THEA Una kong sinabi kay Mommy ang naging pag-uusap namin ni Penelope. Saka ko lang sinabi kay Daddy pagdating niya galing opisina. Mabilis naman silang sumang-ayon. Wala raw problema kung dito sa bahay titira ang mag-ina ni Kuya Tan-Tan. Mas maganda na marami sa bahay para masaya. Sabik na rin silang makita si Penelope. Pero ang sabi ko, kakausapin daw muna nito ang kapatid, kaya maghihintay muna kami kung ano ang magiging pasya ng kapatid niya. Sa palagay ko naman, hindi kami sabay na manganganak ni Penelope. Nauna siyang magbuntis sa akin, kaya hindi matataranta ang magulang ko. Isa pa, kapag kabuwanan ko na, hindi pwedeng wala si Clark sa tabi ko. Siya ang gusto kong umalalay sa akin kapag malapit na akong manganak. Hindi ako makatulog, kaya inabala ko ang sarili ko sa pagsusulat.

