AURORA
NANGAKO si Zach sa kambal na kapag free time niya ay ipapasyal niya sila sa mall.
Kahit hindi si Zach ang tunay nilang ama masaya akong makita na masaya ang mga anak ko. Kahit papaano ay naranasan nilang may ama na nag-aaruga sa kanila. Sa tamang panahon, kapag may sapat na silang pang-unawa ay ipapaliwanag ko rin sa kanila ang mga bagay-bagay.
Halos magtatalon sa tuwa ang kambal ko na sina Achilles at Athena pagkapasok namin sa mall.
Agad namang itinuro ni Aki ang pwesto ng mga laruan. Nagniningning ang mga mata niya sa mga nakikitang nakadisplay na laruan. Walang nagawa si Zach ng hilain ni Aki ang kamay niya patungo doon. Hinayaan ko lang sila na tumingin ng mga laruan.
Si Athena naman ay nanatiling nakahawak lang sa kamay ko. Nang makita naman niya ang mga damit pambata ay agad din siyang bumitaw sa pagkakahawak sa akin at nagmadaling lumapit dun.
Halos patakbo ko na rin siyang sinundan baka mawala lalo na at matao ngayon.
Tuwang-tuwa siya sa mga damit na may design na hello kitty. Parang gusto na nga niya bilihin lahat.
"Mama, bili ako damit?" Malambing na sabi ni Athena habang hawak ang kulay pink na isang pares ng t-shirt at short with hello kitty syempre.
"Gusto mo 'yan?"
Tumango lang siya bilang sagot. Tiningnan ko ang presyo ng damit at halos malaglag ang panga ko sa kamahalan ng damit na gusto ng anak ko.
Pero dahil mahal ko siya at minsan ko lang sila maibili ng mamahalin ay pagbibigyan ko na.
"Athena.. anak, ito lang ang mabibili ng mama para sayo ha? Kaunti lang ang pera ni mama eh," sabi ko sa kanya habang hawak ang kamay niya.
"Opo mama. Thank you po," sagot niya habang nakangiti at niyakap ako. Alam na alam talaga niya ang kiliti ko. Kaunting ngiti at yakap lang kahit Malacañang kakayanin kong bilihin para sa kanya.
Kita sa mukha niya ang saya pero mas umaliwalas ang mukha niya nang makakita siya ng human-size na hello kitty. Binitawan niya ang damit at patakbong nilapitan ang nakadisplay na hello kitty. Bago pa man niya tuluyang nalapitan ang hello kitty ay napaupo siya. Nagmadali rin akong lapitan siya para itayo at humingi ng paumanhin sa nabunggo niya dahil sa kakatakbo.
"Ano ka ba naman anak hindi ka nag-iingat. Hindi mo naman kailangang tumakbo para lang malapitan itong hello kitty. Humingi ka ng sorry sa mamang nabunggo mo." Medyo pagalit na sabi ko kay Athena.
"Sorry po mama." Malungkot na sabi niya. Humarap din siya sa lalaking nabunggo niya at humingi ng sorry.
Kahit humingi ng tawad ang aking anak ay humingi rin ako ng pasensya. Baka akalaing pabaya akong ina kaya di marunong tumingin sa daan ang anak ko.
"Sorry po Sir. Masyado lang po sigurong na-excite ang anak ko sa hello kitty." Sabi ko sa estrangherong lalaki sa harapan ko habang nakayuko.
"May anak ka na pala." Natigilan ako sa baritonong boses na nagmula sa estrangherong lalaki. Pamilyar na boses na matagal ko ng hindi naririnig.
Agad akong tumingala para kumpirmahin kung sino ang nabunggo ng anak ko, at hindi nga ako nagkamali. Si Mikael. Ang ama ng anak ko.
Pakiramdam ko ay luluwa na ang mata ko dahil sa pagkabigla.
"Ah opo Sir. Sige po mauna na kami. Pasensya na po ulit." Hiinila ko ang anak ko at nagmadaling umalis. Ngunit hindi pa man kami nakakalayo ay nagsalita ulit siya.
"Don't act like we're strangers, Aurora. It's been a long time but I guess you still know about me. What's wrong with asking you about having a child? Anyway, she's pretty." Alam kong darating ang pagkakataong magkukrus muli ang aming landas pero aminado akong hindi ako handa, at kahit minsan hindi ko yun pinaghandaan.
Natatakot ako na baka makilala niya ang mga bata lalo na at hindi maitatangging siya ang ama nila dahil halos lahat sa pisikal nilang itsura at ugali ay nakuha nila sa kanya.
"Hindi naman ako umaarte na parang hindi kita kilala, sadyang nagmamadali lang ako. Yes, it's been a long time kaya may anak na ako. Happy?" Sarkastikong sagot ko. Hindi ko matagalan ang mga titig niya lalo na ang madalas na pagsulyap niya kay Athena na parang may sinisiyasat.
"Your daughter's look resembles yours, she has your eyes and smile."
Natigilan ako sa tinuran niya. Ito ang ikinakatakot ko. Ang malaman niya ang tungkol sa mga anak namin. Natatakot ako na kunin niya sila sa akin lalo pa at malaki ang kakayahan niya para gawin yun. May kaunting pagkakahawig naman si Athena sa kanya pero mas lamang sa akin.
Lalong bumilis ang t***k ng puso ko.
"Of course. Anak ko siya 'eh. Natural lang ng magmana siya sa akin," medyo masungit na sagot ko. Hindi pa man ako nakakabawi sa pagkabigla ay patakbong lumapit sa amin si Achilles, ang anak kong lalaki. Gusto kong tumigil sandali ang oras para matakas sa awkward na kalagayan namin.
"Mama! Andito pala kayo! May binibili lang si papa. Sabi niya puntahan daw muna kita, tatawagan ka na lang daw po niya mamaya." Dire-diretsong sabi ng anak ko. Hindi naman nakatakas sa mapanuring tingin ni Mikael si Achilles.
Nakatitig siya dito habang nakakunot ang noo. Sinalubong din ng tingin ng anak ko ang tingin ni Mikael habang nakakunot din ang noo.
"Bakit mo po ako tinitignan ng ganyan?" Malumanay na tanong ni Aki pero nakakunot pa rin ang noo.
Bumaling naman sa akin si Mikael. Nagwawala na ang puso ko sa kaba. Kung si Athena ay malaki ang pagkakahawig sa akin, si Aki naman ay carbon-copy ni Mikael. Hindi maitatangging para silang pinagbiyak na bunga.
"Is he also your son?" Kita sa mukha niya ang pagkabigla at pagtataka.
Pakiramdam ko ang unfair ko. Dahil sa past namin ni Mikael ay itinatago ko sa mga anak ko ang katotohanan kahit alam ko namang karapatan nila yun.
"A-ah oo. Anak ko din siya." Kabadong sagot ko. Siguro nanginginig na rin ang boses ko.
"He doesn't look like you. Maybe he got it from his dad." Sabi niya na parang may gustong kumpirmahin.
"Oo, kamukha niya ang papa niya."
"Dalawa na pala ang anak mo. Sino ang panganay sa kanila?" Tanong niya habang nakatitig kay Aki.
"Si Achilles. Nauna lang siya ng ilang minuto kesa kay Athena. They are twins."
"Mommy kilala mo po siya?" Sabat ni Athena.
Tumingin ako at ngumiti sa kanya, "Oo, anak."
"Isama natin siya mama na mamasyal para marami tayo." Excited na sabi niya.
"Anak, hindi tama ang pagsama sa strangers ng basta-basta."
"Okay po mama. Sorry po."
"I am not a stranger Aurora. Mapagkakatiwalaan naman ako." Kalmadong sabi niya. Seriously? Mapagkakatiwalaan? Baka naman gusto lang niya magpatawa.
Napatawa ako sa sinabi niya. Kita ko ang pagsalubong ng kilay niya, "Baka busy ka. Pagpasensyahan mo na lang ang mga anak ko. We'll go ahead. Tara na Athena and Aki. Mag-babye na din kayo ng maayos."
"No, I insist. Matagal na rin tayong hindi nagkita. Gusto ko ring makilala itong kambal mo," sabi ng may makahulugang ngiti sa mga labi niya.
Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang palabasin pero hindi ko gusto ang idea niya.
"Aurora." Malakas na tawag ni Zach. Agad siyang sinalubong ng kambal. Napatingin siya kay Mikael at bakas din sa mukha niya ang pagkabigla.
"A-andito ka na pala sa Pilipinas." Medyo nauutal na turan niya kay Mikael.
"Kayo pala ang nagkatuluyan ni Aurora." Seryosong sagot naman ni Mikael. Nagbago ang timpla ng mukha niya. Kung kanina ay may nakakalokong ngiti ngayon naman ay parang pinagsakluban ng langit at lupa.
Ako na sumabat dahil sa tiningan pa lang nila ay halata kong may namumuong tensyon. "Oo. Sige aalis na kami."
Maagap kaming umalis sa mall na yun. Nagdesisyon na rin kaming umuwi kahit tutol ang mga bata. Nag-iba kasi ang pakiramdam ko.
Alam kong napansin din ni Zach yun. Hanggang sa makauwi kami ay wala kaming imikan. Hindi ko alam kung paano ba pag-uusapan ang tungkol kay Mikael sa harapan ng lalaking nagpaka-ama sa mga anak ko sa loob ng apat na taon.