//KABANATA 7

3059 Words
Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Samar, Pilipinas Agosto 26, 2045; 07:47 H (GMT +08:00)   Bagong araw, bagong umaga. Bagong umaga, bagong pag-asa. At ngayong araw, may bagong pag-asang tatayo sa Samar, magbibigay ng trabaho sa halos limang-libong tao, at makakalikha ng kita na kinakailangan para sa lalong pagpapaganda ng isla. May mga naging hadlang, oo, ngunit ang hadlang na iyon ay nalampasan at heto na ang resulta – nagpapalamig sa loob ng isang modified AW-639 vertical take-off and landing aircraft. Paano ba naman kasi, imbes na rotor na umiikot, dalawang turbojet ang nagpapatakbo sa eroplanong lumilipad na parang isang ibong malayang-malaya, ninanamnam ang umagang papakyat, katulad ng isang pheonix na nagliliyab. Sa loob, kasama ko, siyempre, si Markus Sanchez – ang tuwang-tuwa sa isa na namang kaganapang naganap sa kanyang buhay. Umaga pa lang, pero naka-dalawang bote na siya ng paborito niyang Savuro Wine na gawa pa mula sa Moldova, na binubuhos pa mula sa bote at iniinom katulad ng isang mayaman. Sa harapan namin ay ang isang mesa, nakalatag ang aming almusal. Salamat sa katulong na naghanda ng pagkain para sa aming dalawa, at dahil dito, mabubusog na ang aming sikmura para sa umaga. “Salamat, Heza.” Pagpapasalamat ni Markus sa naging tulong niya. Heza ang kanyang pangalan. “Walang anuman iyon, Boss.” “Samson, kailangan mo ring malaman kung paano magdiwang ng tagumpay ang isang kasapi ng Markus Industries.” Sabi ng aking kaharap, na may galak. Hawak niya ang bote ng Savuro Wine, at klasiko niyang ibinuhos ang wine sa aking baso – isa’t katlong puno. Sabayan pa ng steak at gulay, aba, sino pa naman ang hindi tatanggi sa haing ito! Sa katunayan nga, matitikman ko ang sinasabi nilang ‘pagkaing mayaman’ sa kauna-unahang pagkakataon, at sa harap pa mismo ng isa sa mga pinakamahahalagang tao sa buong mundo. “Hindi ako umiinom, Sir Markus.” Teetotal ako, hanggang sa mamatay. “Talaga?” Hindi siya makapaniwala sa katotohanang aking sinabi. “Huwag kang mag-alala, non-alcoholic ang wine na iinumin natin ngayong umaga. Mamaya, matitikman mo rin ang iba’t ibang mga wine na binili para sa pagtitipon.” “Salamat po, kung ganoon.” Aking masayang sagot. “Cheers?” “Cheers.” Hinawakan na namin ang aming mga baso, at pinagbunggo, sabay sipsip, na parang isang mayaman. Ang pakla, ngunit kapag umabot na sa lalamunan, ang sarap sa pakiramdam. Hinati ko na ang steak na nakahain sa amin, at nagsimula na ang aming pagkain ng almusal. Inaamin ko lang, nakaka-wirdo uminom ng wine sa umaga. Inubos namin ang mga pagkaing inilatag sa harapan ng aming hapag-kainan, at saktong nag-radyo pagkatapos ng huli kong kagat ang isa sa mga security detail ni Gobernador, codename Sierra Four. “Oxide One, Oxide One – Sierra Four ito.” Oxide One ang aking nickname para sa misyong ito. “Sierra Four, go ahead.” Binigyan ko na siya ng permiso upang magsalita. “Papunta na ang convoy ni Gov sa pabrika, at ilan sa mga bodyguard niya ay nasa pabrika na mismo.” “Roger that, Sierra Four.” “Sierra Four out.” Naroon na ang ilan sa mga inaasahang tauhan para sa security detail. Ang mga mahahalagang panauhin na lang ang hinihintay sa pagdalo. Tiwala naman ako, na aabot sa oras ang VTOL aircraft na sakay ko ngayon. Uminom pa ako ng kaunting wine, at tinignan ang aking mga sandatang gagamitin, na nasa kanang tabi ko, nakikiupo kasama ko. Ah, isa lang namang UMP-9, isang submachine gun na gawa sa bansang Alemanya at sa isang magasin, nagkakasya ang tatlumpung 9x19 mm Parabellum rounds. Ikinabit ko sa picatinny rail na nasa ilalim ang vertical grip, at sa kanang gilid ng handguard, matatanaw ang laser targeting system. Samantala, makakatulong ang ZeroedIn Flex5 Reflex Optic sa pagtutok ko sa mga kalaban. Kung kailangan kong itago sa mata ng madla ang dala kong armas, magagawa ko iyan kapag itiniklop ko ang folding stock. Sa ngayon, ito ay naka-tiklop. Kung sakaling maubusan ako ng bala sa isang magasin, maaari pa akong magsaksak ng isa sa limang 30-round magazine na aking dala. Lumabas sa aking paningin ang mga numerong ‘30’ sa tabi ng UMP-9, ang bilang ng mga balang nasa loob. Sa ilalim ng ’30’, nakasaad kung ano ang balang gamit – 9x19 mm Parabellum Full Metal Jacket. Tama nga ang aking pagpapaliwanag sa submachine gun na aking hawak. Samantala, sa aking side arm, bitbit ko na ang subok nang pistola – ang Alien 9mm Pistol, mula pa noong ako ay nagtatrabaho bilang eskorte ng Pangulo. Hindi na siguro kailangan pang i-detalye kung ano ang meron dito, sapagkat naipaliwanag ko na kung ano ang nilalaman nito. “Approaching destination. Please check your baggage before you leave this aircraft. Thank you.” Anunsyo ng piloto. Muli niya itong binigkas, ngunit sa wikang Tagalog naman. “Papalapit na sa paroroonan. Kung maaari, paki-check ang inyong mga bagahe bago kayo umalis sa eroplanong ito. Salamat po.” Ayan na, natatanaw ko na ang bintana ang isa sa mga parte ng bagong pabrika, at ang VTOL aircraft na aking sinasakyan ay lumalapag na sa vertiport. Ayon kay Markus Sanchez, nasa likuran kami ng pabrika, at sa physical security plan, dadaan kami sa kalsadang maghahatid sa amin sa harapan. Hinanda ko na ang aking sarili, sa pamamagitan ng pag-diretso sa folding stock, habang isinagawa ang brass check, na magbibigay-daan sa akin upang tignan ang bala, kung naghihintay sa paghila ng aking gatilyo. Mabuti naman, kaya ko na kinasa ang baril at hinawakan. “Heto na, Samson – maihahandog ko na sa’yo ang isang produkto ng Markus Industries. Masuwerte ka, sapagkat masisilayan mo kung paano ginagawa ang magandang hinaharap.” Ipinagmalaki ni Markus sa akin ang para sa kanya ay ‘magandang hinaharap’. Paano naging isang ‘magandang hinaharap’ ang katotohanang halos gawing smartphone na ang mga tao dahil sa sinasaksak nilang brain chip? Sa totoo lang, hindi ko ginusto ito, ngunit ano pa ba ang magagawa ko, kung heto na lang ang magiging paraan upang iligtas ang aking buhay? Ilang saglit ang ang lumipas, ang mga gulong ng VTOL aircraft ay umusli na mula sa pinagtataguan, at dumampi sa vertiport. Maya-maya lang, nagbukas na ang labasan matapos pindutin ng piloto ang buton, at kami ay lumabas. Pagkalabas, lalong narinig ang pagsigaw ng mga afterburner turbojet engine, na halos i-barena na sa aming mga tenga. Ang sinag ng araw ay dumampi na sa aking damit na inayon sa pagiging bodyguard ng CEO na si Markus Sanchez. Ang tatlong kasama ko, armado ng kaparehong gamit, ay lumapit na para sa amin, at ang ilan sa mga empleyadong bagong destino sa pabrikang ito ay pumalakpak nang makita ang pinakamataas na tao sa kompanya. Hindi na namin sila pinansin, bagkus ay bumaba na kami patungo sa unang palapag, kung saan naghihintay naman para sa amin ang limousine. Sa sobrang lawak ng pabrika, hindi na kataka-taka kung bakit kailangan ng behikulo upang makarating mula sa isang paroroonan patungo sa isa pa. Binuksan ng isa sa mga guwardiya ang limousine, at naunang sumakay si Markus, na aking sinundan. Kasunod na aming pagsakay ay ang tatlong kasama ko na sumakay sa SUV na nasa harapan, at nang maayos ang lahat, umandar na sila at ang drayber ng limousine ay sumunod sa kung anong daan ang kanilang tatahakin. Siya nga pala, sa aking physical security plan, aandar ang decoy kapag kami ay umandar na. Dahil dito, niradyuhan ko sa pamamagitan ng NeuroLink ang nagmamando nito. “Oxide 2, oscar mike na kami. SITREP sa inyo.” Wala nang magandang umaga, sapagkat kailangan nang malaman ng kabila na kumikilos na kami. “Ngayon lang dumating ang VTOL aircraft.” Ulat niya. “Copy. Basta, gawin niyo ang naaayon sa physical security plan. Oxide 1 out.” Sa aking pagtingin sa salamin na nasa aking kaliwa, nadaanan namin ang iba’t ibang mga gusali – ang lahat ay pagmamay-ari o may kinalaman sa Markus Industries. Bawat area na aming dinaraanan, may paliwanag ang may utak ng lahat ng ito, na nasa aking tabi. “Heto ang Communications Division, kung saan nagbo-broadcast ang Inosanata Corporation. Ang Inosanata ay nagrerenta sa atin ng lupa, at naging sanhi ito ng pagkakatayo ng kanilang gusali rito. Iyan din ang tahanan ng Inosanata Entertainment, na kilala sa kanilang mga TeleDrama at sa mga stream, kagaya ng kay Ylenia Mlakar.” “Ylenia Mlakar? Tinutukoy mo ba si Tisay?” May alam siya sa merkado ng mga kabataan. “Exactamente.” Nakalagpas na kami sa tinuturing na tirahan ng Inosanata Corporation dito sa Samar, at sunod naming nadaanan ang katabi nitong gusali, na sa hindi ko malamang dahilan, ay may disenyong hango sa isang cube at may tatlong palapag. Kulay itim ang nakabalot, at ayon sa tatak ng nasa itaas – mukhang Inosanata rin ang nagmamay-ari nito. “Ang halos itim na kahong iyan ay kung saan ginaganap ang mga pagtatanghal, mga special effects, at iba pang mga live show.” Ayon kay Markus, na abot tenga ang ngiti habang busog ang mga mata niya sa kanyang nasulyapan. “Ah, kaya pala ganoon na lang ang disenyo nito.” Wika ko. Pagkalabas sa sinasabing ‘Communications Division’, napadaan naman kami sa R&D Division, ang sinasabing ‘pinakapaborito’ ng CEO. Paano ba naman kasi, sa lugar na ito ng pabrika nakatuon ang lahat ng mga pagsasaliksik ng mga makabagong teknolohiyang makakatulong sa sinasabi nilang ‘magandang hinaharap’, habang isinasabay ang panlalamang sa mga kalaban ng kompanya sa kompetisyon. “Iyan naman ang Research and Development Division. Maraming mga siyentipiko, mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang namamalagi riyan, nagsasaliksik para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Diyan nanggagaling ang mga update na ginagawa para patuloy na mapangalagaan ang lahat ng mga SmartHuman na nagtitiwala sa atin.” Kanyang paliwanag tungkol sa ginagawa ng Research and Development Division. Mahaba-haba pala ang tinawag niyang Research and Development Division, at kung sasabihin ko ang katotohanan – hindi lang iisang gusali ang sumasakop sa dibisyong nabanggit, kundi lima, at lahat ng iyon ay may kaparehong sukat. Bago mapadaan sa huling gusali, napagmasdan ko ang parkeng nagsisilbing pahingahan ng mga nagtatrabaho rito. Kumpleto sa mga mahahabang upuan, at ang mga kulay berdeng mga halaman ay namumukadkad, kasama ng mga bulaklak na tumutubo, at naglalaglag ng mga petal. At sa aming pagdaan sa munting hardin, umabot na kami sa tinuturing na may pinakamalaking sakop sa lahat ng pabrika, ang Manufacturing Division, na mas kilala sa tawag na ‘Foundry’. Heto ang unang bibisitahin para sa inspeksyon ayon kay plano, at kung hindi ako nagkakamali, naging paksa namin ito ni Elisa Haufmann dahil sa mga uka na nakita, na sa kasamaang-palad, ayon sa kanya, ay ipinagkibit-balikat lang ni Markus Sanchez. “Manufacturing Division – ang puso ng bawat pabrikang itinayo ng Markus Industries. Diyan ginagawa ang lahat ng mga brain chip at iba pang mga teknolohiya kagaya ng semiconductor at processor. Mamaya, makikita mo, kung paano ginagawa ang mga brain chip na sinasaksak sa mga tao upang maging SmartHuman.” Hindi niya gaanong pinaliwanag. Sa bagay, sapat nang paglalarawan ang mga salitang ‘Manufacturing Division’ kung nais maipaliwanag kung ano ang meron sa loob. Sa lahat ng mga aming dinaanan, napansin ko na ang lahat ng mga gusali ay nagkakaugnay-gunay sa tulong ng skywalk. Malaking tulong ang mga ito sa paggalaw ng mga nagnanais tumawid mula sa isang gusali patungo sa isa pa, nang hindi bababa sa unang palapag at lumabas pa para lang makatawid sa isa pa. Subalit, kung sakaling gustuhin pa rin nilang bumaba, may tawiran silang aasahan upang makarating sa kabilang kanto. Mas mahaba lalo ang Manufacturing Division kaysa sa huli naming mga dinaanan. Hindi katulad ng mga nadaanan namin kanina, walang salamin ang mga gusali na napapabilang sa dibisyong nabanggit, at tanging ang logo ng Markus Industries sa kanang-itaas lamang ang mapapansin. Mamaya ko na lang daw malalaman kung bakit ganito ang itsura ng kabuuan ng Manufacturing Division. “Oxide 1, Sierra 4 ito. Tapos na ang aming drive, over.” Natapos na ang decoy team sa kanilang convoy, kaya inutusan ko na sila na mag-rendezvous sa auditorium, kung saan gaganapin ang paggunting ng laso, ang pormal na pagtanda ng pagbubukas ng pabrika. “Copy that. Mag-RV na kayo sa auditorium, naghihintay na ang karamihan doon. Oxide 1 over and out.” Pagkalipas ng ilang minuto, sa wakas, narating na namin ang harapan ng auditorium, at katulad ng inaasahan, naroon na ang mga mahahalagang panauhin. Matindi ang antas ng seguridad, at bawat sulok ay minamatyagan ng mga taga-seguridad. Hawak nila ang mga armas na inisyu sa kanila, nagsisilbing panpuksa sa sinumang magbabalak na sirain ang okasyon. Maliban sa mga tao, tadtad rin ng mga bulaklak at kasiyahan ang daanan papasok sa auditorium. Napansin ko ang bandang tumutugtog ng mga awiting masasaya. Huminto na ang SUV na binubuntutan ng limousine, kaya napapreno na rin ang drayber ng aming sinasakyan. Bumaba na ang mga nasa unahan, at pinagbuksan ng pinto si Markus, na siya namang lumabas. Lumabas na rin ako sa limousine sa pamamagitan sa kaliwang pinto ng sasakyan, at agad na bumuntot sa kanya, naglalakad patungo sa auditorium. Sa kanyang pagpapakita, ang lahat ng mga lente ng kamera mula sa mga miyembro ng media ay napalingon at tumitig sa kanya. Kung hindi pagkuha ng litrato ang pakay, live-streaming ang ginagawa. Ang ilan sa mga reporter ay nagsasalita na sa harap ng kamera, na kanilang ibo-broadcast mamaya, alinsunod sa utos kong ipagbawal ang pagbroadcast nang live. Nakapasok na kami sa loob, at masasabi kong handang-handa na lahat. Nakalatag na ang red carpet, na tumatakip sa lapag. Malinaw ang tunog na nililikha ng mga speaker, na nagpapatugtog ngayon ng nakaka-relaks na awitin. Nagpaalala naman ang babaeng emcee na umayos na ang lahat, habang ang mga mahahalagang panauhin ay isa-isa nang nagsi-upo. Isa sa mga panauhing nakaupo ay ang Gobernador ng Samar, na matagal nang hinahanagad na magkaroon sila ng sariling pabrika na makakalikha ng maraming trabaho para sa kanyang problema. Guwardiyado siya ng mga bodyguard na kanyang binabayaran, kaya hindi basta-basta ang paglapit ng sinuman. At sa hindi ko inaasahan, magpapakita ang Pangulo ng Pilipinas na si Solomon Genio. Kaya pala may ilang mga miyembro ng Presidential Security Group na kabilang, at nagbasa rin ng aking physical security plan. Kilala pa kaya ako ng ilan sa kanila? Lumapit agad silang dalawa kay Markus, at nakipagkamayan sa dalawang makapangyarihang tao sa bansang ito. “Magandang araw, Ginoong Markus. Binabati ko nga pala ang iyong kompanya, dahil matagumpay na natapos ang iyong pabrika.” Pagbati ni Solomon sa tagumpay na nakamit ng kompanya. “Mamaya ay ipagdiriwang natin iyan, pero sa ngayon – pagbubukas pa lamang, at ipapakita ko sa inyo ang mga teknolohiyang aming ginamit para mapabuo ang BraimPlant.” Tugon niya, na may hinahon at respeto, kahit na naabot ang mataas na pangarap. “Dahil sa pabrikang ito, magmumura ang mga BraimPlant, alinsunod na rin sa adbokasiya ng DOH.” Nandito rin ang mga sekretarya mula sa mga kagawarang may kaugnayan sa ganitong mga adhikain, kagaya na lamang ng Department of Health, at Department of Information and Communications Technology. Katulad ng ginawa ng Pangulo at Gobernador, nakipagkamayan din sila kay Markus at binati sa tagumpay na nakamit. “Samson, pakisabihan na ang lahat ng security team na isara na ang lahat ng labasan at looban ng pabrika. Hindi na muna tayo tatanggap ng mga bisita. Magsisimula na tayo maya-maya lamang.” Utos niya. “Copy.” Agad akong tumalima sa kanyang iniutos, at niradyuhan ang lahat ng mga pangkat na nagpapanatili ng kapayapaan na isara ang lahat ng mga pasukan at labasan. “All teams, all teams – isara na ang lahat ng mga labasan at pasukan ng pabrika. Wala na muna tayong tatanggaping bisita sa oras ng pagbubukas. Inuulit ko, wala muna tayong tatanggaping bisita sa oras ng pagbubukas. Isara na ang lahat ng mga labasan at pasukan ng pabrika. Oxide 1 out.” Humakbang na si Markus paakyat ng entablado, at bago pa man ako lumabas, napansin ako ni Pangulong Solomon Genio. Dahil malapit siya kay dating Pangulong Jeane Cortez, marami akong naging interaksyon sa kanya at sa bawat bansang pinupuntahan ng nagdaang administrasyon, lagi siyang kasama. “Samson, ikaw pala iyan!” Ang una niyang mga salita nang makita niya akong naglalakad. “Nagtatrabaho ka pala sa Markus Industries, huh.” “Hindi ko kailanman ginustong maging ganito, Mr. President.” Sinabi ko sa kanya ang katotohanan. “Hindi mo ginusto? Alam mo, Ginoong Samson, halos lahat na yata ng mga bagong gradweyt na nakikita ko ay nakikipagpatayan, para lang makapasok sa kompanyang kung nasaan ka ngayon. Balang araw, matatanggap mo kung sino ka ngayon.” Iyon ba ang katotohanan, Mr. President? Oo, iyon nga. Malaki nga ang aking sahod sa trabahong poprotektahan ko ang CEO sa mga bawat biyahe, habang namumuno sa seguridad ng mga pasilidad ng Markus Industries sa Pilipinas. Siguro nga, matatanggap ko ang aking sarili, ang bagong ako, sa katagalan ng panahon. Tutal, nailagay lang ako sa kung saan ako narito dahil sa pagkakaligtas sa aking buhay. “Titignan natin po iyan, Mr. President.” Sagot ko nang walang pinapanigang argumento. “Sige po, kailangan ko nang magbantay sa labas.” “Sige.” Huli niyang salita bago ako lumisan sa kanyang harapan. Ang aking mga paa ay abala sa paghakbang patungo sa labas ng auditorium, habang ang bibig ng emcee ay may binibigkas sa lahat ng mga panauhin na maghanda na, sapagkat malapit nang magsimula ang seremonya. Sa aking pagtulak ng pinto, kinausap ako ni Elisa, sa pamamagitan ng NeuroLink. “Ano na bang balita riyan?” Tanong niya, na may pag-aalala. “Mapayapa pa naman ang lahat sa ngayon. At bakit ka nag-aalala?” Nagtataka ako kung bakit. “Hindi naayos ng pangkat ni David ang lahat ng mga butas sa system. Ang mga CCTV ay nananatiling may vulnerability, at hindi pa sigurado kung ang fatal security problem ay naayos na.” Malaking problema ang inihayag ni Elisa, at kung sakaling magkatotoo ang kanyang kinakatakuhan, magiging ibong pinutulan ng pakpak ang Markus Industries. Masisira ang kanyang paglipad, at iyon ay hindi maganda sa larawan ng isa sa mga pinakamalaking kompanya sa buong mundo. “Buwisit. Hindi ko alam kung ano ang magagawa ng pangkat ni David sa mga pagkakataong ito, pero pakisabi sa kanya na gawin ang lahat ng kanilang makakaya.” Iyon lang ang payong aking naibigay sa kanya. Nakakahiya. “Manalangin na lang tayo na walang mangyayaring masama habang nagaganap ang pagbubukas.” Hiling ni Elisa bago niya tinapos ang tawag. Umikot ako sa labas ng auditorium at pinasok ang pintuang nasa likuran nito. Dinala ako ng daan sa backstage, kung saan ang mga panauhin ay naghahanda, at si Markus, na nadiskubre ko sa Room 3, ay inaayusan na ng mga staff. Siguro, mananatili muna ako sa pinto, magmamatyag sa salaming sumasalamin ng aking larawan, habang pinapayagan ang aking mga mata na pagmasdan ang labas, na halos punan na ng mga sasakyan ang gilid ng kalsada, na tinakda bilang paradahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD