As expected, dumating si Dondon bandang 5:30pm sa bahay. Nagbigay galang muna ito kay Nanay na nakatao sa tindahan at nagpaalam na magstay muna sa bahay namin. Narinig ko pa ngang biniro ito ng kasamahan niya sa bodega na nasa tindahan din.
"Kunwari ka pang makikinood ng TV e aakyat ka lang naman ng ligaw. Style mo din, Dondon." Ani ng kasamahan niya.
"Siraulo." Narinig kong sagot pa ni Dondon sabay pasok sa pinto papunta sa bahay namin.
"Hi, Mariel. Andito na ako." Ani ni Dondon. Umupo ito sa kabilang upuan sa mesang pinaggagawaan ko ng mga assignments ko. Kami lang dalawa ni Dondon ang nasa sala. Sina Tita Nita at Tita Nina na mga pinsan ni Nanay na kasama namin sa bahay ay sumama sa Cavite kay Ate Lori.
"Talagang tinuloy mo pagtambay mo dito kahit sinabi ko sayo na wala si Ate Lori ngayon. Buksan mo na ung TV kung makikinood ka. Wag kang manggulo dyan dahil may ginagawa ako." Tugon ko sa kanya habang nagsusulat ako sa notebook ko.
"Ayan ka na naman, Mariel. Magkukulitan na naman ba tayo tungkol kay Lori? Saka bakit ba si Lori lagi ang binabanggit mo? May sinabi ba akong gusto ko si Lori? Ikaw yong kaharap ko dito, puro si Lori ang sinasabi mo." Sagot sa akin ni Dondon habang binubuklat buklat ang isang libro ko na nasa mesa.
"Aba e di ba gusto mo si Ate Lori. Di ba nga balak mo siyang ligawan kaya ka nga tinutukso sa kanya ng mga Tita Nita kay Ate Lori." Sagot ko sa kanya habang patuloy ako sa pagsusulat sa notebook ko.
"Hoy, Mariel, wala akong balak na ligawan si Lori. Mali naman kasi sila Tita ng akala. OO, maganda at mabait si Lori. Kasundo ko din naman siya pero hindi ko naman siya gusto. Kaibigan lang ang tingin ko kay Lori. May iba akong gusto kaso nga lang mas bata sa akin. Tingining dalaga na pero mukhang isip bata pa din yata." ani ni Dondon. Nakahalukipkip pa ang mga kamay niya na nakatitig sa akin.
"Sino naman un? Kilala ko ba?" Wala sa loob kong tanong sa kanya.
"OO, kilala mo ung sinasabi ko." Tugon ni Dondon sa akin.
"Wag mong sabihin na ung apo ni Ka Flor na si Marlyn? Naku, tiyak na matutuwa un kasi di ba nga crush ka nun." Si Marlyn ay apo ng kapitbahay namin na madalas bumili sa tindahan tuwing hapon para abangan ang pagpunta ni Dondon. Matanda sa akin ng 3 taon si Marlyn. Hindi kami close kahit na alam ni Marlyn na close kami ni Dondon. Siguro she sees me na kakumpitensiya niya kay Dondon dahil nga close kami at ganoon din ako sa kanya dahil nga crush ko si Dondon.
“Sus, lalo namang hindi si Marlyn.” Tila nauubos na ang pasensiyang sagot ni Dondon.
“Naiinis na?” Himig nang-aasar kong tanong kay Dondon habang nakatingin sa kanya.
“Hindi naman.” Ani ni Dondon sabay ngiti sa akin.
“Eh sino nga?” Nakakunot noo ko ng tanong sa kanya saka ipinagpatuloy ang pagsusulat ko.
“Ikaw." Sagot ni Dondon at inilapit pa ang mukha niya sa akin.
Napahinto ako sa ginagawa ko. Ako? Tama ba ang intindi ko? Ako ang gusto niyang ligawan.
"Anong sabi mo, Dondon?" Napatigil ako sa pagsusulat ko.
"Ang sabi ko, ikaw ang gusto kong ligawan, Mariel. Hindi si Ate Lori mo at hindi din si Marlyn.”
"Ayoko ng ganyang biro, Dondon. Wag mo nga akong isali sa kalokohan mo." Pabagsak kong naisara ang notebook ko.
"Sino ba me sabi sayo na nagbibiro ako? Ikaw nga ang gusto ko, Mariel. Saka hindi kalokohan itong nararamdaman ko para sayo." Seryoso ang mukha nito ng tignan ko siya.
"B-bakit ako?” Nagkakaundautal na tanong ko kay Dondon. Ramdam ko ang lumalakas na kabog sa dibdib ko. Potek, Mariel, kalma lang. Baka pinagtitripan ka lang nitong Dondon na to, bulong ng utak ko.
"Bakit naman hindi ikaw? Mabait ka. Maganda. Nagkakapikunan man tayo e kasundo pa din naman kita. Kaso nga lang mas bata ka sa akin kaya nga nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko na ba sayo tong nararamdaman ko o hihintayin ko pang mag-18 ka. Ayoko din namang isipin ni Nanay Minda at nina Tita na inaabuso ko ung kabaitan nyo sa akin. Kaso ayoko namang maunahan ako ng iba sa panliligaw sayo. Lalo na dalaga ka na." Sagot sa akin ni Dondon. ”Hindi si Lori or ung sinasabi mong Marlyn ang gusto ko kundi ikaw, Mariel.”
"Nakakainis yang mga sinasabi mo, Dondon. Pinagtritripan mo na naman ako." Hindi ko maipaliwanag ung nararamdaman ko. Matagal ko nang crush si Dondon. Walang nakakaalam sa nararamdaman ko kasi nga nirereto namin siya kay Ate Lori. Pero ano to? Totoo ba tong sinasabi niya sa akin?
"Hindi nga kita pinagtritripan. Saka bakit kita pagtritripan e hindi naman ako addict. Totoo tong sinasabi ko sayo, Mariel. Gusto kita. Kaya nga hindi ko nililigawan si Lori kahit na tinutukso ninyo ako sa kanya kasi nga ikaw ang gusto kong ligawan. Hindi ko din pinapansin si Marlyn kahit halos araw araw niya akong inaabangan dyan sa tindahan nyo dahil ikaw ang gusto ko. Kaya pwede ba, Mariel?" Magkaharap ang upuan namin ni Dondon kaya kita ko ung kaseryosohan ng mga sinasabi niya. Pero tumututol pa din ang isip ko.
"Alin ang pwede ba? Hindi ko na naintindihan ung mga sinasabi mo. Nakita mong may ginagawa ako." Nagkunwari akong hindi ko nasundan ung sinasabi niya habang itinuloy ko ang pagsusulat sa notebook ko pero ang totoo nag uumpisa ng magliparan ang mga paru-paro sa tiyan ko.
"Pwede ba kako kitang ligawan?" Ulit nito sa akin.
"Tantanan mo ako Dondon sa biro mong ganyan. Hindi ka nakakatawa." Mas malakas na ung kabog ng dibdib ko.
"Papatunayan ko sayo na hindi ako nagbibiro, Mariel. Nilakasan ko na nga loob ko na magsabi sayo ngayon kasi nga tayo lang dalawa ang andito. Umoo ka lang na pumapayag kang ligawan kita, gagawin ko ang lahat para mapatunayan ko lang sayo na seryoso ako sa sinasabi ko sayo na gusto kita at totoo tong nararamdaman ko para sayo."
"Bahala ka na nga Dondon sa gusto mong gawin." Sagot ko sa kanya para matapos na ung pambibiro niya sa akin dahil sa isip ko pilit kong kinukumbinsi ang sarili ko na isang malaking biro lang ang lahat ng sinasabi ni Dondon sa akin.
"Talaga? Pumapayag kang ligawan na kita ha, Mariel?" Medyo napalakas ung boses ni Dondon.
"Ssshhhh. Ang ingay mo." Tinignan ko pa si Nanay kung nakatingin sa amin.
"Ano naman kung maingay ako, Mariel?"
"Baka marinig ka ni Nanay. Baka magalit un pag nalaman kung ano ung pinag uusapan natin."
"Maganda nga iyon na marinig ni Nanay Minda ung pinag uusapan natin. Para alam niya na gusto kitang ligawan."
"Yon naman pala ang gusto mong mangyari. Bakit ako ang kinukulit mo? Dapat kay Nanay ka muna nagpaalam. Ikaw na nga ang nagsabi na bata pa ako. So kailangan ng consent ni Nanay kung totoo yang sinasabi mo na manliligaw ka sa akin. Tama ba?" Napahalukipkip akong saad kay Dondon.
"Kunsabagay, tama ka, Mariel, at para na din malaman ni Nanay Minda na gusto kitang ligawan. Sa kanya nga dapat akong magpaalam muna." Agad tumayo si Dondon. "Diyan ka lang muna, Mariel. Babalik ako. Kakausapin ko lang si Nanay Minda." Kinindatan pa niya ako bago naglakad patungo sa tindahan.
Na-amused ako sa confidence ni Dondon. Iiling-iling ako habang sinusundan ko siya ng tingin papunta sa kinauupuan ni Nanay. Seryoso ba talaga tong lalakeng to sa sinabi niya sa akin? Mukhang hindi man lang siya kinabahan na kausapin si Nanay samantalang ako ay parang lalabas na sa dibdib ko ang puso ko dahil sa sobrang kaba sa magiging reaksyon ni Nanay sa gustong gawin ni Dondon.
Kinausap nga ni Dondon si Nanay. Hindi ako makapagconcentrate sa ginagawa ko dahil patingin tingin ako sa kanila ni Nanay. Hindi ko din naman marinig ung pag uusap nila. Naiinis ako na naeexcite at kinakabahan. Ito naman kasing si Dondon, pabigla bigla pero kilala ko siya na pag sinabi niya, ginagawa niya talaga.
Makalipas ang ilang minuto ay narinig kong tinawag ako ni Nanay.
"Mariel, halika nga muna dito." Tawag ni Nanay sa akin mula sa tindahan.
Agad akong pumunta sa tindahan. Dinatnan kong magkaharap na nakaupo si Nanay at Dondon. Tinignan ko muna ang ekspresyon ng mukha ni Nanay. Kalmado naman ito. Mukhang hindi naman galit. Si Dondon naman e nakangiti. Nakahinga ako ng maluwag dahil walang customer. Walang ibang tao na makakarinig sa pag-uusapan naming tatlo.
"Bakit po, Nay?" patay malisya kong tanong kay Nanay.
"Umupo ka muna. Mag usap muna tayong tatlo tungkol sa sinabi ni Dondon sa akin." Itinuro ni Nanay ung isang upuan na nasa may pinto para kunin ko. Pero inunahan na ako ni Dondon na kunin ang upuan. Pa-gentleman pa ang mokong. Inilagay niya sa tabi ni Nanay ung upuan saka bumalik sa pagkakaupo niya sa harap namin ni Nanay. Kinakabahan talaga ako ng umupo ako.
"Tungkol po saan, Nay?" Tanong ko kay Nanay nang makaupo na ako. Pinandilatan ko pa muna ng mata si Dondon na nakatingin sa akin. Ang loko, kinindatan pa ako. Kainis talaga tong lalakeng to.
"May sinabi sa akin si Dondon. Kinausap ka na din daw niya tungkol doon. Totoo ba?" Tanong sa akin ni Nanay.
"Alin po ba doon? Marami po kasi yang sinabi sa akin kanina, Nay." Sagot ko kay Nanay. Ako eh mamamatay na yata sa kaba samantalang ung lalakeng nasa harap namin ni Nanay e relax na relax lang ang itsura. Nag-uumpisa ng pagpawisan ang kamay ko.
"Gusto niya daw na ligawan ka. Nagpaalam sa kin." Diretsahang sagot ni Nanay.
"Maniwala naman po kayo diyan, Nay. Baka po pinagtritripan lang ako niyan. Nakisali pa po kayo sa pagtritrip niyan sa akin." Wala sa loob kong sagot kay Nanay.
"Mariel!" Ani ni Nanay. Nakupo. Medyo tumaas na ang tono sa akin ni Nanay. Nag peace sign ako kay Nanay at tumahimik na lang muna.
"Payag ka bang magpaligaw kay Dondon?" Seryosong tanong sa akin ni Nanay.
"Kayo po, Nay? Payag po ba kayong ligawan ako ni Dondon? Sabi ko nga po sa kanya na sa inyo magpaalam kasi siya din naman ang nagsabi na bata pa ako. Kailangan ko pa din po ng consent niyo." Ani ko habang nakatingin kay Nanay. "Saka Nay, kahit naman po sabihin kong ayaw ko, hindi din naman po magpapapigil yang si Dondon. Kilala naman po natin ang ugali niyang si Dondon na pag may gusto siyang gawin, kahit humindi tayo e hindi naman yan magpapapigil. Gagawin pa din niya."
"Ang dami mo namang sinabi, Mariel. OO o Hindi lang naman ang isasagot mo sa tanong ni Nanay Minda." Ani ni Dondon sa akin.
"Ikaw ba kausap ko?" Angil ko kay Dondon.
"Hindi. Pero bakit kasi ang dami ng isinagot mo. Simple lang naman ang tanong sayo ni Nanay Minda." Giit ni Dondon.
"Nangingialam ka e yon ang gusto kong isagot sa Nanay ko." Sagot ko kay Dondon. Sabay irap sa kanya.
"Tignan mo nga po, Nay. Yan po ba ang manliligaw sa akin? Laging nakakontra sa mga sinasabi ko." Parang nagsusumbong na sabi ko kay Nanay.
Naiiling na lang si Nanay sa aming dalawa ni Dondon. Hindi lang kasi ito ang unang beses na nagkontrahan kami ni Dondon sa harap ni Nanay. Magsasalita pa sana ulit kami ni Dondon pero hindi na namin parehong itinuloy at tumahimik na lang kami ng makita naming tila naguguluhan na sa amin si Nanay dahil kumunot na ang noo nito.
Mayamaya ay nagsalita ulit si Nanay. "Ako, Mariel, pumapayag ako na ligawan ka ni Dondon dahil nagpaalam naman siya ng maayos sa akin. Saka matagal na natin siyang kilala kaya kabisado ko na din ang ugali niya. Mas gugustuhin ko na kilala ko ung manliligaw sayo at gusto ko na dito sa bahay ka ligawan kesa sa kalsada. Ayoko din nung palihim kang liligawan. Kung anuman ang kakahinatnan ng panliligaw na yan ni Dondon sayo, Mariel, e nasa sa inyong dalawa na yon. Kung hindi kayo magkagustuhan, ok lang sa akin pero sana manatili pa din kayong magkaibigan na dalawa. Kung magkagustuhan naman kayo, pinapaalala ko lang sayo Dondon na bata pa si Mariel. Hindi pa ako handang maging lola."
"Nay, panliligaw pa lang po ang ipinagpapaalam ni Dondon. Bat napunta na po sa magiging lola ka? Saka patunayan niya muna na totoo yang sinasabi niya at hindi siya nagtritrip lang bago ko po siya magustuhan, Nay." Ani ko kay Nanay.
"Ibig sabihin pumapayag ka na din na ligawan kita, Mariel?" Tanong sa akin ni Dondon na halos abot tenga ang ngiti.
"Maski naman hindi ako pumayag e mapipigilan ka ba na ligawan ako?" Balik kong tanong kay Dondon.
"Hindi dahil pumayag naman na si Nanay Minda." Agad niyang sagot.
"Bat nagpapaalam ka pa sa akin? Ganoon naman pala." Tinaasan ko siya ng kilay at binelatan ko pa siya.
Parehong natawa si Nanay at Dondon sa ginawa kong pagbelat.
"Yan ung sinasabi ko sayo Dondon. Tingining dalaga nga iyang si Mariel pero tignan mo, may pagka childish pa din yan." Baling ni Nanay kay Dondon.
"Wala pong problema sa akin, Nay Minda. Sabay po kaming magmamature ni Mariel." Paninigurado ni Dondon sa Nanay ko.
"Mukha mo magmamature." Sabay irap ko kay Dondon.
Ang bago kong manliligaw e nakangiti lang sa akin.
"Nay, pasok na po ulit ako sa bahay. Tapusin ko lang po ung assignment ko." Pagpapaalam ko kay Nanay.
"Sige, anak. Isama mo na si Dondon sa loob ng bahay." Ani sa akin ni Nanay. "Dito ka na din maghapunan, Dondon, tutal kami lang naman ni Mariel ang andito ngayon."
"Sige po, Nay Minda, maraming salamat po sa pagpayag niyo na ligawan ko si Mariel at sa pag imbita niyo sa akin na dito maghapunan." Narinig ko pang sabi ni Dondon kay Nanay.
Kasunod kong pumasok si Dondon sa bahay. Bumalik kami sa inuupuan namin kanina.
"Akala mo hindi ko kayang magpaalam kay Nanay Minda. Close kaya kami." Bungad sa akin ni Dondon.
"Hu. Ewan ko sayo. Wag kang magulo dyan. Kailangan kong tapusin tong mga assignment ko." Pananaway ko sa kanya.
"Liligawan na kita ha. Pumayag ka na saka si Nanay Minda kaya wala ng bawian ha, Mariel. Saka wag mo na akong tutuksuhin kay Lori." Pangungulit nito sa akin.
"Patunayan mo munang totoo yang sinasabi mong manliligaw ka nga bago ako tumigil sa pagrereto sayo kay Ate Lori." Pang iinis ko sa kanya.
"Just wait and see, Mariel. I’ll prove to you na seryoso ako sa panliligaw ko sayo." Paninigurado ni Dondon sa akin.
Napangisi ako sa idea na naisip ko.
"Tutal dito ka maghahapunan di ba. Umpisahan mo na mamaya yang sinasabi mong panliligaw. Tulungan mong magsara ng tindahan si Nanay at saka ikaw ang maghugas ng pinagkainan natin mamaya." Nakangisi akong sabi kay Dondon.
"Yun lang pala. Walang kaprobleproblema, Mariel. Ayoko kayang nakikitang nahihirapan ka. Ako lahat ang gagawa ng mga sinabi mo mamaya." Nakangiti itong nakatitig sa akin.
“Buti naman.” Nakangisi pa ding sagot ko kay Dondon at agad na iniwas ko ang tingin ko sa kanya saka pinagpatuloy ang ginagawa ko.
Mayamaya ay narinig ko ang mahinang bulong ni Dondon. "I love you, Mariel ko." Nagpretend ako na hindi ko siya narinig. Bingi nga ako di ba. Pero deep inside me, kinikilig ako sa sinabi ni Dondon.