Chapter 5 Dinner

2405 Words
THEA Pagkatapos magpaalam ni Rosie kay Clarkson, bumalik na rin kami. Naging tahimik na ako habang naglalakad pabalik. Si Clarkson at Kuya Tan-Tan ay abala naman na nagkukwentuhan. Pagkatapos ng mga nasaksihan ko, bigla akong tumamlay. “Althea!” tawag sa akin ni Kuya Tan-Tan. Nilingon ko siya dahil nauna na pala ako sa kanila. “Lumampas ka na.” Kaagad kong nilibot ang paningin sa paligid ko. Nasa tapat na pala kami ng kumpanya nang hindi ko namalayan. Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko napansin na lumampas na pala ako. Alanganin akong ngumiti at napakamot na lang sa ulo na lumapit sa kanila. “Okay ka lang?” nag-aalala na tanong ng kapatid ko. “Yeah, hindi ko lang napansin,” natatawa na sabi ko. “Aalis na ako, Kuya. Dadaan pa kasi ako sa shop bago pupunta sa bahay. Kukunin ko si Nos.” “Sabay na kayong pumunta ni Clark sa parking. Pabalik na rin siya sa opisina niya.” “Hindi na. Magkaiba rin naman ang daan namin.” Hindi dahil sa magkaiba kami ng daan, kaya ayokong sabay kaming bumalik sa parking, kundi dahil gusto kong umiwas para hindi niya mahalata ang biglang pag-iba ng mood ko. “May prutas nga pala akong binigay kay Daddy. Humingi ka na lang sa kanya. Bye!” sabi ko at nagmamadaling tumalikod sa kanila. Hindi ko na rin nagawang magpaalam kay Clarkson. Baka kasi hindi ko mapigilan ang emosyon ko kapag tumingin ako sa mga mata niya. Pagdating sa loob ng sasakyan ko, isang marahas na paghinga ang pinakawalan ko. Kinalma ko ang sarili para mawala ang namuong emosyon na bumalot sa akin simula kanina. Kinabit ko ang seatbelt sa katawan ko. Pagkatapos, binuhay ko ang makina ng sasakyan. Pero isang segundo na ang lumipas mula nang buhayin ko ang sasakyan, hindi pa rin ako umaalis sa parking area. Sinandal ko ang likod at ulo sa backrest ng upuan. Lumunok ako ng ilang beses para tanggalin ang tila nagbara sa aking lalamunan. Mayamaya lang ay unti-unti akong pumikit. Pagpikit ko pa lang ay may namuo ng luha sa gilid ng mga mata ko. Hanggang sa nakagat ko ang ibabang labi ko at dinala ang isang kamay sa tapat ng puso ko. Ilang sandali lang ay hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng luha sa pisngi ko I'm crying! My heart is breaking! Ilang beses na akong pinagsabihan ni Chazzy na bumitaw dahil masasaktan lang ako ng paulit-ulit, pero hindi ako nakikinig. Heto nga at sobrang sakit na naman ng puso ko. Umaasa kasi ako na mapapansin ako ng kapatid niya sa tuwing nakakarating sa akin na hiwalay na sila ni Rosie. Their relationship is on and off, so I thought I might have a chance to win Clarkson's heart. Pero malalaman ko na lang sa sumunod na araw, sila na naman ulit. Kaya siguro kumakapit pa rin ako hanggang ngayon dahil parang naghihintay ulit ako ng pagkakataon na maghiwalay sila ulit. Sa sobrang kahibangan ko kay Clarkson, na akala mo ay siya lang ang lalaki sa mundo, pwede na akong gawaan ng sarili kong monumento. I've told Chazzy this countless times. As long as my heart never gets tired of loving Clarkson, I will continue to love him. Sa pitong taon na lihim akong nagmamahal, nasanay na ang puso kong masaktan. Panalangin ko na nga na sana, mauntog na ako para tumigil na ako sa katangahan ko. Minsan gusto ko na rin makatagpo ng lalaking pagtutuunan ko na ng pansin. Pero wala pa talaga, e. Kaya hanggat wala pa, magmamahal pa rin ako ng palihim sa kanya. Napamulat ako ng mata nang may kumatok sa bintana ng sasakyan ko. Nang tingnan ko ito ay namilog ang mata ko dahil nakatayo si Clarkson sa harap ng bintana. Kaagad kong kinuha ang reading glass sa loob ng bag ko. Maitatago nito na galing ako sa pag-iyak. Mabuti na lang ay tinted ang sasakyan ko, kaya hindi niya nakita na umiiyak ako. “s**t, s**t. Nasaan na ba?” natataranta na sambit ko habang abala sa paghahanap ng salamin sa bag ko. Nang makita ay kaagad kong pinunasan ang mata ko bago sinuot ang salamin. Suminghot muna ako bago ibinaba ang windshield ng sasakyan. Pinilit kong ngumiti sa harap niya. “Ikaw pala,” sabi ko. “Akala ko ay nakaalis ka na.” “Nagpapahinga lang ako. Ang init kasi nang maglakad tayo,” katwiran ko. “Ikaw ang mahilig magreklamo na mainit, pero hindi ka naman nagdadala ng payong.” Ngumiti lang ako. Tamad akong magdala ng payong, at alam niya ‘yon. “Namumula ang ilong mo,” puna niya sa ilong ko. Marahan niya itong pinindot, kaya bahagya kong nilayo ang ulo ko. Nang tumingin ako sa rear view mirror, namumula nga ang ilong ko. Sa sobrang taranta ko kanina, nawala sa isip ko na mabilis pala mamula ang ilong ko kapag galing ako sa iyak. “Ilang beses kasi akong bumahing,” palusot ko. Lahat na yata ng palusot ay ginawa ko na tuwing may napapansin siya sa akin. Tumango-tango siya. Mukhang nakumbinsi ko naman siya. “Sige na, puntahan mo na si Tita Theresa para makapagpahinga ka na rin,” masuyong utos niya sa akin bago bahagyang lumayo sa sasakyan ko. “Ingat sa pagmamaneho.” Mapait akong ngumiti. Alam ko naman na pag-aalala lang niya ito bilang kapatid. Tanggap kong parang nakababatang kapatid lang ang turing niya sa akin, pero nasasaktan pa rin ako. Pagsara ko ng bintana ay kaagad akong nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Tumingin ako sa side view mirror at nakita ko pa rin siyang nakapamulsang nakatayo roon. Ilang minuto lang ay narating ko na ang bakeshop ni Mommy. Nang makita niya ako ay kaagad niya akong sinalubong ng yakap. “Mabuti naman ay dumalaw kang bata ka. Malapit na akong magtampo sa ‘yo, e,” may bahid ng pagtatampo na sabi ni Mommy. “Sorry po,” naglalambing na sabi ko. Pinaupo niya ako sa dulo kung saan ang paborito kong pwesto kapag pumupunta ako dito. “Tamang-tama, may mga bago akong gawa. Sandali at ilalagay ko na sa supot.” “Thanks, Mom.” “You are welcome, anak.” Hinintay kong dumating si Mommy. Napansin ko na medyo maraming tao. Pwede rin kasing kumain dito. Tumayo ako at pumasok sa baking area. Naabutan kong abala na si mommy sa paglalagay ng cupcakes sa box nito. “Itabi n'yo lang po muna. Tutulong muna akong mag-serve. Mukhang marami kayong customer.” “Oo nga, anak, e. Simula pa kanina nang magbukas kami. May event kasi riyan sa kabilang building. Tapos na yata, kaya nagpunta sila dito,” paliwanag nito. Nanghiram ako ng ponytail mula sa isang staff at tinali ang buhok ko bago lumabas ng baking station. Kumuha ako ng tray para kunin ang mga iniwang kalat ng mga customer sa mesa. Abala ako sa paglilinis ng mesa nang may lumapit na tatlong lalaki. “Pwede na ba dito, Miss?” tanong ng isang lalaki. “Yes, sir.” Tinawag ko ang isang staff para i-assist sila bago ako umalis. May isang staff na lumapit sa akin at kinuha ang dala kong tray. Mayamaya lang ay lumapit sa akin ang staff na iniwan ko sa tatlong lalaking customer kanina. “Ma'am Thea, gusto nila na ikaw ang mag-assist sa kanila.” Tinapunan ko ng tingin ang pwesto ng mga lalaki. Isa sa kanila ay nakatingin sa akin, ngunit agad siyang umiwas nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanila.. “Sige, ako na ang bahala.” Kinuha ko ang order slip at ballpen sa kanya bago naglakad palapit sa tatlong lalaki. Ngumiti agad ako ng napansin nila na palapit ako sa pwesto nila. “Ano po ang order ninyo, sir?” tanong ko. Isa-isa nila sinabi ang order sa akin. Nang tapos na sabihin ng dalawa ang order nila, mula sa order slip ay tinapunan ko ng tingin ang isang lalaki. Hindi pa kasi nito sinasabi ang order niya. “Dude, order mo,” pukaw nito sa kasama na walang kurap na nakatingin sa akin. Siya rin ‘yong lalaki na nahuli kong nakatingin sa akin kanina. In fairness, gwapo at malakas ang dating niya kahit simple lang ang suot niya. Mukhang mayaman pa. Tila nahimasmasan ang lalaki at kaagad na sinabi ang order. Pagkatapos ilista ang mga order nila, binigay ko ang order slip sa isang staff. Ito ang naglagay ng mga order ng tatlong lalaki sa tray. Makalipas ang ilang minuto ay nagpatulong ako para dalhin ang order ng tatlo. Tumayo kaagad at lumapit sa akin ang lalaking kanina pa nakatingin sa akin. Napaawang na lang ang labi ko dahil kinuha niya ang tray na dala ko. “Matulungin talaga iyang kaibigan namin, Miss,” sabi ng kasama nito. “By the way, I'm Chris.” Nilahad nito ang kamay sa harap ko. Alanganin kong inabot ang kamay niya para makipagkamay. Customer sila, kaya kailangan ko sila pakitunguhan ng maayos. “Thea, sir,” sabi ko. "Nice to meet you, Thea. These are my friends, Bill and Aiden," Chris introduced his companions. Nakipagkamay sila sa akin. Kung si Bill at Chris ay sandali lang hinawakan ang kamay ko, si Aiden ay mukhang ayaw na itong bitawan. Titig na titig siya sa akin na labis kong ipinagtaka. Hindi ko naman masabi na interesado siya sa akin, pero parang pinag-aaralan niya ang buong pagkatao ko, base sa kung paano niya ako titigan. “Dude, baka matunaw na si Thea niyan.” Saka lang binitawan ni Aiden ang kamay ko ng pinuna siya ni Chris. “Kapag may kailangan kayo, sir, tawagin n'yo na lang po ako.” “Just call us by our names. At saka, ikaw talaga ang sadya—” “Chris!” Pinutol ni Aiden ang sasabihin sana ni Chris. “Sorry, ang daldal ko,” hingi ni Chris ng paumanhin. “Hindi ka na dapat sumama,” sabi naman ni Bill. Natawa na lang si Chris sa reaksyon ng mga kasama. “Kapag may kailangan kayo, tawagin n'yo lang ako,” sabi ko. Bago ako umalis sa harap nila ay nahuli ko ulit si Aiden na nakatingin sa akin. Nagtataka man ako sa kilos niya ay pinagsawalang-bahala ko na lang ito. Paglapit ko sa counter ay nakita kong may kausap si Mommy sa phone nito. Nang makita niyang palapit ako sa kanya ay tinapos na niya ang pakikipag-usap sa kausap niya. “Sinong kausap mo, Mom?” tanong ko. Hindi niya ako sinagot. Nagtaka ako ng inabot niya sa akin ang paper bag na may laman na pagkain saka hinila ako palabas ng shop. “May pupuntahan ka pa ba o didiretso ka na sa condo mo?” “Dadaan ako sa bahay. Kukunin ko na si Nos.” “Dadaan ka pa pala roon, nagawa mo pang tumulong dito. Ikaw talagang bata ka. Sige na, pumunta ka na sa bahay. Ingat sa pagmamaneho.” Kahit nagtataka ay sinunod ko siya. Pinaalis muna niya ako bago siya pumasok sa shop. Pagdating sa bahay ay kaagad kong hinanap si Nos. Nakita ko itong lumabas sa kusina. “Oh, my baby,” sabi ko ng lumapit ito sa akin. “Magkakasama na tayong dalawa,” nakangiting sabi ko habang hinahaplos ang malago nitong balahibo. “Lagi ngang umiiyak sa gabi iyang alaga mo. Hinahanap ka yata,” sabi ni Manang Tonya. “Mabuti na lang ay dinaanan ko siya. Sige po, manang. Aalis na po ako. Salamat sa pag-aalaga kay Nos.” “Walang anuman, hija.” “Sige po. Salamat po ulit.” Kahit paano ay nabawasan ang sakit sa dibdib ko nang makita ko si Nos. May purpose rin pala ang pagdating nito sa buhay ko. Pagdating sa condo, humiga agad ako sa kama. Pagod na pagod ang katawan ko, kaya kaagad akong nakatulog. Paggising ko, madilim na. ‘Yong plano ko na magsusulat ay hindi ko na nagawa. Kapag ganitong late na, hindi na ako kumakain. Naligo na lang ako at pumuwesto na sa balkonahe at hinarap ang laptop ko. Kaunti na lang ito, kaya kailagan ko na ring tapusin para maipasa ko na ang manuscript sa publishing house. Pagkatapos nito, kailangan ko rin siguro munang magpahinga. I need vacation. Yayain ko kaya si Chazzy. Mag-out of town kami minsan. Busy rin sa boutique niya ang babaeng iyon, kaya dapat lang na yayain kong magbakasyon. Nang sulyapan ko ang oras sa laptop ko, alas onse na ng gabi. Binalingan ko si Nos na natutulog sa tabi ko. “Nos, stay here. May bibilhin lang ako sa labas.” Nanatili itong nakapikit at walang reaksyon, kaya tumayo na ako. Nagsuot muna ako ng hoodie jacket bago lumabas ng unit ko. Nasa kabilang kalsada ang convenience store, kaya kailangan ko pang tumawid. Pagpasok ko ay kaagad akong naghanap ng pagkain. Tinatamad akong magluto, kaya bumili na lang ako ng hotdog sandwich. Pagkatapos ay kumuha ako ng canned beer. “Are you having a drink?” Napahinto ako nang marinig ang pamilyar na boses. Paglingon ko ay nakita ko si Clarkson na nakatayo hindi kalayuan sa akin. Salubong ang kilay nito habang nakatingin sa akin. Ginala ko ang mga mata sa loob. Baka kasi kasama niya si Rosie. Pero sa liit ng convenience store, wala akong Rosie na nakita. “Hindi kayo magkasama ni Rosie?” “Kakaalis lang niya. Hinatid ko lang siya bago ako pumunta dito dahil may bibilhin ako,” sagot niya. Tumango-tango ako. Akala ko ay matutulog si Rosie sa condo niya. “Malapit ka lang ba dito?” "It's just two blocks away," he said. Namilog ang mata ko. “You mean, Horizon Heritage Tower Condominium?” Katapat lang ito ng condominium na tinutuluyan ko. “Yes.” Napasinghap at natutop ko ang bibig ko. Five years ago ay lumipat ako sa condo. Ibig sabihin, limang taon ko na pala siyang kapitbahay? “Magkapitbahay pala tayo,” nakangiting sabi ko. Bumaba ang mata niya sa mga hawak ko. “Midnight snack?” “Dinner.” “Hindi ka pa kumakain?” “Ngayon pa lang. Sobrang pagod ko kanina, kaya nakatulog agad ako paghiga ko,” paliwanag ko. “How about we go to your place? I'll make dinner.” “Ha?” maang na usal ko. “Ang sabi ko, magluluto ako para sa ‘yo.” Parang gusto kong tumalon sa sobrang tuwa nang marinig ang sinabi niya. Paglulutuan ako ng lalaking mahal ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD