Ilang buwan na ang nakakalipas mula nang magsimula ang pasukan. Maayos naman ang naging takbo ng kanyang pag-aaral. Wala na siya sa top 5 ng kanilang klase dahil sa dami ng kakumpitensiya niyang matatalinong estudyante. Karamihan nga kasi sa mga estudyanteng pumapasok roon ay mga valedictorian at salutatorian sa iba't ibang elementary school. Ngunit sa kabila noon, sinisikap pa rin niyang makakuha ng mataas na mga marka.
Masaya naman siya kahit na hindi siya napabilang sa top 5. Ang mahalaga na lamang sa kanya ngayon ay ang makatapos ng pag-aaral at hindi bumagsak.
Nasa hidden pavilion siya ngayon dahil vacant class nila. Kasama niya si Kelly na nakatambay roon. Iyon na ang naging hide out nila tuwing bakanteng oras nila. Tago ang lugar na iyon kaya nga tinawag na hidden pavillion. Nasa bandang dulong parte na kasi ito ng eskuwelahan at kaunting estudiyante lamang ang nagagawi roon. Medyo natabunan na rin iyon ng matataas na d**o.
Katatapos lang niyang mag-review para sa long quiz nila. Itinago na niya ang kanyang notebook sa loob ng bag saka prenteng nahiga siya sa mahabang bench na inuupuan niya. Nakatitig lamang siya sa kalangitaan. Naaaliw kasi siyang pagmasdan ang mga ulap na nagkukumpulan at gumagawa ng iba't ibang hugis. Ini-imagine na lang niya ang itsura ng mga iyon na kung minsan ay nagiging hugis hayop gaya ng kuneho, kabayo at kung ano-ano pa. Minsan naman ay hugis puso. Napapangiti siya sa magandang likha ng Diyos.
"Kumusta naman kayo ni Robert?" Napalingon siya kay Kelly nang biglang magtanong ito. Nakaupo ito malapit lang din sa kinahihigaan niya.
"Ha? Bakit mo naman naitanong?" Kumunot pa ang kanyang noo dahil sa pagtataka.
"Aba, ilang buwan na rin siyang nagpapalipad-hangin sa'yo pero parang deadma ka lang," anito.
Bigla namang dinagsa ng kaba ang kanyang puso pagkarinig pa lamang ng pangalan ng binata. Lihim siyang napangiti sa pag-alaala ng mga araw na naririnig niya ang madalas na pag-a-I love you nito sa kanya. Ngunit hindi niya binibigyang pansin iyon dahil ang isip niya ay ang kanyang pag-aaral at isa pa hindi naman siya sigurado kung pinagti-trip-an lamang siya nito.
"Sa tingin mo ba, seryoso siya sa sinasabi niya?"
"Hmmm... hindi ko rin alam. Pero malay mo, bakit hindi mo kaya itanong?"
Agad na nag-init ang kanyang mukha. Isipin pa lang niyang kakausapin niya nang harapan si Robert ay bumibilis na ang t***k ng kanyang puso. Kaya nga tuwing malapit ito sa kanya, madalas na tahimik lang siya at hindi ito pinapansin. Kung minsan ay sinusupladahan niya ito para itago ang kanyang tunay na nararamdam. Ayaw rin kasi niyang magmukha siyang nagpapa-cute dito tulad ng mga kaklase niyang lantaran kung makadikit at mag-confess ng feelings.
"Ayoko nga!" agad na tanggi niya.
"Bakit ayaw mo? Itatanong mo lang naman kung trip lang ba o hindi iyang pagsasabi niya sa'yo ng I love you."
"Basta ayoko. Atsaka, ano namang kung totoo iyon? Hindi pa rin naman ako puwedeng mag-boyfriend. Trese pa lang tayo, ano namang alam natin sa pakikipag-boyfriend?"
Napaisip naman ito. Inilagay pa ang daliri sa may sintido. "Oo nga ano? Pero aminin mo nga sa akin, crush mo rin si Robb 'no?"
"Ha?" Napanganga siya sa gulat dahil sa tanong nito. Lalong namula ang kanyang mukha dahil sa hiya. "H-hindi a!"
"Sus, ako pa talaga ang paglilihiman mo ha? E halata naman sa itsura mong may crush ka rin sa kanya. Tingnan mo nga ang mukha mo sa salamin, para ka ng kamatis sa sobrang pula. Pinag-uusapan pa lang natin siya niyan, paano pa kaya kung nasa tabi mo na siya?"
Para siyang nahuli sa aktong pagnanakaw nito kaya hindi man lang siya nakasagot. Natameme siyang nakatitig lang dito at hindi malaman ang sasabihin.
"Paano ba ako makakatanggi? Mukhang obvious na obvious na nga," bulong niya sa kanyang sarili sabay kagat-labi.
"Kita mo na, hindi ka rin makasagot. Silent means yes."
"Kelly!" tanging nausal niya para sawayin ito sa panunudyo sa kanya. Tumawa naman ito na parang nanalo dahil tama ang hinala nito.
"I love you, Kateeee!" Sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng sigaw na iyon.
Hindi niya makita kung sino ang sumigaw ngunit sigurado siyang boses iyon ni Robert.
Napabangon siya sa kinahihigaan at tinungo ang pinanggalingan ng boses. Lumakad siya malapit sa isang building na katabi lamang ng pavilion.
"Kateee!" muling sigaw niyon kaya napatingala siya. Lumukso ang kanyang puso nang makita ang binatang nakatanaw mula sa bintana ng building na iyon. Nasa second floor iyon at nakatingin sa kanya.
"I love youuu!"
Nag-ala tambol na ang t***k ng kanyang puso dahil sa ginawang iyon ng binata. Lumingon siya sa paligid, buti na lang at walang gasinong tao sa ibaba ngunit nang tingnan niya ang mga bintana sa building na iyon ay nakita niyang may mga estudiyante na sumilip rin at mukhang nakikiisyoso sa kaganapan. Ang ilan ay nakatingin sa kanya at ang iba naman ay kay Robert na ngayon ay nakangiti at kumakaway sa kanya.
Nakaramdam siya ng hiya kaya't agad siyang bumalik sa pavilion at mabilis na kinuha ang kanyang bag.
"Huy! Saan ka pupunta?" nagtatakang tanong ni Kelly. Pinigilan pa siya nito sa braso kaya napatigil siya sa paghakbang.
"Babalik na ako sa classroom," nakayukong sabi niya saka iniwan si Kelly. Mabilis naman siya nitong hinabol.
"Uyyyy! Kinikilig ka 'no?" biro ulit ni Kelly sa kanya. Siniko-siko pa siya nito sa tagiliran. Nananatili naman siyang nakayuko. Ramdam pa rin niya ang pag-iinit ng mukha niya dahil sa pinaghalong hiya at kilig dahil sa nangyari.
Sino bang mag-aakalang ipagsisigawan iyon ni Robert?
"H-hindi kaya. Ano ka ba Kelly, nakakahiya kaya ang ginawa niya."
"Nakakahiya? Nakakakilig nga e. Akalain mo iyon, ipinagsigawan niya sa lahat na mahal ka niya. I think, he really love you, Katherine." Parang maiihi naman ito sa kilig.
"Ah, basta. Dahil sa ginawa niya, hindi ko na alam ang ihaharap ko sa mga kaklase natin. Tiyak na pag-uusapan ako ng mga iyon."
Umikot naman ang mga eyeball nito sa mata dahil sa sinabi niya.
"Hay, hayaan mo nga ang mga kaklase natin. Inggit lang ang mga iyon dahil sa dami ng magaganda at matatalino dito sa campus ay ikaw ang nagustuhan ng isang Jon Robert Jones."
"Iyon na nga, isa siyang Jon Robert Jones. Sikat sa buong campus, mayaman at guwapo, magkakagusto sa isang babaeng may sariling mundo. Ni walang kaibigan kundi ikaw lang. Dahil ikaw lang naman ang tumatanggap sa isang mahirap na tulad ko."
Muling inikot nito ang mga mata saka umakbay sa kanya. "Napaka-nega mo talaga kahit kailan. Huwag mo ngang i-down ang sarili mo. Hindi ka nga mayaman, pero maganda at matalino ka naman. Kayang-kaya mo pa ring lampasuhin ang mga iyan. At si Robb, he saw the extraordinary you. He loves you as you are. Kaya wala kang dapat ikahiya."
Sandali siyang napaisip. Kung kaya ngang ipagsigawan ni Robb na mahal siya nito, hindi kaya... totoong mahal talaga siya nito? Paano niya malalaman kung hanggang palipad-hangin lang naman ito?
Tulad ng inaasahan, pagpasok pa lang niya sa loob ng classroom ay agad na siyang pinag-uusapan ng mga kaklase. Narinig niya ang mga bulung-bulungan ng mga ito.
"Sila na ba ni Robb?"
"Siya ba ang Kate na tinutukoy ni Robb?"
"Ang suwerte naman niya, girl. Akalain mo iyon, si Robb pa ang nagkagusto sa kanya."
"Robb, doesn't deserve her. Masyadong weak naman pala ang type niya."
Yumuko na lamang siya at dire-diretsong tinungo ang kanyang upuan. Sinubukan niyang ignorahin ang mga usap-usapan tungkol sa kanya. Ayaw rin naman niyang sagutin ang mga sinasabi ng mga iyon dahil hindi rin naman niya alam ang isasagot.
"Ang landi naman niya, akala mo kung sinong mabait at tahimik. Siguro hindi lang natin alam, baka ginayuma na niya si Robb," narinig pa niyang bulong ng babaeng hindi kalayuan sa kinauupuan niya. Ramdam niya ang matalim na tingin nito sa kanya.
Sa totoo lang ay hindi naman siya talaga weak at tahimik tulad ng inaakala ng mga ito. Palaban din siya kung pinapahintulot ng pagkakataon pero mas iniisip na lamang niyang huwag patulan ang mga ito. Ayaw rin naman niyang masira ang kanyang record nang dahil lamang sa panlalait sa kanya ng mga kapwa estudyante.
"Hoy, kayo!" Napalingon siya nang sumigaw si Kelly sa gitna ng mga kaklase. Nakaturo pa ang kamay nito sa babaeng nagsabi sa kanya ng malandi. "Hindi porke mayayaman kayo ay kaya ninyo nang i-down kaming mahihirap. Mga buwisit kayo! Porke hindi kayo pinapatulan ng kaibigan ko ay kung ano-ano nang pinagsasasabi ninyo! Putulin ko kaya iyang mga dila ninyo nang manahimik kayo!"
"Aba't... ang tapang mo a!" bulyaw naman ng isa sa mga kaklase niya. Ito rin ang babaeng huling nagpalipad hangin sa kanya.
Napatayo naman siya at agad na dinaluhan ang kaibigan na susugurin na ng babaeng dinuro nito. Kaya sa halip na si Kelly ang masabunutan niyon ay siya ang tumanggap ng masakit na paghila sa kanyang buhok. Napadaing naman siya sa sakit at napahawak sa kamay niyon. Pinipilit niyang alisin ang mahigpit na pagkakahawak niyon sa kanyang buhok. Ngunit kahit anong pagpupumiglas niya ay lalo lamang humihigpit iyon.
Hanggang sa makidamay na rin ng sabunutan si Kelly. Sinabunutan nito ang babaeng sumasabunot sa kanya at ang kaibigan naman niyon ay sinabunutan din si Kelly. Pinagtulungan na sila ng mga ito.
"Anong nangyayari dito?" gulat namang tanong ni Robb at agad na inawat ang mga babaeng nagkakagulo. Nakitulong na rin sa pag-awat ang mga kaibigan nito. Agad namang nailayo ng mga ito ang mga babaeng kumuyog sa kanilang dalawa ni Kelly.
"Bitiwan ninyo ako!" Nagpupumiglas pang sigaw ni Rose Anne, ang babaeng sumabunot sa kanya.
Naramdaman niya ang paghawak ni Robb sa kanyang mga braso at mabilis na pagyakap nito sa kanya. Wala siyang nagawa kundi sumiksik sa dibdib nito.
“What are you doing Robb?” galit na sambit ni Rose Anne habang nagpupumiglas pa rin. Mukhang hindi ito papayag na hindi masaktan si Kate.
“I should have asked you that! What are you doing and why you are so mad at Kate?”
Umismid ito. “Tinatanong mo ako kung bakit ako galit? Alam mong gusto kita pero sa kanya ka nagpapapansin! Ano bang nakita mo sa babaeng iyan? She just a slapsoil!”
“Shut up! Don’t insult her,” depensa ni Robb sa dalaga.
“Sasabihin ko ang gusto kong sabihin! Hindi ko pa rin kasi maintindihan kung bakit nasa kanya ang atensiyon mo at kung bakit ipinagtatanggol mo siya?”
“Hindi ito ang lugar para mag-iskandalo ka. Natural lang na ipagtanggol ko siya dahil sinasaktan mo siya. Alam kong ikaw ang nag-umpisa ng gulo.”
“Ako? Kadarating mo lang at sinasabi mong ako ang nag-umpisa ng g**o? Talaga bang mas pinapaboran mo ang babaeng iyan kaysa sa akin?” Naiiling ito habang masama ang tingin kay Kate.
“Totoo naman kasing ikaw ang nag-umpisa. Nananahimik kami pero bigla kang magsasabi ng kung ano-ano kay Kate!” sagot naman ni Kelly na halatang gigil pa rin. Kung hindi rin ito hawak ng isa sa mga kaibigan ni Robb ay nasugod na ulit nito si Rose Anne.
“You’re making stories!” giit ni Rose Anne.
“Hoy, hindi ako tsismosa para maggawa ng issue!”
“Please stop. Itigil ninyo na ito,” saway pa niya sa mga babae. Umirap lang si Rose Anne at pinaikot ang eyeball. She felt defeated and dismayed. Hindi ito makapaniwala sa ginagawang pagtatanggol sa kanya ni Robb. Kahit siya ay nagulat sa ginawang pagtatanggol nito sa kanya.
“Ayos ka lang ba?” bulong pa nito sa kanya. Hinawi pa nito ang buhok niyang tumakip sa kanyang mukha. Sobrang magulo na ang kanyang buhok dahil sa pagkakasabunot sa kanya ng kaklase. Masakit rin ang kanyang anit.
Tumango siya saka bahagyang itinulak ang binata. Nakaramdam siya ng hiya. Alam niyang pinagtitinginan na sila ng mga kaklase at lalong nagbulungan ang mga ito.
"Sigurado ka?" Halata sa boses nito ang pag-aalala. Muli siyang tumango at tiningnan ito. Nginitian niya ito nang tipid.
"Salamat." Muli siyang yumuko at tinungo ang upuan. Hindi pa rin maalis ang ngiti sa labi niya nang dahil sa simpleng pagtulong sa kanya ng binata. Nang lingunin niya ito ay nakatingin pa rin ito sa kanya. Ngumiti ito nang magtama ang kanilang mata.
At dahil sa nangyaring iyon, tila lalong lumalim ang nararamdaman niya para dito. At kahit pa hindi siya sigurado sa nararamdaman nito para sa kanya ay masaya na rin siya sa pinakita nitong concern sa kanya.