Nagtataka si Kate kung bakit tila may kakaiba sa ikinikilos ni Robb. Naging tahimik ito at hindi man lang siya pinapansin. Hindi katulad dati na sa bungad pa lamang ng classroom ay nakabati na ito sa kanya. Tahimik na lang itong nakaupo sa silya na nasa kanyang likuran. Kahit gusto sana niyang kausapin ito at magpasalamat tungkol sa pagtatanggol nito sa kanya ay hindi naman niya magawa. Naunahan na siya ng hiya.
Lumipas pa ang ilan pang mga araw at nananatili itong tahimik at hindi na nagpapalipad-hangin pa sa kanya. Ngayon ay para na lamang siyang hangin na dinadaanan lang nito. Ni hindi siya binabati tulad ng dati. Hindi na rin niya nakikita ang matamis na ngiti nito. Hindi na rin niya narinig pang mag-I love you si Robert sa kanya. Hindi na ito nagpapalipad-hangin pa sa kanya. May kaunting lungkot siyang naramdaman. Nasanay na kasi siya sa pagpapansin nito sa kanya.
Ngunit kahit na ikinalungkot niya iyon ay binalewala na lamang niya. Inisip niyang baka talagang nagsawa na ito sa ginagawang pagpapapansin sa kanya dahil hindi naman niya ito tinutugon sa halip ay tinatarayan pa niya. Nag-focus na lamang siya sa kanyang pag-aaral. Pero inaamin niyang paminsan-minsan ay lihim niya itong sinusulyapan. Paminsan-minsan ay nahuhuli pa rin niya itong nakatingin sa kanya pero agad ding nag-iiwas ng tingin.
Nagtagal ang ganoong set up nila ng ilang buwan ngunit kahit ganoon ay lihim pa rin niyang hinahangaan ang bawat kilos at galaw nito. Ito ang naging inspirasyon niya para lalo pang magsipag sa pag-aaral at pumasok araw-araw sa eskuwela. Kahit pa nga hindi na siya pinapansin pa nito.
Makita lamang niya ang ngiti nito ay masaya na siya. Marinig lamang niyang tinatawag nito paminsan-minsan ang pangalan niya ay parang tumatalon na ang kanyang puso. Kahit hindi sila nagkakausap ay masaya na siyang tanawin ito sa malayo.
Naglalakad siya sa hallway nang hindi sinasadyang marinig niya ang usapan ng kanyang mga kaklaseng babae.
"Talaga, Rose Anne? Nanliligaw na sa'yo si Robb? Ang suwerte mo naman."
Parang may tumusok na kung ano sa kanyang puso at hindi na niya nagawa pang pakinggan ang sagot ng babae. Mabilis ang mga hakbang na lumayo na lamang siya. Ngunit para bang nang-aasar ang tadhana dahil sa daraanan niya ay naroon din si Jon Robert.
Nagkatinginan pa sila ngunit agad ding umiwas ito ng tingin sa kanya at binalingan ang kaibigang lalaki. At bago pa siya makalayo ay narinig niya ang malakas na boses nito na lalong dumurog sa kanyang puso.
"Nakita mo ba si Rose Anne, pare? May gusto kasi akong sabihin sa kanya e."
Biglang nag-flashback sa isip niya ang usapan ng mga babaeng nadaanan niya.
"Si Rose Anne na nga kaya ang nililigawan niya? Kaya ba tumigil na siya sa pagpapalipad-hangin sa akin ay dahil may gusto na siyang iba?" tanong niya sa sarili.
Nais tumulo ng kanyang luha sa isiping iyon pero agad niyang pinigilan. Hindi siya puwedeng masaktan dahil wala naman silang naging relasyon ni Robert. Ni hindi nga sila naging magkaibigan man lang. Pero ang isiping parang pinaasa siya nito, iyon ang masakit para sa kanya.
Dumiretso na lamang siya sa locker area. Kahit mabigat ang kanyang loob ay sinubukan niyang maging normal ang kanyang kilos. Matapos kunin ang kanyang sports uniform at rubber shoes ay agad siyang nagpunta sa comfort room para magpalit ng damit. P. E nila ngayon at kahit pa hindi siya sport minded at wala siyang alam ni isang sport ay wala naman siyang choice kundi ang um-attend sa klase.
Matapos magpalit ay nagtungo na siya sa field kung saan gaganapin ang kanilang P.E. May hawak na rin siyang shuttle c**k dahil badminton ang sports na lalaruin nila ngayon.
Naka-uniform na rin ang lahat ng mga kaklase niya. At isa-isa nang pinagpareha. Babae sa babae at lalaki sa lalaki. Naka-partner naman niya si Nicole kaya't walang naging problema sa kanya. Isa ito sa mababait niyang kaklase at isa na rin sa mga naging kaibigan nila ni Kelly.
Matapos ang limang kaklase niyang babae na sumabak sa match ay isinalang na sila. Kabado pa siya dahil hindi naman talaga siya marunong. Natatandaan naman niya ang basic ng pagpalo dahil itinake-note pa niya iyon sa kanyang notebook. Okay lang ang take note sa kanya pero ang actual ay parang mahirap na sa kanya. Pero kailangan niyang kayanin para rin sa grades niya.
Pumuwesto na sila sa magkabilang dulo ng badminton field. Makailang ulit pa siyang bumuntong hininga bago pinalo ang racket ng hawak niyang shuttle c**k. Narinig niya ang man
"Go, Kate!"
Hindi nakalagpas sa pandinig niya ang boses ni Robert na agad nagpabilis ng t***k ng kanyang puso. Ito lang naman ang tumatawag sa kanya sa ganoong pangalan. Medyo nawala tuloy siya sa focus at napatingin dito. Kinawayan pa siya at nginitian nito. Umiwas agad siya ng tingin at kinalma ang sarili. Muli niyang pinalo ang racket.
"Galingan mo, Katherine! I love you!" sigaw ni Cedric, isa sa mga kaibigan ni Robert. Nagulat siya sa isinigaw nito kaya naman pumalya siya ng palo sa paparating na racket sa kanya. Nakapuntos tuloy si Nicole.
"Hoy Cedric, anong I love you ang sinasabi mo diyan? Akin siya." Hindi naalis ang tingin niya sa puwesto kung saan nakaupo sina Cedric at Robert. Inaambaan pa nito ng suntok ang una. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.
"Go, Kate! Kaya mo iyan, talunin mo si Nicole para sa akin," dugtong pa ni Robert matapos sitahin si Cedric. Kinindatan pa siya nito.
Agad namang nag-init ang kanyang mukha. Hindi niya maunawaan kung bakit bigla na namang nagpapansin ito sa kanya at sinabi pa nito ang mga katagang "akin siya”samantalang kanina lang ay si Rose Anne ang hinahanap nito.
"Nagpapaasa na naman ba siya? Paano si Rose Anne? Trip lang din niya?"
“Look out!” sigaw pa ni Cedric. Huli na nang mapansin niyang papalapit na ang shuttle c**k at tumama ito sa kanyang noo. Mabuti na lamang at hindi naman iyon kagaanong matigas kaya hindi ito masyadong nakasakit sa kanya. Nasapo lamang niya ang kanyang noong tinamaan niyon.
“Miss Loyola, focus on your game!” utos naman ng kanilang guro.
“Sorry Sir.”
Bahagya siyang napahiya. Kasalanan ito ni Robb. Ginugulo nito ang kanyang isip. Naguguluhan siya sa biglang ikinilos nito. Sunod-sunod siyang umiling at bumuntong hininga pa para kalmahin ang kanyang sarili at muling mag-focus sa laro. Panay pa rin ang cheer nito sa kanya pero hindi na lamang niya pinansin. Iniisip talaga niyang baka napagti-tripan na naman siya nito.
Matapos ang laro ay nagulat pa siya nang bigla siyang lapitan at batiin ni Cedric na hindi rin normal para sa kanya. Wala naman kasing mga lalaki ang nagtatangkang makipag-usap sa kanya. Iniisip niyang baka nai-intimidate ang mga ito dahil sa sobrang tahimik niya sa klase. Hindi kasi siya unang nag-a-approach kapag nakikipag-usap siya at madalas na bilang ang kanyang mga salita. Si Kelly lamang ang nakakausap niya ng matagal sa kanilang klase.
“Hi,” ulit nitong bati sa kanya. Matamis ang pagkakangiti nito sa kanya.
“Hello,” ganting bati na lamang niya pero hindi siya makatingin sa mukha nito. Nakayuko lamang siya habang inaayos ang kanyang gamit sa locker. Tapos na siyang magpalit ng uniform at ibinabalik na lamang niya ang kanyang sports uniform roon.
“Ang galing mo kanina,” sabi pa nito. Kahit kasi nawala siya sa focus kanina ay nagawa pa rin niyang manalo sa kanilang match ni Nicole.
“Hindi naman,” tipid niyang tugon.
Sandali itong natahimik at nakatingin lang sa kanya. Hindi niya maunawaan kung bakit ganoon ang tingin nito sa kanya. Madalas na niyang nakikita na tumitingin ito sa kanya pero hindi naman niya iyon binibigyang atensiyon. Ngayon lamang dahil unang beses siya nitong nilapitan at kinausap.
Tumikhim pa ito bago muling nagsalita.
“Katherine, I know it’s awkward but can I ask you something?”
“Ano iyon?”
“Do you have feelings for Robb?”
“Ha?” tanging naiusal niya. Hindi niya inaasahan ang tanong nito.
Tumawa naman ito nang bahagya dahil sa naging reaksiyon niya.
“I am sorry. Nabigla yata kita sa tanong ko. Matagal ko na kasing napapansin na nagpapalipad hangin siya sa’yo, Napaisip lang ako kung may epekto ba iyon sa’yo?”
“Ah iyon ba? Balewala iyon. Alam ko namang pinagti-tripan lang niya ako.”
“How did you know? I mean, paano mo nasabi?”
“Wala. Feeling ko lang. Sino ba naman kasi ang magkakagusto sa isang tulad ko? Isa lang akong mahirap na pinalad na maging scholar sa school na ito kaya ako napadpad dito.”
“Para namang minamaliit mo ang pagiging scholar mo. Hindi kaya madaling maging scholar sa school na ito. Honestly, nahirapan din ako sa exam.”
“Nag-take ka ng exam for scholarship?” nagtatakang tanong niya. Ang alam niya, ang ilan sa mga mayayamang estudiyante roon ay hindi na kumukuha ng entrance exam o lalo na ng scholarship exam. Para lamang iyon sa mga mahihirap na estudyante na may kakayanang makapasa at may mataas na grado.
Tumango naman ito na ikinagulat niya. Literal na napanganga siya.
“Do you think that I am rich like them?”
Tumango naman siya bilang tugon dahil iyon naman talaga ang nasa isip niya.
“Well, unfortunately I am only belong to a middle class. Hindi ako mayaman. Isa akong anak ng isang dating sekretarya ng kompanya. Minimum wage earner lang ang Mama ko pero ang Papa ko… nevermind.” Parang biglang nagbago ang isip nito na sabihin sa kanya ang tungkol roon. Marahil isa iyong sensitibong bagay na hindi dapat basta-basta sabihin sa isang tulad niyang kakakausap lang naman nito. Ni hindi masabing magkaibigan sila nito.
“Akala ko ay kasing yaman ka nila,” sambit na lamang niya saka isinara ang locker at binitbit ang kanyang bag. Nakasunod naman ito nang maglakad siya palabas ng locker.
“Puwede ba akong sumabay sa iyo sa pagkain?” tanong pa nito sa kanya. “Tutal parehas lang naman tayong ordinaryong tao sa school na ito. Baka puwede rin tayong maging magkaibigan?”
Nag-abot ito ng kamay sa kanya. Atubili pa siyang tanggapin ito pero tinanggap rin naman niya na nakangiti. Unang beses yata siyang magkakaroon ng kaibigang lalaki. Ito palang ang unang lalaking naging pormal niyang kaibigan. Karamihan ay kakilala lang at hindi naman talaga masasabing kaibigan.
“Oh, what is the meaning of that?” tanong ni Kelly na biglang sumingit sa kanila. Galing ito sa locker area at patakbong lumapit sa kanila. Nagtatakang nakatingin ito sa kamay nilang magkahawak.
Mabilis naman niyang binawi ang kanyang kamay at asiwang napangiti.
“N-nakikipagkaibigan lang.”
“Oh! May new friend ka pala.”
“Kilala mo naman siya hindi ba?” nakangiwing sabi pa niya kay Kelly.
“Oo naman. Siya si Cedric Lorenzo at kaklase rin natin siya hindi ba?” Makahulugan ang pagkakangiti nito habang nakatingin kay Cedric. Para bang nababasa nito ang damdamin ng binata na hindi niya alam.
“Nice to be your friend too, Kelly.” Nag-abot ito ng kamay sa kanyang kaibigan na wala namang pag-aatubiling tinanggap nito.
“Ofcourse! Kapag friend na ni Katherine, friend ko na rin,” ngiting-ngiting sambit nito habang nakikipagkamay.
Sabay-sabay na silang pumasok sa canteen kasama si Cedric at hindi nakaligtas sa paningin niya ang masamang tingin ni Robb sa kanilang dalawa. Nagtataka siya kung ano ang ibig sabihin ng tingin na iyon pero binalewala na lamang niya at nagpatuloy sa pagkain.