CHAPTER 10

2455 Words
VICTORIA'S POINT OF VIEW Kagaya ng aking plano, kinausap ko si Tiya noon at matapos ay maayos kaming nagpatuloy sa buhay. Wala na ring dumating na tawag mula sa presinto na kinaroroonan ng mga magulang ko. Dahil wala na naman si Prince, ang ginawa ko na lamang ay tumulong na lang sa paglilinis sa hacienda. Ayaw man nila Tita Prescila pero napilit ko pa rin sila. Ito na lamang ang paraan para libangin ko ang sarili maliban sa pagsusulat at pakikipag-usap kina Manang Julie at Mang Isco tuwing libreng oras nila. “Hija, ayos ka lang ba riyan?” tanong ni Mang Carlos na isa rin sa kasama kong maglinis ng malawak na pool. “Opo, ayos lang po ako rito. Nakakalibang nga rin po eh,” sagot ko at nagpatuloy ng walisin ang mga dahon sa paligid. “Sige, mamaya o bukas puwede ka na mag-swimming dito kung gusto mo, lilinisin lang din namin ang tubig ng pool.” “Salamat po,” tugon ko at pagkatapos magwalis sa paligid ay nagpaalam akong papasok muna sa mansion. Sila Mang Carlos naman ay nagpatuloy na sa paglilinis ng mismong tubig ng swimming pool. Itinabi ko ang walis at ang sombrerong isinuot ko kontra sa init bago naglakad papasok sa loob. Uhaw na uhaw na ako ngunit nakarinig ako ng tumutugtog ng gitara. Kaya naman naisip ko na baka si Prince iyon kaya nagmamadali akong pumasok pero nagkamali ako. Isang lalaking may katandaan na rin ang bumungad sa akin. Naramdaman niya yata ang tingin ko kaya napatigil siya at saka tiningnan din ako. Parang gulat pa siya noong makita ako, pero hindi na ako nagtaka sa kaniyang reaksyon. “P-Pasensya na po kung n-nakaistorbo. Uhm . . . Lalabas na lang po ako ulit,” wika ko habang nakayuko. Nakaramdam din ako ng hiya kaya naman naisipan ko na ring lumabas na ulit pero nagsalita siya. “Sorry about that, you're Victoria right?” Natigilan ako at marahang humarap sa kaniya at tumango-tango habang nakayuko pa rin. “Nabigla lang ako at totoo nga ang sinabi ng kapatid ko na pamangkin ka pala ni Christine. I'm Ren, you can call me Uncle Ren. I bet Prince already talks about me, am I right?” Biglang umangat ang paningin ko sa kaniya at nanlaki ang mga singkit kong mata. Ito pala ang kapatid ni Tita Prescila, ang naikuwento rin ni Prince. “I-Ikaw po pala iyan, pasensya na po pala ulit kanina,” tugon ko at huminga nang malalim. “Ako nga ang dapat humingi ng pasensya, Victoria. Siya nga pala may nasabi na ba sa iyo si Christine—” “Ito na ang juice at snacks na hinihingi mo, Sir Ren,” sabi ni Tiya na biglang dumating dito sa sala, kaya naputol din ang sinasabi ni Uncle Ren. May lihim ba sila ni Tiya? “Oh, cut the Sir, Christine. How many times I will tell you to call me just Ren or babe,” sambit ni Uncle at napanganga naman ako at lalong nanlaki ang mga matang singkit. Babe? What?! “Gusto mo bang ihampas ko sa pagmumukha ninyo ang tray na hawak ko, ipakain sa'yo itong tinapay hanggang mabulunan ka at ibuhos sa'yo ang juice mo para wala ka ng panulak?” Hindi ko kinakaya ang nakikita at naririnig ngayon. Ang angas ng dating ngayon ni Tiya at si Uncle naman ay malawak ang ngiti. Anong mayroon sa kanila, sila ba o nag-da-date? Pero, parang imposible naman iyon. “Babe naman, huwag ka namang ganiyan. Ipakilala mo naman ako nang pormal sa pamangkin mo bilang kasintahan,” turan pa ni Uncle at kumindat. Mabilis na nilapag ni Tiya Christine ang tray na laman ang juice at tinapay para kay Uncle Ren saka nilingon ako. “Huwag kang magpapaniwala sa loko-lokong kapatid ng amo ko. Balik lang ako sa ginagawa ko,” saad ni Tiya habang nakaturo kay Uncle. Matapos niyon ay umalis na siya sa sala at ako naman ay lumapit kay Uncle. “Ano ang mayroon talaga sa inyo ng tiyahin ko? Ano rin po ang dapat ninyong sasabihin bago pa dumating si Tiya kanina?” taong ko na seryoso rin. “Uhm, b-bibiruin lang sana kitang kami na,” sagot niya at napakamot sa batok. Naupo rin siya sa sofa at sumenyas na tumabi ako sa kaniya kaya naman sinunod ko rin siya. “Pero ang totoo po, may gusto ba kayo kay Tiya Christine?” tanong ko dahil pakiramdam ko mayroon, kailangan ko lamang makasiguro. “Oo, may gusto ako at g-gusto ko ring magpaalam sa'yo kung puwede ko ba siyang l-ligawan?” aniya at napangiti naman ako sa tugon niya. “Oo naman po, pero mukhang mahihirapan ka kay Tiya. Gusto mo tulungan po kita?” tugon ko at napalingon naman siya sa akin. “Talaga? Sige ba! Paano, dali, sabihin mo sa akin,” sambit niya na pabulong lamang kaya natawa ako saglit. “Simulan natin Uncle Ren sa mga paborito ni Tiya, pagkain man, inumin, music at iba pa. Pati ang mga kinahihiligan niya saka ang mga pangarap niya kunwaring gawin o puntahan. Tapos kung kilala mo naman po si tiya kahit paano, mas kilalanin mo pa po siya. Tuwing Sunday ay puwede mag-day off si Tiya Christine, iyan ang isa sa araw na maaari mong yayain siya ng date. Ngunit mangyayari lang iyon kung makukumbinsi mo siyang huwag magtrabaho kahit day off niya,” bulong ko rin sa kaniya at tumaas-taas ang kilay. “Well, that's my plan too, Victoria. Matutulungan mo ba akong alamin ang mga kinahihiligan o mga paborito ni Christine?” “Syempre naman po! Ako pa?” “Anong kapalit nitong pagtulong mo sa akin?” tanong niya ulit at natigilan naman ako. Sa totoo lang ay wala naman akong hinihinging kapalit pero dahil nagtanong siya, bigla akong napaisip. “Ang kapalit na hinihingi ko ay free tutorial para mag-improve pa lalo ang pagsusulat ko ng song lyrics, deal?” sagot ko at nilahad ang kamay sa kaniyang harapan habang may malawak na ngiti. Mukhang nabigla rin siya saglit subalit napangisi rin at nakipagkamay sa akin. “Looks like someone told you about my career, huh? Well, maganda ring magkakasundo pala lalo tayo, Victoria. So yeah, deal.” Napangisi rin ako sa kaniyang tugon at pagkatapos ng handshake namin ay nagpaalam akong papasok muna sa kusina dahil nauuhaw na rin ako. Hindi ko nakita si tiya sa kusina kaya sa tingin ko sa ibang lugar ng mansion siya may naka-assign na gawin. Pagkatapos kong uminom ng tubig ay kumuha ako ng chocolate sa ref at bumalik muli sa sala kung saan naroon si Uncle Ren na bumalik ulit sa pagtugtog ng gitara. Hanggang sa pag-upo ko sa kaniyang tabi ay may bigla akong naisip na ideya. “Uncle, may naisip ako!” Nabaling ulit sa akin ang atensyon niya dahil doon. “At ano naman iyon? And seriously, you're eating chocolate in this time? Baka masira ang maganda mong ngipin niyan?” “Si Uncle naman oh, well ito na nga po ang naisip ko na sigurado naman akong sasang-ayon kayo. What if, gumawa kayo ng kanta para kay Tiya Christine talaga. I mean sa kaniya naka-dedicate tapos haranahin mo siya. And yes, chocolate in this time. This is my favourite milk chocolate, actually this is the prize in our deal,” wika ko at kumain muli ng tsokolate. “Our deal?” Napalingon naman ako kay Uncle na ngayon ay nakakunot na ang noo. Medyo natawa naman ako sa kaniyang reaksyon. “Yep. Nang nakaraang buwan naglaro kami ni Prince ng game na paunahan makarating sa may maisan, pareho po kaming nakasakay sa bisikleta noon. Ako ang nauna, at ang prize na si Prince mismo nag-suggest ay isang box nitong favorite chocolate ko po,” saad ko at nagtaka sa makahulugang tingin niya rin. Parang si tiya lang din noon sa akin kaya napailing-iling na lamang ako. “Naku, si Uncle Ren kung ano na iniisip. Para kang si Tiya Christine noon kung tumingin sa akin,” ani ko pa at nagpatuloy sa pagkain. “Don't deny it, Victoria, nararamdaman ko. Well, there's nothing wrong with it. Tito sa Tita, pamangkin sa pamangkin,” sambit niya kaya natawa naman ako. “Uncle Ren naman eh, kung ano man po ang iniisip ninyo kalimutan n'yo na. For now, back to topic tayo kung paano kita matutulungan kay Tiya Christine,” turan ko at tumaas-taas ang kaliwang kilay. “I won't change my mind, I can feel it Victoria. Don't be in denial, alam kong may nabubuo ka ng paghanga sa pamangkin ko. But yeah, let's talk about how can I charm your Aunt,” sagot pa niya at kumuha siya ng maliit na notebook at ballpen. Isa-isang nilista ang kaniyang mga plano para mapa-oo si Tiya. Hindi ko alam pero napakabilis kong maging close kay Uncle Ren kahit na ngayon pa lang kami nagkakakilala sa personal. Mabait siya, mapapansin ding pursigido siyang gawin ang lahat para kay Tiya kahit mahirapan pa siya. Wala naman ding masama kung susubukan ni Uncle, lalo na pareho naman sila ni tiya na walang asawa o karelasyon, in short, matagal ng single. ABALA kami ni Uncle sa pag-uusap nang bigla na lang kami nakarinig ng ingay ng mga kalalakihan. Ang isa na roon ay si Prince, alam na alam ko na ang kaniyang boses. Mukhang papasok sila sa mansion at sa tingin ko kasama niya ang kaniyang mga kaibigan. Tama nga rin ang hinala ko. Natigilan lamang sila Prince sa masayang pag-uusap nila ng kaibigan noong nakita kami ni Uncle Ren sa sala. “Nandito na pala kayo Prince, I received your message so yeah, bumalik ulit ako ng Pilipinas,” sambit ni Uncle na nasa tabi ko at nag-bless naman dito ang mga kaibigan ni Prince. “Thank you, Uncle Ren! Akala ko hindi po kayo makakapunta dahil busy kayo sa London,” tugon ni Prince at tumingin sa akin. Nilingon naman ako ni Uncle saglit bago binaling ang tingin sa kaniyang pamangkin. “Ako pa, syempre pagbibigyan ko ang paborito kong pamangkin. How are you boys?” “Okay lang po kami, Uncle,” sagot ng mga kaibigan ni Prince pero binalik ulit sa akin ang tingin at magtitinginan sila. Ako naman ay napayuko na lang at na-awkward sa kanila. Muli, hindi na rin nakakapanibago na makilala nila ako saka husgahan. Huminga ako nang malalim at magsasalita na sana para magpaalam pero naudlot. “Victoria Kim, tama?” tanong ng isang lalaking may hawak ng gitara. “O-Oo, ako nga. Pasensya na, lalabas muna ako ulit. Uncle Ren, mamaya na lang po ulit, salamat po. Lalabas muna ako at tumutulong ako kila Mang Carlos,” wika ko at nagmamadaling lumabas ng mansion. NOONG makalabas na ako ay bumalik ako sa may swimming pool at nakitang okay na rin ito. Paalis na rin sila Mang Carlos upang magpahinga na rin daw at mamaya, pagkakain ng lunch ay magtatrabaho na naman ulit. “Balita ko nariyan na raw si Sir Ren,” sambit ni Mang Edwin na narinig ko. “Oo nga eh, hindi ba't pumasok ka sa loob hija?” ani naman ni Manang Delma at inalis ang sombrero sa ulo niya. “Ah, o-opo. Kaya rin po ako natagalan sa loob. Nagkakilala na po kami kanina lang,” sagot ko at sinuot din ang sombrerong iniwan ko kanina sa lagayan. “Naku, may pagsinta iyon sa mayordoma, walang iba kung 'di ang tiyahin mo,” saad pa ni Manang Delma kaya napangiti ako. “Oo nga po, alam ko na rin po iyon kanina lang din. Hindi ko nga po inaasahan, nakakatuwa lang na malaman 'yon,” tugon ko. Pagkatapos ng ilang segundo ay balak na nilang pumasok sa loob ng mansion kaya sumunod na rin ako. Ang balak ko na lang ay tumungo muli sa kusina upang tumulong sa pag-aayos sa hapag kainan. Sinasadya kong tumago sa pamamagitan ng pakikipagsabayan kila Manang subalit balewala rin. Kaagad silang lumapit kay Uncle Ren at binati ito, at ganoon din si uncle sa kanila. Ngayon ay ramdam ko ulit ang tingin nila Prince sa akin. Kaya dahan-dahan na lang akong naglakad patungo sana sa dining room subalit tinawag ako ni uncle. “Victoria, halika muna hija.” Huminga ako nang malalim at medyo kinakabahan na lumapit. Sila Mang Edwin ay umalis na rin sala. “B-Bakit po?” tanong ko habang paupo kami at katapat namin sila Prince. “We just want to say sorry, sa kanina, I mean iyong tingin namin sa'yo. Pasensya na, wala naman kaming problema sa iyo. Hindi lang din namin inasahang totoo nga ang sinasabi namin nitong si Prince na narito ka nga sa hacienda nila, again, we're really sorry,” ani ng lalaki kanina na siyang may hawak ng gitara. “Sorry din, Victoria,” ani pa ng dalawang lalaki na kasama ni Prince. Dama ko namang nagsasabi sila ng totoo ngayon. Napa-overthink na lang din siguro ako kanina dahil nasanay ako sa siyudad na laging may panghuhusga agad kapag nalaman na nilang ako nga si Victoria Kim. “Ayos lang, huwag kayo mag-alala,” tugon ko at ngumiti saka saglit na tumingin kay Prince sabay ngiti at yumuko. “You're really in denial, Victoria. Now, confirmed ng may crush ka sa pamangkin ko,” bulong ni Uncle at pabulong ko rin sanang dedipensahan ang sarili kaso nagsalita ulit siya na hindi ko inaasahan. “Ito na ang deal para mapapayag n'yo akong tulungan kayo sa sasalihan ninyong contest soon. Isa lang ang nais kong mangyari, ang mapapayag n'yo si Victoria na sumali sa inyong banda,” ani ni Uncle Ren na ikinalaki na naman ng singkit kong mga mata. Habang sila Prince naman ay sinabing ayos lang sa kanila iyon at bago pa sila humingi ng tulong kay uncle, pinaplano na niyang sabihin sa mga kaibigan na isali ako sa banda. “Bukas sa loob naming mapasama si Ria sa banda namin. Narinig at nakita ko na rin siyang tumugtog at umawit. Isa pa, nagsusulat din siya ng song lyrics tulad ni Kellix,” saad pa ni Prince at matamis na ngumiti habang nakatingin sa akin. Tila nabigla rin ang mga kaibigan nito noong ngumiti ito ng matamis. “Ria, huh?” ani nina Kellix, Ismael, Novheille at Uncle Ren na naging tampulan ng tukso pero maya-maya lang din ay sumeryoso sila. “So, uhm, Ria, ang tanong ay gusto mo bang sumali sa banda nila?” wika pa ni uncle at lahat sila ay nakatingin sa akin ngayon. Nabigla ako at ang daming iniisip dahil sa alok nilang 'yon. Huminga ako nang malalim at sinambit ang katagang sa tingin ko ngayon ay iyon muna ang tamang itugon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD