INIHAKBANG ko pa-atras ang aking mga paa nang akmang aabutin ni Senyorito ang kamay ko. Kahit pasado ala-una na ng umaga, hindi pa rin ako mapakali at baka may makakita sa ‘ming dalawa.
“P-paanong nalaman ninyo kung taga-saan ako? Saka delikado na ho sa daan. Bakit pumunta pa kayo dito?”
“I just wanted to see you. Masama ba?” malumanay ang tono ng boses n’ya, “Layana, naniniwala ka ba sa sinasabi kong gusto kita?”
Umiling ako, “Malaba ho, Senyorito. Masyado kang mataas at kaylanman, hindi kita maaabot,”
Ganun naman kasi. Gasgas man dahil ganitong eksena ang napapanuod ko sa telebisyon, ngunit totoong ang mayaman ay para lamang sa kapwa nila mayaman. At kaming mahihirap, para lang din sa mga katulad namin.
Nangunot ang kan’yang noo at umigting ang panga tila hindi sangayon sa aking sinabi, “Layana, sa pag-ibig, hindi basehan ang estado ng buhay. Puso ang pumipili ng mamahalin, at hindi ang yaman,”
Hindi ko itatangging humanga ako sa kan’yang sinabi. Hindi pa man malinaw kung ano ba talaga ang nararamdaman ko para kay Senyorito, inaamin kong pakiramdaman ko, nagkaroon ako ng pag-asang maging kaming dalawa.
“Layana…” ginagap n’ya ang kanang kamay ko, “Hayaan mong patunayan ko sa ‘yo kung ga’nu kita ka-gusto,”
Sa mga oras na ‘to, tuluyan nang bumigay ang puso ko. Hindi man malinaw kung papaano n’ya papatunayan ngunit pumayag ako. Gusto kong alamin kung ano ba talaga itong nararamdaman ko para sa kan’ya.
Puyat ako kinabukasan dahil sinamahan kong magpa-lipas ng oras si Senyorito sa loob ng kan’yang sasakyan bago ko s’ya hinayaang bumalik ng downtown. Gustuhin ko man s’yang papasukin sa loob ng bahay, hindi maaari dahil baka magtaka sila nanay kung sino ang kasama ko.
Gumising kaming dalawa ng alas-kwatro ng madaling araw saka s’ya bumyahe pabalik sa downtown. Pero bago ‘yun, pinagtimpla ko muna s’ya ng kape upang mawala ang antok n’ya. Puyat din si Senyorito, pero hindi naman pwedeng makita s’ya ng magulang ko. Baka iba pa ang isipin nila.
Hindi na ako natulog pagka-alis n’ya kaya nag-luto na lamang ako ng agahan namin.
“Ang aga mo atang magising, Layana, anak. Sabado naman ngayon, matulog ka pa,”
Humikab ako saka umiling, “Magandang umaga ho. Nay, minsan ko lang ho kayo mapagsilbihan, hayaan mo na,” ngumuso ako saka niyakap s’ya.
Maya-maya pa gising na din si tatay at salu-salo kaming kumain sa hapag.
Mabilis na lumipas ang araw at lunes na ngayon. Naghahanda na ako sa pag-asikaso ng requirements. Pumunta ako ng munisipyo at nag-tanong-tanong ng requirements, pero nang banggitin ko ang pangalan ko, dinala nila ako mismo sa opisina ni Mayor. At hindi ko rin inaasahang maaabutan ko doon si Elli.
“Hi Layana, good morning!” iminuwestra ni Elli ang sofa kaya na-upo ako doon, “Hintayin na lang natin si Dad. Papunta na ‘yon,”
Kahit hindi sabihin, mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit dito ako mismo pina-diretso sa opisina ni Mayor. Ang malawak na pagkaka-ngiti pa lamang ni Elli, alam kong may kinalaman ang sinabi n’yang ihihingi n’ya ako ng iskolarship sa daddy n’ya.
Maya-maya pa, napa-tayo ako nang dumating na si Mayor at binati ito. Lumapit naman doon si Elli saka nag-mano, “Dad, nandito na ho si Layana. S’ya ‘yung kinikwento ko sa ‘yo kahapon,” napatingin ako sa kan’ya habang nagsa-salita.
Bigla naman akong nakaramdam ng hiya nang madako ang tingin sa ‘kin ni Mayor saka pinasadahan ng tingin, “M-magandang umaga ho, Mayor,”
“Good morning too, Layana. You are too formal. You can call me tito, since kaibigan ka ng anak kong si Elli,” muli akong napalingon sa huli ngunit agad din napa-iwas nang kindatan lamang ako nito. Kung tutuusin kasi ay noong biyernes pa lang kami nagkakilala. Hindi ko inaasahang kaibigan na ang turing n’ya sa ‘kin.
“Pano? Maiwan ko na ho kayo at kayo na ang bahalang mag-usap,” sabat ni Elli saka tinapik sa balikat ang ama bago lumapit sa ‘kin, “Good luck with the interview, Layana,” an’ya at bago pa man ako makapag-salita, nauna na itong lumabas ng opisina.
“So, Layana,” tumikhim si Mayor at iminuwestra ang upuan sa tapat ng kan’yang mesa, “I’ve heard from my son that you are working with the Kwon, but looking for a scholarship for your studies?”
Tumango ako, “Oho, Mayo—tito. Nabalitaan ko kasi na bukas na daw ang munisipyo para sa mga estudyanteng balak mag-apply?”
“Totoo iyon at napaka-dami na ng nag-pasa ng kanilang mga requirements. Kung tutuusin ay pwede ka nang pumasa pero may mas maganda akong offer sa ‘yo. Gusto mo bang makapag-aral sa isang sikat na Unibersidad sa Siyudad?”
Kahit sino naman ay gugustuhing makapag-aral sa isang sikat na paaralan. At minsan ko na ding hiniling na sana makapasok ako doon pero dahil sa hirap ng buhay, hanggang pangarap na lang ako.
“Kaya kitang pag-aralin sa kahit saang prestihiyosong Unibersidad mo gusto. Libre ang lahat, allowance at matitirahan,” nanlaki ang mga mata ko, hindi inaakalang may mag-aalok sa ‘kin ng ganito, “Ang kapalit lang ay maninilbihan ka sa kapatid ni Elli, sa isa ko pang anak. Since you have experience with the Kwon’s Family, alam kong alam mo na ang mga gawain sa bahay. At bukod doon, gusto kong i-report mo sa ‘kin lahat ng ginagawa ng anak ko dahil matigas ang ulo ng batang ‘yon,”
“I-ilang taon na ho ba ang anak ninyo, T-tito?”
“How about you? Ilang taon ka na hija?”
“Dese-otso ho,” ngumiti si Mayor at tumango-tango, “Matanda lang ng dalawang taon sa ‘yo si Eliot,”
“E-Eliot? Ibig sabihin ho, lalake ang pagsisilbihan ko? T-tito, mukhang hindi ko ho kakayanin dahil kayo na mismo ang nag-sabing matigas ang ulo ng anak ninyo,”
Humalakhak ito bago umiling, “Tiwala akong titiklop sa ‘yo ang anak ko, nakikita ko. Basta pag-isipan mo hija. Mayroon ka pang halos isang buwan bago makapag-desisyon. Puntahan mo lang ako dito o kaya ay tawagan mo si Elli kapag nakapag-desisyon ka na,”
Maganda ang inaalok ni Mayor. At mas lalo pa akong nakumbinse nang hingin ko ang opinyon ng mga magulang ko. Ani pa nila’y ‘wag ko na daw palagpasin ang pagkakataong makapag-aral sa isang prestihiyosong Unibersidad.
Mabilis na natapos ang limang araw na hiningi ko kay Manang. Nasa labas na ako ng bahay at nag-aabang ng tricyle, nang huminto ang isang pamilyar na sasakyan. Iniluwa nun si Elli saka nag-mano at nagpakilala sa mga magulang ko bilang kaibigan ko.
Imbis na sa bus sasakay, sumabay na lang ako sa kan’ya total pabalik na rin daw s’ya ng downtown. Habang nasa byahe, tinanong n’ya ako kung nakapagdesisyon na ba ako sa alok ng tatay n’ya. Sinabi ko naman ang totoo na pinag-iisipan ko pa kahit na ba’y payag na ang mga magulang ko.
Nang makarating sa downtown, akala ko’y idederetso n’ya na ako ng uwi sa hacienda pero inihinto ni Elli ang sasakyan sa isang cafe, “Imi-meet lang natin si Eliazar, kapatid ko,” tumango ako at sumunod sa kan’ya.
Pag-pasok sa loob, agad kaming sinalubong ng lalakeng kamukha din n’ya. Matapos mag-order ng maka-kain at maiinom, na-upo na kaming tatlo. Pinakilala ako ni Elli sa kapatid n’ya at binanggit pa ang tungkol sa iskolarship na inaalok ni Mayor.
“Here…” ani Eliazar at inabot sa ‘kin ang isang invitation card, “You can come on my engagement party para makita mo si Eliot. Elli will gonna introduce you to him para makapag-desisyon ka kung tatanggapin mo ba ang scholarship o hindi para makapag-hanap na ng iba si Dad,”
Kung gaano kabait si Elli, ganun din kasungit ang kapatid n’yang si Eliazar. Magkasalungat silang dalawa.
Tahimik kong inabot ang invitation card at tumango. Kahit ang totoo ay hindi naman ako sigurado kung makaka-punta ako.
“Pasensya ka na sa kapatid ko. Ganun talaga iyon kung mag-salita,” an’ya nang pabalik na kami sa hacienda. Nginitian ko lang s’ya at sinabing ayos lang.
Nang makarating sa hacienda ay nagpasalamat ako kay Elli sa pag-hatid at agad na ding dumiretso sa maids quarter upang magpahinga.
Kinagabihan, na-ikwento ko kay Suzzie ang naging resulta ng paghahanap ko ng iskolarship at katulad din ng sa mga magulang ko ang opinyon n’ya. Aniya, ‘wag ko na daw palagpasin ang pagkakataon at sunggaban na.
Hindi ko alam kung anong pumipigil sa ‘kin at hindi ko magawang mag-desisyon agad, kahit na ba’y pare-pareho ang opinyon ng mga taong pinagsabihan ko.
Hanggang sa lumabas ako ng bahay at lihim na nakipag-kita kay Senyorito sa madilim na banda ng mansyon. Doon ko napagtanto na hindi anu, kundi sino, ang pumipigil sa ‘kin. Hindi pa gaanung malalim ang nararamdaman ko para sa kan’ya ngunit sa tingin ko, tuluyan na s’yang naka-pasok sa aking sistema.
“I’ve miss you so much,” paos na bulong n’ya at binaon ang mukha sa pagitan ng aking leeg at balikat.
“S-senyorito,”
Kumalas s’ya sa ‘kin saka ako pinag-kunutan ng noo, “I told you already to call me Alli, not senyorito,”
“P-pero…”
“Wala nang pero-pero. Tatawagin mo ako sa pangalan ko. Malinaw ba Layana?” lumawak ang ngiti n’ya nang tumango ako.
Naging ganun ang sitwasyon naming dalawa ni Senyorito sa loob ng dalawang linggo. Magkikita tuwing gabi kapag tulog na ang lahat ng mga tao. Hindi ko alam kung panliligaw na bang matatawag ang ginagawa n’yang pag-bigay ng bulaklak sa ‘kin sa tuwing nagkaka-usap kami pero inamin ko na ding gusto ko s’ya. sa kabila ng takot at pangamba na baka may maka-alam, sumugal pa rin ako at ipinagkanulo ang sarili kong puso. Ngunit hindi pa malinaw sa ‘kin kung matatawag ko na ba s’yang nobyo.
“I’m sorry, Layana, baby. Biglaan ang naging pag-luwas ko sa Siyudad. Babawi ako sa ‘yo pag-balik ko, pangako iyan,” basa ko sa mensahe ni Alli kinabukasan pagka-gising ko.
Mabigat man ang loob dahil ibig sabihin lang ay hindi kami magkikitang dalawa mamaya, pinilit ko pa ring mag-trabaho ng maayos. Ilang beses din akong napagalitan ni Manang sa loob ng mag-hapon.
Kinagabihan, nabigla ako nang dumating si Elli sa mansyon at pinag-paalam ako kay Manang tungkol sa nasabing engagement party ng kapatid n’ya. Sa susunod na araw pa naman ‘yun at wala talaga akong planong pumunta kung hindi n’ya lang ako pinaalam at dinalhan ng masusuot.
Tatlong araw pa ang lumipas at hindi pa rin bumabalik si Alli. At sa tatlong araw din’g ‘yon ay isang beses n’ya pa lang akong tinawagan. Madalas, nagpapadala lamang s’ya ng mensahe.
Mabilis na lumipas ang araw, at ngayong linggo na ako susunduin ni Elli patungo sa engagement party ng kapatid n’ya. Si Suzzie ang nag-ayos sa ‘kin dahil minsan ko na s’yang nakitang nag-lagay ng kulorete sa mukha at masasabi kong may talento s’ya sa ganitong bagay.
Matapos kong makapag-bihis ay sinubukan kong mag-lakad suot ang mataas na takong sa paa. Halos matumba pa nga ako sa una pero kalaunan, medyo nasanay na.
“Are you nervous? Just relax, okay?” ani Elli nang nasa sasakyan na kaming dalawa, “By the way, you look gorgeous tonight, Layana,”
Ngumiti ako sa kabila ng kabang nararamdaman k. Pinasadahan ko pa ng tingin ang suot na pulang gown. Hindi ako maalam sa mga ganitong bagay pero ang sabi ni Suzzie, maganda daw ako sa suot kong ito.
“Hey relax, just smile,” bulong ni Elli nang pumasok kami sa bungad ng venue.
Kumapit ako sa braso n’ya at pinilit na ngumiti dahil sa mga camerang naka-tutok sa ‘min. Naging sunod-sunod ang pag-flash nito dahilan upang masilaw ako.
Nang tuluyang maka-pasok sa loob ay nagpaalam ako kay Elli na pupunta muna akong restroom dahil sa pawis ko. Malamig sa loob ngunit pinagpapawisan ako dahil sa kaba. Hindi ako sanay sa mga ganitong uri ng party. Hindi ako sanay makisama sa mga taong mayayaman.
Nang mawala ang kaba, bumalik ako sa kung saan ko iniwan si Elli. Kung kanina, mag-isa lang s’ya, ngayon ay may kasama na. Ang lalakeng kausap n’ya ay naka-akap ang kanang braso sa beywang ng babaeng kasama n’ya, tila ayaw pakawalan ito.
Wala sana akong planong lumapit muna kay Elli dahil baka maabala ko sila, nang matanaw n’ya ako at kinawayan, dahilan upang mapalingon sa ‘kin ang dalawang ka-usap n’ya. At ganun na lamang ang aking pagkabigla nang makilala kung sino ito.
“S-senyorito Alejandro?” ani ko, puno ng pagka-dismaya.