//KABANATA 8

4382 Words
Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Samar, Pilipinas  Agosto 26, 2045; 08:20 H (GMT +08:00) “At ihahayag ko na sa inyo, na ang Markus Industries Transhuman Division 56, o mas kilala bilang Samar Factory, ay magbubukas na. Samahan ninyo ako sa paggupit ng laso, at susundan natin iyon ng pagsilip sa mga teknolohiyang aming ginamit sa paggawa ng mga BraimPlant at iba pang mga mga computer component.” Iyon ang boses ni Markus, na pormal nang binuksan ang pabrika. Nang marinig ko ang kanyang mga sinabi, agad na akong pumunta sa entablado upang sunduin siya at eskortehan papunta sa tinakdang paggugupitan ng laso – ang tawirang nagkokonekta sa auditorium at Manufacturing Division. Naroon ang mga bulaklak, at ang mga panauhin ay abot tenga ang mga ngiti sa kanilang mga mukha, atat na atat na magupit na ni Markus, na may hawak ng gunting, ang laso. Lumapit na ang CEO sa lasong humaharang sa aming pagdaan, at hindi na siya nagatubiling gupitin ito, tanda ng pormal na pagbubukas ng pabrika. Nang magupit, sumunod ang pagpapalipad ng confetti at ang pagpasok namin sa unang gusaling bibisitahin. Aba, animo’y artistang sinusundan si Markus – magmula sa mga mahahalagang panauhin, hanggang sa mga miyembro ng media, bumubuntot sa kung saan siya pumupunta. At ang una naming tinignan ay ang mga kuwarto kung saan nag-uusap ang iba’t ibang mga eksperto sa bagong disenyong ipapalabas. Katulad nga ng inaasahan, ipinaliwanag ni Markus ang mga kaganapan sa loob. “Nakikita ninyo sa mga kuwartong iyan kung paano nakikipagtalakayan ang mga kawani ng Markus Industries na may layuning mapaganda pa lalo ang serbisyo nito sa mga SmartHuman. At sa isa sa mga naging produkto nito ay ang bagong iteration ng BraimPlant, na ilalabas sa susunod na taon. Hindi ko pa puwedeng ilahad ang mga detalyeng iyon, basta – abangan niyo na lang.” Kung hindi lang ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan sa sector na kung saan kami naroon, malamang sa malamang, ay baka nagpaligsahan na ang mga taga-media sa paramihan ng kuha ng larawan na may kaparehong sabdyek. “Tara na, at bibisitahin naman natin ang sector kung saan sinasala ang buhangin.” Wika ni Markus, habang pababa siya, at aming sinusundan. Ipinaliwanag niya kung paano pinakatakbo ang mga makinang responsable sa paggawa ng mga brain chip ng Markus Industries. “Ang bawat makinang makikita ninyo sa ating mga daraanan ay pinapatakbo ng revolutionary technology na tinatawag nating ‘Electric Wall Power Plant’. Ang mga sunray na na-aabsorb ng mga pader ng pabrikang ito ay nako-convert into electricity. At dahil dito, bumawas ang aming carbon footprint, na isa sa mga layunin ng Markus Industries sa pangangalaga sa Inang-“ “Bakit biglang dumilim?” Hindi lang pala ako ang nakapansin kung bakit bigla na lang nagkamatayan ang liwanag, at sinakop na ng dilim ang halos buong pasilidad. Nang in-activate ko ang night vision sight, napansin ko ngang tumigil ang mga makinang nagpapatakbo sa pagpi-filter ng mga sangkap sa paggawa ng brain chip. Hindi lang iyon, pati ang mga taong trabahador, na minsan ay kumokontrol at umaalalay sa artificial intelligence, ay nagtataka. Bagung-bago, magkakaproblema nang ganito. “Huminahon lang kayong lahat, walang mangyayari sa inyo.” Kahit pinapakalma ni Markus ang lahat ng mga panauhin, nakakaramdam ako na hindi ito basta brownout lang. Tinawagan ko si Haufmann, baka sakaling hindi nila alam na nangyayari sa aking kinalalagyan ngayon. Huwag naman sanang magkatotoo ang kanyang mga sinabi. “Dirndl, Dirndl. Sumagot ka. Dirndl? Dirndl? Puta.” Hindi siya sumasagot, baka sakaling hindi dumarating sa kanya ang mga packet! Tinapik ko si Markus, at sinabi sa kanya na mag-evacuate na. “Sir, kailangan na nating umalis dito. May nararamdaman akong hindi maganda.” Nagbigay na rin ako ng utos kay Sierra 4 at sa iba pang mga panauhin na maghanda. Sana, hindi mangyari ang aking kinakatakutan. “Sierra 4, Tango 2, maghiwa-hiwalay tayo. Alam niyo na ang physical security plan para sa evac – kanya-kanya hanggang sa makarating kayo sa evac point. Alam niyo na kung saan iyon, ihatid niyo na lang sila. I-radyo niyo na rin ang inyong mga kasamahan.” “Sandali, baka blackout lang ito. Huwag tayong masyadong maging OA.” Ayon kay Sierra 4, ang namumuno sa mga pumoprotekta sa Gobernador ng Samar. “OA? Mas maganda na sundin mo na lang ang aking iniutos kaysa magsisi sa huli.” Pabalang kong sagot. “Bastos-“ “Gawin mo na lang!” Narindi ako sa kanyang pagsagot. Suwerte at kalmado pa ang aking mga ugat, o baka nagbarilan na kaming dalawa sa harap ng media. “Lahat ng mediamen, maghati kayo sa dalawang pangkat – isa ang sa Presidente, at isa ang sa Gobernador.” Wala nang nagawa si Sierra 4, kundi ang sundin ang utos at umalis kasama ng kanyang kasamahan, pati na ng kanilang pinoprotektahan. Ganoon din ang aking ginawa pati na ni Tango 2, ang namumuno sa pagprotekta sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Tinawag ko pa ang mga bantay upang sumuporta sa aking pagprotekta sa pinakamahalagang tao ng kompanya. “Ikaw, ikaw, at ikaw – samahan ninyo ako na dalhin si Boss sa RV!” Niyanig na kami ng malakas na tunog, at sumunog ang ugong na halos durugin na ang aming pandinig! Hindi iyon ang huli, sapagkat may mga sumunod pa! Lalong nagpalala ng sitwasyon ay ang sunod-sunod na putok ng baril, at ang mga salitang naririnig ko sa NeuroLink na distorsyonado ng radio static! Sabi ko na nga ba, may kakaibang magaganap! Sa aming daraanan palabas, may namataan kaming mga armadong kalalakihan na walang awang pinapatay ang mga trabahador, at hindi – pati ang mga humanoid, ay kanilang nakontrol! Nang makita ang aming mga mata, hindi na silang nag-atubiling barilin kami! Tanda ng kanilang sigaw, at ang lasong isinuot nila sa kanang braso, ang pagpapakilalang mula sila sa Humanity Resistance Front, ang grupo ng mga teroristang ayaw sa teknolohiya, at mas pipiliing mamuhay sa nakaraan. Nakaganti ako ng ilang putok sa kanila, at tatlo ang aking napaslang! Agad tumumba ang isa sa mga kasama ko, at sumunod na tinamaan sa braso ang aking kakampi! Lintik, sumusugod ang mga humanoid, at hindi sila basta-basta tinatablan ng mga bala! Nasira namin nang tuluyan ang isa, ngunit ang kakampi niya ay nakalapit sa aking kasama, at hindi nagdalawang-isip na manipa nang malakas, na siyang naging sanhi ng pagkakasira ng pader! Nagpalit ako ng magasin at inubos ko ang tatlumpung bala ng 9x19 mm Parabellum sa kanya, hanggang sa siya ay tuluyang masira! Wala na akong panahon para maglagay muli ng magasin, kaya binunot ko na ang Alien 9mm Pistol at binutas ang dibdib ng tatlong kasapi ng HRF na sumugod sa amin! Ang isa ay nagbabalak pang lumaban, kaya nabutasan din ang kanyang ulo. “Boss, sumunod kayo sa akin!” Muling niyanig ng pagsabog ang pabrika, at ang mga tauhan ay naiipit sa engkuwentro. Maingat ang bawat asinta, at ang mismong paghila ng gatilyo. Naipagpalit ko na ang magasin para sa UMP-9, at kami ay nakalabas na sa Sector A! Tinakbo namin ang pasilyo, at pinaslang ang dalawang miyembro ng HRF na nagtangkang barilin kami gamit ang kanilang M16A2. Kumanan ako at sumunod sa akin si Markus. Ang tanong ngayon, ano ang nasa likod ng kurtinang tumatakip sa Sector B, na siya namang panghinang? Huminto muna kami saglit at itinaas ko ang aking kanang kamay, pinormang kamao. Pinabukas ko ang pintuang nasa aming kaliwa, at sa aking pagkakabigla, halos barilin na kami ng dalawang teroristang nakapasok sa opisina! Nakalingon ako agad, at itinumba ko sila agad! Babaril pa ang isa! Hindi ko na siya pinagbigyan. Binutas ko ang kanyang ulo. Tinawid namin ang opisina, at heto na, naririnig ko na ang tinig ni Elisa Haufmann. May mga naririnig pa akong mga static. “Samson, Samson! Sumagot ka, Samson! Samson!” Nag-aalala na siya sa akin, dahil wala akong imik sa kanyang mga tawag. Nawala na rin ang static matapos ang ilang saglit. “Haufmann, rinig na kita! Loud and clear!” Sana nga lang ay mapawi na ang lakas ng kanyang pagsigaw kapag narinig niya ang aking boses. “Salamat naman. Sinusubukan kitang kontakin kanina, subalit may nag-jam ng system, at akin na itong na-deactivate.” Sa kanyang mga binitawang salita, gumapang na naman sa akin ang mga alaala ng Batasang Pambansa, kung saan bigo akong maprotektahan ang Pangulo, at muntikan nang mapahamak. Halos kaparehas ng naganap ngayon ang naganap doon, isang taon mahigit na ang nakalipas. Maraming pinaslang ang mga terorista, at talagang pinursigi nilang mapatay si dating Pangulong Jeane Cortez. Malinaw pa sa aking mga mata kung paano walang awang pinaslang ang pinakamakapangyarihang tao sa bansa noon, habang naliligo sa kanyang sariling dugo. “Batasang Pambansa na naman.” Bulong ko sa kanya, na hindi niya lang pinansin. Malinaw na hindi kami makakatuloy sa una naming daraanan, kaya umakyat kami sa hagdanan at lilingon pa lang ang kalaban, agad ko na siyang hinampas ng aking submachine gun, saka ipinutok sa kanyang dibdib nang siya ay matumba! Tatlong bala ng 9x19 mm ang dumurog sa kanyang baga! Nasa likod ko pa ba si Boss? Narito pa siya. “Alam mo na ang physical security plan mo sa mga ganito, hindi ba?” Binasa niya ang aking physical security plan, at ang plano ko kapag nagkaganito ay tatakas kami papunta sa tagong istasyon ng tren, na nasa ilalim ng Inosanata Corporation building. “Copy. At papunta na ako sa ES-15.” At iyon ay ang ES-15 Train Station. Ang ES-15 Train Station ay ang takbuhan ng mga empleyado ng Markus Industries sa tuwing magkakasakuna, maliban sa lindol. May limang minuto lang ang bawat empleyado na tumakbo roon o maiiwanan sila ng tren kung sakaling hindi nila maabutan ito. “Hindi lang pagsira sa bagong pabrika ang kanilang hangarin. Hinahanap din nila si Boss para patayin. Kaya makiki-usap ako sa’yo, hangga’t maaari, HUWAG kayong bumaba at lumabas sa mga gusali!  Ang mga skywalk ay makakatulong sa inyong cover!” Buwisit! Maaaring iyon nga ang isa sa mga hangarin ng HRF – ang mapatay ang aking prinoprotektahan! “Roger!” Lintik, may tumamang rocket sa itaas ng research wing! May mga kasamahan din silang nakasakay sa technical! Hindi sila basta-basta! Puta! Kami pa ang inasintahan ng kanilang M2QCB, at pinaulanan ng bala! .50 BMG ang balang ginagamit ng machine gun na iyon, at ang anumang matamaan noon na hindi armored o makapal ay matatagusan! Takbo, Markus, takbo! Wala akong laban doon! Putang ina, RPG! Gamit ang kaliwang braso, itinulak ko si Markus papunta sa loob habang inihagis ko ang aking sarili papasok, para lang makaiwas sa RPG round na siyang sumabog sa pader, at naging sanhi ng pagbawal namin sa pagbabalik. Positibo, target din si Markus Sanchez sa kanilang pag-atake! Tumayo kaming dalawa at kagaya nang kanina, ako ang mauuna, at magtatakda ng daraanan ng nasa likuran ko. Hindi yata sasapat ang hawak kong sandata, at kailangan ko pa yata ng karagdagang puwersa. Pero siya, heto ang ibinigay sa akin, kaya heto ang aking gagamitin. Napadpad kami sa Programming Wing, at matatanaw dito ang lahat ng mga pinaplano at sinasaliksik na makabagong teknolohiya na makakatulong sa lalong pagpapaganda ng imahe ng kompanya. Hindi na kataka-taka kung bakit ilan sa mga silid ay kanilang sinunog, at ang mga animal ay patuloy sa pagsira sa mga naipundar ng mga siyentipiko ng kompanya, pati na sa pagpatay sa aming tauhan! Nagmaakawa na ang isa na huwag siyang barilin, ngunit wala talagang makakapigil sa hihila ng gatilyo! Agad ko na siyang pinaslang, at nakaligtas ako ng buhay. “Ma’am, ano ang pangalan mo?” Pasigaw kong tanong sa kanya. “Sasha. Sasha Dominguez.” “Ma’am Sasha Dominguez, sumama ka na sa akin.” Utos ko sa kanya, at siya ay lumapit. “Boss!” Sigaw niya habang lumalapit sa amin. Nasa likuran siya ni Boss. Kumanan kami at tumawid na naman sa ikalawang gusali. Hindi talaga sila tumitigil sa pagpapaulan ng mga rocket! Saan nila nakukuha ang mga iyon! Boom! Ang parte ng ikalawang palapag ng aming papasukin ay nasira dahil sa kanilang kagagawan! Ilang pagkaklaro sa mga kalaban ang aking ginawa – lilingon, kapag may nakitang kalaban, agad papaslangin! Paulit-ulit na ganoon ang aking ginawa, hanggang sa maubusan na ako ng bala para sa aking UMP-9 submachine gun. Hanggang dito na lang siguro. Sunod-sunod na putok ng baril ang aking narinig, kaya napasandal ako sa gilid ng pader, sa tabi ng pasilyo at sa pintuan ng laboratoryo. Pinapasok ko muna ang dalawa at magtayo sa mga ilalim ng laboratoryo. Wala munang pakialaman tungkol sa kaligtasan. “Boss, Sasha – pumasok muna kayo sa loob ng laboratoryo. Kakatok na lang ako kapag clear na.” Sumunod lang silang dalawa, at nagtago sa ilalim ng mga mesa, sa mga parteng hindi basta-basta matatanaw ng sinumang papasok. Marahan kong isinara ang pinto ng laboratoryo – tahimik, katulad ng multong bumisita nang walang nakakapansin. Pinakiramdaman ko ang kanilang paglapit. Oo, palapit na sila nang palapit, at naghihintay lang ako ng tamang pagkakataon upang sila ay mapatahimik na nang tuluyan. Hawak ko ang pistola, at naghihintay lang ako ng kanilang pagkakamali. Lumalapit na sila, oo. At nang makakita ako ng isa, agad kong hinawakan nang mahigpit ang dala-dala niyang M653P at hinampas ko sa sa kaliwang panga, habang ginamit ang kanyang katawan pansalag! Dalawa sa kanyang kasama ang namaril, na nagsanhi ng pagkamatay ng kanilang kasama, at nakatanggap sila ng tig-isang bala sa ulo. Matagumpay kong nasunggaban ang riple ng aking himampas, at kinuha ko ang mga magasin, saka isinaksak ang isa – punung-puno. Walang labis, walang kulang. Kinatok ko ang pintuan ng laboratoryo, ang hudyat na maaari na silang lumabas. Nang marinig nila ang hudyat, lumabas na sila mula sa pinagtaguan at nilisan ang laboratoryo. Kumaliwa kami at pumanik sa ikatlong palapag. Ilang mga bantay ng Markus Industries ang nakita kong nakahiga sa lapag, wala nang buhay at hindi gumagalaw. Hindi naman mauuwi sa wala ang kanilang pagkamatay, sapagkat may ipinadala silang limang terorista sa impyerno. Tumawid pa kami sa skywalk at dinaanan ang iba pang mga opisina sa Research and Development Wing, habang nililinis mula sa mga lumusob ang silid. Kada sulok, tinitignan ko kung may nagtatagong kalaban, at kapag may nakita akong isa – agad kong hihilahin ang gatilyo para tapusin ang kanyang buhay. Ganoon din ang ginawa ko sa mga natitira pa. Ngunit, pagdating sa pinakahuling gusali ng Research and Development Wing, bago mag-Communications Wing, nagkaproblema. Ang pintong magbubukas dapat ay sarado, at hindi tatanggap ng bisita ang sensor hangga’t hindi naaayos ang sitwasyon! Nakita ko ang tatlo sa kanila, pilit binabasag ang pinto! Hindi sila nagtagumpay, sapagkat itinutok ko na agad ang ripleng dala-dala ko, at itinumba sila isa-isa! Lumapit kami sa pinto at buwisit, hindi namin magagawang buksan ito hangga’t hindi humuhupa ang sitwasyon! Buwisit! Ni-radyuhan ko ang mga sniper team, umaasang sila ay sasagot pa! Ano iyon! Puta, may bumagsak na namang rocket sa kalsada! Sinubukan kong magpa-retina scan sa sensor, at hindi iyon nagtagumpay. Tinangka rin ni Boss ang kapareho kong ginawa, ngunit kahit siya, ang pinakamataas sa kompanya, ay wala ring nagawa. “Buwisit!” Napasigaw na lang siya dahil sa resulta. Ano pa bang mga paraan ang kailangan kong malaman? Wala na ako iba pang pagpipilian. Mukhang bababa kami, kahit na malaki ang tsansang mapatay ang aking prinoprotektahan. May mga pader kaming magagamit bilang cover mula sa mga balang pinapakawalan nila. “Boss, mukhang bababa tayo. Tara na, sumunod kayo sa akin.” Wala na akong pagpipilian. Malalabag ko ang bilin sa akin ni Elisa Haufmann, pero – ano pa ba ang aking magagawa, kung hindi ako makakapasok sa Building 5 ng R&D Wing? Bahala na. Tumakbo na lang kami pabalik, at umasang wala kaming makakasalubong na miyembro ng Humanity Resistance Front sa aming daraanan. “Kapag lumabas tayo, maghihiwalay-hiwalay tayo. Kakaliwa ako, kakanan kayo. Magpapasabi ako sa mga bantay na magkita sa pasukan ng Building 4 ng R&D Wing, at dalhin kayo sa ES-15 Train Station. Alam na nila iyon.” “Ano na ako? Saan ako pupunta?” Gusto ring malaman ni Sasha ang kanyang mga susunod na gagawin para makaligtas. “Sundin mo lang si Boss, at huwag kang hihiwalay.” Pinayuhan ko siya na huwag hihiwalay, at nag-utos na ako kay Eaglepatch 2 via NeuroLink na sunduin ang dalawa sa East Wing Entrance ng Building 4. “Eaglepatch 2, mag-RV kayo sa East Wing Entrance ng Building 4, dala ko ang dalawang VIP!” “Copy that, Oxide 1. Papunta na kami roon.” Sa pagbaba ng tawag, nakababa na kami sa unang palapag at sa pagtutok ko ng M653P sa kanan, pinaslang ko ang dalawang teroristang nakikipagbarilan sa mga bantay! Ipinagpatuloy ko pa ang pagpapaputok, hanggang sa ilan sa kanila ay napalingon sa kung saan ako naroroon at nagpakawala ng bala mula sa hawak niyang FAL! Napahanap ako ng cover at suwerteng nakakuha ako ng isa! Buwisit! Tinamaan si Sasha sa kananang balikat! Sumilip ako at nagpakawala pa ng tatlong bala, na ikinamatay ng nagpasugat sa kanya! Hinila ni Markus ang sugatang si Sasha, at ako naman ay nagpalit na ng magasin nang mabasa ko sa HUD na ‘0’ na ang laman ng bala sa loob ng magasin. Nang makapagpalit ng bago, agad akong lumipat, habang namamaril! Pilit hinahabol ng kanilang tingga ang aking katawan, ngunit hindi nila ako makuha! Bagkus, nakadale pa ako ng dalawa! Ang natitirang tatlo pa ay napaslang ng mga guwardiya. Heto na pala si Eaglepatch 2, na aking kausap kanina. “Samson! Nasaan ang mga VIP?” Tanong ni Eaglepatch 4. “Doon. Sugatan ang isa sa kanila.” Sagot ko, at itinuro sa puwesto kung saan sila kasalukuyang nagtatago – sa pilar na isangdaan mahigit ang layo mula sa aking kinatatayuan. “Buwisit.” Napailing na lang at napasalita si Eaglepatch 4 nang maibatid ko ang balita. “Gentlemen, paki-secure ang dalawang VIP!” “Mauuna na ako. Magkita-kita na lang tayo sa evac point.” “Okay. Mag-iingat ka.” “Ganoon din sa inyo.” Nakalabas na ako sa Building 4 at tumawid ng kalsada! Isa na namang rocket attack! Boom! Tumama iyon sa ikalawang palapag, at napilitan akong magtago sa gilid ng sasakyan, para makaiwas sa mga debri! Ayos na ulit, Samson. Tumuloy na ako sa pagtawid at tumakbo papunta sa harapan ng Building 5. Bawat kalaban aking nakikita, itinutumba ko agad, at ang unang nakatikim nito ay ang nagtangkang magpakawala ng 40x46 mm grenade papunta sa aking kinalalagyan! Nabutasan ko ang kanyang ulo! Tumakbo ako patungo sa pilar na bilog, habang hinahabol ako ng mga balang naririnig ko kung paano mabilisang dumaan sa akin! Kung saan-saan na ako nagpapaputok dahil sa dami nila, at nang makasandal ako sa pilar, lumapit ang isa sa kanila at sinubukan akong barilin nang malapitan! Pinigilan ko siya, at hinugot ko ulit ang Alien 9mm Pistol, saka itinutok sa kanyang ulo at hinila ang gatilyo! Ibinalik ko muli ang holster at nagpalit ng magasin para sa M653P. Naging ‘31’ ang numerong lumabas sa gilid ng armas na aking dala. Ano ang lumabas sa aking paningin? Grenade indicator! Nasa tabi ko ang isang live M67 Fragmentation Grenade! Parang kabayo akong umalis sa aking kinalalagyan, at sumabog ang granada sa aking pagkaalis! Muli kong ginamit ang ika-apat na pilar bilang cover, at pinitas ang dalawa sa kanila. Inasinta ko rin ang isa pa sa nasa itaas, at siya ay napaslang – kaya ang RPG round mula sa dala niyang RPG-7V2 ay sa ere lumipad! Pinatay ko pa ang tatlo sa kanila, bago ako tuluyang tumawid at pinasok ang Communications Section – ang opisina ng Inosanata Corporation sa loob ng pabrika! Mukhang alam na nila ang evac point, at kapag hindi namin sila maunahan, baka sakaling maipit kami rito at mapatay. Ang mga guwardiya ay nakikipagpalitan ng putok sa mga terorista, at ang isa sa kanila ay naghagis ng granada, na sumabog – at naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa aming hanay! Labinglimang bala pa ang natitira para sa M653P, at muli, pinalitan ko ng magasin, kaya naging ‘31’. Sumisigaw ang isa ng ‘Mabuhay ang Humanity Resistance Front!’ Pinatahimik ko na siya at itinumba pa ang tatlo sa kanyang mga kasama. Tumawag na sa akin si Sierra 4, sa pamamagitan ng NeuroLink! “Oxide 1, nasaan na kayo? Nasa ES-15 na kami. May tatlong minuto na lang kayo para makarating dito, o aalis na ang tren nang wala kayo!” “Papunta na kami!” Ulat ko. Malapit na kami, at hindi maaaring umalis ang tren na wala kami. Lalo ko pang inagresibo ang aking pakikipaglaban. Pinasok ko ang pasilyo at tinahak na ang ruta papuntang ES-15. Argh, ambush! Pumasok agad ako sa opisina at lumabas sa isa pang pintuan! Inikutan ko sila, at hindi nila napansin na nasa gilid ko na sila! Huli na ang lahat, sapagkat nang makita nila ako, tirik na ang kanilang mga mata, at ang mga noo nila ay may butas na. Ang labas ko ay sa kanto, malapit sa daanan papuntang server room. Natagpuan ko ang pintong tanging retinal scan lang ang magagawa, at ang tatlo sa mga kalaban ay nakarating na. Hindi sila sasama sa tren, at mananatili silang mga bangkay, matapos ko silang patumbahin. Salamat, at ligtas na naipadala ang dalawa. Si Eaglepatch 4 na ang nagpa-retina scan at nagbigay ng fingerprint sa sensor. Nang masigurong awtentikado at awtorisadong tao ang papasok, pinagbuksan na kami, at kami ay pumasok. Dali-dali na kaming tumakbo at sa dulo ng pasilyo, tanaw namin ang dalawang guwardiya na nakatutok ang kanilang mga VHS-D2, nagbibigay ng cover kung sakaling makapasok sila. Sa likod nila ay ang pintuang maghahatid sa amin sa ES-15 Train Station. Nang makalapit na kami sa dalawa, itinapik ko ang kaliwang braso ng nasa kaliwa ko, at sila ay sumunod na nang pinagbuksan muli kami ng pinto. Bumaba pa kami sa hagdanan at iyon na – salamat, ligtas silang naihatid sa ES-15 Train Station, at naghihintay na rin ang mga mahahalaga pang panauhin. Tinanong ko ang isa sa mga guwardiya. “Nandiyan na sina Presidente at ang Gobernador?” “Ligtas sila, Sir. Nasa loob na sila ng tren.” “Salamat.” Salamat naman, at ligtas silang naihatid sa escape route. Kung hindi, mapapalitan na naman ang Pangulo ng Republika, na hindi na maaaring mangyari ulit, sapagkat patapos na ang termino ng nakaupo ngayon. Sumakay na kami sa tren, at agad kong idinala ko si Sasha sa infirmaria, kung saan siya bibigyan ng paunang-lunas dahil sa tinamo niyang pinsala, matapos bumaon ang bala sa kanyang kaliwang balikat. “Dok, kailangan niya ng paunang lunas.” Aking sambit nang makita ko ang doktor sa loob ng kuwartong nabanggit, na agad-agad naghanda ng first-aid kit, na magpapaibsan sa sakit na kanyang nararamdaman. Pagkasulyap kong inaasikaso na ng doktor ang sugatang empleyado, naglakad na kaming dalawa ni Markus papunta sa VIP Section, at nakasalubong namin ang Pangulo, at tumigil siya pansamantala upang pasalamatan ako. “Salamat. Hindi na ako nagtataka kung bakit nagalingan sa’yo si dating Pangulong Jeane Cortez.” Nang marinig ko ang kanyang tinig, agad akong napahinto, at si Markus, ay tumigil din sa kanyang pagsunod sa akin. “Salamat po sa papuri, Mr. President. Ngunit, kailangan muna po nating umalis dito, at saka na tayo magbigayan ng papuri, kapag ligtas na ang lahat.” “Pabor ako diyan.” Kinausap niya na si Markus, na kanyang binigyan ng morale. “Ginoong Markus, nalulungkot ang bansa sa pagkawala ng ipinundar ng iyong kompanya para sa bayang ito. Pangako, hahanapin ng lakas ng estado ang mga salarin, at sisiguraduhin naming pagbabayarin namin silang lahat.” “Salamat po, Mr. President.” – Markus Sanchez. Matapos ang maikling pagpuri at pagbibigay-suporta, naghiwalay na kami ng landas, at habang naglalakad ako patungo sa pinakaunang train car, kinausap ako ni Haufmann. “Aalis na ang tren sa ES-15 Train Staton.” Paalala ng AI, at ang mga pasukan ng tren ay nagsisaraduhan na. Ang mga maiiwang mga bantay ay tutulungan ang mga pulis at sundalo sa paglinis sa mga natitira pang mga taga-HRF. Samanta, nakatanggap ng tawag ang aking NeuroLink. At sino pa ba iyon – walang iba, kundi si Elisa, na nagbigay ng update sa kanyang ginawa. “Heto – nakuha ko ang IP Address ng hacker na lumusot sa mga butas na ngayon lang nadiskubre, at natukoy ko na ang kanyang lokasyon. At ang lugar kung nasaan ang kompyuter na kanyang ginamit ay nasa... Tondo.” Bago ako sumagot, naghanap ako ng puwesto na kung saan wala ni isa ang makakarinig, dahil ang mga susunod kong sasabihin ay kailangang hindi malaman ng sinuman, maliban sa aming dalawa. Napansin ako ni Markus nang ako ay bigla na lang huminto, at ang utak niya ay naguluhan sa aking ginawa. “Saan ka pupunta, Samson?” “Magbabanyo lang ako.” Banyo. Sa banyo ang may pinakamagandang tsansang walang makakarinig sa akin na sinuman. Kaya naman, agad na akong tumungo roon, at pagkapasok sa loob, isinara ko ang pinto, at kinandado. “Samson? Hello? Hello?” – Elisa. “Roger that. Narinig ko na ang Tondo ang lugar kung saan siya nang-hack.” Gusto kong malaman ang mga susunod niyang hakbang, sapagkat dedepende ako sa kanya sa susunod kong desisyon. “At pupuntahan natin siya roon. Kapag naabutan natin siya, pipigain natin siya, hanggang sa tuluyan nating makuha ang mga dapat nating malaman. Kung wala siya, kung ano ang makukuhang sa tingin natin ay mahalaga – ay kukunin. Babalitaan kita sa kung ano ang aking makukuha mamaya.” Dagdag niya sa kanyang mga sinabi. “Copy that. Mag-ingat ka, at huwag mong kunin ang atensyon ng mga gang sa’yo.” Paalala ko sa kanya. “Hindi mo pa ako nakikilala nang lubusan, Samson. Mabibigla ka na lang kapag nalaman mo ang lahat sa akin.” Seduktibo niyang pananalita ang aking narinig. Kilala ang Tondo sa lugar na kung saan maraming mga gang ang kumokontrol sa mga teritoryo nito. Matagal nang sakit sa ulo ng mga pulis ang kanilang presensya, at sari-saring raid na ang isinagawa upang sila ay maiwaksi. Ngunit, hanggang ngayon, nananatili pa rin sila. Kung sakaling makuha ni Elisa ang atensyon ng mga iyon, mapapahirap ang kanyang atensyon. “Noted. Sinanay ako sa mga ganyang larangan.” Hinanap ako ng Markus, at sa kanyang pagharap sa akin, nagtagumpay siya. “Samson, kung tapos ka na diyan, nasa VIP train car ako. Hihintayin kita roon.” Paalala niya. “Sige boss. Susunod na ako. Kailangan ko lang maglabas ng dumi.” Nagsinungaling ako, para hindi niya malaman ang napag-usapan namin ni Elisa. Sa pag-atake ng Humanity Resistance Front sa bagong pabrika, ipinakita muli nila ang kanilang teroristikong gawain, para lang mahadlang ang paglago, na kahit ako, ay hindi ko gusto. Ngunit, sa kanilang paglusob, nanumbalik sa aking isipan kung paano ang ginawang pamamaraan ng mga terorista para mapatay si dating Pangulong Jeane Cortez – halos magkapareho, wala nga lang mga rocket attack. Ang tanong ko tuloy – sino ang nasa likod ng pag-atake? Iisang tao lang kaya sila? Iisang organisasyon? Tatanggalin ko ang maskara, at dadalhin sa kanila ang larong kanilang sinimulan. Pangako iyan, pangako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD