. But the worst and most painful part aside from betrayal is to see you falling in love with other woman. The saddest ay ang pagkakaroon mo ng anak sa ibang babae..." tuluyan nang tumulong muli ang mga luhang kanina pa niya pinipigilang pumatak sa kanyang mga mata.
Nanatili itong walang kibo habang nakatitig sa kanya.
"I'm not forcing you to love me, Edward. Dahil hindi ko rin naman pinuwersa ang sarili ko na mapaga-aralan kang mahalin. I just woke up one day na hindi kita kayang mawala dahil mahal na kita. But I guess I'm too late..." habang sinasabi niya iyon walang patid ang tulo ng luha sa kanyang mga mata. "Makakaya ko pang tanggapin kung hindi mo ako magagawang mahalin kaysa malaman na mas pipiliin mo ang kabit mo kaysa sa amin ng mga anak mo."
Hindi na niya hinintay na makapagsalita ito. Tinalikuran niya ang asawa at umiiyak na lumabas ng kanilang silid.