ANG KASUNDUAN

1666 Words
ALEXIA POV. PALABAS na ako ng campus nang biglang huminto sa harapan ko ang isang sasakyan. Napilitan akong tumigil sa paghakbang habang pinagmamasdan kung sino ang lalabas mula sa loob ng lumang kotse. Nagulat pa ako nang makilala ko si Ms. Cindy, nakasuot ng malalaking shades at damit na halos ipakita na sa madla ang katawan, ang ikli at lalim ng ukab sa tapat ng kanyang dibdib, na para bang kulang na lang ay lumabas ang kaluluwa niya. Mabilis akong umatras nang makita kong padabog siyang lumalapit. “Makinig kayong lahat!” sigaw niya, sapat para mapalingon ang mga estudyanteng naglalakad sa paligid. Ramdam ko ang panginginig ng tuhod ko nang mapansin ko ang mapanuyang ngiti sa kanyang labi. “Alam n’yo ba na ang babaeng ito?” itinuro niya ako gamit ang nanginginig na daliri—“ay kabit ng asawa ko?” Umalingawngaw ang bulungan ng mga tao. Lahat ng mga mata ay tumutok sa akin. Magkakaibang reaksyon din ang makikita sa mga mukha nila. Kulang na lang lapitan ako at dumugin. “Wala na yata siyang pangtuition,” patuloy niya, puno ng panlilibak, “kaya pati lalaking may asawa ay pinatulan niya!” Umugong ang bulungan sa paligid. May mga estudyanteng agad naglabas ng kanilang mga cellphone at nagsimulang mag-record. Ramdam ko ang pag-init ng aking mukha dahil sa matinding kahihiyan. May biglang tumama sa katawan ko, isang papel, pagkatapos ay isa pang bagay; matigas at dama ko ang kirot sa bandang likuran ko. Ngunit hindi ko iyon iniinda, hanggang nagsunod-sunod iyon, tiniis ko at ipinakita sa lahat na wala akong naramdaman na sakit, galit…. iyon ang nakalarawan sa aking mukha. Galit at pagkamuhi, sa aking ama, at sa babaeng ito na gumagawa ng eksena. Sa gitna ng mga tawa, insulto, at mapanghusgang tingin ng mga taong mabilis maniwala sa mga masasamang salitang ibinabato sa akin. Biglang may malamig na telang tumakip sa buong katawan ko. Wala akong maaninag, at naramdaman ko na lamang ang isang matatag na bisig na yumakap sa akin. “B*tch!” malakas na sigaw ng isang lalaki… ang lalaking mahigpit na nakayakap sa akin. “Binabaliktad mo ang sitwasyon! Ikaw ang kabit ng ama niya!” “M-Mr. Del Fierro, h-hindi totoo ang sinasabi mo…” garalgal na tanggi ni Ms. Cindy. Kaya napakunot ang noo ko. Mr. Del Fierro? Pero hindi iyon ang boses ni Mr. Hugo Nick. Sino kaya ang lalaking ito? “Shut up, woman! Hindi mo na maloloko ang pamilya Del Fierro. Let’s go.” Mabilis niya akong iginiya palayo. Gusto kong alisin ang tabon sa aking ulo at katawan para makita kung sino ang tumulong sa akin, pero napakabilis ng hakbang namin. Mahigpit ang pagkakaangkla ng isang braso niya sa aking baywang, at halos kailangan ko nang tumakbo para lamang makasabay sa lakas ng kanyang paghila. Ilang sandali pa ay huminto kami sa paglalakad. Narinig ko ang pagbukas ng pinto ng sasakyan bago marahang hinawakan ng lalaki ang ulo ko at iginiya ako papasok sa loob. Pagkaupo ko, mabilis kong inalis ang telang nakatakip sa aking ulo… ngunit ang nakita ko lamang ay ang likuran niya habang paalis na. Luminga ako sa paligid. Ako lang ang sakay, maliban sa driver na nakasuot ng cap at hindi ko maaninag ang mukha. “Ahm… mister, saan n’yo po ako dadalhin?” tanong ko, pilit pinapakalma ang sarili. “Don’t talk.” May diin at lamig ang boses niyang pumuno sa loob ng sasakyan. Gusto ko sanang sumigaw, utusang huminto siya, o kahit man lang magtanong ulit. Ngunit nanigas ang dila ko, hindi ko alam kung ano ang kaya niyang gawin kapag nagalit siya. Napilitan akong manahimik at tumingin na lamang sa bintana. Ngunit lalo lang lumala ang kaba ko nang mapansing ibang ruta ang tinatahak namin. Pasimple kong sinipat ang lock ng pinto. Hindi ko siguradong naka-lock iyon o bukas, pero kung sakaling kaya ko… maaari akong tumalon. Mabagal lang ang takbo ng sasakyan. “Huwag mo nang subukang tumalon, kung gusto mong manatiling ligtas.” malamig niyang wika. Mabilis akong napatingin sa rearview mirror, umaasang masulyapan ko ang mukha niya. Ngunit agad siyang yumuko, kaya ang nakikita ko lang ay ang brim ng kanyang cap at ang gilid ng kanyang mukha. “B-Bakit n’yo po ako sinakay dito? Hindi naman ito ang daan pauwi sa bahay namin,” tanong ko, pilit pinapakalma ang boses. “Mamaya ka na magtanong. Driver lang ako, hindi kita masasagot,” tugon niya nang walang interest sa pakikipagtalo. Pagkatapos ay binuksan niya ang sd player at nilakasan ang tugtog, para bang nais ipamukha sa akin, wala akong karapatan na magtanong pa. Kumukulo ang dugo ko sa galit, hindi lamang sa supladong driver na ito, kundi lalong-lalo na sa aking ama at kay Ms. Cindy. Sigurado ako, magiging headline ako sa buong campus. At kapag nakarating pa ito sa school dean… maaari pang makansela ang scholarship ko. Paano na lang si Mama? Pumikit ako, pinipigilan ang pag-agos ng luha. Nakakainis isipin na ang lahat ng gulong ito ay dulot ng mga taong wala namang ambag sa buhay ko. Kung mapatigil ako sa pag-aaral, paano ko pa maipagpapatuloy ang pangarap kong maipagamot si Mama? “Miss, bumaba ka na. Naghihintay si Big Boss.” Napadilat ako at napasinghap nang mapagtantong huminto na pala ang sinasakyan namin. Sumilip ako sa bintana, at halos nanlaki ang mga mata ko. Kaya mabilis akong bumaba ng sasakyan at nagpalinga-linga sa paligid. Para na akong napadpad sa ibang mundo. Isang napakalaking mansion ang nakatayo sa gitna ng malawak na hardin, parang palasyo ng Hari at Reyna. “Ms. Alexia, halika. Sumama ka sa akin at ihahatid kita sa kinaroroonan ng senyor,” ani ng isang ginang na lumapit sa akin. “Se-senyor? Sino po ba ’yon? At bakit niya ako pinapunta dito?” tanong ko, hindi maitago ang kaba. “Ang Senyor… siya ang may-ari ng mansion na ito,” nakangiti niyang sagot. “Hindi ko rin alam kung bakit ka niya pinasundo sa eskwelahan mo.” “Salamat po… at pasensya na sa pagiging matanong ko,” nahihiya kong tugon sa ginang. “Ayos lang ’yon,” sagot niya na may mahinhing ngiti. “Ano pala ang gusto mong kainin o inumin? Pagkahatid ko sayo ay babalik ako sa kusina para ipaghanda kayo ng pagkain.” “Kahit ano po. Hindi ako namimili. Masaya na akong may nagpapakain ng libre,” biro ko, pilit na binabalewala ang kaba sa dibdib. “Mapagbiro ka rin pala, Ms. Alexia,” natatawa niyang sabi. Nahinto ang biruan namin nang huminto siya sa tapat ng isang pinto. “Narito na tayo. Good luck, Ms. Alexia.” Binuksan niya ang pinto at marahang itinulak ito para makapasok ako. “Senyor, narito na po si Ms. Alexia,” anunsyo niya. “Iwanan mo na kami, Delia. Paki-dalhan mo na rin kami ng meryenda,” wika ng Senyor, nakangiti at tila masaya ito. Kahit hindi ko pa siya lubos na kilala, dama ko agad ang kabutihan ng kaniyang loob. “Maiwan ko na kayo, Senyor.” Tumingin siya sa akin at ngumiti. “Ms. Alexia, maiwan na kita.” Saka siya bahagyang kumindat. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin noon, pero gumaan ang pakiramdam ko. “Ms. Alexia, maupo ka, hija,” tawag ng Senyor. “O-Opo, Senyor.” Lumapit ako sa sofa at umupo sa tapat niya. “Ahm… mawalang-galang na po, pero maaari ko bang malaman kung bakit n’yo ako ipinasundo sa eskwelahan? Hindi ko po kayo kilala, kaya nagtataka ako kung bakit pinapunta n’yo ako rito.” Tumingin siya sa akin nang diretso. “May offer ako sa’yo. Kapag tinanggap mo, ipapagamot ko ang iyong mama. At pangako… makakasama mo pa siya nang matagal.” Parang may kumalabog sa dibdib ko. Kaagad nag-init ang mata ko sa pag-asa. Pero… ano ang kapalit? “A-Ano po ang offer na sinasabi n’yo, Senyor?” “Magtrabaho ka sa RestoBar na bubuksan ng isa kong anak. Katabi noon ay isang coffee shop…” Huminto siya, tinitigan ako na para bang sinusukat ang buong pagkatao ko. “Paibigin mo ang may-ari ng coffee shop na ’yon.” dugtong pa niya. “Po?” Napalakas ang kabog ng dibdib ko. Narinig ko ba ’yon nang tama? Paibigin? “Kung hindi mo kaya,” malumanay niyang sabi, ngunit walang palatandaan na may galit, “pwede ka nang umalis, Ms. Alexia…” “Kaya ko po,” mabilis kong sagot. Hindi ko hahayaang lumagpas ang pagkakataong ito para gumaling ang mama ko. Isang beses lang dumarating ang ganitong pag-asa… hinding-hindi ko ito palalampasin. “Sigurado kang kaya mo?” tanong ng Senyor, nakatitig sa akin na para bang sinusukat kung kaya kong panindigan ang binitawan kong salita, ganun din kung gaano katibay ang loob ko. “Opo… kaya ko.” Huminga ako nang malalim. “Ahm… sakaling mapaibig ko po siya, ano po ang susunod na gagawin ko?” “Here. Basahin mo ang nakasulat sa agreement.” Inabot niya sa akin ang tatlong pirasong papel. “Kapag willing kang gawin ang lahat ng nasaad, pirmahan mo.” “P-Paano po kung may hindi ako nagustuhan sa mga nakasulat dito? Pwede ko po bang tanggihan?” kinakabahan kong tanong sa senyor. “Kapag ginawa mo ’yon, kanselado ang kasunduan,” mariin niyang sagot. “At pwede ka nang lumabas ng mansion na ito.” Tila nalunok ko ang sariling dila pagkatapos marinig iyon. Kaagad namutawi sa isip ko ang imahe ni Mama, mahina, nakaratay, at umaasa sa akin na ipapagamot ko siya. Wala nang mas mahalaga sa akin kundi siya. Kaya kong magsakripisyo… kahit gaano pa kahirap ang ipapagawa ng senyor sa akin, basta gumaling lamang siya. “Deal.” Sinikap kong gawing matatag ang boses ko. “Willing po akong gawin ang lahat ng nakasaad sa agreement, Senyor.” Lumakas na rin ang pintig ng dibdib ko, para bang binabayo ng malakas na hampas ang puso ko. Pero wala akong balak na umatras. Handa na ako… walang pagsuko, anuman ang kahinatnan ng lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD