PROLOGUE
Muli niyang pinasadahan ang sarili sa salamin. Mukha siyang modelo sa suot niyang v-neck peach chiffon gown. Bagay ang tabas niyon sa balingkinitang katawan niya at ang kulay niyon ay nakapagpalutang ng natural na puti ng balat niya. Pinili niyang ipusod ang mahabang buhok dahil pakiramdam niya'y mas kontrolado niya ang gabing iyon kung nakataas ang buhok.
Smile, aniya sa sarili. Nakangiti ang mga labi niya pero hindi iyon umabot sa mga mata. Fake it, 'til you make it, paulit-ulit na sabi niya sa sarili. Napatingin siya sa picture frame sa ibabaw ng tokador. Kinuha niya iyon at dinala sa dibdib.
"I wish you're here, Ma..." mahinang usal niya. "Gusto kong malaman kung paano ninyo nalampasan ang gabing katulad nito noon. Gusto kong malaman kung papaanong minahal ninyo ang Papa kahit ipinagkasundo lang kayo." Napabuntong-hininga siya. "I guess, I just needed an assurance that everything will be alright." Hinalikan niya ang larawan ng Mama niya bago ito muling ibinalik sa ibabaw ng tokador.
Tonight is her engagement party. Pero imbes na tuwa, kahungkagan ang bumabalot sa puso niya. Hindi niya alam kung hanggang kailan ang ganoong pakiramdam. Mas masuwerte pa ang nalulungkot, at least, may nararamdaman sila. Siya? Hindi niya alam. Wala na siyang pakiramdam. Siguro'y matagal na panahon na siyang malungkot kaya't tila namanhid na siya.
Naging tradisyon na ng angkan nila na sanggol pa lamang, pinipili na ng ina kung sino ang mapapangasawa ng anak nila. Hindi niya alam na masasali pa siya sa tradisyong iyon dahil bukod sa matagal ng pumanaw ang Mama niya'y, 21st century na, hindi na uso ang arranged marriage. Subalit desidido ang Papa niya na tuparin ang hiling ng Mama niya. At kung hindi lang niya ito mahal, kung hindi lang nanganganib ang buhay nito'y sinuway na niya ito sa unang pagkakataon.
Ipinikit niya ng mariin ang mata nang maalala ang huling sagutan nilang mag-ama na siyang dahilan na isugod ito sa ospital. Limang taon na ang nakalilipas subalit natatandaan pa niya ang bawat detalye ng pangyayari. Inatake sa puso ang Papa niya nang sabihin niyang ayaw niyang magpakasal sa lalaking ipinagkasundo nito sa kanya dahil may minamahal na siya. Sa unang pagkakataon ay nakita niyang nagalit ang Papa niya at ganoon na lang ang takot niya nang sinapo nito ang dibdib kinapos na ito ng hininga. Saka lang niya nalaman na delikado ang kalagayan nito. Matagal na palang may sakit sa puso ang Papa niya pero inilihim nito sa kanya dahil ayaw nitong pag-alalahanin siya. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag nagkataon kaya't pumayag siyang magpakasal sa lalaking hindi pa niya nakikita sa buong buhay niya. Ang pinakamasakit lang, tuluyan nang namatay ang puso niya dahil kasabay ng pagsunod niya sa ama'y tinalikuran niya ang lalaking totoong mahal. Ipinilig niya ang ulo para huwag nang alalahanin ang nakaraan. Kahit anong gawin niya, hindi na mababago ang nakalipas. Wala nang magbabago. Matutuloy na ang kasal.
Humugot siya ng hininga bago nagdesisyon na lumabas ng silid.
"You look so beautiful, hija," maluwang ang pagkakangiti ng Papa niya na sinalubong siya para makababa sa grand staircase nila.
Ngumiti siya. "Kanino pa ba ako magmamana?" sagot niya na ikinatawa nito.
"Are you ready?" Nasa mukha nito ang excitement at hindi maipaliwanag na saya.
If it's not for you, I won't be doing this, Pa... aniya sa isip.
"Didn't you prepare me for this since I was sixteen?" paalala niya rito.
Tinitigan siya nito saka niyakap ng mahigpit. "Don't worry, everything will be alright," anang Papa niya at pinisil ang balikat niya.
Don't worry, everything will be alright, ume-echo iyon sa pandinig niya. Pakiramdam niya'y nanayo ang buhok sa batok sa narinig at kasabay noon ang pinong kurot sa dibdib. At naramdaman niya ulit ang pamilyar na pakiramdam sa tuwing siya'y nababagabag o kaya'y nalulungkot. Ang pakiramdam na may nagbabantay sa kanya. Ang pakiramdam na yakap-yakap siya ng Mama niya.
Ngumiti ito at tinapik ang pisngi niya. "I wish your mom is here, she would love to see Eleazar's son. I would love to see her happy that her wish is coming true." Naaninag niya ang pangungulila sa mata nito.
"I know she's watching over us, Pa. And I feel that she's happy, too," totoo sa loob na sambit niya at saka ngumiti. Hindi na pilit iyon.
Isang limousine ang naghihintay sa kanila para dalhin sila sa San Diego Hotel, isa sa pinakamalaki at pinaka-luxurious na hotel ng bansa. Kinakabahan ma'y pinilit niyang kalmahin ang sarili.
Ano kaya ang hitsura ng pakakasalan niya? Masyado itong mailap sa media kaya't kung hindi nakatalikod, nakasumbrero ito't nakayuko sa kadalasang kuha. Hindi niya magawang humiling mg larawan nito sa Papa niya noon dahil ayaw niyang isipin nito na okay sa kanya ang kasunduang iyon.
Tonight she will finally meet Earl Simon San Diego. May gumuhit na pait sa dibdib niya sa tuwing naiisip niya ang buong pangalan nito. Earl... pinilit niyang huwag mapabuntong-hininga nang gumuhit ang pait sa dibdib. Her first and probably her one and only love was named Earl too. Gusto niyang mapa-iling sa pagbibiro ng tadhana dahil sa tuwing naririnig niya ang pangalang nito walang ibang pumapasok sa isipan niya kundi ang mukha ng lalaking mahal niya. Mahal na mahal. Ipinilig niya ang ulo dahil nagsimulang humapdi ang mga mata.
Everything will be alright... aniya sa sarili.
Pagdating sa hotel, bahagya siyang nagulat nang sinalubong kaagad sila ng mga flashes ng camera. It was a red carpet entrance at hindi niya mapigilan ang sariling mamangha sa magarbong ayos ng hotel. Mali ang akala niyang private dinner ang magaganap dahil maraming tao ang naroroon. Saka lang niya naalala, first public appearance iyon ng susunod na CEO ng San Diego Group of Companies,ang taong mapapangasawa niya. Giniya siya ng Papa niya at isa-isang ipinakilala sa mga taong naroroon. Nang makita ang Tito Eleazar ay parehong-pareho ang tuwa sa mga mata nito at buong higpit na nagyakapan.
"Simon is coming in five minutes," ani Don Eleazar. "Caught up in a last hour meeting," bulong nito sa Papa niya.
"I'll just go, get a drink," paalam niya nang mapansing may importanteng pag-uusapan ang mga ito. Tango ang itinugon ng dalawa at nagpatuloy sa masinsinang usapan.
May malaking ice sculpture sa gitna ng bulwagang iyon na nakakuha ng kanyang atensyon. It was a sculpture of two kissing dolphins that was shaped like a heart. Sa ibaba ay naka-ukit din ang pangalan nila, Earl and Veronica. Ngumiti siya ng mapakla. The irony of it all...
"You liked it?" tanong ng baritonong boses sa likuran niya.
Nanlamig siya bigla dahil kilalang-kilala niya ang boses na iyon. "Y-Yeah," sagot niyang hindi lumilingon. Bigla ang mabilis na pagtahip ng dibdib niya. Breathe, utos niya sa sarili saka unti-unting lumingon. Tila itinulos siya sa kinatatayuan nang mapagsino ang nasa likuran niya.
"Of course, you wanted something grand like this, right?" may himig sarkasmo ang tinig nito.
It can't be... She sucked in her breath. Pakiramdam niya'y tinakasan ng kulay ang mukha niya. Palihim niyang kinurot ang sarili at napagtanto niyang hindi siya nananaginip. Si Earl nga... Si Earl Bacabac, ang lalaking pinakamamahal niya. Namangha siya sa ayos nito. Malayo sa binatang naka-rugged jeans and shirt lang na pumapasok sa eskwela noon. The three-piece tailor-fit suit gave him a polished look. She never thought he could look this good. Tila nalaglag ang puso niya sa lupa. Gusto niya itong sugurin ng yakap pero madilim ang gwapong mukha nito, halatang hindi ito natutuwa sa pagtatagpo nilang iyon. Lalong nanlamig at nangalog ang tuhod. Napasandal siya sa mesa dahil ilang segundo lang ay bibigay na ang pagtayo niya.
"A-Ano ang ginagawa mo r-rito?" aniyang halos lumuwa ang mata sa pagkagulat. Kulang ang salitang shocked sa nararamdaman niya ngayon. Parang ilang minuto ay may puputok na ugat sa utak niya at mamamatay siyang tiyak.
"I was hoping to stop this madness," malamig na tugon nito. "Ayokong matuloy ang kasal."
Tila umiikot na ang paningin niya. She's having panic attack. Breathe! Utos niyang muli sa sarili. She had dreamed of this to happen in five long years. Akala niya sa pelikula lang nangyayari na sa last minute sinasagip ng leading man ang leading lady nito. Kung itatakas siya ng binata'y buong puso't kaluluwa siyang sasama. Pero natigilan siya sa iniisip nang maalala ang kalagayan ng Papa niya.
"Please, Earl, huwag kang manggulo rito."
"Hindi ka pa rin nagbabago," anito na nakatingin sa nanginginig na kamay niya.
"Please, umalis ka na," pakiusap niya kahit hindi iyon ang ibig niyang mangyari. Ilang gabi ba niyang iniyakan ang paghihiwalay nila noon? Hindi niya mabilang. At iisa lang ang isinisigaw ng puso niya, mahal niya pa rin ito pero hindi pa rin pwede. Tila bumukas ulit ang sugat na matagal na niyang pinilit kalimutan. Humapdi ulit iyon. At ang lungkot na matagal na niyang hindi nararamdaman, damang-dama niya ulit.
"Are you doing the break up thing again?" anitong tiningnan na para bang naloloka siya. "Naiintindihan ko na ang lahat. Pera lang naman ang importante sa'yo, di ba?"
Kumunot ang noo niya. Mayroon siyang hindi naiintindihan sa sitwasyon.
"So finally, you've met!" Napalingon siya. Lalong tumindi ang pagtahip ng dibdib niya nang makitang papalapit si Don Eleazar.
"Please, Earl!" she hissed. Pero hindi ito natinag sa kinatatayuan.
Kumunot ang noo niya nang inakbayan ni Don Eleazar ang binata. "Isn't she beautiful, hijo?"
"Very beautiful, indeed," may sarkasmo sa tinig at titig nito. Yung titig na tagos hanggang buto.
Ngumiti ang don saka binalingan siya. " Veronica, hija, meet my son, Simon."
"I prefer Earl," sagot nito.
Oh... my... God... Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Bakit hindi man lamang niya nakita ang pagkakahawig ng mga ito? Umiling siya at muling kinurot ang sarili. This can't be happening. Imposible. Nananaginip lang siya. Hindi ito nangyayari sa totoong buhay, lalo na sa buhay niya. Papaanong naging anak ni Don Eleazar si Earl?
Nang mapatingin siya ulit sa binata'y galit ang ekspresyon ng mukha nito. Galit pa rin ba ito sa kanya kaya ayaw nitong matuloy ang kasal? Napapikit siya ng mariin. Limang taon na ang nakalipas pero bakit nandoon pa rin siya sa lugar kung saan iniwan niya ang binata? Ramdam pa rin niya ang sakit habang nakikipaghiwalay rito, umaasang sa kabila ng masasakit na salitang binitiwan niya, maramdaman nitong mahal na mahal niya ito. Bakit patuloy pa rin siyang umaasang mahal pa rin siya nito? Nanikip lalo ang dibdib niya, hindi na siya makahinga. This is all too much. Tuluyan nang umikot ang paningin niya at namanhid ang buong katawan. Napakapit sa mesa ng mahigpit.
"Are you okay, hija?"
She was gasping for breath. Naging mabuway ang pagtayo niya. Kumuha siya ng lakas sa mesang kinasasandalan. Saka lang niya napagtantong malaking pagkakamali iyon dahil naging mabuway ang ice sculpture sa likuran niya. Huli na para umiwas at tuluyan nang nawala ang lakas niya. Narinig niya ang hiyawan ng mga tao roon at ang pag-flash ng camera. Kung hindi siya mamamatay sa ice sculpture, mamatay siyang tiyak sa kahihiyan.
"Dammit! Veronica!" huling narinig niya kasabay ng paghaklit ng bewang niya ng matipunong bisig. With her eyes half-closing, the last thing she saw was Earl's face covering him from the falling ice sculpture.