Unedited
Sa isang restaurant dinala nina Ericson at Denmark sina January at ang mamo nito. At dahil si Ericson nga ang kanyang “boss” ng hapong iyon, ito ang nasusunod sa lahat.
“Okay lang ba talaga sa boss mo na sila ni mamo, ang magkasabay na kumain?” pabulong na saad ni January kay Denmark, saka magkasabay nila itong sinulyapan.
“Huwag kang mag-alala. Mukha namang nag-e-enjoy sila,” ani Denmark saka ibinigay ang plato nito kay January.
“Thank you. Bakit ka nga pala nandito?” tanong nito sa dalaga habang ngumunguya.
“Ah----may inasikaso lang. Pero okay na. Babalik na rin ako bukas makalawa,” sagot naman ng dalaga.
“Mabuti naman kung ganoon. Kumain ka pa,” sabay bigay ng hiniwang beefsteak mula sa kanyang pinggan.
“Thank you. Ikaw rin, kumain ka pa,” saad naman ni January sabay bigay rin ng broccoli sa binata. “Ikaw? Bakit kayo nandito?”
“May inasikaso rin kami. Baka bukas makalawa rin ang balik namin. May flight details ka na ba?” tanong ni Denmark bago uminom ng red wine.
“Wala pa. Bukas ko pa malalaman. Si Tuesday kasi ang nag-bo-book ng mga flights ko. Alam mo na, negosyo niya rin ‘yun,”
Tumango lang sa Denmark, saka nagpatuloy na sila sa pagkain. Isang tanong, isang sagot lang ang pag-uusap nina Denmark at January. Iniisip pa rin ni January si Misis Chen. Gusto niyang maibigay sa anak ni Misis Chen, ang huling kahilingan nito, ngunit alam niyang malabong mangyari iyon.
Pagkatapos nilang kumain, dakong alas diyes na ng gabi nang makauwi sina January sa kanilang bahay. Matagal din na panahon nang hindi ito umuuwi at sobrang namimiss niya ang kanilang bahay. Ang kuwarto niya, ang sala nila kung saan lagi silang naglalaro ni Alwin noon, ang sofa na ginawa niyang kama noon dahil hindi ito nakakatulog sa kuwarto niya. Dapat muna itong matulog sa sofa, saka ililipat na lang sa kanyang kuwato. Pero dahil madalas na wala ang kanyang papa, at walang magbubuhat sa kanya, madalas din siyang doon na inaabutan ng umaga.
“Sa tingin ko hija, sa kuwarto ka na ni Alwin matutulog. Huwag dito sa sofa dahil walang magbubuhat sa ‘yo at dahil iyon na lang kasi ang hindi pa napupuno. Idagdag mo pa itong isa na kasing laki yata ng nagbigay,” makahulugang ngiti naman ang nakita niya sa labi ng tiyahin pagmulat nito. “Gusto mong tingnan ang kuwarto mo?” tanong ng kanyang tiya.
Tinungo ni January ang dati niyang kuwarto. Pagbukas nito ng pintuan, naroon pa rin ang kanyang kulay puti na single bed na malapit sa may bintana. May maliit na mesa sa gilid ng kanyang kama kung saan nakapatong pa rin ang kanyang lumang laptop at alarm clock. Kulay puti rin ang kabuuan ng kanyang kuwarto. Ang dating maluwang na sahig kung saan siya pagulong-gulong dati’y puno na ng iba’t ibang klase ng teddy bear.
May isang malaking kulay pink na teddy bear sa ibabaw ng kama at nasa paligid naman ang iba pa. May konting espasyo namang natira na puwedeng daanan. Pagkatapos nitong isara ang pintuan, Binuhat niya ulit ang isa pang malaking teddy bear at itinabi iyon sa isa pang nasa kama niya.
“Ngayon, nadagdagan ulit kayo ng isa pa. So, lahat kayo ay nasa 463 pairs na. Masaya ba kayo dito?” nakangiting niyang tanong sabay dampot ng isa mula sa paanan niya.
Tiningnan niya kung saan naroon ang button upang pakinggan kung ano’ng sinabi ni Denmark doon. Umupo siya sa gilid ng kanyang kama bago pinakinggan ang naka-record sa hawak niyang pink na teddy bear.
Hi! 260 is my name! Napangiti ang dalaga sa narinig niya. Hindi niya maikakailang kay Denmark nga galing iyon. Boses pa lang, alam na niya agad. Naging pamilyar na sa kanya ang boses ng binata. Hindi niya alam kung bakit sa ganoon ka ikli ng panahon na nakilala niya si Denmark, agad na niyang natandaan ang boses nito. Ang pabago na gamit ng lalaki at ang paborito nitong kulay na walang iba kundi itim. Lagi niyang nakikita ang mga sinusuot ng binata na kulay itim kaya sa tingin niya, iyon ang paborito nitong kulay.
Kumuha pa siya ng isa pang teddy bear na nasa sahig. Kulay asul naman iyon at may ribbon sa leeg na kulay puti. Sana makita kita balang araw. 360 is my name! 150 is my name! Kumusta ka na? 130 is my name! Tawagan mo naman ako. 10 is my name! Nakay number 1 ang number ko. 17 is my name! Please, call me? Rinig nito sa mga voice messages ng mga teddy bear na pinakinggan niya.
Hinanap niya ang teddy bear number 1 na siya mismo ang nakatanggap noon. Mabuti na lang at hindi ito pinakialaman ng kanyang tiyahin, dahil nandoon pa rin iyon sa ibabaw ng kanyang unan. Maliban sa malaking teddy bear na nasa kama niya, may natataging maliit na teddy na nakapatong sa kanyang unan. Humiga ito sa kama saka dinampot ang kulay pulang teddy na may sombrero at bulalak na desinyo.
Hello! Ako si number 1! Ito nga pala ang number ko. Please call me. I'll be waiting.
Kinuha ni January ang cell phone nitong nasa likod ng kanyang pantalon saka muling pinakinggan ang numero ng lalaki. “Ito pa kaya ang number niya dito sa pinas?”
Ibinalik niya ang teddy bear sa ibabaw ng kanyang unan at humiga muna doon nang nakadapa habang nakataas ang kanyang dalawang binti.
Nasa sala si Denmark at Ericson na nagkukuwentuhan habang umiinom ng beer. Hindi mapakali ang binata sa kanyang upuan. Lagi nitong tinitingnan ang kanyang cell phone. Nagbabakasakali na tumawag si January o ‘di naman kaya ay nag-text.
“Sa pagkakaalam ko, naka-full volume iyang phone mo. Ba’t ka pa tiningin nang tingin? Relax! Tatawag ‘yun! Para ka namang teenager kung umasta,” ani Ericson sabay inom ng kanyang beer.
Higit pa sa mag-boss ang turingan ng dalawa. Alam lahat ni Ericson ang tungkol kay January, noon pa. Wala ring itinago si Denmark sa kanya. Laking pasasalamat din ni Ericson na kinupkop ito ng pamilya ni Denmark nang mawala ang kanyang ina. Nagsumikap na makapagtapos at naging kanang kamay na ni Denmark. Laking pasasalamat din niya, dahil hindi naging mapanghusga ang lalaki nang malaman nitong isa siyang bakla.
“Mahigit sampung taon Ericson. Masissis mo ba ako?” ani Denmark saka ikinulong ang mukha sa mga palad nito.
“‘Alam ko. Pero naniniwala ka naman sa magic hindi ba?” ani Ericson.
“Oo naman. Lalo na ang magic of love,” saad naman nito sabay sulyap ulit sa kanyang cell phone. At hindi pa nakontento. Kinuha niya iyon at tiningnan sa malapitan. At nang walang makita na message or misscall, pabalibag niyang hinagis iyon sa sofa.
“Kapag nasira ‘yang phone mo, talagang malabo ka nang makatanggap ng tawag mula sa kanya,” saad ni Ericson saka tumayo at kinuha ang cell phone ng binata na nasa paanan niya. “Mabuti na lang at 3310 pa ang unit na ‘to. Matibay ‘to sa bagsakan at batuhan. Bakit hindi mo pa pinalitan ‘to?”
“Bigay ‘yan ni Lyka sa akin noong birthday ko. Pinag-ipunan niya ‘yan kaya hindi ko puwedeng mawala o masira,” sagot naman ni Denmark.
“Ayon naman pala. Ayaw mong masira o mawala, pero hinagis mo naman. Tsk!tsk!tsk!” saad ni Ericson sabay balik ng upo sa sofa na kaharap ni Denmark nang bigla na lang tumunog ang cell phone. Muntikan pa itong mahulog dahil naka-vibrate na, ang lakas pa ng volume kaya nagulat si Ericson.
“Akin na!” agaw ni Denmark ng cell phone ngunit mas mabilis na iniwas iyon ni Ericson.
“Pakiss muna?” nang-aasar at namumungay ang mga matang wika ni Ericson.
“Teh! Hindi tayo talo!” ani Denmark na ginaya ang kabadingan ni Ericson.
Humagalpak naman nang tawa si Ericson. Lagi nilang ginagawa iyon noong nasa college sila kaya napagkamalang bakla rin si Denmark noon.
“Hello?” sagot ni Ericson na pinipigil ang pagtawa.
“Number 1?” tanong ng nasa kabilang linya.
“Number 1?” kunot noong tanong ni Ericson.
“ Akin na ‘yan!” sigaw naman ni Denmark, sabay hablot ng cell phone kay Ericson at agad na sinagot ang tumawag. Pagkatapos nilang mag-usap, walang pasabing iniwan ni Denmark si Ericson at nagmadali nang lumabas ng bahay.
“I'm happy for you, kaibigan. Kapatid. Katropa.” Ani nito sa sarili saka humiga na sa sofa. “Kailan kaya darating ‘yung akin? Meron kaya Lord?” nakangiting sambit nito sabay pikit ng kanyang mga mata.
Nakatayo si January sa harapan ng kanilang bahay. Malalim na ang gabi ngunit may mga tao pa ring nakatambay sa mga tindahan na bukas pa. May internet cafe rin sa harapan nila kaya marami pa ring mga tao doon. Nakasuot siya ng salamin, hinayaan niyang bumagsak lang sa mukha nito ang kanyang medyo kulot na buhok. Nakasuot ng malaking t-shirt at maong na pantalon. Iyon ang kanyang larawan noong una siyang nakita ni Denmark sa hospital at gusto niyang magkita ulit sila na ganoon ang ayos niya.
Humarap siya sa kaliwa. Napatitig siya sa kanyang harapan. Naroon na si Denmark at nakatayo habang nakangiti na nakatingin sa kanya. T-shirt na kulay itim o dark blue. Hindi sigurado si January kung ano’ng kulay iyon at v-neck ang style nito. Punit-punit rin ang suot nitong pantalon.
Hinayaan lang ni January na lumapit si Denmark sa kanya. Napapakamot pa ito sa likod ng ulo niya habang naglalakad papalapit sa dalaga. Natatawa naman si January sa binata.
“Hi! Denmark Anderson,” ani nito nang makalapit na dalaga sabay lahad ng kanyang kamay na hinipan muna niya at pinusan gamit ng pantalon nito.
“Hello. January Montereal,” saad naman ng dalaga sabay abot ng kamay ng binata.
You've got to believe in magic
Tell me how two people find each other
In a world that full of strangers
You've got believe in magic
something stronger than the moon above
Coz it's magic when two people fall in love.
Itutuloy______
Maraming salamat sa walang sawang paghihintay. God bless us all.
Love… Love…
iamdreamer28
ʕ•ٹ•ʔ❤❤❤