//KABANATA 3

5889 Words
Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Lungsod ng Taguig, Pilipinas Agosto 20, 2045; 09:01 H (GMT +08:00)   “Kailangan mong maglakad papunta sa terminal, na malapit sa Aura Mall at Market! Market! Tapos, sumakay ka ng e-jeepney papuntang Ayala, at bumaba ka sa Forbes Park. Hihintayin na lang kita roon, dahil mahigpit sila sa pagpasok ng mga tao. Nakuha mo?” Nakuha ko na ang panuto mula kay Haufmann. Malinaw at madaling maunawaan. “Oo. Salamat sa panuto.” Iba na ang pinapadama ng haring araw sa balat ng mga tao sa ganitong oras. Ang dapat ay Vitamin D na nakakatulong sa pagpapatibay ng buto, ay napalitan ng mga sinag ng ultraviolet, na isang kapahamakan sa balat ng tao. Animo’y kasing-init na ng impyerno ang init na pinapasa ng araw sa mundo, at kung matagal na nabilad ang isa sa araw, tiyak na masusunog ang kanyang balat. At sa sobrang sakit, mahirap minsan makagalaw. Wala akong mapagpipilian, kundi ang puntahan ang terminal, kung gusto kong makarating sa Forbes Park. Sa kabutihang palad, pinaramdam ng arkitektura sa aking mga mata, kung paano inayos at pinaganda ang isang simpleng kalye ng BGC. Ang bawat lakaran ay hinaharangan ng mga halaman at bakod na bakal, upang mapigilan ang mga tao na tumawid sa maling tawiran. Kada labinglimang metro, may mga nakatayong punong dinisenyuan ng mala-silindrong hugis, lalong pinapalamutian ng mga bulaklak na nagsisitubo. Kung hindi sa mga ito, lalo pang nagbaga ang sinag ng araw, na siyang pinapainit ng polusyong dala ng mga sasakyang nagsisidaan. Samantala, ang mga poste ng ilaw ay hindi aktibo sa ngayon. Ngunit, kapag dumating na ang paggising ng buwan, magliliwanag iyan ng mga patalastas sa tulong ng hologram. Napadaan na ako sa iba’t ibang mga istruktura – mga otel, mall, at kahit ang tinatayong ‘Amrel Heights’, na inaasahang nasa limampu’t limang palapag, bago ko tuluyang masulyapan ang terminal, kung saan pagkarating, agad akong sumakay. Naghanap ako ng puwestong bakante at agad kong inupuan nang makakita ako ng isa. Sa aking pag-upo, lumitaw sa likuran ng upuang okupado ng isang lalaking nagbabasa ng Inosanata NewsTablet ang hologram, ibinalandra ang mapa ng ruta ng e-jeep na aking sinakyan, mula dito sa terminal, hanggang sa Istasyon ng MRT sa Ayala. Pinili ko ang Forbes Park, at pinakita na agad ang halaga ng pamasahe. Labinglimang Dyeneg sa mga SmartHuman, at doble ang halaga sa mga nagnanais gumamit ng Piso ng Pilipinas. Hindi aalis ang e-jeep hangga’t hindi pa puno ang mga tao. Iyan ang kulturang hindi naiwanan kahit na ang drayber ay napalitan ng kompyuter, na nagsasalita ngayon sa mga pasahero ng ilang mga paalala. “Magandang araw. Ako si Elena, ang artificial intelligence na tutulong sa inyong paglalakbay magmula sa pinagmulan, hanggang sa makarating kayo sa inyong paroroonan. Tamang paalala bago tayo umandar: Sa pagupo ninyo, may lalabas na hologram sa likuran ng upuan at kung ikaw ay nasa harapan, ang salamin sa harapan mo ang paglalabasan ng hologramo. Ang hologram na iyon ay maglalabas ng ruta at ang mga maaari ninyong babaan. Pumili ka ng iyong bababaan at magbayad ng tamang halaga. Pagkatapos, hintaying mapunan ang lahat ng silya, at ako, ang inyong tsuper at gabay sa ating paglalakbay, ay bahala sa inyo.” Artificial Intelligence pala ang tamang termino. Sa bagay, patawarin ninyo ako, dahil hindi ako isang eksperto pagdating sa larangan ng teknolohiya. Sunod naman siyang nagpaalala sa kung ano ang dapat gawin habang bumabiyahe. “Habang tayo ay bumabiyahe: Pinapayagan namin ang lahat na kumain at uminom habang bumabiyahe, subalit dapat ninyong panatilihin ang kalinisan ng inyong kinauupuan. Pinagbabawal sa loob sa lahat ng pagkakataon ang biglaang pagsigaw, paninigarilyo, at iba pang mga iligal na gawain katulad ng catcaling, at panghihipo. Tandaan, kaya kong maramdam ang mga nagaganap sa loob at ipapaalam sa kapulisan ang lahat.” Paano naman kung nakarating ka na sa iyong paroroonan? Sinagot rin ito ng artificial intelligence. “Pagkarating sa inyong destinasyon: Tignan munang mabuti ang paligid kung may nakalimutang gamit bago bumaba. Hindi po responsibilidad ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig, o ng BGC, o ng operator ng e-jeep na ito, ang pagkawala ng inyong mga gamit. RESPONSIBILIDAD ninyo ang pagpapanatili ng inyong mga pagmamay-ari sa inyong mga kamay. Samantala, sa inyong pagbaba, mag-ingat po kayo sa mga hakbang upang makaiwas sa disgrasya. Salamat sa pagtangkilik sa e-jeep. Muli, ako si Elena, ang artificial intelligence na inyong kaagapay sa paglalakbay. Magandang araw sa inyong lahat.” Tapos na ang pagpapaalala niya, kaya nagsalita muli siya. Kaparehong mensahe, ngunit sa wikang Ingles naman. Sa aking pagkabadbad sa malambing na boses ng Elena AI, hindi ko namalayang may tumabi sa aking isang babae. Umupo agad siya sa aking tabi, at sa pagkalabas ng hologram na nagpapakita ng kabuuang rutang tatahakin ng e-jeep na ito, agad niyang pinindot ang MRT Ayala Station, at nagbayad gamit ang isang app sa smartphone. Pagkabayad, binuklat niya ang aklat na isang dagat ng mga salita, at nilunod ang kanyang sarili roon. Isa siyang blondinka at parehong-pareho ang kanyang mga mata sa mga mata ni Elisa. Para hindi ako magmukhang ahas na naghihintay ng tamang panahon upang tumuklaw, sumulyap na lang ako sa bintana. Ang haring araw ay tinapkan ng mga ulap. Mapapawi kahit papaano ang sobrang init na nararanasan ng mga nasa labas. “Ang rutang ito ay magmumula sa Aura Mall Terminal, at magtatapos sa Istasyon ng MRT, Ayala. Kung ikaw ay mali sa iyong sinakyan, maaari mong i-refund ang nagastos mong pera.” Isang magandang paalala mula kay Elena AI bago manumbalik sa pagpapatugtog ng mga awiting tatak Pinoy na angkop sa panahong ito. Sa pagdampi ng tunog at ingay sa aking magkabilang tenga, unti-unti nang na-ookupahan ang mga bakanteng puwesto. Iba’t ibang mga tao na ang nagsidatingan, naghahangad ring makasakay para lang makarating sa kanilang paroroonan. Ang huling silya ay naokupahan na ng matandang babae, at nang malaman ito ng Elena AI, nagsulputan muli ang mga hologram at naglabas ng mensahe kung bayad na ba ang kanilang kaharap o hindi. Bayad na ako, kaya wala na akong aalahanin. “Ang lahat ay nakapagbayad na. Muli, ang rutang ito ay magmumula sa Aura Mall Terminal, at magtatapos sa Istasyon ng MRT, Ayala. Kung ikaw ay mali sa iyong sinakyan, maaari mong i-refund ang nagastos mong pera.” Inulit lang ng Elena AI ang kanyang sinabi, na may dagdag na ang lahat ay nakapagbayad na. “Meron lang kayong tatlumpung segundo upang i-refund ang inyong pamasahe, kung mali ang inyong nasakyan.” Tatlumpung segundo ang inilaan ng Elena AI, sa pagbibigay ng pagkakataon upang maibalik ng may-ari ang kanyang pera, kung sakaling napagtanto niyang mali ang kanyang sinakyan. Lima... sampu... labinglima... dalawampu. Sampung segundo na lang ang binibilang sa hologram, at maaaring may isa pa sa kanila ang nagkamali ng sinakyan. Dalawampu’t lima... Tatlumpu. Ni isa ay hindi nagbawi ng kanyang pamasahe. Nangangahulugang ang lahat ay tama ang sinakyan. “Walang nag-refund ng kanilang pamasahe. Isasara na ang mga pintuan ng e-jeep.” Isinara na ng Elena AI ang mga pinto. “Salamat sa pagtangkilik sa e-jeep. Tayo ngayon ay aalis na.” Gumulong na rin ang mga gulong, at kami ay lalayag na sa rutang itinakda para sa e-jeep. Kapansin-pansing walang mga kamay na nagmamando sa manibela, ngunit animo’y merong multong nagpapagalaw nito. Normal lang iyan, dahil ang kompyuter ang nagsisilbing tsuper ngayon. Banayad ang daloy ng paglalakbay, at sa bawat kanto, kapag kulay pula ang ilaw, humihinto nang kusa ang e-jeep. Naka-programa talaga kay Elena AI na sumunod sa batas trapiko. Sa kanto ngang ito, malapit sa labasan ng Bonifacio Global City na maghahatid sa amin sa Forbes Park, nasulyapan ko pa ang mga naglalakad na empleyado at mga kabataang naglilibot, na halos mauna na ang kanilang mga panga kaysa mga paa. May naabutan akong naghihintay ng pagkakataon ng kanilang pagtawid sa kalsada, at mga parokyano ng restawrang KAPE na wiling-wili sa pagsipsip ng pampagising. Sa pag-andar muli ng e-jeep, lumingon naman ako sa gawing kaliwa, at mukhang may kahina-hinalang mga tao ang nagbabalak ng hindi magandang panuntunan. Hindi nakatulong ang mga punong naglalakihan sa labas sa pagpapahupa ng aking suspetsa, at nang dumating sa babaan bago mag-Forbes Park, kumpirmado na nga ang aking hinala. Nilabas nila ang mga dala-dala nilang pistola, na inasinta nila sa iba pang mga pasahero! “Holdap ito! Walang gagalaw sa inyo!” Nanakot ang isa. Hindi ko matukoy ang kanilang itsura, sapagkat tinatakpan ng balaclava ang kanilang mga ulo! “Ibigay ninyo sa 095 842 0158 ang lahat ng inyong mga pera – SmartHuman man o hindi! Kung kayo ay meron pang perang papel, ibigay ninyo sa aking kasama, na may bag!” Hawak ng nagdekalara ng holdap ang smartphone na sa aking hinala, ay may kaugnayan sa numerong kanyang binanggit. Kung hindi Dyeneg o perang digital, ilalagay ng biktima ang perang papel (at/o pilak) sa bag na nakasukbit sa kanyang kasama. Dahil sa kanilang ginawa, kusang tinabi ng Elena AI ang e-jeep sa tabi ng kalsada, at nagpatupad ng lockdown ang buong loob – walang makakapasok, o makakalabas, hanggang sa dumating ang mga pulis! Hindi sila makakawala rito, kahit na barilin pa nila ang mga salamin. “Bilisan mo sabi!” Sinigawan niya ang isang babae, isang estudyante, at hinampas niya ng hawak niyang pistola ang ulo ng kanyang sinigawan! “Ibibigay namin sa’yo ang pera, huwag mo lang saktan ang hinampas mo!” Nagmaakawa ang nanay sa mga nang-holdap, ngunit hindi ito pinagbigyan. Bagkus, binaril niya pa ang salamin, na nasa tabi ng nagmakaawa! “Tumahimik ka, bruha! Gawin mo na lang ang pinapagawa namin sa’yo!” Minura pa niya ang nagmakaawa, at pinarinig ang boses na abot hanggang sa kabilang kanto. “Ibigay ninyo o may mamamatay sa inyo!” Napansin kong nagbibigay ng pera ang aking katabi. Kinalabit ko siya at sinenyasan na huwag niyang pagbigyan ang dalawang tukmol na nang-istorbo ng mapayapang paglalakbay. “Huwag mong ibibigay ang iyong pera sa kanila.” Wika ko, na pinasusuway-suway ang kanang hintuturo. “Bakit?” Tanong niya sa paraang pabulong. “Magtiwala ka sa akin, dati akong sundalo – kaya alam ko ang mga gantong tagpo. Maaari mo akong tawagin bilang Samson. Ano ang pangalan mo?” Sa una, nag-aalangan pa siyang ibigay ang kanyang pangalan, ngunit binulalas rin ng kanyang bibig ang sagot. “Svetlana.” “Okay. Svetlana, kapag lumapit sila sa’yo, manatili ka lang kalmado. Ilagay mo ang iyong mga kamay malapit sa akin, dahil kukunin nila iyan. Kapag tinangka niyang hablutin ang iyong mga kamay, kikilos ako. Kapag ako ay kumilos na, itaas mo ang harang sa iyong kaliwa, saka ka dumapa. Tatayo ka lang ay babalik sa kinauupuan mo kapag nakaalis na ako sa kinalalagyan ko ngayon. Nauunawaan mo ba ako?” Tumango lamang si Svetlana. Mabuti, nauunawaan niya nga ako, kaya itinigil niya na ang pagbibigay ng pera sa tukmol na nagdeklara ng holdap. Ayan na, papalapit na ang isa sa kanila. Huminahon ka lang, katabi. At sa tukmol, lumapit ka lang sa amin, at malilintikan ka ng aking mga kamay, pati na ng sinturong magiging sandata ko laban sa katarantaduhang inyong ginawa. “Babae, oh – sandali. Jackpot tayo.” Nang-asar siya sa kanyang kasama, at tinangka niyang kunin ang kaliwang kamay ng aking katabi! Doon na ako nagkaroon ng pagkakataon upang sungaban ang kanyang kanang kamay gamit ang sinturon! Hinila ko papunta sa akin ang aking dinidiinan, habang ako ay tumatayo. Inangat ni Svetlana ang harang sa kaliwa niya, at dumapa! Pagkalapit ng kanyang mukha sa akin, binigyan ko siya ng headbutt, na naging dahilan ng kanyang pagkahilo! Inumpog ko rin ang kanyang kukote sa upuan, at doon ko na siya dinisarmahan, na nagresulta sa pagkuha ko ng pistolang kanyang hawak! Lumingon ang kasama niya, at babarilin ang aking katabi na nakadapa ngayon! Bago pa man siya nakapalag, nalagyan ko na siya ng bala sa ulo! Kaya naman, tumumba siya at naligo sa sariling dugo! Ibinalik ko ang aking pokus sa aking nakaharap, at sa bilis ng pagyayari, ang nasulyapan niya na lang ay ang nakaharap na nguso ng pistolang inagawa ko sa kanya. “Itaas mo ang iyong mga kamay.” Aking wika, habang lumalapit ako sa kanya, upang makaalis ako sa masikip na espasyo. Kumanan siya, kaya sumunod ako, basta hindi lang maalis sa kanyang harapan ang ngusong anumang oras, ay magbubuga ng bala na siyang bubutas sa kanyang ulo. At ako ang may karapatang mamili ng oras na iyon. Bumalik na sa kinauupuan niya ang babaeng nakatabi ko kanina. “TAAS!” “Susuko na ako, huwag mo lang akong barilin. Maawa ka sa akin.” Marunong din palang maawa sa sarili ang tukmol na nasa aking harapan. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang mga kamay, hanggang sa nag-itsurang right angle ang kanyang mga braso. Nasa kamay ko pa rin ang sinturon na aking inalis sa pagkakagapos sa kanang kamay niya. Kaya naman, matapos kong ipinatalikod ang salarin at sinipa ang kanyang kanang alak-alakan upang mapaluhod at ibagsak sa lapag, pinosasan ko siya gamit ang sinturong pinanggapos ko sa kanyang mga kamay. Hintayin ko na lang ang mga pulis na dumating, na nagpaparinig na ng kani-kanilang mga sirena.   * * * * *   45 minuto ang nakalipas   “May nakasalubong ka bang mga kriminal?” Tanong ni Elisa Haufmann sa aming pagsalubong. “Oo. Kaya ako nahuli.” Sinabi ko ang katotohanan sa kanya. Sa pagkatagal ng aking pagpunta, nahawakan na ng haring araw ang aking balat. Nagsimula na ring maging impyerno ang temperatura, ngunit hindi ko basta-basta nararamdaman sapagkat may nagpapalamig sa aking katawan, at tinutulungan ng mga puno’t halaman na katuwang ang mga bakod sa pagtakip sa mga kabahayang tanging mayayaman lamang ang makakabili. Isang ebidensya ay ang paglabas ng isang sports car na tanging mga naliligo sa pera lamang ang makakakuha. “Nauunawaan ko ang ginawa mo kanina sa nangyaring holdapan.” Alam niya ang nangyari sa bus na mga nasa dalawangdaang metro lamang ang layo mula sa aming kinatatayuan. “Napatay mo ang isa at nahuli ng pulis ang kasama niya dahil sa tulong mo. Oh siya, sundan mo ako – dahil ihahatid kita sa aking palasyo.” “Hindi ko aakalain ang isang Alemana ay magsasalita nang ganyan sa akin. Dahan-dahanin mo ang pagkain ng keso.” Masyado na ang pagkain niya ng keso. Kung hindi niya mako-kontrol, tiyak na magkakasakit siya sa bago. “Huwag ka ngang stereotypikal. Akala mo, lahat ng mga Aleman ay hindi nagbibiro. Kung totohanin ko ang isa sa mga stereotype, hangin ang makakasalubong mo.” Hindi ko alam kung pinagsasabihan niya ako, o nagbibiro pa rin siya. Doble kara ang kanyang pananalita. Kung ano ang intensyon ng kanyang sinabi sa akin, kukunin ko. Hinarang na ako ng guwardiyang nag-aasikaso sa mga bisitang pumapasok sa Forbes’ Park. Si Elisa Haufmann, kahit may pagkakataon siyang makapasok bunga ng kanyang pagiging bona fide resident, ay huminto kasama ko. “Ano ang dahilan at sino ang bibisitahin mo rito?” Wika ng guwardiyang may nakasukbit na KSG-15 shotgun sa kanyang katawan. “Bisita siya sa bahay ko.” Sagot ni Elisa sa guwardiya. “Ah, sige. Sige.” Wala na siyang naidurang mga salita, kaya inasikaso niya na ako, katulad ng pagasikaso sa akin ng resepsyonista sa Markus Tower. Pinasulat niya ako sa tablet, na naglalaman ng form na kung saan nakalatag ang aking mga pupunan. Sinulat ko ang mga impormasyong hinihingi, saka idinikit ang dalawang hinlalaki ko sa sensor na nakapatong sa mesa. Tapos! Meron na akong fingerprint na magagamit sa pagpasok sa bahay ni Elisa Haufmann. Inispeksyon ako ng guwardiya, tinignan kung meron ba akong dala-dalang kahina-hinalang gamit. Wala siyang nakita, kaya pinatuloy niya na ako. Sabay na kaming pumasok ni Haufmann, at bago kami tuluyang makaalis sa pasukan, dumaan pa kami sa x-ray scanner na talagang sinusuri mula sa temperatura, hanggang sa pagalam kung meron bang dinaladang ipinagbabawal na gamit ang isang papasok sa loob ng Forbes’ Park. Bilang lamang sa daliri ang mga residenteng nagpapahangin sa labas, at ang mga sasakyang halatang hindi mabibili ng nasa middle class, ay malayang makipagkarerahan sa kalsada. Sa bawat labinglimang metro ng daang-taong aming nilalakaran ngayon, may mga poste ng ilaw na gigising kapag sumapit na ang gabi. Bihira lamang sa mga lungsod na napakaunlad ang mga pag-awit ng mga ibon, hinaharanahan ang sinumang dumaraan. Sa sobrang ganda ng kanilang tinig, para bang nagbakasyon na ako sa probinsya. “Musta sa Markus Tower?” Ayon sa kanya, naghahangad na malaman kung ano ang aking naging karanasan sa una kong pagpasok. “Maraming mga tao sa unang limang palapag, at aakalain mong mall ang mga palapag na iyon, dahil sa una mong tingin, mga stall – pero mga opisina iyon.” Iyan ang una kong sinabi. Marami pa akong naranasan, ngunit sa susunod na lang iyon kapag tinanong niya na. “Marami talaga ang nangangarap na makapasok sa Markus Tower. Kung hindi sa sahod, oportunidad ang kanilang hinahanap.” Ang unang pagkikita ko naman kay Markus Sanchez ang kanyang pinuntirya. “Musta naman si CEO Markus Sanchez?” “Maayos lang naman siya. Mahilig sa sining at malaki ang tiwala sa mga taong nagagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin.” Tugon ko, na may malaking kumpiyansa sa sarili. “Nauunawaan ko. Ganoon talaga siya sa mga taong malaki ang naiambag sa kanyang kompanya. Pero aminin ko man sa hindi, ayon sa mga nagtatrabaho sa Tore, minsan ay nagiging arogante siya kapag may kinalaman sa kompanya ang mga desisyong kanyang tatahakin.” Pagbubunyag niya, sabay tanong tungkol sa aking kalagayan. “Siya nga pala, musta ang kalagayan mo ngayon?” “Ayos ako sa ngayon.” Pagkalipas ng dalawang kanto at isang liko sa kanan na may paglagpas pa sa tatlong bahay, nasa harapan na kami ng pintuan ng bakod ng kanyang bahay. Diinan na niya ang doorbell, at ang speaker, imbes na kalembang ang patutugtugin, pinagsasalita ang sinumang papasok. “Magsalita ang nasa harapan ng pintuan ng bahay na ito. Tamang pangungusap lamang.” “Willkommen in meinem Palast.” Hindi ko naunawaan ang kanyang sinabi. Basta, kung anuman iyon, nagbukas na lang ang pinto sa aming harapan. “Ang ibig sabihin nun ay ‘Maligayang pagdating sa aking palasyo.’” “Palasyo. Naiintindihan ko na kung bakit ‘palasyo’ ang tawag sa tahanan mo.” Palasyo ang turing ni Elisa Haufmann sa kanyang bahay. Pumasok na siya sa loob at sumunod ako sa kanya. Pinasara niya sa akin ang pinto, na malugod ko namang sinunod. Bungad pa lang, hardin na agad ang bubungad, kung saan kapansin-pansin ang mga kawayang nagpapagamit bilang ikalawang balat, at nasa likod ng konkretong bakod. Hindi lang iyon, sapagkat kaagapay ng bakod ang mga halamang fern, na nasa likod naman ng mga kawayan. Maliit-liit lamang ang espasyo ng hardin, sapagkat ang malaking bahagi ay itinira para sa paradahan, kung saan ang isang SUV ay nagpapahinga. Gayumpaman, sapat na ang laki sa pagliliwaliw ni Elisa nang hindi umaalis ng bahay. “Heto ang aking bahay, at ang una nating makakaharap ay ang mga salaming kahit .50 BMG ay hindi kayang wasakin. Kung sakaling lumindol, wala rin ang mababasag diyan.” Hindi lang pangkaraniwang pintuan ang papasukin namin. Salaming de-hila ang pamagitan ng labas at loob, at sa pagmamalaki ni Elisa, kahit butasin ng .50 BMG ang mga salamin, uka lamang ang malilikha nito. Dinagdagan pa niya na hindi basta-basta mababasag ang salamin kapag lumindol. Ano kaya ang teknolohiyang ginamit? Kung anuman iyon, wala na akong pakialam. Basta, hinahatak na lang niya ang salamin pakanan, at ilang hakbang lang ang aming ginawa – nasa loob na kami ng tahanan ni Elisa Haufmann. Sa unang tingin, aakalain mong tipikal ang mga nasa loob ng bahay. Sa sala, may sofa na maaaring pagpahingahan at kung kulang pa sa kanya ang pag-upo o paghiga, malaki ang maitutulong ng telebisyong nakarahap sa kanya. Nasa dulo ang kusina, at naroon din ang labasan, kapareho ng dinaanan namin kanina. Bago kami umakyat sa ikalawang palapag, nadaanan ko pa ang kainan na may isang mesang malaki at apat na upuan. Ang ikalawang palapag naman ay puro mga kuwarto ang matatagpuan, at ang aming pinasok, ang ikalawang pintuan, doon na nag-iba ang aking impresyon. Nagparamdam na sa akin ang kaparehong lamig na ipinaramdam ng pinagtatrabahuan ni David, at ang kompyuter ay halos magdamag nang bukas. Sa isa sa dalawang monitor pa nga lang, masasabi mong nanghihingi na ng data ang console na pinapakita ngayon. Ang isang katabi ay mistulang mata ni Elisa sa mga nagaganap sa labas. Hindi lang sa loob ng kanyang bahay makikita kung ano ang mga kaganapan, bagkus ay pati ang mga feed ng CCTV sa labas, ay kanya ring nasisilip. Sa bagay, hindi sasapat ang pagdungaw sa bintana ng kuwarto, kahit tanaw ang mga pangyayari sa labas.   “Heto ang aking opisina, kung saan ko ginagawa ang lahat ng aking trabaho sa Markus Industries bilang penetration tester, at siyempre, isang hacker.” Pagmamalaki niya sa kanyang responsibilidad sa Markus Industries. “Matindi ang ginawa mo para rito. At bakit ang silid na ito ang nagsisilbing opisina mo?” Hindi lang puro teknolohiya ang nasa loob. Sapagkat, nakapaskil din sa bulletin board, na katabi ng kompyuter, ang mga datos na hindi ko maunawaan. Nakalista pa sa bulletin board ang mga posible niyang gagawin, at ilang mga IP Address na kalakip. Hinalo niya na siguro ang personal na buhay sa mga kinakailangang matapos sa trabaho. “Salamat sa iyong pag-kritik. Tungkol sa iyong katanungan,” Wika niya, habang lumalapit siya sa kabinet. Binuksan niya iyon at ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang pagsasalita. “ang mga may kinalaman sa back-end security operations, kagaya ng penetration tester at security head ay walang opisina sa Markus Tower, o sa anumang pasilidad na may kinalaman sa Markus Industries.” Kinuha niya na ang duffle bag na nasa loob ng mataas na kabinet, at kasabay ng kanyang paglapag ng hawak niya sa lapag, nagpapatuloy pa rin siya sa kanyang pagpapaliwanag. Ang duffle bag ay kapareho ng kanyang binitbit noong lumabas kami sa ospital. “At ang kumukuha sa back-end security operations ay ang mismong CEO o ang Security Officer, dahil napakatago ng ating trabaho. Minsan, pinapatawag kami ni Markus Sanchez para sa mga mahahalagang pagtitipon. Iyon lan ang mga opisyal naming pagbisita sa Markus Tower.” “Ibig sabihin, kaya niya ako binigyan ng condo para magsilbing opisina ko?” Kung ganoon, hindi lang siya basta tahanan – isa ring opisina. Iyon ba ang dahilan kung bakit may fingerprint sensor sa harapan ng kanyang monitor? “Tama. Kaya ang bahay na ito, sa akin nga ang pagmamay-ari, ngunit opisina ko rin, kortesiya ng Markus Industries. Ngayon, alam mo na kung bakit marami ang nagkakandarapang makapasok sa kompanya – dahil maliba sa malaking sahod, naniniwala sila na mabibigyan kita ng tahanan at subsidiya. Subalit, hindi iyon ang nangyayari, sapagkat naka-reserba lamang sa mga back-end security operator katulad natin.” Pinalapit niya ako sa kama, kung saan nilapag ang duffle bag. Nang ako ay makalapit niya, pinaghiwalay niya ang mga zipper saka iprinesenta niya sa akin ang laman ng duffle bag na kanyang binitbit nang ako ay ma-discharge sa ospital. Kumpiyansa siyang wala ni isang gamit na aking pagmamay-ari ang nawala. “Wala ni isang gamit ang nawala sa aking pagtingin. Pagkapunta mo sa Markus Industries, tumuloy ako sa bahay at itinago iyan sa kabinet.” Paniniguro niya sa akin. “Kung nag-aalangan ka, maaari mong galugarin ang loob.” Matagal ko nang kilala si Elisa Haufmann, ngunit hindi naman masama kung iisa-isahin ko ang mga gamit na nasa loob ng duffle bag, hindi ba? Para lang makasiguro na wala talagang gamit ang nawala. Sinimulan ko ang pagtingin sa magkabilang-gilid. Walang nawala. Sa gitna? Ginalugad ko pa ang mga laman – tuwalya, mga damit – lahat ay kumpleto! Walang labis, walang kulang, at higit sa lahat, walang kalat. Kahit tapos na ako, tinignan ko muli ang mga gamit kung talaga bang walang nawala. Ang sagot ay wala talagang nawala. “Wala ngang nawala.” Nang mai-ulat ko ang aking konklusyon, naniguro si Elisa na kapag taguan ng gamit na hindi kanya, mapagkakatiwalaan siya. “Basta Samson, kapag gamit – mapagkakatiwalaan mo ako. At heto nga pala.” Binigay niya na sa akin ang Alien 9mm Pistol, na isang taon mahigit niya ring itinago. Pinindot ko ang eject, na siyang magbabagsak ng magasing nakakabit sa pistola, at sinalo ng kaliwang kamay ko ang magazine na nalaglag. Siksik ang mga balang nasa loob ng magasin. Sapat na aking nakita, kaya muli kong sinaksak ang magasin sa pistola at tinago sa pistol holster na kanya ring binigay sa akin. Ang pistol holster na iyon ay maaari kong ikabit sa sinturon, at nagdesisyon akong ilagay ang lalagyan ng pistola sa aking likuran, sa hindi basta-basta makikita. Doon ko na rin itinago ang pistolang binigay sa akin ni Haufmann. “Nauunawaan ni Markus kung gaano kasensitibo ang iyong trabaho. Iyan ang regalo niya sa’yo. Alien 9mm Pistol – 9x19 mm Parabellum, 17 rounds, kalidad Czechia. Pinahaba nang kaunti ang barrel para sa paggamit ng suppressor.” Pinagmalaki niya pa sa akin ang kanyang kaalaman tungkol sa modelo ng pistolang nabanggit. Hindi na kailangang sabihin ang mga iyan, Elisa Haufmann, dahil mas may alam ako pagdating sa mga armas kaysa sa’yo. “Salamat.” Napakasentimental sa akin ang pistolang nasa likuran ko ngayon. Dahil sa Kasunduang Zagreb, pare-parehas na baril sa isang uri na lang ang laging mabibili. Hindi ko rin naman masisisi si dating Pangulong Jeane Cortez noon, sapagkat malaking tulong sa maintenance at lohistika ang pare-parehong armas. “Sa tingin ko, iyan na ang lahat ng mga nandito na iyong pagmamay-ari. May nakalimutan pa ba ako?” Magandang sinabi niya iyan, sapagkat may ilang mga bagay na kailangan kong linawin. “Mukhang wala na.” “Kung ganoon, mag-iingat ka sa biyahe papunta sa condo. At, pinapasabi nga pala ni Markus Sanchez na ok na ang iyong pag-rehistro. Ikaw na lang ang kinakailangan doon.” “Salamat.”   * * * * *   3 oras ang nakalipas   Nakuha ko na ang aking personal na gamit at ang pistolang pagmamay-ari, kaya napapunta na ako sa New Sunshine Residences, na nakatindig sa Bonifacio Global City. Tatlo ang tore sa loob ng compound na sakop ng nabanggit na residensya, at ang unang palapag ay kung hindi paradahan, ay may basketball court at pahingahan ng mga bata, na sa kasalukuyan, ay walang nangingialam. Sa bagay, lahat ay pinabibigat ang timbang ng kanilang tiyan, o naglalakad sa kani-kanilang mga panaginip. Iilang tao lamang ang aking napagmamasdan sa loob ng New Sunshine Residences, at karamihan ay tumutuloy sa swimming pool na sentro ng tatlong toreng nakatindig. “Sir Markus Sanchez, nasa loob na ako ng New Sunshine Residences.” Aking mga unang salitang binitawan matapos akong makipagusap sa pamamagitan ng NeuroLink. Tinatapik ko lang ang aking kaliwang sintindo at bahala na ang mga neuron na hanapin ang IP Address na nais kong makausap. “Okay. Sa Building C matatagpuan ang iyong kuwarto. Kausapin mo ang resepsyonista sa pagpasok mo roon.” Nagbigay siya ng panuto sa kung ano ang mga susunod kong gagawin. “Sige po.” Sa kabilang kalye matatagpuan ang Building C, at dahil doon, kumanan ako sa kanto at tumuloy roon. Pagkapasok, agad akong binati ng eleganteng lobby, na ang gilid ng pasukan at labasan ay may mga pasong nakalagay, kung saan naman lumalago ang mga fern. Kalalabas lamang ng elevator ang tatlong tao, dalawang babae at isang lalaki. Humarap ako sa resepsyonista, na diretsahang bumati sa akin at tinanong kung ano ang aking balak sa loob. Isa siyang SmartHuman at halos magkapareha ang kanyang suot sa mga nakaharap ko naman sa Markus Tower. Nag-iba lang sa kulay. “Magandang araw po sa New Sunshine Residences Building C.” Pagbati niya nang ako ay humarap na sa kanila. “Ano po ang maitutulong ko sa inyo?” “May nag-apply na ng bakanteng kuwarto dito, na nasa akin ang pangalan.” “Oh, ikaw ba yung sinasabing si Samson Fuerte?” Ginalaw ko lang ang aking ulo nang paitaas at paibaba. “Oh. C-347 ang iyong kuwarto. Halika, magpa-fingerprint ka na.” Ilang beses ko ba itong gagawin – ang idikit sa sensor ang dalawa kong hinlalaki? Heto na ba ang bagong pagalis sa kandado, na matagal nang pinaghaharian ng mga susi? Basta, ginawa ko na lang iyon at sa aking paningin, may lumabas na salitang ‘Password’, at ang apat na numero. Isinave ito ng system, at alas – nasa aking utak na ang password. Hindi ko na makakalimutan, maliban na lang kung sadya kong burahin. //PASSWORD: 8740 “Sige po, maaari niyo na pong bisitahin ang Room C-347.” Pinaalahanan niya na ako na tapos na ang aking transaksyon sa kanya. “Salamat po.” Ayos na ang aking pag-rehistro, kaya tumuloy na ako sa elevator na pagpapindot ko, agad akong pinagbuksan. Pagkapasok, tumawag sa akin si Markus Sanchez, na aking tinanggap, na nagbunga ng pagkarinig ko ng kanyang tinig. “Samson, ano ang kuwartong inilaan ng resepsyonista para sa’yo?” “C-347.” “Building C. 34th floor, room 347. Iyan ang magiging tahanan mo, at magiging opisina mo.” Maikli, ngunit malinaw ang kanyang pagpapaliwanag sa kung ano ang ‘C-347.’ Dahil sa kanya, tinulak ko na ang butong hologramo na may numerong ‘34’ at sinunod ang ‘DC.’ Umaangat na ang elevator at pagdating sa ika-tatlumpu’t apat na palapag, nagbukasan na ang dalawang pinto at ako ay umalis upang humarap sa pintuan ng C-347. Kumanan ako at una kong nakita ang pintuang may C-346, at sa pagtingin ko sa kanyang katapat, may pintuang sarado, at ang tatak ay C-347! Salamin ang mga pinto rito kagaya ng sa ospital, at nai-aalis lang ang lock kapag tinapat na ang fingerprint at pinasok ang password. Sa panahong puro ganito ang sistema, paano kaya ang mga walang hinlalaki? Tumingin ako sa sensor, at may tinatawag silang ‘breathing analyzer for non-fingerprint mode’. Ah siya, diniian ko ulit ang kaliwang hintuturo ko at sinunod ang pagpindot sa mga numerong 8740. Mabuti, nai-unlock ko na ang pinto at kusa na itong nagbukas para sa akin! Pagpasok ko, wow. Sa kauna-unahang pagkakataon, mamumuhay ako bilang isang residente sa lugar na tinuturing ng karamihan na ‘teritoryo ng mga mayayaman’. Kumpleto ang gamit at sa sobrang linis, maaaring masilaw ang aking mga mata sa pagkakakintab. Papasok ng banyo ang una kong nakaharap, at sa paggawi sa kaliwa nang apatnapu’t limang degree, masusulyapan ang kusina. Kumpleto sa kagamitan ang kusina – may kalang elektronika, oven at lababo. Gumawi pa ako para makita ang iba pang parte ng kuwarto. Pagkalagpas ko sa kusina, bumaba ako ng dalawang hakbang, at heto, binabati ako ng sala ng isang ‘maligayang pagdating’. Nasa gitna ang mesang salamin na mababa ang mga paa, at tinatakpan ng telang tinahi sa paraang cerrado. Pinagmamasdan ng tatlong sofa na nakapalibot sa kanya ang mesa, at ang isa ay nakaharap sa telebisyong salamin, naghahandog sa mga magpapahinga ng magandang panoorin. Kung hindi telebisyon ang gusto kong pagmasdan, malaya kong matatanaw mula sa bintana, ang mga bahay-bahay sa ‘di kalayuan, at ang iba pang mga nagtataasang mga gusaling pagmamay-ari ng iba’t ibang kompanya, na ang ilan ay nagpapalabas pa ng mga patalastas ng kanilang mga produkto, sa tulong ng LED. Ang PhilInternet, isang kilalang telecommunications company, ay hinihikayat ang mga mamamayan na mag-subscribe sa kanilang serbisyo. May iba’t ibang mga plan sa ‘abot-kayang’ halaga. Ang tanong, abot-kaya nga ba? Totoo ba ang kanilang mga sinasabi? Kung hindi pa sapat ang kanilang pagsuyo gamit ang mga subscriber’s plan, hinatak pa nila ang kilalang gaming streamer sa buong mundo si Ylenia Mlakar, alyas ‘Tisay   ’, upang mag-endorso at magbigay testimonya kung gaano ‘kabilis’ ang internet na hinahandog ng PhilInternet. Umaga lang ngayon, kaya ganyan ang larawan ng aking nakikita. Pero, kapag ang dilim ay nanakop na ng langit, magiging hologram na halos ang lahat ng mga patalastas. Sunod kong sinuyod ang kuwarto, na nasa likuran ng sala, at pinaghihiwalay ng pader. Naroon ang kompyuter na halos kaparehas ng kay Elisa Haufmann, na napapailaliman ng kamang akin lamang mahihigaan kapag pumanik ako sa hagdan. Katulad din ng sa sala, meron akong bintana, nagsisilbing mata sa anumang kaganapan sa labas. Ayos kaya ang kuryente sa loob? Binuksan ko ang isa sa mga bombilya, sa tulong ng switch. Gumagana. Pinatay ko muli, at pagkadaan ko sa sala, sinaksak ko ang sasakyan ng telebisyon sa outlet at ginising gamit ang remote. Nang magising, lumitaw ang hologram! Ah, nakatutok ang TV ngayon sa Inosanata Entertainment at ang pinapalabas ngayon ay ang isang game show na wala kahit 1% ng aking pake. Nilipat ko sa ibang channel sa pamamagitan ng paghawi, at tumigil lang ako nang napadpad na ako sa channel na nagpapalabas ngayon ng travel vlog, at ang bida ay kasalukuyang naglalakbay sa Mongolia. Hinayaan ko lang ang telebisyon sa pananatiling dilat nito, at ako ay bumalik sa kusina, upang ma-testing kung ang gripo ay gumagana. Aba, dalawa ang pamamaraan ng pagbukas – ang kultural, at ang makabago. Sa kultural, ipipihit ko lang pakanan ang handle screw. Sa makabago, ihawi ko lang ang aking mga kamay sa bunganga ng gripo, lalabas na ang tubig. Ang mas maganda pa rito, maaari akong mamili sa dalawa sa pamamagitan ng hologram na nasa kaliwang tabi ng handle screw. Binuksan ko ang gripo sa paraang kultural, at nagbuga ito ng tubig. Pinatay ko na ang grupo nang malamang maayos ang takbo ng tubig. Pinasok ko naman ang banyo at ginawa ang kaparehong gawaing aking natapos sa kusina. Maganda ang kondisyon. Kung nais ko namang mag-shower, magbubuga ng tubig ang shower kapag ang aking mga paa ay tumapak sa area na kayang ibagsak ng tubig na nagmumula sa shower. Kahit ang hinlalaki ko sa paa lang ang aking itinapak, nagbuga na agad ng tubig ang shower! Mabuti na ang linya ng kuryente at tubig ay maayos. Lumabas ako ng banyo, at napabalik sa sala. Hininaan ko ang bolyum ng telebisyon, sapagkat kakausapin ko muli si Markus Sanchez. Salamat sa kanya, dahil nagkaroon ako ng ganitong bahay. “Sir Markus, maraming salamat sa regalong ito.” Aking pasasalamat sa kanya, na ang ngiti ay abot hanggang sa aking tenga. “Walang anuman iyon. Tiyak na mag-eenjoy ka sa bago mong tahanan.” Paniniguro niya. Oras na siguro upang manghingi ng paliwanag tungkol sa mga pinagsasabi ni Elisa Haufmann sa akin kanina. “Okay. Sabi sa akin ni Haufmann, parte kami ng back-end security operations, kaya wala kaming opisina sa Markus Tower, o sa anumang pasilidad ng Markus Industries, at ang mga ‘tahanan’ ay ang aming opisina. Tama ba ako?” “Ipinaliwanag na pala sa’yo ni Haufmann ang mga dapat kong ipaliwanag ngayong tanghali.” Nangangahulugang kumpirmado at totoo ang mga ibinatid sa akin ng Alemana. “Pero, paiilkiin ko. Tama, parte ka na ng back-end security operations. Wala kayong mga opisina sapagkat napakatago ng inyong mga gawain, at tanging iilan lang ang nailalagay sa ganyang puwesto. Ang inyong opisina ay ang inyong tahanan, at hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan ninyong mag-login sa database, bilang pakahulugan na pumasok kayo sa araw na iyon.” Teka, hindi kami magla-login sa database (via fingerprinting) bilang tanda ng aming pagpasok? Ipinagpatuloy pa niya ang pagpapaliwanag. “Ngunit, hindi ibig sabihin noon ay magpapapetiks na kayo. Hindi. Si Haufmann ay naka-atang na kada linggo, magpapaliwanag siya sa kanyang nagawang pangha-hack, at ang kanyang mga nalaman ay ipapadala kay David Segovia upang maayos agad-agad. Sa kanyang gawain, masisigurong secure ang mga imprastruktura ng Markus Industries sa Pilipinas. Habang ikaw ay naka-atang sa paglalatag at pagpapanatili ng pisikal na seguridad sa tuwing aalis tayo papunta sa iba’t ibang lugar. At ang iyong profile ay nagtutugma sa aking hinahanap. Salamat kay Bashiri, at nahanap kita.” Ah, katulad lang ng ginagawa ko noon sa Presidential Security Group, na naglalatag ako ng plano at pagkatapos ay pag-uusapan kung ano ang mga dapat baguhin base sa istratehiya at sa bantang natatanggap. Minsan ko nang ginawa ito, kaya alam ko na ang aking gagawin. Ang pinagkaiba lang, isang kompanyang kilala sa larangan ng transteknolohiya ang aking pinagseserbisyuhan. “Pero, paano makakatulong ang hacker sa aking gawain?” Imbes na diretsahang sagutin ang aking tanong, isiningit niya ang tungkol sa una kong misyon – ang una kong gagawin, bilang kasapi ng Markus Industries. “Malalaman mo na lang iyon sa una mong misyon. Sa susunod na limang araw, pupunta tayo sa bagong tayong pabrika sa Camarines Sur, at katulad ng sinabi ko kanina, maglalatag ka ng planong panseguridad, na magiging gabay ng mga guwardiya sa pagpapanatili ng kapayapaan. Oh siya. Sa ngayon, huwag mo munang isipin iyan. Magpahinga ka muna buong araw, at bukas, gawin mo na ang una mong assignment.” “Makakaasa po kayo, Sir Markus, na magagampanan ko ang trabahong iniatang ninyo sa akin.” Tiwala ako sa aking kakayahan, dala ng karanasang naghasa sa akin na lalo pang pagbutihin ang aking trabaho. “Maganda ang iyong mga sinabi, at makakaasa ako na mapangangatawanan mo iyan. Paalam na.” “Paalam.” Natapos na ang aming tawag, at bukas, simula na ng unang misyong aking gagampanin bilang kasapi ng Markus Industries. Nawa’y matulungan ako ng Maykapal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD