ALEXIA POV.
INAASAHAN ko nang ipatawag ako ng guidance office, ngunit nakapagtatakang hindi iyon nangyari. Maging sa loob ng classroom… katahimikan. Wala akong naririnig ni bulung-bulungan, samantalang noong araw na ipinahiya ako ni Ms. Cindy, halos lahat ay nag-unahan pang kumuha ng video, nang-insulto, at nagpakasawa sa sila sa pag-alipusta.
Napapansin ko ring hindi makatingin sa akin ang mga kaklase kong bumato sa akin ng kuyumos na papel at nagbitiw ng masasakit na salita. Para bang bigla silang nawalan ng lakas ng loob, o baka naman… natakot? Kanino?
Pagsapit ng lunch break, ganoon pa rin, hindi pangkaraniwan ang katahimikan sa loob ng canteen. Ano kaya ang nangyayari?
Kahit nang pumila ako sa mga pagkain, nagbibigay pa sila ng espasyo na para bang bawal akong lapitan. At nang magtungo ako sa isang bakanteng mesa, wala ni isa ang lumapit para maki-share. Solo ko ang buong lamesa, isang bagay na hindi ko inaasahan.
Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at nagsimulang kumain. Paminsan-minsan, sinusulyapan ko ang paligid. Nahuhuli kong nakatingin sila sa akin, pero mabilis silang umiwas kapag nakita nilang napatingin ako pabalik.
Lumipas ang buong maghapon na walang bumati o kumausap sa akin. Lahat ng nakakasalubong ko sa loob ng campus ay bigla na lamang umiiwas, para bang may nakikita silang mali sa aking sarili na hindi ko nakikita. O baka naman… hindi ko napigilang pasimple kong inamoy ang sarili ko. Walang kakaiba. Ako pa rin ito. Ako pa rin ang amoy ko.
Ngunit ang tanong: bakit sila biglang ganito?
“Ms. Alexia, may nagpapabigay nito.”
Lumingon ako nang marinig ang pagtawag sa pangalan ko. Agad kong nakilala ang babaeng papalapit, si Mrs. Adelaida, staff ng canteen.
“Ano po iyan, Mrs. Adelaida?” tanong ko.
“Hindi ko rin alam,” sagot niya habang bahagyang nakakunot ang noo. “Inabot lang sa akin ng isang gwapong lalaki. Sabi niya, ibigay ko raw sa’yo.” Iniabot niya sa akin ang isang paper bag, naka-sealed kaya hindi ko makita ang laman.
“Maraming salamat po.” Nginitian ko siya bago nagpaalam at lumabas ng canteen.
Pagdating ko sa gate, isang mamahaling sasakyan ang bigla na lang huminto sa tapat ko. Agad akong umiwas at naglakad palayo, ngunit napahinto rin ako nang marinig kong may tumawag sa pangalan ko.
M-Mr. Hugo Nick? Hindi ako puwedeng magkamali, iyon ang boses niya.
“Get in!” mariin niyang utos.
Napayuko ako at sumilip sa nakabukas na bintana ng sasakyan. At… tama nga. Si Mr. Hugo Nick ang nasa manibela. Pero bakit niya ako pinasasakay?
“Uulitin ko pa ba?” malamig ang tono niya, mas seryoso. “I said get in.”
Wala na akong nagawa kundi sumakay. Pagkaupo ko pa lamang ay bigla nang sumibad ang sasakyan, halos mapasiksik ako sa gilid dahil sa lakas ng arangkada. Agad kong hinila ang seatbelt at mabilis na isinuksok sa buckle.
Hindi ko alam kung ano ang mas malakas sa mga sandaling iyon, ang tib*k ng puso ko, o ang kaba kung bakit sapilitan akong pinasakay ni Mr. Hugo Nick.
“Saan mo ako dadalhin, Mr. Hugo Nick?” tanong ko, hindi maitago ang kaba sa boses ko habang lalo pang bumibilis ang takbo ng sasakyan. Hindi rin ito ang daan pauwi sa amin.
“Mr. Hugo Nick… pwede ba, pakibagalan mo naman? Ayaw ko pang mamatay,” halos pakiusap ko na.
“Bakit nagpunta ka sa mansion Del Fierro? Ano ang ginawa mo doon?” seryoso niyang tanong, hindi man lang tumingin sa akin. Hindi ako sumagot. At higit sa lahat… paano niya nalaman iyon? At ano naman ang pakialam niya?
“Tinatanong kita. Bakit hindi ka sumasagot?”
“Bakit mo ba gustong malaman? At saka kanina pa ako nagtatanong sa’yo kung saan tayo pupunta! Hindi ito ang daan papunta sa bahay namin!” Naiinis na talaga ako. Para siyang may karapatang pagalitan ako, parang siya ang nagluwal sa akin, kung umasta!
“May pupuntahan tayo,” mariin niyang sagot. “Mamaya umakto ka namang professional. Ayaw kong mapahiya sa mga taong makakasama natin doon.”
Napalingon ako sa kanya, hindi makapaniwala.
“Ganito ang itsura ko tapos may pupuntahan tayo? Hindi mo ba nakikita, naka–school uniform ako?” singhal ko. “Ibaba mo ako dito. Uuwi na ako. Siguradong nag-aalala na si Mama!”
“Tumawag na ako sa iyong mama,” tugon niya. “Sinabi kong malelate ka ng uwi ngayon.”
Napakunot ang noo ko. Tumawag siya? At higit na nakakagulat… bakit bigla yatang naging mahinahon ang boses niya?
“Mr. Hugo Nick, seryoso ako. Ibaba mo ako diyan sa tabi. Marami pa akong gagawin ngayon, may mga assignment ako at malapit na ang final exam namin,” madiin kong sabi.
“Mamaya mo na gawin ang mga ’yon. Samahan mo muna ako. Hindi tayo magtatagal doon,” aniya habang tuloy-tuloy lang sa pagmamaneho... at malinaw sa mukha niya na wala siyang balak na ihinto ang sasakyan.
“Hindi mo na ako patutulugin, gano’n ba?” inis kong balik.
“Dalawang oras lang tayo sa party. Pangako, ihahatid agad kita pagkatapos.”
“Party?” Halos lumuwa ang mga mata ko. “Nagbibiro ka ba? Naka–school uniform ako tapos dadalhin mo ako sa party?”
“Natural, hindi,” sagot niya na para bang napakasimple ng lahat. “Dadaan muna tayo sa mall para bumili ng isusuot mo. Pagkatapos, ihahatid kita sa salon, babalikan kita, at saka tayo didiretso sa party.”
“Hindi na ako maliligo? Ganun ba?” Sumisingaw na ang inis ko. Ano’ng akala niya sa’kin? Pupunta ako sa party na hindi man lang naligo?
“Kung gusto mong samahan kita sa party, ihahatid mo muna ako sa bahay. Kakain pa ako at magpapahinga,” mariin kong sabi bago ako humalukipkip at tumingin sa labas ng bintana, ayaw ko na siyang tingnan kahit isang segundo pa.
Nakakainis. Nakakapraning. At higit sa lahat… hindi ko alam kung ano ang mas nakakabahala: ang pagyayaya niya sa party… o ang pagiging sigurado niya na sasama ako.
“Mauubusan na tayo ng oras kapag hinatid pa kita sa bahay n’yo. Huwag kang mag-alala, pakakainin kita at makakapag-ligo ka rin,” sabi niya, tila ba walang puwang para tutulan ko siya.
“Fine,” sagot ko, saka ako sumandal at pilit na pinakalma ang sarili. Tatanda talaga ako nang maaga kapag lagi kong kasama ang lalaking ’to… Pero sandali lang… bakit nga ba ako ang isasama niya sa party? Wala ba siyang ibang babaeng kaibigan?
Sabagay, sa ugali niyang saksakan ng sungit… baka nga wala.
Haist. Napabuntong-hininga ako. “Mabuti na lang gwapo…” bulong ko—at agad kong natakpan ang bibig ko nang marealize ang aking nasabi.
“Kahit hindi mo sabihin, bata pa lang ako alam kong gwapo ako,” tugon niya. Napalingon ako. Bahagyang nakangiti ang loko, parang inaasar talaga ako.
“Hindi ka rin pala mayabang. Malakas din pala ang hangin sa ulo mo,” sabi ko bago tumuwid ng upo at tumingin sa unahan ng sasakyan.
Tumawa siya… malakas, may halong pang-iinis ang tunog, at hindi ko mapigilang mapakunot-noo.
“Anong nakakatawa sa sinabi ko, Mr. Hugo Nick?” taas-kilay kong tanong.
“You. May pagkakomedyante ka rin pala,” natatawa pa rin niyang sagot, may kakaibang lambot sa ngiti niya ngayon. At hindi ko mapigilan… tinitigan ko ang mukha niya. Mas lalo pala siyang gwapo kapag nakangiti.
“Tigilan mo ang kakatitig sa’kin,” aniya, nagbago ang tono… parang may hatid na panganib ang bawat ngiti. “Baka ma-in love ka pa. Hindi ako pumapatol sa mga bata… lalo na sa estudyante.”
“‘Wag kang mag-alala, Mr. Hugo Nick. Hindi rin ako pumapatol sa lalaking may asawa at ‘di hamak na mas matanda sa akin,” mabilis kong sagot. Akala niya siguro papayag akong basta-bastang sabihan ng gano’n?
“Ganun…” bahagya siyang ngumiti, may paghahamon sa mga mata. “Sige, tingnan natin. Sigurado akong kakainin mo rin ang mga salita mong ’yan.”
“Tandaan mo rin lahat ng sinabi mo,” balik ko habang tumataas ang kilay ko at nakaismid pa. “Baka ikaw ang unang kumain ng pinagsasabi mo, huh.”
“Okay,” sagot niya, puno ng kumpiyansa. “Ilalagay mo sa isip mo, ang oras, araw, linggo, buwan, at taon. At tingnan natin kung sino sa ating dalawa ang unang bibigay.”
Nakangisi siya, at sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, biglang kumalabog nang malakas ang dibdib ko. Pero, syempre, hindi ko ipapakita na kinakabahan ako. Tumuwid ako ng upo, taas-noo.
“Yes, Mr. Hugo Nick. Pareho nating tandaan. Heto… ilalagay ko sa phone reminders ko ang mga sinabi mo at sinabi ko.”
Binuksan ko ang cellphone ko at nagsimulang mag-type.
A few minutes later…
Nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto sa gilid ko. Paglingon ko, si Mr. Hugo Nick pala ang nagbukas niyon. Napansin kong nasa isang parking area na kami. Agad kong tinanggal ang seatbelt at nagmadaling bumaba.
“Nasaan tayo, Mr. Hugo Nick?” tanong ko habang palinga-linga.
“Pupunta tayo sa boutique para bumili ng isusuot mo,” paliwanag niya. “Pagkatapos, diretso tayo sa penthouse ko para kumain ka at makapaligo. Saka kita ihahatid sa saloon. Six o’clock, dadaanan kita.”
Napatigil ako. Penthouse?
Isa-isa kong inisip ang sinabi niya… at doon ako napatigil nang tuluyan. Bakit sa penthouse niya? May binabalak ba siya?
“Hey! Ano’ng iniisip mo at tumigil ka sa paglalakad?” malakas niyang tawag sa atensyon ko, dahilan para mapabalik ako sa wisyo.
“Oh, ahm… wala. May naalala lang ako,” palusot ko bago ipinagpatuloy ang paglalakad.
Pagpasok namin sa loob ng mall, agad akong sinalubong ng malamig na buga ng aircon at mabangong amoy ng paligid. Ngunit napakunot ang noo ko… tila walang ibang namimili. Tahimik ang buong lugar, at tanging kami at ang mga staff lang ang naroon.
“Bilisan mong pumili ng damit at mga personal things na kailangan mo. I give you one hour,” sabi niya habang diretsong naglalakad. Sumunod ako, pero agad na umakyat sa mukha ko ang init nang makita kung saan niya ako dinala.
Underwear shop.
As in, buong boutique… puro underwear.
Mabilis akong tumalikod at naglakad palabas.
“Hey! Saan ka pupunta?” tanong niya, kunot-noo.
“Nagagawa mo pa talagang magtanong?” balik ko, halatang naiinis. “Hindi mo ba nakikita kung ano ang laman ng boutique na ‘to?”
“Hindi ako bulag para sabihin mo sa akin ‘yan…” aniya habang lumalapit. “Unless… nagsusuot ka ng panty na buong araw mo nang nagamit?”
Nanlaki ang mga mata ko. “Excuse me?!”
Agad kong tinakpan ang bibig niya nang mapansin kong may papalapit na saleslady.
“Good afternoon, Bigg Boss,” nakangiting bati ng babae.
Bigg Boss?
Parang bigla akong natahimik. Maganda siya, matangkad, parang modelo… pero bakit gano’n ang tawag niya kay Mr. Hugo Nick?
“Ms. Rhea,” sabi niya, tila sanay na sanay sa pag-uutos, “paki-assist siya. Paki-bilisan din, wala kaming oras.”
At doon ko lang talaga na-realize… ibang mundo yata ang pinasok ko.
“Right away, Bigg Boss,” sagot ng babae bago siya bumaling sa akin. “Halika, dito tayo, Miss…”
“Alexia. Alexia ang pangalan ko,” mabilis kong tugon.
“Halika, doon tayo. May mga bagong dating na underwear…”
“‘Wag na,” putol ko agad, may pilit na ngiti sa labi. “Dito na lang. Isang piraso lang naman ang kailangan ko.”
“Sigurado ka, Ms. Alexia?”
“Oo. Isang set lang. At may nakita na ako.”
Kinuha ko ang kulay-itim na strapless bra at bikini, saka mabilis na naglakad papunta sa counter.
Binuksan ko ang wallet ko, at doon biglang uminit ang mukha ko. Sobrang mahal. Kulang ang pera ko. Hindi rin ako bumibili ng ganito kamahal na underwear.
Agad kong sinubukan bawiin ang set bago pa ma-scan ng cashier, ngunit may kamay na naunahan ako.
Paglingon ko, si Mr. Hugo Nick.
Walang sinabi. Wala ring emosyon sa mukha. Kinuha lang niya mula sa akin ang underwear set at iniabot iyon sa cashier… kasama ang black card niya.
Nanahimik ako.
Hindi ko maiwasang mag-isip… ibig bang sabihin, dito rin niya dinadala ang asawa niya? Dahil halatang sanay na sanay siya sa lugar na ito… parang kilala siya ng lahat.
At bakit ang sakit bigla sa dibdib ko nang maisip iyon?