Medyo tahimik ang Dermatology Department ngayon dahil kakaunti pa lamang ang mga pasyenteng nagdadatingan. May isang pasyente pa na kakalabas lang mula sa consultation room, at bago pa man ako makaupo nang maayos, may isa na namang kumakatok sa pinto.
Ganito na ang buhay ko sa third year of residency training… paulit-ulit pero kailangang magpakatatag at maging matiyaga. Ang bawat araw ay kombinasyon ng rounds, minor procedures, consultations, case conferences, at pagre-report sa mga consultant na minsan parang kahit anong galing mo, laging may kulang pa rin.
Kaninang umaga, may tatlo akong acne scar treatments, isang biopsy, at dalawang laser procedures na kailangang i-assist. Ngayong tanghali naman habang ang mga co-residents ko ay busy na sa cafeteria, heto ako at nagpapaantok sa harap ng chart ng pasyente.
Nasa ospital ako halos labindalawang oras sa isang araw, anim na araw sa isang linggo. Ang weekend ko ay madalas na para lang sa case write-ups or research requirements. At kahit ganoon, sinasabi ko sa sarili kong kaya ko pa. Kasi ito ang pangarap ko. Ito iyong pinanghawakan ko simula pa noong araw ng graduation ko sa UST.
Habang tinititigan ko ang mga notes ko, biglang tumunog ang cellphone ko sa mesa. Unknown number.
Napakunot ang noo ko. Nagdalawang-isip pa nga ako kung sasagutin ko o hindi. Natapos ang tawag, pero tumawag ulit ang parehong numero. Kaya naman sa huli ay sinagot ko na kasi baka mahalaga.
“Hello?”
“Hi there, Doc.”
Napalunok agad ako at tila bahagyang huminto ang paghinga ko. That voice.
“Brixton?” biglang kinakabahang bulong ko. Bigla kong hiniling na sana mali ang hinala ko.
Tumawa siya sa kabilang linya. Mukhang naaliw na naman siya sa akin, samantalang ako ay nakikibaka na naman sa lakas ng kabog ng dibdib ko. “Good guess. Ang galing mo talaga, Dra. Trishna. You made me happy that you can recognize my voice.”
Biglang uminit ang tainga ko, sabay lingon sa paligid. Buti na lang walang ibang tao rito ngayon. “How did you get my number?” tanong ko, medyo tumaas ang tono ko dahil sa inis.
“Come on,” may panunudyong sagot niya. “You think a number’s hard to get for someone like me? It’s just a piece of cake, sweetheart.”
“Don’t call me that!” asik ko sa kaniya.
“Ayaw mo ng sweetheart? Ano’ng gusto mo, Love?” nanunuksong sagot niya. Wala yata talagang balak na seryosohin ako.
Humigpit ang hawak ko sa cellphone ko. “You can’t just call me out of nowhere, Brixton. I’m at work. This is inappropriate.”
“Tsk.” Narinig kong tila gumalaw siya sa kinauupuan dahil sa tunog ng swivel chair niya. “You’re always so proper. Nakakaaliw ka pa rin, even after two years. Maybe that’s why I like you even then.”
“What do you want?” matalim na tanong ko, hindi ko itinago ang inis sa boses ko.
“Relax,” sabi niya. “Hindi naman ako manggugulo. I just want to see you.”
Napatingin ako sa wall clock. 12:45 PM. May tatlong pasyente pa akong susunod na kailangang i-check mamayang 2 PM. “I don’t think that’s a good idea.”
“Good thing I didn’t ask if it was a good idea,” mabilis niyang sagot. “I’m picking you up later. After your shift.”
Nabigla ako. “What? No. I… I don’t even remember agreeing to that.”
“Well, you don’t have to agree. I’m not asking permission. Nakalimutan mo na bang susunod ka sa lahat ng gusto ko? O baka naman, gusto mo nang makipaghiwalay kay Randall kaya okay lang na malaman na niya ang lahat?”
May halong biro sa tono niya, pero para sa akin ay babala iyon na wala akong pamimilian kundi ang sumunod sa nais niya.
“Brixton, please. Don’t start this again.”
“I’m not starting anything. I’m just continuing what never ended.”
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam ang gagawin. Ni hindi ko maintindihan kung bakit niya ito ginagawa sa akin.
“6:30. Main entrance. Don’t make me wait, Trishna, or I will go up there, and everyone will see you’re with me,” seryosong saad niya, talagang hindi ako bibigyan ng chance na makakontra.
“Wait! Where are you taking me?” tanong ko. Ngayon ko lang napansin na mahigpit palang nakakuyom ang isang kamao ko.
“Surprise,” sabi niya, saka mahinang tumawa. “You used to like surprises, right?”
“Brixton–” pero bago ko pa masabi ang susunod kong sagot ay narinig ko na lang ang click ng linya.
Tuluyan na niyang tinapos ang tawag.
Saglit akong natigilan at nakatulala sa screen ng cellphone ko. Pansin kong namamawis ang mga palad ko kahit malamig ang aircon.
Ang pangalan niyang iyon, Brixton Morris, na sinusubukan ko nang kalimutan, pero heto na naman siya, parang multo na bumabalik para guluhin ang katahimikan ko.
Napasapo ako sa noo ko saka napapikit. “Bakit kailangang mangyari sa akin ito?” Bulong ko sa sarili. Lalo lang akong nilalamon ng konsensya ko dahil niloloko ko ang asawa ko.
Kinahapunan, pagod na pagod na ako nang tingnan ko ang wall clock sa nurse’s station – 5:58 PM. Ilang minuto na lang at tapos na ang shift ko.
Pakiramdam ko, ang bigat ng buong katawan ko, pero sanay na ako. Ganito talaga ang buhay ng resident doctor: puyat, gutom, at halos walang tulog.
Tiningnan ko ang cellphone ko, umaasam na baka may tawag o chat man lang mula kay Randall, pero wala. Parang piniga ang puso ko. Sa dalawang taon, parang unti-unti na rin akong nasasanay.
Habang nag-aayos ako ng chart sa table, nag-vibrate bigla ang cellphone ko. Napatingin ako sa screen. Excited ako kasi baka si Randall na iyon.
Pero… Unknown Number.
Saglit akong natigilan. Pumikit ako, hoping it wasn’t who I thought it was. Pero alam ko, si Brixton Morris na naman itong tumatawag.
Agad kong pinindot ang decline call at mabilis na inilagay sa bag ang cellphone ko. Hindi ko kayang marinig ulit ang boses niya. Mabigat ang dibdib ko dahil lumipas ang maghapon na natiis na naman ni Randall na hindi ako kumustahin man lang.
Kinuha ko ang white coat ko at shoulder bag, saka marahang huminga nang malalim bago lumabas ng office. Ang mga ilaw sa corridor ay medyo malamlam na, at karamihan ng mga kasamahan ko ay nagsiuwian na rin. Ilang nurses ang bumati sa akin sa hallway… “Good night, Doc Trish!” at kahit pagod at kinakabahan, bumati pa rin naman ako sa kanila.
Pero sa loob-loob ko, nag-aalangan ako. Kinakabahan. Hindi ko alam kung bakit, pero may kutob akong may hindi talaga magandang binabalak si Brixton sa akin. Gusto niya akong paglaruan.
Pagbukas ko ng main door ng ospital, sumalubong sa akin ang malamig na hangin ng gabi at medyo may halong amoy ng ulan at kape galing sa kalapit na café. Huminga ako nang malalim at sinusubukang kalmahin ang sarili.
At doon ko siya nakita. Nakasandal siya sa itim niyang sports car, nakasuot ng dark long-sleeved polo at ang sleeves ay nakatupi hanggang siko. Bakit ba ang guwapo ng demonyong ito? Ang unfair ng buhay talaga.
Mayaman at makapangyarihan na nga ang Brixton na ito, ubod pa ng guwapo. Kaya lang walang kasingsama ang ugali dahil iniipit niya ako sa sitwasyong ito. He has everything aside from being a gentleman.
Nakataas ang isang kilay niya hawak ang cellphone at nakangisi sa akin. Naiinis ako sa ngiti niya kasi lalo lang iyong nakadaragdag ng kaba sa dibdib ko.
“Trishna,” mahinang tawag niya, para bang kanina pa niya ako hinihintay.
Parang tumigil ang lahat ng galaw sa paligid. Ilang interns sa may parking area ang napatingin sa kaniya. Karamihan sa kanila ay halos mamilipit na sa kilig. Malalapad ang ngiti at sinasadya pa ngang ipakita kay Brixton na hinahangaan nila ito.
Pero ako, matinding kaba ang naramdaman ko. Hindi dahil sa presensya niya, kundi sa takot na baka may makakitang magkasama kami.
“B-Brixton… ano’ng ginagawa mo rito?” pabulong na sita ko agad sa kaniya saka mabilis na naglakad palapit para walang makarinig. “You shouldn’t be here. This is a hospital!”
Ngumiti lang siya, halatang walang pakialam sa paligid. “I told you I’d pick you up after work. I keep my word.”
“Hindi mo naman kailangan–”
“Get in the car, Trish.” Hindi siya sumigaw, pero matigas ang tono niya. Napaka-demanding at halata talagang sanay na laging nasusunod ang utos at gusto niya.
Napatingin ako sa paligid. May dalawang nurse na dumaan at saglit na tumingin sa amin, bago muling naglakad palayo. Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko sa hiya. “Please, umalis ka na. Someone might see us.”
“So?” kalmado niyang sagot, pero may bahid ng panunukso. “Let them. I’m not hiding.”
Halos masamid ako. “But I am,” mahina kong sagot. “Brixton, I am a married woman!”
Ngumiti siya at bahagyang lumapit. Ngayon ay nararamdaman ko na ang init ng hininga niya sa mukha ko. “Then you better get in before they start wondering why the wife of Randall Cartier is talking to me.”
Natigagal ako. Wala talaga siyang balak na pagbigyan ako sa gusto kong mangyari. Pero tama siya. Kahit isang maling tingin lang ng ibang tao, tapos na ako.
Isang litrato lang o isang maling tsismis, tiyak na masisira ang reputasyon ko… hindi lang bilang asawa, kundi bilang doktor.
Mabilis akong luminga-linga, siniguradong walang nakakakita, saka ako bumuntong-hininga. “Fine,” naiinis na pagsuko ko. “Pero sandali lang, okay? Tell me where we’re going.”
Ngumiti siya ulit nang makahulugan. “I told you it’s a surprise.” Binuksan niya ang passenger door ng kotse at tiningnan ako nang diretso. “Now, be a good girl and get in.”
Parang drum na tinatambol ang t***k ng puso ko, kaya nahihirapan na akong huminga.
Lord, please help me on this…
Tahimik lang kami ni Brixton habang umaandar ang kotse. Ilang beses kong sinubukang magtanong kung saan kami pupunta, pero sa bawat pagtatangka ko, tanging ngiti lang ang sagot niya.
Hindi ko alam kung maiiyak ako o maiinis… dahil parang natutuwa siyang nakikita akong balisa.
“Hindi mo naman siguro ako papatayin, ‘di ba?” bigla kong natanong. At ganoon na lamang na paghalakhak ang naging tugon niya.
“Do I look like a killer to you?” natatawa pa ring tanong niya kaya inirapan ko siya. “Puwede siguro kitang patayin sa sarap at–”
Mabilis ko siyang nahampas sa braso kaya medyo gumewang ang sinasakyan naming kotse. Napatili tuloy ako sa nerbiyos. Mabuti na lang at maluwang ang kalsada, wala kaming kasalubong o kasunod.
“Bastos!” galit na galit na asik ko sa kaniya. Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko.
“Ang cute mo talaga, Trishna…” sabi lang niya kahit halos himatayin na ako sa nerbiyos. Buwisit talaga ang lalaking ito.
Pagkalipas ng halos dalawampung minuto, huminto ang sasakyan sa harap ng isang napakagarang lugar.
“Brixton…” mahina kong tawag, habang tinitingnan ang paligid. “Restaurant ba ito?”
Ngumiti lang siya. “You’ll see.”
Bumaba siya ng kotse at bago ko pa mabuksan ang pinto, inikot niya ito at siya mismo ang nagbukas para sa akin.
“Let me,” sabi niya, saka inalalayan akong bumaba ng sasakyan.
Saglit akong natigilan. Hindi ko maalala kung kailan huling may gumawa niyon para sa akin. Kasi mula nang maging mag-asawa kami ni Randall, hindi niya ito ginawa sa akin ni minsan. Kahit noong bagong kasal kami, parati siyang unang lumalabas at iniiwan ako para magbukas at bumaba mag-isa sa sasakyan. Pero itong si Brixton, kahit hindi maganda ang pakikitungo ko sa kaniya, kaya pa rin pala niyang maging gentleman.
Bigla tuloy na parang may humaplos sa puso ko. Simpleng gesture lang ito pero masarap sa pakiramdam. Ngunit kasunod niyon ay ang kirot sa puso ko na mas masaya sana kung si Randall ang gumagawa nito sa akin.
“Thank you,” mahina kong sabi habang bumababa.
Wala akong nakikitang tao o ibang sasakyan sa paligid. Tahimik, malinis, at halatang de kalibre ang lugar na ito. Sa gilid ay may fountain na umaagos sa pinaka-mini garden nito.
Hindi ko maipaliwanag pero bakit parang ang romantic ng vibe dito? Bakit parang isa itong date? Ay, ewan! Masisiraan yata ako ng bait sa trip nitong si Brixton.