CHAPTER 11

2336 Words
VICTORIA'S POINT OF VIEW LAHAT sila ngayon ay nakatingin sa akin habang sinasambit ang mga katagang nararapat na sabihin muna ngayon. Nakakaramdam ako ng kaba sa bawat pagbitaw ko ng mga salita. Tahimik na hinihiling na sana maunawaan nila ang aking desisyon. “Pag-iisipan ko po munang maiigi, Uncle Ren. Aaminin ko pong nabigla ako sa alok na sumali ako sa banda nila Prince. May nagtutulak sa aking pumayag pero hindi ko rin maiwasang hindi mag dalawang isip,” ang sinaad ko. “Hija, kung natatakot ka sa sasabihin ng ibang tao dahil sa sitwasyon mo ngayon, hindi kita masisisi. Pero palagi mong tandaan na minsan hindi tayo makakakilos o aasenso kakaisip sa mga sasabihin ng ibang tao. Sa oras na magdesisyon ka na at pumayag ka, alam kong mahihirapan ka pero laging tandaan na hindi mo dapat madalas iniisip ang panghuhusga nila sa iyo,” sambit ni Uncle Ren at marahan akong tumango. Tama naman siya subalit kay hirap pa ring mawaglit talaga sa akin ngayon ang ganoong kaisipan. “Sige, maiwan ko muna kayong lima riyan at hahanapin ko muna ang love of my life ko,” ani pa ni uncle at parang may binabalak. Kung ano man iyon, siguradong paraan niya para ma-charm kuno niya si Tiya Christine. “Victoria, kung sakaling oo man o hindi ang desisyon mo, huwag kang magdadalawang isip na sabihin sa amin. Matatanggap naman namin kahit ano ang desisyon mo,” ani ni Novheille at sumang-ayon din sila Prince. Napabuntonghininga ako saka napayuko. “Pero ang kapalit naman ng pag-ayaw ko ay hindi kayo tutulungan ni Uncle Ren sa sasalihan n'yong contest,” tugon ko na may bahid ng lungkot ang boses. “Wala rin namang problema sa amin 'yon. Si Uncle Ren pa, siguradong kapag hindi ka pumayag may i-ba-back up iyon na plano. O kung wala man, nagsisimula na rin kami magkaroon ng back up plan,” ani naman ni Kellix. “Victoria, as much as we want you to have more time to think about it, for me, you should tell us your decision until the last day of the vacation,” wika naman ni Ismael at nauunawaan ko rin kung bakit. “Sige, nauunawaan ko naman dahil kakailanganin n'yo pang paghandaan ang paligsahan. National din iyon at puwede pa kayo mapunta sa international kapag nanalo. Asahan n'yo ang sagot ko bago magpasukan,” sagot ko at humugot ng malalim na hininga. “Thank you, Victoria,” saad nina Ismael, Novheille saka ni Kellix at ngumiti ako saglit bilang tugon. Matapos niyon ay nagpaalam muna silang tatlo na pupunta muna sa labas para mag-bike sa harap lang daw para hindi mainit. Pinanood ko silang lumabas hanggang sa nakuha ni Prince ang atensyon ko. Napalunok ako at umangat ang paningin habang naglalakad siya palapit sa akin. “B-Bakit ganiyan ka makatingin sa a-akin?” Nauutal na tanong ko at ngayon na lamang ulit na nagkalapit kami ng ganito. Noon kasi ay madalas busy. Hindi ko rin siya madalas makaharap o makasama ng matagal tulad noong unang dating ko rito. Parang may kuryenteng dumaloy sa akin ng hawak niya ang magkabilang kamay ko at marahan akong hinila patayo. “Prince . . .” “Prinsipe.” “Huh? A-Ano?” tanong ko at tila nag-lo-loading pa ang aking utak dahil sa isiping magkahawak kami ng kamay ni Prince. Inaamin ko namang tama rin si Uncle Ren, na may nabuo na nga akong paghanga sa kaniyang pamangkin. “Tawagin mo akong Prinsipe tulad noon, 'di ba iyon ang tawag mo sa akin?” aniya at sinampal ako ng katotohanan na hindi ko nga siya tinawag na Prinsipe nitong mga nakaraang araw. “Sorry, napansin mo rin pala na hindi na kita tinatawag ng Prinsipe. Uhm, m-may gusto ka bang pag-usapan?” sambit ko at hindi maalis ang titig sa kaniya. Paghanga pa ba ito o baka may malalim pang patutunguhan? Posible ba iyon kahit halos magdadalawang buwan pa lang kaming magkakilala? Isa pa, bata pa lang din kami, baka crush lang na medyo nag-level up? Aywan ko sa sarili ko kung ano-ano na naman ang aking iniisip. “Ria, puwede ba kitang yayain ulit manood ng sunset? Matagal na rin tayong hindi nagkasama na ganito kahaba dahil naging abala ako ng nakaraan,” wika niya at nanatili kaming nakatitig sa isa't isa. “Oo naman, natutuwa akong niyaya mo ako ulit. Gusto ko sanang bumalik doon kaso medyo natatakot ako, tapos hindi ka rin kasama. Kaso paano naman ang mga kaibigan mo?” “Well, pupunta kami mamaya sa music room after lunch. Do you want to join us? Pagkatapos niyon doon na tayo pupunta sa labas, four or five,” sagot niya at tila nag-aalangang akbayan ako. Noong mapansin niya sigurong wala naman akong pagtutol ay itinuloy niya na. Parang tinutulak din akong ipalibot ang braso sa kaniyang baywang ngunit nakakaramdam ako ng hiya. “Sige, kung ayos lang din sa kanila na mag-join ako mamaya. Baka kasi mag-pra-practice pala kayo, makaisturbo pa ako sa inyo,” tugon ko habang naglalakad kami patungo sa labas din. Doon namin nakita sila Novheille na paikot-ikot lang halos sa harapan namin habang nakasakay sa kanilang bisikleta. Hindi rin gaano mainit dito sa harap dahil sa mga puno at halaman sa paligid ng mansion. Noong mapansin kami ng tatlo ay lumapit sila sa amin na may mapanuksong tingin dahil nakita nilang nakaakbay sa akin si Prince. Mas nilapit ako ni Prince sa kaniya kaya naman nanahimik na lang muna ako. “Naisip ko pa lang isama si Victoria mamaya sa music room. Siguradong mamamangha kayo sa kakayahan niyang magtugtog at umawit,” ani ni Prince at parang hindi na niya ito pinapaalam sa mga kaibigan para makita kung payag sila o hindi. Tila ini-inform na lang niya ang mga 'to. Pero pansin kong walang problema sa tatlo dahil mahahalatang totoong gusto rin nila ang nais ni Prince. “Salamat at okay lang sa inyong sumama ako. Medyo nakakahiya na rin nga sa inyo eh,” sabi ko at tipid na ngumiti. “Don't be shy, in fact, we really want to see you playing musical instruments and singing. Prince really admire your talent, we can feel it while he's talking with us about you,” turan ni Kellix at naramdaman kong medyo nag-init ang magkabilang pisngi ko. “Yeah, he really l—” “Shut up.” Naputol ang dapat sasabihin ni Novheille dahil kay Prince. Curious ako kung ano ang balak sabihin nito. Magtatanong sana ako subalit narinig na naming tinatawag na kami para sa lunch, kaya tumungo na kami sa dining room. HABANG kumakain ay napapansin ko ang pasulyap-sulyap ni Uncle Ren kay Tiya Christine. Sa tuwing nahuhuli naman ng tiyahin ko si uncle ay iniirapan lamang niya ito at lihim akong napangiti sa ganoong senaryong nasaksihan ko. Magkatabi pa naman silang dalawa sa hapag kainan. “Matagal na ba talagang may gusto si Uncle Ren kay Tiya Christine?” pabulong kong tanong kay Prince saka uminom ng tubig. “Hmm, yep. Pero hindi raw siya makaporma noon kaagad dahil sobrang busy niya talaga sa career niya. Pero ngayon mukhang babawi si Uncle Ren, mahaba ang vacation leave niya ngayon kahit paano kaysa noon na pinakamatagal na yata ang one week na napapadalaw siya rito. Minsan naman may year hindi naman din siya nakakauwi sa Pilipinas. Hindi kayang iwanan noon ni Uncle ang trabaho niya at nauunawaan ko rin naman dahil sobrang pinaghirapan niya kung ano man ang nakamit niya ngayon,” mahabang tugon niya na pabulong din. “Nakakatuwa silang pagmasdan ngayon. Naniniwala ako sa kakayahan ni Uncle na makukuha niya rin ang loob ng tiyahin ko. Nag-offer pa nga ako kaninang tumulong eh. Want to join? Kapag humingi ng tulong si uncle para sa date man o anong surpresa kay tiya, handa naman akong tumulong hangga't kaya. For sure gagawin din lahat ni uncle ang makakaya niya,” ani ko pa at balak magsalita ulit pero napatigil sapagkat kusa niyang nilagyan ng juice ang baso ko na ubos na ang tubig. Iyon din sana ang balak kong gawin subalit medyo naunahan niya yata ako. “Palagi mo itong ginagawa,” bulong niya at napatitig lang ako sa kaniya. “Anong ibig mong sabihin?” “Kapag tapos ka na kumain, iinom ka ng tubig. At susunod mong gagawin tuwing may juice sa hapag kainan, iyon ang sunod na iinumin mo. Pagkatapos ay isang basong tubig muli,” sagot ni Prince at napangiti nang malawak. “Kinakabisado mo ang galaw ko ah?” tanong ko na pabiro at bigla siyang tumikhim at umiwas ng tingin. “S-Syempre katabi kita tuwing kumakain noon at kasama kita sa iisang bubong. Plus magdadalawang buwan na tayo halos magkasama rito, so yeah,” aniya at napailing-iling ako. Hindi mapuknat ang ngiti sa labi ko ngayon. Uminom muna ako ng kaunting juice bago ulit nagsalita. “Binibiro lang kita, salamat dito Prinsipe,” saad ko at medyo tinaas ang baso bago muling uminom. Ginulo niya naman kaunti ang buhok ko na hindi ko napansing gagawin niya kaya 'di ko naiwasan. Sinamaan ko siya ng tingin pero ngumiti lang din siya bago kumuha ng baked tahong at sinimulan kumain. Dahil hindi pa rin ako kumakain niyon ay kumuha rin ako. PAGKATAPOS kumain ay tumulong ako saglit sa kusina saka nagdesisyong tumungo sa music room kasama si Prince. Nauna na roon sila Ismael kani-kanina lang din sapagkat kabisado na nila iyon na hindi ko na rin ipinagtaka. Sa ngayon ay patuloy gumugulo sa isipan ko ang naputol na sasabihin ni Novheille. Papasok pa lamang sana kami sa music room ngunit tumigil ako kaya napahinto rin si Prince. Hindi muna ako tumuloy sa loob dahil sa narinig biglang usapan nila Kellix. “My grandparents doesn't want me to be here, I mean dahil daw may anak ng kriminal dito at baka ano pa ang isyu na ipatong sa pamilya namin. Na baka mapahamak pa raw ako dahil nga kay Victoria. Syempre ipinagtanggol ko naman siya dahil alam kong inosente siya, na wala naman siyang ginawang mali at nadamay lang din sa kasalanan ng magulang,” dinig kong saad ni Kellix. “That's good, na ipinagtanggol mo si Victoria. Saka hindi naman din niya kasalanan ang ginawang pagkakamali ng kaniyang mga magulang, kaya bakit dinadamay siya at hinuhusgahan?” wika naman ni Ismael. “Naiintindihan naman nating nag-aalala sila sa imahe kuno ng pamilya, natatakot silang mahusgahan din dahil ang apo nila kasa-kasama ang anak ng mag-asawang Kim, pero mali pa rin. Mali pa rin namang ganoon ang tingin nila kay Victoria,” dagdag pa ni Novheille at naramdaman ko na tumulo ang aking luha. 'Di ko inaasahan ang maririnig ngayong araw. Natutuwa ako dahil hindi naman nila ako hinuhusgahan at ipinagtatanggol pa. Subalit may punto rin ang grandparents ni Kellix. “Ria . . .” “Tama naman ang lolo't lola ni Kellix, Prinsipe. Baka bad image pa ang maibigay ko rin sa banda ninyo kung sakaling sumali ako. Kapag nagpasukan s-siguro dapat lumayo-layo ako at magkunwaring 'di tayo magkakakilala. Paano kung m-madamay din k-kayo? Paano kung husgahan din kayo dahil ang ilan sa anak ng mga sikat na negosyante ay kasama ang anak ng mag-asawang Kim na gumawa ng mga ilegal na bagay. P-Paano kung pumangit ang image n'yo at h-husgahan din at m-madamay pa ang negosyo ninyo, ang pinaghirapan n'yong buohin na banda? What if . . . hindi kayo tanggapin sa contest o ma-bash kayo dahil sa akin?” Medyo napapalakas na ang hikbi ko at hindi na ako nagulat pa noong bumukas ang music room at tumambad ang tatlo na nasa may pintuan na. “Victoria . . .” Malungkot akong ngumiti sa kanila bago muling yumuko. “Hindi ko na siguro kailangan ng ilang linggo para magdesisyon kung sasali pa ako sa banda n'yo o hindi. Sa palagay ko sapat na ang mga narinig ko kanina lamang at nauunawaan ko iyon,” sambit ko pa saka nadama ang maingat na paghawak ni Prince sa 'king kamay at pinisil-pisil ito. “Huwag na huwag mong iisipin iyan. Hindi mo kami maipapahamak. Victoria Kim, ikaw ay isang babaeng malakas, may talento, magbibigay lalo ng buhay sa banda at—” “Hindi, Prince, nagkakamali ka sapagkat ako si Victoria Kim na magbibigay lamang sa inyo ng kapahamakan. Iyon ako, Prinsipe. Kaya kakausapin ko rin si Uncle Ren n-na pagbigyan kayong tulungan para sa paligsahan k-kahit na hindi ako pumayag na s-sumali sa banda n'yo.” Pinutol ko na ang iba pang sasabihin ni Prince. “Victoria, katulad ng aming sinabi ay tanggap namin kung hihindi ka sa alok. Subalit huwag mong iisiping kapahamakan lang ang dulot mo sa amin. Hindi iyon totoo,” turan ni Kellix pero umiling-iling ako. “Totoo iyon, Kellix. H-Humihingi talaga ako sa inyo ng pasensya. Buo na rin ang desisyon ko ngayong araw na h-hindi, hindi ako sasali sa banda at iiwasan n'yo ako palagi sa school o kapag nasa labas man tayo. Sapagkat ayokong madamay kayo sa panghuhusga ng ibang mga tao at mapahamak pa kayo at pamilya n'yo,” wika ko at humingi muli ng paumanhin sa kanila bago tuluyang lumakad palayo sa music room. Hindi pa ako nakakapunta ng kuwarto ko nang maramdaman kong may humila sa akin. Si Prince iyon at nanatili akong tahimik hanggang mapansin na dinala niya ako sa napakalaking library dito sa mansion. Magtatanong sana ako kung bakit niya ako dinala rito subalit hindi ko na nagawa. Kaagad niya kasi akong niyakap nang mahigpit at hinaplos-haplos ang buhok ko. Napapikit na lang ako saka niyakap din siya habang may unti pang luhang tumutulo mula sa singkit kong mata na medyo pamaga na. “Ria, just cry if you want. Handa akong maging sandalan mo sa tuwing nahihirapan ka na. Handa akong tumulong kapag nangangailangan ka. Alam kong nahihirapan ka at nauunawaan ka namin, iyan ang palagi mong tatandaan.” Kataga ni Prince at mas humigpit lalo ang yakap ko sa kaniya at ganoon din siya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD