Chapter 2

2962 Words
Three years later…                   BILANG na ang oras mo, Bainisah Gandamato! Ibinaba ni Ezekiel ang sulat. Sumandal siya sa backrest ng kinauupuang swivel chair, saka bumuntong-hininga. Nakadama siya ng pag-aalala para sa pinsan dahil pangatlong death threat na nito iyon. Sa kanyang bumabagsak ang mga sulat para dito dahil mahigpit ang bilin niya sa assistant ni Bainisah na salaing mabuti ang bawat sulat na mayroon ang pinsan. Nasabi na niya rito ang tungkol doon pero tila bale-wala lang iyon dito. Tuwing magpaparinig kasi siya tungkol sa pagkakaroon nito ng bodyguards ay tinatawanan lang siya nito. Ah, tatlong taon na pala ang nakararaan mula nang puntahan niya ito sa bahay at sabihing pinsan niya ito. He loved his cousin. Gagawin niya ang lahat para dito. Gusto niyang iparamdam dito na mayroon pa itong kapamilya sa katauhan niya. Besides, he owed it to his uncle. Naging mabuti ito sa kanya at mas itinuring pa niya itong ama kaysa sa sariling ama. He sighed. Tuwing naiisip niya ang kuwento ng tiyuhin at ng nanay ni Bainisah, hindi maaaring hindi papasok sa isip niya ang isang partikular na babae. Katulad ng Tito Andrew niya, he had to let go a very special woman … Ipinilig niya ang ulo para iwaksi ang isiping iyon bagaman duda siya kung magagawa niyang alisin nga ang babaeng iyon sa kanyang isip dahil sa loob ng labindalawang taon, hindi ito nawaglit minsan man sa isip niya. Binuksan niya ang drawer ng executive desk at inilabas mula roon ang dalawa pang sulat. The first letter was written in scribble. Ang pangalawa ay mga ginupit na letra na pinagdugtong-dugtong lang. Ang pangatlo naman ay computer print-out. Hindi tuloy niya malaman kung iisa ba ang may gawa niyon. Sa ayaw at sa gusto ng dalaga ay magtatalaga na siya ng security para dito dahil mukhang hindi basta nananakot lang ang nagpadala ng mga iyon. Napatingin siya sa broadsheet na nasa ibabaw ng mesa niya. Lumawak ang ngiti niya nang makita ang larawan ng isang sundalo roon.   BAHAGYANG tumingala si Vladimir sa napakataas na building ng Moreno Broadcasting Network bago siya pumasok doon. Hanggang maaari ay ayaw niyang maligaw sa lugar na iyon pero hindi niya mapahindian si Ezekiel Moreno, ang CEO ng MBN. Naging kaibigan niya ito noong first year college siya sa UP sa kursong Business Management. Pareho rin silang neophyte sa fraternity na sinalihan nila noon sa UP. Nagkahiwalay sila nang pagkatapos ng isang school year ay lumipat siya sa isang military school dahil na-realize niyang gusto niyang magsundalo. Gayunman, hindi sila nawalan ng contact ni Zeke. It was yesterday when he received an urgent call from Zeke, asking him to drop by at his office. Hindi niya alam kung bakit siya nito pinapupunta sa opisina nito pero nasisiguro niyang hindi iyon isang casual meeting lang. Iyon ang unang pagkakataon na pupunta siya roon. Binati siya ng mga guwardiya na naroroon. Hindi dahil kilala siya ng mga ito bilang kaibigan ni Zeke kundi kilala siya ng mga ito bilang si Captain Vladimir Mondragon ng Philippine Army. Tinanguan niya ang mga ito bago tuloy-tuloy nang tinungo ang private elevator na tanging si Zeke lang ang gumagamit. Ito ang nagsabi sa kanya na gamitin niya iyon. Hindi siya sinita ng mga guwardiya, marahil ay sinabihan na ang mga ito ni Zeke na anumang sandali ay magtutungo siya roon. Ilang sandali lang at bumukas na ang elevator. Bumulaga sa kanya ang isang magandang babae na nahihinuha niyang secretary ni Zeke. Sa pagkakatayo nito roon ay tila inaantabayan na nito ang pagdating niya.                   “Good morning, Captain Mondragon!” nakangiting wika nito.  Hindi niya pinansin ang tila pagpungay ng mga mata nito. “Is Mister Moreno in?” pormal na tanong niya. “Yes, my boss was expecting you. This way please,” anito bago iminuwestra ang isang pribadong opisina. Nakalagay sa malaking pinto ang: Ezekiel Moreno, CEO and Chairman, Moreno Brodcasting Network. “Thank you, I’ll take it from here,” aniya rito. Halatang nadismaya ito. Napilitan na itong umalis. PUmasok na siya sa loob ng opisina. “Vlad!” nakangiting wika ni Zeke nang makita siya. “Zeke,” aniya. Sinalubong siya nito. Agad naglapat ang mga palad nila, at ginawa ang hand signal na gamit ng fraternity na kinabibilangan nila noong college. “I’m glad you came, Vlad.” Tinawagan nito sa intercom ang secretary nito. “Miss Oliveros, I don’t want any disturbance right now. Cancel all my appointments and hold the incoming calls kahit kanino pa iyon galing.” Iyon lang at ibinaba na nito ang intercom.  Sa mabilis na tingin ay pinasadahan niya ang eleganteng opisina ni Zeke. Pero wala siya roon para i-appreciate ang kagandahan o kaelegantehan ng lugar na iyon. Naroroon siya para alamin kung bakit siya pinapunta nito sa opisina nito. “Please take a seat, Vlad,” wika nito at iminuwestra ang visitor’s chair. Naupo siya roon. Nagpahanda ito ng dalawang tasa ng kape sa secretary nito. Umangat ang isang kilay niya. Mukhang seryoso ang pag-uusapan nila. “Get straight to the point,” aniya. Kilala siya nito, he doesn’t like beating around the bush. “Hindi ka pa rin nagbabago,” komento nito. Hinila nito ang isa sa mga drawer ng file cabinet na naroroon. Isang folder ang kinuha nito at inilapag sa harap niya. “Take a look.” Binuksan niya iyon. Mga sulat iyon. BInasa niya ang nasa ibabaw. Your time is ticking, Bainisah Gandamato. Magtago ka na! Kung nagulat man si Vladimir ay hindi niya ipinahalata. Malinaw na death threat iyon at kung hindi siya nagkakamali ay ganoon din ang nilalaman ng iba pang sulat. Sa tingin niya, alam na niya kung bakit siya pinapunta roon ni Zeke. Kailangan nito ang tulong niya para siguruhin ang kaligtasan ni Bainisah Gandamato. Isang sikat na newscaster ng MBN ang dalaga. Rumored girlfriend din ito ni Ezekiel Moreno. She was Zeke’s apple of the eye according to different newspapers. Napakaganda ng dalaga bukod sa matapang din ito kaya hindi na siya nagtataka kung magustuhan nga ito ni Zeke. “Ano’ng kinalaman ko rito, Zeke?” “Those were some of the threats Bainisah was receiving, Vlad. At hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, kailangan ko ng tulong mo. I need you to protect her until there were no more threats in her life.” “Bakit ako?” “Why not you?” balik-tanong nito. “You have the skills to protect her. Knowing how you work, alam ko na madali mo lang matatapos ang trabahong ito. Isa pa, alam ko na naka-leave ka ngayon dahil sa injury na natamo mo sa bakbakan sa Sulu. Don’t ask me where I got the info, all I have to do is make a few phone calls.” “Naka-leave ako sa loob lang ng dalawang linggo, Zeke. Hindi ko dapat ito sinasabi kanino man pero may follow-up operation pa kami sa Mindanao.” Totoong naka-leave siya dahil sa injury niya pero minor injury lang iyon. Kinuha lang niya ang leave para makasama ang kapatid niyang si Alexander habang nasa bansa ito. Isa kasi itong modelo. “Vlad, hindi ako hihingi ng pabor sa iyo kung hindi lang ako nag-aalala kay Bai. Okay, marami akong puwedeng kuning bodyguards, pero ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko nang buo.” Matamang tiningnan ni Vladimir ang kanyang kaharap. Gusto niyang umiling at pahindian ang kahilingan nito pero hindi niya mahanap ang kanyang boses. “You owe me one, buddy, remember?” wika ni Zeke nang marahil mabasa ang pag-aalangan sa mukha niya. That did it. Wala na siyang magagawa kundi ang pumayag dahil tama si Zeke, he owe him one. May utang-na-loob siya rito nang minsang iligtas siya nito sa isang fraternity war sa UP noong college days nila. Babarilin sana siya ng isang neophyte din ng kalabang fraternity pero maagap na nasaklolohan siya ni Zeke. “Sinabi mo rin dati na aalis ka na sa serbisyo at magtatayo ka ng sarili mong negosyo, hindi ba? Well, I’m here. I have the right connections here and abroad—” “I don’t need any connections, Zeke,” matabang na wika niya. “Kakailanganin mo ang connections ko, I’m telling you,” anito. “Come on, Vlad. Mahalaga si Bai sa akin at ikaw lang ang maaari kong pagkatiwalaan pagdating sa kaligtasan niya.” He took a harsh breath. Tila desidido talaga si Zeke na mapapayag siya para protektahan si Bainisah. Mahalaga diumano rito ang babae pero bakit hindi pa nito pinapakasalan ang newscaster? Nagkibit-balikat siya. Hindi na niya dapat panghimasukan pa ang parteng iyon ng buhay ni Zeke. “Alam ba ni Bainisah na kumukuha ka ng bodyguard para sa kanya?”  Lumuwang ang ngiti ni Zeke, marahil ay alam na nito na payag na siya sa trabahong iyon. “No, and please make it discreet. Ayaw niyang magkaroon ng bodyguards. She’s one stubborn woman,” umiiling na sabi nito pero may fondness naman sa mga mata. Kinuha niya ang kape at sumimsim doon. “I wanted to know what my limitations are, Zeke.” Umangat ang sulok ng mga labi nito. Kumislap din ang mga mata nito pero hindi niya alam kung para saan. “No limitations, Vlad. Ipagkakatiwala ko sa iyo nang buong-buo si Bainisah. Just ensure her safety all the time.” Alam ni Vladimir na matatapos ang trabaho niya sa sandaling mahuli niya kung sinuman ang may pakana ng mga death threats kaya dapat niyang tutukan ang pag-iimbestiga niyon kung nais niyang matapos agad ang trabaho niya. “Dadalhin ko muna ang mga ito,” aniya patungkol sa death threats. “By all means. Tungkol naman sa bayad—” “Kalimutan mo ang tungkol sa pera. This is not a job but a favor—a return of favor,” putol niya rito. Natawa si Zeke sa sinabi niya. “Well, thank you! Oh, by the way, kumusta si Xander?” “Fine, always fine,” matipid na sagot niya. Saglit pa silang nag-usap bago siya nagpaalam dito.           ISANG satellite television van na may nakalagay ng “media” at may logo ng Moreno Brodcasting Network ang nakaparada malapit sa munisipyo ng Naujan, isang bayan sa Oriental Mindoro. Sa paligid ng van ay abalang-abala sa pagse-set up ang mga camera crew para sa isang live report interview sa alkalde ng bayan. Sa likod ng portable barricades na itinayo ng mga lokal na pulis ay nagsisimula nang dumagsa ang mga miron na nais manood at makiusyoso sa kabila ng napakainit na sikat ng araw. Sa loob ng van ay naroon si Bainisah. Parang kailan lang nang magsimulang magbago ang lahat sa kanya. Parang gulong na mabilis na umikot ang mundo niya mula sa ilalim papunta sa ibabaw. At iyon ay nagsimula nang mapadpad sa pinto ng bahay nila si Ezekiel Moreno, ang kanyang pinsan. Nagalit siya noong una pero malawak naman ang isip niya at naunawaan niyang biktima lang sila ng pagkakataon. Ibinigay ni Zeke ang nararapat para sa kanya. Ibinigay nito sa kanya ang mana niya mula sa namayapang ama dahil hindi ito nagkaroon ng anak sa tunay na asawa nito. Si Zeke na rin kasi ang naging tagapagmana nito. Matagal nang gusto ni Zeke na pormal siyang ipakilala sa buong bansa na isa rin siyang Moreno pero tinanggihan niya iyon. For her it wasn’t necessary anymore. Sapat nang tanggap siya ng angkan ng mga Moreno kaya hindi na mahalaga sa kanya ang formal announcement sa publiko. May downside nga lang. Iniisip ng ibang tao na siya ang apple of the eye ni Zeke at masugid itong nanliligaw sa kanya. Nang hindi nila pansinin ang naglabasang tsismis na iyon, kalaunan ay nag-conclude na ang iba na girlfriend na siya ni Zeke at ibinabahay na siya nito at sinusuportahan. Pareho lang nilang tinatawanan iyon ng pinsan niya. Zeke offered her an executive position but she refused because she prefer to be do it and rise on her own. She wanted a career that she can proudly say that she worked hard for it. Pero hindi naging madali para sa kanya ang lahat dahil sa mga intriga. Palagi kasing ikinakabit ang pangalan niya kay Zeke Moreno kahit ano ang gawin niya. She worked hard—really hard. She even worked even in extended hours to prove what she was capable of. Kaya mula sa pagiging writeresearcher ng MBN, isa na siya sa mga pinagpipitaganang newscasters sa news program ng MBN na Nation Patrol. May sarili na rin siyang programa sa radio na pag-aari ng MBN kung saan tinutuligsa niya ang mga tiwaling tao sa gobyerno. She had finally made it; had her hands on the top rung. Now, all she had to do was hung on. Huminga nang malalim si Bainisah bago tinapos ang pagbabalik-tanaw sa nakaraan. Ipinasya na niyang lumabas ng air-conditioned van. Napangiti siya nang paglabas niya ng van ay maghiyawan ang mga taong halos magkagulo sa pagtawag sa kanya. Daig pa niya ang showbiz personality kung itrato ng mga tao at nakakataba ng puso iyon. Nasa Naujan siya para sa interview niya sa alkalde ng bayan tungkol sa napapabalitang malakihang pagmimina sa mga bundok ng nasabing lugar. Hindi pa man ay nagpapahayag na ng pagtutol sa minahan ang mga mamamayan. Batid din ng mga ito ang maaaring maging masamang epekto ng pagmimina sa kabundukan. Sa mga pagkakataong ganito ay malaki ang papel na ginagampanan ng media. Kapag kasi umiingay ang balita, saka lang nakikialam ang mga nasa posisyon. “Bainisah, Bainisah!” Nilingon niya ang mga tao, saka nginitian at kinawayan kaya lalong lumakas ang hiyawan. Marahil nga ay popular na talaga siya dahil kahit saan yatang lugar ang assignment niya ay nakikilala siya ng mga tao. Nagpapasalamat din siya na “Bainisah Gandamato” na ang naging pangalan niya sa mundo ng broadcasting. Others find her name odd but she was happy she was named Bainisah dahil unique iyon. Bahagya siyang natigilan nang dumako ang paningin niya sa isang direksiyon. Bigla siyang kinabahan na hindi niya mawari nang makita ang isang lalaki. Nakasuot ito ng itim na jacket at baseball cap na halos tumakip na sa mukha nito. Agad din itong nawala sa kinatatayuan nito. Ilang saglit na nakipagkumustahan muna siya sa mga tao bago siya muling pumasok sa air-conditioned van. Gustuhin man niyang magtagal pa sa pakikipagkuwentuhan ay hindi na maaari dahil sa security protocol. The municipality of Naujan provided her and her team a pack of security personnel. Gayunman ay hindi niya lubusang ipinagkakatiwala sa mga security personnel ang kanyang kaligtasan. She doesn’t want to take risk.                                           BAINISAH smiled at the camera after shaking the hand of the city mayor. She held her poise and position until the signal came that the network feed was complete. Nang masigurong tapos na ang live feed nila, ibinaba na niya ang microphone bago hinarap uli ang mayor at nagpasalamat dito. Agad din naman itong umalis pagkatapos niyon. “Good job, Bainisah, you’re really the best,” puri sa kanya ni Yu Moriyama, ang producer niya at kaibigan. Yu was introduced to her by Zeke. Natatandaan pa niyang abot-langit yata ang itinaas ng isang kilay nito nang pakiusapan ito ni Zeke na ituro sa kanya ang mga pasikot-sikot ng pagbabalita. Yu tested her and her capabilities. At marahil ay pumasa siya sa standards nito dahil agad din niyang nakasundo ang babae. Ito rin ang nasa likod ng pag-i-improve ng pisikal na hitsura niya. She gave her a total makeover. Walang problema sa katawan niya dahil natural na slim siya. Gayunman ay binabantayan na rin niya ang kanyang diyeta. Aware siya na ten pounds ang nadadagdag sa hitsura ng isang tao kapag nasa harap na ng camera. Pati ang wardrobe niya ay pinakialaman din nito. Hindi na siya tumutol dahil alam niyang para sa kanya rin ang lahat ng iyon. Ayon kay Yu ay lalo raw lumutang ang angking ganda niya nang maayusan na siya. “Thanks, Yu. I hope the interview did its purpose. Ma-realize sana ng mga tao sa gobyerno ang masamang magiging epekto ng pagmimina at huwag nang suportahan iyon. I admire the mayor for standing against them. Maging eye-opener sana siya para sa lahat,” wika niya. “Oops, nadadala ka na naman ng emosyon mo. I told you hindi mo dapat isama `yan sa trabaho lalo na kung nasa harap ka ng camera, lalabas na may pinapaboran ka. Anyway, let’s just hope for the best. O paano, mauuna na ako sa iyo?” paalam nito bago hinagkan ang pisngi niya. Napailing-iling din siya. Minsan kasi ay nalilimutan niyang huwag isatinig ang opinyon niya sa live feed nila. Kaya nga hindi na rin mabilang na death threats ang natatanggap niya dahil sa bibig niyang wala yatang kinatatakutan pagdating sa pambabatikos, kesehodang magbanggit pa siya ng mga pangalan. Maging si Zeke nga ay pinagsasabihan na rin siya na maghinay-hinay siya sa mga komentaryo niya. Ayon nga kay Yu, parang sinasaniban daw siya ni Gabriela Silang kapag nasa harap siya ng camera. But behind the camera, Bainisah Gandamato  was just a simple and normal person. Hinintay muna niyang makasakay na ito ng kotse nito bago niya binalingan ang crew niya. “Good job everyone!” puri niya sa mga ito. She made it a point to always praise them for a job well done. Dahil kung hindi naman sa mga ito ay hindi maganda ang kalalabasan ng mga live feed nila. “Sino ang may gusto ng pizza?” Nagtaas ng kamay ang lahat. Natatawang naglabas siya ng pera para sa pagkaing o-order-in. Iniabot niya iyon sa isa sa mga runner nila. May budget naman para sa pagkain nila pero kapag ganoon ay inililibre na niya ang mga ito.           
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD