CHAPTER 9

1666 Words
VICTORIA'S POINT OF VIEW ILANG linggo na lang ay pasukan na. Naayos na rin halos ang kailangan ko para ma-transfer. Naging masaya rin ang pananatili ko rito sa hacienda. Kung hindi si Tita Prescila ang maglilibot sa akin, si Prince naman. Kinakausap ko rin sa pamamagitan ng tawag sina Mang Isco at Manang Julie kapag alam kong free time nila. Tinupad din ni Prince agad-agad ang one box of milk chocolate na premyo sa deal namin. Akala ko noon hindi niya ibibigay agad dahil nagsabi naman akong nagbibiro lang ako. Subalit nagulat na lang ako kinaumagahan paggising, ang bumungad sa akin ay ang mga tsokolate. May note pa itong good morning, here's your favourite chocolate, Ria. Napangiti na lamang ako noong maalala iyon dahil saktong kumakain ako ng tsokolate ngayon habang dumuduyan sa hardin. Hapon na ngayon at mapresko pa rin ang hangin. Bigla lang akong nalungkot dahil matapos ang isang buwan, hindi ko na masyadong nakakasama o nakikita si Prince. Ang alam ko lamang ay busy siya kasama ang mga kaibigan niya s***h bandmate. Siguro nagpaplano sila muli magbanda at inaayos ang kanilang aawitin. Balita ko rin kasi gumagawa daw ang isa sa miyembro nila ng liriko tapos gagawan nila ng tono. May sasalihan daw itong contest na baka maging daan para mas makilala sila at may posibilidad na ma-record ang sarili nilang compose na kanta. “Victoria!” Kaagad akong napalingon kay Tiya Christine na dala ang kaniyang telepono at naglalakad palapit sa akin. Tila nagmamadali rin siya na ipinagtaka ko rin sa hindi malamang dahilan. “Bakit po, Tiya Christine?” tanong ko at agad niyang inabot sa akin ang telepono. “May gustong kumausap sa iyo,” ani niya na parang nag-aalangan pa. May pagtataka pa rin ako noong inilapit ko sa tainga ang telepono at hindi ko inaasahan kung sino ang maririnig. “Anak, Victoria, naririnig mo ba kami? Anak, miss na miss ka na namin ng dad mo—” “Bakit n'yo ako gustong makausap? Ano ang kailangan ninyo?” tanong ko at sumeryoso. “Ttal (daughter)? It's me, your abeoji (father)! I miss you so much, ttal, please let us talk with you. We miss you so much!” “Anak, please, kahit sandali lamang. Kahit isang minuto lang, pakiusap—” “Well, hindi ko po kayo na-mi-miss pagkatapos ng lahat ng mga nangyari! Ayoko na kayong makita o marinig kahit kailan sa tawag man o personal. Bye.” Pagkatapos ko bitiwan ang mga katagang iyon ay mabilis kong ibinalik ang telepono kay Tiya. “Kapag tumawag pa po sila ulit Tiya at gusto pa rin nila akong makausap, sabihin ninyong tandaan nila ang huling mga sinabi ko bago pinatay ang tawag. Ayoko na sila makausap o makita pa kahit kailan,” wika ko at nanatiling seryoso lamang. “Victoria, alam kong galit na galit ka sa kanila dahil sa nagawa nila kaya humihingi ako ng pasensya. Pero sana dumating ang araw na magkausap mu—” “Pasensya na po Tiya, ayoko po talaga at hindi ko na rin makita ang sarili kong muling nakikipagkita at nakikipag-usap sa mga magulang ko. Papasok na po ako sa loob, salamat po,” sabi ko pa na dahilan upang maputol ang salita niya. Mabilis kong inubos ang natitirang tsokolate saka itinapon ang lagayan sa basurahan. Uminom lamang ako ng ilang basong tubig, hindi lang dahil sa nauuhaw ako kung 'di nais ko ring pakalmahin ang sarili. Matapos ay hinugasan ko lang ang ginamit na baso saka nagmamadaling umakyat sa hagdanan at tinungo ang silid. Kinandado ko iyon sabay nanghihinang napaupo habang nakasandal pa sa pinto. Doon unti-unting bumuhos ang luhang nais ng kumawala sa mga mata ko kanina pa ngunit pinipigilan ko. Sa loob ng isang buwan, pilit kong kinakalimutan ang lahat ngunit ang tanga ko kung maniniwala akong kaya ko. Sobrang imposible niyon mangyari. Nasasaktan ako dahil araw-araw ako noong nakakatanggap ng mga salitang tinatapon sa akin dala na rin ng galit nila sa mga magulang ko. Kalokohan ding isipin na imposibleng may manghusga sa akin sa susunod na mga araw. Inuukit ko sa isipan na ito na ang kapalit siguro ng mali kong ginawa noon sa ibang tao, subalit nasasaktan pa rin ako. Tahimik lamang akong umiiyak dahil ayokong may makakarinig sa akin o makakaalam. Nanghihina akong tumayo at dumiretso sa kama, marahang humiga at niyakap ang isang unan. Ipinikit ko ang aking mga mata at wala akong ibang makita kung 'di ang alaala ko noong bata pa ako kasama sina mom at dad. “Mommy, p-puwede po bang tabi tayo matulog? I'm afraid of thunder,” ani ko na medyo utal pa magsalita. “Sorry Victoria, marami pa kasing gagawin si mommy. Kay dad mo na lang ikaw magpasama muna ah? Story time with dad, 'di ba gusto mo 'yon?” tugon ni mom. “Pero po mommy, gusto ko rin po ikaw katabi,” sabi ko pa at napasimangot. “I really can't do it right now, Victoria. Mom is busy, so please intindihin mo muna okay? Don't worry, sasabihin ko kay daddy mo na kwentuhan ka para maka-sleep ka na, hmm?” “Oh, bakit ako ulit? You know that I'm busy. Victoria, you should train yourself sleeping without us, para masanay ka na, okay? Sige na, matulog ka na,” sambit naman bigla ni dad na kapapasok lang sa silid ko. MAHINA akong natawa sa naalala ko habang umiiyak pa rin at mahinang humihikbi. Naalala ko pa na wala na akong nagawa niyon noong iwanan na nila ako sa kuwarto. Umiyak na lang din ako nang tahimik dati pagkatapos nilang lumabas at takot na takot na niyakap ang isang unan habang nakatalukbong ang kumot. Dinig na dinig ko ang malakas na kulog at minsan ay kidlat nang gabing iyon. I'm just five years old at that time. Palagi silang wala sa tabi ko at kung nasa mansion naman ay palagi ring busy. Kapag magpapatulong ako sa assignments, magpapapirma ng papers, report card, tila masama pa ang loob nila. Isa lang ang line of 8 sa grade ko ang bilis nilang pansinin at araw-araw kong maririnig ang negative feedback nila, lalo na si Dad. Kapag mataas naman ang grado ko, parang wala lang din. Magsasabi lang ng proud sila sa akin, nag-co-congratulate kapag nasa school kami o may ibang mga kakilala nila na malapit sa kinaroroonan namin. Para magmukhang masaya talaga sila para sa akin kahit ang totoo ay hindi ko rin alam. I tried everything to get their attention but I think I always failed. Except, when they were called by the principal because I did something bad in the school, the time when I said hurtful words to one of the students named Zelly. Mahinang natawa na lang ako noong maalala na ang parusang ibinigay nila sa akin nang i-suspend ako ay bawal lumabas, makipag-usap sa mga kaibigan ko noon na peke rin, tawag man o personal at walang pera. Bawal din manood, ang tanging gagawin lang ay kumain at magbasa nang magbasa ng mga librong may kinalaman sa business. Pera lang din ang lagi nilang ibinibigay sa akin halos noon. Wala ang atensyon at pagmamahal na gusto kong maramdaman mula sa kanila. Kahit na ganoon, minahal ko pa rin naman sila at sinusubukan gumawa ng paraan na magkaayos sila kapag nag-aaway. Hindi ko lang din kinaya ang mga narinig ko noon at nalaman ng araw na hinuli na sila ng mga pulis. Doon na lumabas ang pinipigilan kong galit at sama ng loob na nararamdaman ko sa kanila. Ang dami kong naipong galit sa parente ko na binaon ko sa loob ng maraming taon. Kaya naman ngayon ay hindi ko sila magawang kausapin. Hindi ko pa kaya. NAKARINIG ako ng sunod-sunod na katok sa pintuan pero hindi ko iyon binuksan. Si Tiya Christine iyon subalit wala talaga akong gana na humarap sa iba lalo na mahahalatang umiyak ako. Kaya ang ginawa ko ay patuloy na pinikit ang mga mata. Hanggang sa narinig ko ang susi at ang pagbukas saka pagsara ng pinto sa aking silid. “Victoria, p-pasensya na talaga pamangkin. Sana talaga hindi ko na lang ibinigay sa'yo ang telepono kanina kahit nagpupumilit na sila at nagmamakaawa. Sorry talaga, ipinapangako kong hindi na mauulit iyon,” wika ni Tiya. Maya-maya lang naramdaman kong lumubog ang kabilang parte ng kama saka hinahaplos-haplos niya ang buhok ko. Hindi niya makikita ang mukha ko ngayon dahil natatakpan ko ito ng yakap na unan. Ang puwesto ko rin sa pagkakahiga ay tila sanggol na nasa sinapupunan ng kaniyang ina, isang posisyon sa paghiga na nakasanayan ko na noon pa. “Kung gising ka man at naririnig mo ako, paumanhin muli Victoria. O tulog ka man ngayon, paggising mo hihingi pa rin ako ng tawad. Sorry talaga pamangkin ko, mahal kita. Magpahinga ka muna at lapit ka lang kung may kailangan ka,” saad niya pa bago marahang umalis sa pagkakaupo sa kama. Narinig ko rin ulit ang pagbukas at sara ng pinto maging ang lock. Mukhang ginamit ni Tiya ang susi para ma-lock ang pintuan. Noong naramdaman kong wala na talaga siya ay dahan-dahan akong pumatihaya ng higa at muling may dumaloy na luha mula sa mga mata. Mamaya, kapag hindi na halatang umiyak ako, kakausapin ko na rin si tiya para magkaayos kami. Pakiramdam ko ngayon ay mas nagiging magulang ko pa siya kaysa sa tunay kong ina at ama. Napakabihira ko man siyang makita noon, ngunit ngayon mas nakikilala ko na siya. Ramdam ko ang pag-aalaga sa akin ni Tiya Christine mula noong napunta ako rito sa hacienda. Ipinadama niya sa akin ang hindi kayang ipadama noon ng aking mga magulang. Ang matagal ko ng hinahanap kina mom at dad. Napabuntonghininga ako saka kinuha ang notebook at ballpen ko. Napasulat ako ng isang awiting bagay sa nararamdaman ko ngayon. Ang pagsusulat din talaga ang isa sa may pinakamalakas na kakayahan para pagaanin ang mabigat kong nararamdaman. Ang pagsusulat ang isa sa pinakaiingatan ko, sapagkat hindi ko kayang mawala ito sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD