Gigi
Gusto ko na talaga matulog. Pero hetong hayop kong boss ay panay naman ang utos niya. “Sorry po, lord,” nakapikit kong panalangin habang nagpipigil ng galit. Oo, alam ko naman na utusan lang ako rito sa condo niya, pero mantakin mo ba naman na bawal pa raw ako matulog, ang dahilan…
“Kailangan pa kita… I mean baka may ipag-uutos pa ako sa ‘yo.” Oh, ‘di ba? Ang lupit niya. Sa akin, ayos lang naman na utusan niya ako. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kailangan ko pang manatili rito sa sala kung saan nasa harapan ko siya habang nag e-exercise nang walang damit. Inaakit ba niya ako? “Teka, naakit nga ba ako?”
“Hindi pwede!” nang dahil sa inis ko kaya’t ang balak ko sanang tahimik na pagtanggi ay naibulalas ko tuloy ng malakas. Tumigil tuloy siya sa ginagawa at salubong ang kilay niya akong tiningnan.
“Hindi pwede? You mean tumatanggi–”
“H-Hindi ganoon Kama este Sir Mathew. Hindi po ikaw ang tinutukoy ko,” tanggi ko at iniwas ang tingin. Hindi ko kasi matagalan ang bilad niyang katawan na kahit basa ng pawis ay parang ang bango pa rin. “T-Tubig.”
Dahil mukhang hindi kapani-paniwala ang sinabi ko kaya’t umalis ito sa pagbubuhat ng malalaking bakal na kung tawagin ay dumbbel saka dahan-dahan na lumapit sa akin.
“Sir, m-may ipag-uutos pa ho ba kayo?” Salamat at hindi ako nautal. Paano ba naman kasi halos maduling na ako sa malalaki niyang dibdib na halos tumama na sa aking mukha nang kunin niya ang tuwalya sa aking tabi para punasan ang pawis nito. Hindi ba dapat inutos na niya iyon sa akin? Kaya nga ako nandito. “Ang labo mo, Sir.”
Hindi kaagad siya sumagot. Bagkus bumalik sa ginagawa. “Hay, salamat. Akala ko magiging makasalanan ka na, Gigi,” kausap ko pa sa aking sarili. Kailangan kong makaisip ng paraan para mawala ang atensyon ko sa kaniya. Nakapag luto na rin naman ako ng kakainin namin. Nakakain na ako pero siya ay hindi pa. Alas otso na ng gabi. Wala ba siyang trabaho?
“Kung naiinip ka, just turn on the tv and don’t mind me.” Don’t mind me raw. Pero ayaw naman ako pagpahingain. Ano ba sir, may bukas pa.
“Sige, sinabi mo eh.” Kinuha ko ang remote at itinutok ito sa sing laki ng dingding namin sa kubo na telebisyon. Palagay ko ay 100 inches yata ang laki. Para akong nasa sinehan. Naalala ko noong nag-aaral pa ako, palaging may palabas na pelikula sa eskwela kaya nakapanood na rin ako ng sine. Pero ang sabi sa akin ng kaklase kong nag-aral sa bayan ay di hamak na mas maganda raw ang totoong sinehan. Pero para sa akin, itong tv na ito sa aking harapan ay sapat na.
Naghahanap ako ng magandang palabas kaya’t palipat lipat ako ng channel. Hanggang sa utusan ako ni Mathew na pindutin ang numero ng channel na papanoorin ko raw. Matutuwa raw ako sa mga palabas doon. Sinunod ko naman, aba siya kaya ang amo ko. Habang nanonod ako’y hindi ko na mamalayan na nasa tabi ko na pala siya. Mabuti na lang at alam na alam ko ang amoy niya kaya’t pa simple akong lumayo. Ayaw ko siyang kausapin.
“Ayan, malapit na,” sabi nito sa palabas nang mapalingon ako sa kaniya. May suot na rin siyang kamiseta pero hapit ito sa katawan kaya bakat pa rin ang malaki niyang dibdib. “Diyos ko po, nagiging mahalay na ako. Pero sayang naman.”
“Ang alin po…” hindi ko na natuloy ang sasabihin nang maya-mama’y lumabas na nga ang kaniyang pagmumukha kasama ang girlfriend niya kung saan naghahalikan sila sa eksena. Walang hiya siya. Kaya’t iniwas ko agad ang tingin at mabilis na tumayo.
“I-Inaantok na po ako Sir, iwan niyo na lang po riyan iyong kalat ninyo, bukas ko na lang po lilinisin.”
Hindi ko na hinintay na sumang-ayon siya. Wala na akong pakialam kong magagalit siya. Sinara ko agad ang pintuan at mabilis na pumasok sa banyo sa loob ng aking silid. Kailangan niya ba ipaalala ang dahilan ng una kong pag-iyak nang dahil sa kaniya? Nakakainis na siya. Pero kailangan kong magtitiis at patutunayan sa kaniya na wala na akong kahit anong pagtingin pa sa kaniya.
Mabuti na lang at hindi na rin niya ako ginambala kaya nakatulog ako ng mahimbing at gumising ng masigla kinabukasan. Alas nuebe pa naman ang pasok ko ngayon hanggang ala una. Broken subject ako dahil kailangan ko pang samahan si kamahalan sa mga taping niya.
Nakaligo na ako at nakapag bihis na rin ng pang-bahay. Alas sais pa lang naman kaya mahaba pa ang oras ko lalo at kayang lakarin ang eskwelahan ko mula dito sa tinutuluyan namin. Nagluto ako at naglinis ng maigi. Kakaunting kalat lang naman ang iniwan niya kasama na ang dalawang lata ng beer.
“Kung ganoon ay uminum ka pa pala? Anong oras ka natulog?” Kausap ko sa larawan niyang nakadikit sa dingding habang hawak ang lata ng alak. Tulog pa naman siya kaya malaya kong sasabihin ang anumang nais kong sabihin sa kaniya.
“Ikaw!” turo ko pa sa kaniya nang makalapit pa ako. “Oo. alam kong guapo ka, pero hindi lahat ng babae ay nagkakagusto sa ‘yo, kaya ‘wag ako. Naintindihan mo?” pagtataray ko pa bago siya tuluyang talikuran. Gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi ko sa kaniya. Kahit picture niya lang iyon ay napagaan nito ang nararamdaman ko. Kaya masaya akong pumasok sa eskwelahan at dala-dala ang ngiti sa aking labi. Nag-iwan naman ako ng note sa mesa kaya alam kong mababasa niya rin ito.
“What took you so long, Gigi. Hindi ka pumasok sa first subject,” maarteng salubong sa akin ni Gabie. Hay, hindi pa pala niya alam ang estado ko sa buhay.
“Mamaya ipapaliwanag ko sa ‘yo. Tara na?” Hindi na rin naman niya ako kinulit dahil naging abala na ako sa subjects na sunod-sunod. Saktong lunch break nang mag-usap kami ni Gabie upang aminin sa kaniya ang lahat.
“Kaya, kung iiwasan mo ako ay ayos lang sa akin—”
“Who told you na iiwasan kita? Dahil ba helper ka lang? Ganoon ba ang tingin mo sa akin?” maarte niyang sagot. Nakasimangot siya pero ang ganda pa rin niya. parang manika. Kaya natawa tuloy ako at niyakap na lamang siya ng mahigpit.
“Thank you, Gabie. Akala ko iiwasan mo na ako dahil sa klase ng trabaho ko.”
“I love my yaya. Mas mahal ko pa nga yata si Yaya ko kumpara sa parents ko,” malamlam niyang paliwanag. Nawalan na yata siya ng ganang kumain at mukhang kasalanan ko pa.
Tinapik ko siya sa likod. “Bakit mo naman nasabi ‘yan?”
“Kasi my parents are always busy. Wala na silang time sa akin. Simula bata ako, palaging si yaya at bodyguards ang kasama ko.” Ngayon naintindihan ko na kung bakit bigla siyang nalungkot. Mapera ka nga, lahat nakukuha mo pero hindi ka naman masaya dahil may kulang.
“Mahal ka nila, kaya ‘wag kana sumimangot, sige ka papangit ka niyan,” pagpapagaan kong sabi sa kaniya na kinatuwa naman nito. Thirty minutes lang ang break time ko dahil may klase pa ako ng 12 pm to 1. May mga subject akong hindi kasama si Gabie, gaya ngayon. Ito sana ‘yong klase ko sa umaga kung saan ang schedule ni Gabie. Ako naman ay sa hapon. Pero wala ng kasunod dahil working student ako. Samantala siya ay full load ang schedule niya.
Nag-text at nagpaalam na ako kay Gabie na kailangan ko ng umuwi. Itinuro ko na rin sa kaniya kung saan ako nakatira ngunit hindi ang exact unit. Pero hindi ko sinabi sa kaniya kung sino ang amo ko. Malamang baka kilala niya ang isang ‘yon. Sino ba naman hindi nakakakilala sa isang Matinee idol na si Mathew.
Eksakto alas dos nang makarating ako sa bahay.
“You’re finally here! Where have you been?” sunod-sunod na tanong nito sa akin. Grabe siya hindi ba pwedeng uminom muna ako ng tubig? May kalayuan din kaya ang nilakad ko.
Hindi kaagad ako sumagot at dumiretso na sa refrigerator upang uminom. Wala na akong pakialam kung pawisan ako, ang mahalaga ay makainom muna ako.
“P-Pasensya na po, medyo malayo rin kasi ang university dito,” dahilan ko. Iyon naman kasi ang totoo. Hindi siya nagsalita, bagkus tinalikuran niya ako na pinagpasalamat ko. Naupo ito sa sofa at pinagpatuloy ang panonood. Nagtataka ko siyang tiningnan, pansin ko kasing hindi siya nakabihis ngayon ng pang-alis. Nagkipit balikat na lamang ako at inilapag ang bag sa may mesa sa kusina. Balak ko kasing maglinis muna bago magpalit. Ngunit pansin kong parang hindi nagalaw mga gamit roon. “Hindi ba siya kumain?” mahinang bulong ko sa sarili.
Nasa matinding pag-iisip pa rin ako nang marinig ko siyang magsalita.
“Naubos ko na pala ‘yong pagkain diyan. But I cooked for you. Initin mo na lang,” sabi nito labis kong pinagtaka. Mantakin mo iyon. Si Kamahalan na Mathew, nagluto para sa akin? Gusto ko sana siyang asarin pero hindi ko na lang ginawa.
“Salamat po,” magalang kong sagot at tinikman na nga ang niluto niyang adobong manok. Wow ha, masarap siya magluto.
Hindi siya sumagot kaya’t tahimik akong kumain habang may ngiti sa labi. Kahit papaano pala ay may mabuti rin siyang puso. Lalo tuloy ako nahuhulog sa kaniya. Sana lang ay makaahon pa ako. Kung kailan gusto ko na siyang kalimutan ay saka naman siya ganito.
“Oh, puso kapit ka lang,” paalala ko sa sarili habang may ngiti sa labi. Nilutuan lang naman niya ako pero ang puso ko’y naghuhurumintado na naman. Makakalimutan ko pa kaya siya? Lalo pa at sigurado na ako sa nararamdaman ko. Sigurado na akong mahal ko na nga siya.