ANG PAGPAPAGAMOT

2056 Words
ALEXIA POV. PAALIS na sana kami ni Mama nang dumating si Papa… at kung umasta siya, para bang taos-puso ang pag-aalala niya kay Mama, samantalang maraming beses na niyang niloloko. “Saan ang punta n’yo, mahal? At bakit may dala kayong maleta?” tanong niya, palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Mama. Hindi ako sumagot. Nakahawak lang ako sa handles ng wheelchair ni Mama, pilit pinapakalma ang sarili. Ayaw ko siyang tingnan, ni bahagyang sulyapan. Sawa na ako sa kanya… sa paulit-ulit niyang pangakong hinding-hindi na niya uulitin ang pakikipagkita sa kerida niya. Para na kaming sirang plaka; wala nang saysay ang mga salita niya na puno kasinungalingan. “May pupuntahan kami ni Alexia,” mahinahong sagot ni Mama, bagaman ramdam ko ang panginginig ng kanyang tinig. “At baka matagalan kaming makabalik. Ingatan mo ang sarili mo.” Kahit nagngingitngit ako sa galit, alam kong kailangan ko silang bigyan ng kaunting sandali para makapag-usap. Mama deserved that… kahit siya man ay sobrang nasaktan na. “Ma, mag-usap po muna kayo,” sabi ko, pilit pinapakalma ang tono. “May nakalimutan ako sa kwarto. Mabilis lang ako. Babalik din agad… hindi tayo pwedeng magtagal.” May bahid ng paalala iyon, dahil kilala ko si Mama; baka malibang pa sa pakikipag-usap kay Papa. “Sige anak, bumalik ka agad at nakakahiya sa driver na maghahatid sa atin.” Wika ni Mama… halata ang lungkot sa kanyang boses. Umalis na ako, ngunit hindi ako nagtungo sa kwarto, sa halip ay nagkubli lamang ako sa gilid ng pinto at tahimik nakinig sa pag-uusap nila. Hindi ko rin nakakalimutan i-check ang oras. Hindi pwede na paghintayin namin ang private plane na aming sasakyan, nakakahiya kay senyor. Tumutok ang tainga ko sa kanila nang marinig ko ang boses ni Papa. “Mahal… saan ba kayo pupunta ng anak natin? Basta na lang kayong aalis nang hindi man lang nagsasabi sa akin?” May bahid ng pagkataranta ang boses ni Papa, pero para sa akin, puro pag-arte lang iyon. “’Wag kang magpanggap, Alfredo.” Malamig ang tinig ni Mama, ngunit bawat salita’y matalim. “Akala mo siguro hindi ko alam ang mga pinaggagawa mo? Pwes, nagkakamali ka. Simula pa lang ng pambababae mo—alam ko na. Lahat. Pero hindi kita sinaway. Hindi kita inaway. Pinili kong manahimik… pinili kong unawain ka, dahil alam kong may mga bagay na hindi ko na kayang ibigay sa’yo.” Huminga si Mama nang malalim, bago nagpatuloy, ngayon ay may poot nang humahalo sa boses niya. “Pero ang unahin mo ang babae mo kaysa kay Alexia? Hindi na kita mapapatawad. Hinayaan mong mag-isa siyang umakyat sa entablado sa araw na dapat nandoon ka bilang ama niya!” “Sorry, Mahal… patawad. Naging mahina ako,” sagot ni Papa, halos pabulong, parang biglang naubusan ng tapang. “Wala akong oras para dito,” putol ni Mama. “Saka na tayo mag-usap. Nagmamadali kami ni Alexia.” “Saan nga kayo pupunta? Bakit ayaw mong sabihin sa akin?” Kunot ang noo niya, tila may kinatatakutan. “Hindi mo na kailangan pang malaman.” Inikot ni Mama ang wheelchair, tinalikuran niya si Papa, ramdam ko ang bigat ng desisyon na matagal ng kinikimkim. “Ang masasabi ko lang… walang dapat malaman si Alexia. Hindi pa ngayon.” Sa aking kinatatayuan, napapikit ako. Hindi ko mapigilan ang pagdaloy ng luha. Ramdam ko ang sakit… literal ang sakit. Hindi lang para sa akin, kundi lalo para kay Mama. Akala ko wala siyang alam—na tuwing nakikita ko siyang nakangiti, iyon ang buong katotohanan. Pero sa likod pala ng bawat ngiti niya… puro luha, pait, at pighati ang itinatago. Nang huminto sila sa pag-uusap, mabilis kong pinahid ang luha sa magkabila kong pisngi. “Ma, kailangan na po nating umalis,” tawag ko bago ako lumapit, pilit inaayos ang aking sarili. “Tayo na, anak. Magpaalam ka na sa Papa mo,” wika ni Mama, may lungkot pa rin sa tinig. “Sige po, Ma… ahm, Pa, aalis po muna kami.” Mahina kong sabi, bago ako mabilis na tumalikod. Hinawakan ko ang wheelchair ni Mama at itinulak palabas ng bahay. Gusto kong lumingon… kahit isang beses lang. Pero hindi ko magawa—baka tuluyan na akong bumigay. Paglabas namin, hindi ko inaasahan ang sasalubong: si Mr. Hugo Nick. “Magandang umaga po,” bati niya kay Mama—at agad akong kinabahan. Kapag lumabas si Papa at makita siya, tiyak magbabanggaan ang mga ito. Kailangan naming makaalis bago pa may mangyaring gulo. “Mama, halika na po. Sumakay na tayo,” sabi ko, minamadali ang bawat kilos. Ngunit hindi nakaligtas sa akin ang ngiting pang-aasar ni Mr. Hugo Nick—malamig, mayabang, at sinasadya ang kabagalan ng galaw. Nang nakaupo na si Mama sa loob ng sasakyan, agad akong bumaba upang kunin ang wheelchair. Matalim ko siyang tiningnan. Ang sagot niya? Isang ngiting mas lalo pang nakakainis, may halong pang-iinsulto. Tinalikuran ko siya, ngunit sumunod siya hanggang likuran ng sasakyan—at hindi ko inaasahan ang susunod na sasabihin niya. “I’m warning you… whatever deal you’ve made with Señor Del Fierro, don’t let it be the very thing that destroys you.” Bahagya siyang yumuko palapit, ang boses niya’y malamig. “And remember this—hinding-hindi kita matatanggap bilang madrasta.” Sasagot pa sana ako ngunit mabilis siyang tumalikod, iniwan akong nagngingitngit sa inis. Bago ako sumakay, ilang ulit akong huminga nang malalim. Ayaw kong may mapansin si Mama—tiyak hindi siya titigil sa kakatanong. Pagkaupo ko sa tabi niya, marahan kong hinawakan ang kanyang kamay. Pinilit kong ngumiti. “Ma… alam ko pong hindi magiging madali ang pagdadaanan mo, lalo na kapag nagsimula na ang chemotherapy. Alam ko rin na hindi kita madadamayan nang buong-buo dahil tanging ikaw, ang doktor, at ang therapist ang makakasama mo roon.” Napalunok ako, pilit pinipigilan ang nagbabadyang pagbagsak ng luha. “I love you, Ma. Lagi mo pong tatandaan ‘yon. At isipin mo… lagi lang akong nasa tabi mo. M-magkasama nating lalabanan ang sakit mo. Hindi tayo susuko, hanggang sa dumating ang araw na maka-recover ka at tuluyang gumaling.” Nakatungo ako—ayaw kong makita niya ang luha kong pilit pinipigilan bumagsak. “‘Wag kang umiyak,” malumanay niyang sabi. “Kagaya ng sinabi mo, lalabanan natin ‘to. Kaya pareho tayong dapat maging matatag. At kung iniisip mo ang mga pagdadaanan ko… wala kang ibang dapat gawin kundi magdasal. Alam kong hindi ito magiging madali para sa akin, pati sa’yo. Pero ang magagawa natin ay magtiwala sa Diyos. Siya lang ang nakakaalam ng lahat.” “Opo, Ma. Hindi naman po ako nakakalimot magdasal.” Pinilit kong ngumiti kahit masakit sa dibdib. “At hindi rin ako magsasawang humingi ng awa sa Kanya… ‘wag ka muna Niyang kukunin sa akin. Hindi pa natin natutupad ang mga pangarap natin. Ihahatid mo pa ako sa simbahan kapag ikakasal na ako.” Napatingin siya sa akin, bahagyang nagkakaroon ng sigla ang mata. “Bakit? Nag-propose na ba sa’yo ang nobyo mo?” halos pabulong niyang tanong. Agad akong kinabahan. Baka marinig ni Mr. Hugo Nick, nandoon lang siya sa tabi ng driver. Posibleng nakikinig siya sa usapan naming dalawa. “Ma… iba na lang po ang pag-usapan natin,” mahina kong sagot. Ngunit hindi siya tumigil… tila mas lalo pa siyang naging interesadong magtanong. “Sagutin mo muna ako,” malambing ngunit mapilit ang tanong ni Mama. “Niyaya ka na ba niyang magpakasal?” May bahagyang ngiti siyang naglalaro sa labi, parang gusto niyang kiligin para sa akin. “Hindi pa po,” sagot ko, sabay ngiting pilit na nagiging totoo. “At saka wala pa ‘yon sa plano. Kailangan matupad muna natin ang pangarap nating dalawa. Kaya alisin mo muna sa isipan ang bagay na ‘yon, Ma. Saka mo na ako tanungin… kapag successful na tayo pareho.” “Okay,” tumango si Mama, nagkaroon ng konting liwanag sa kanyang mga mata. “Pangako, magpapagaling ako. At ikaw naman, tutuparin mo ang mga minimithi mo sa buhay. Okay ba ‘yon, anak?” “Opo. Okay na okay. Dapat pareho tayong magtagumpay.” Lumapit ako sa kanya at mahigpit ko siyang niyakap, parang ayaw ko na siyang bitiwan. A few minutes later… Papasok na kami sa departure area. May mga staff na nakaabang upang umalalay sa amin, lalo na kay Mama. Habang naglalakad kami papasok, mahigpit akong nagdarasal sa isip… taimtim, walang humpay. Sana po, Panginoon… gawin N’Yo pong matagumpay ang pagpapagamot ni Mama. Wala na po akong ibang hinihingi. Siya lang po. Sana gumaling siya. Pagdating namin sa boarding area, isang babae ang lumapit, maamo ang mukha, propesyonal ang tindig. “Good day, Ma’am. Ako po ang magiging doctor ninyo for the entire flight,” pakilala niya, sabay turo sa dalawang babaeng naka-puting uniform. “Sila naman po ang nurses na assigned sa inyo.” Nginitian ko sila at nagpasalamat; ramdam ko ang paggaan ng pakiramdam ni Mama. Hindi nagtagal, pumasok na kami sa loob ng dambuhalang eroplano—Del Fierro Brothers Private Plane. Halos mapalunok ako. Hindi ko akalaing ganito pala sila kayaman… at ganito kalaki ang mundo na ginagalawan nila. Para kaming pumasok sa ibang dimensyon. Pero pagkatapos ng pagkamangha, may isa akong agad na napansin. Teka… nasaan si Mr. Hugo Nick? Hindi ba’t dapat kasama siya? Bakit wala siya rito? “Anak?” tawag ni Mama. “Sino bang hinahanap mo at panay ang lingon mo sa paligid?” may halong panunudyo sa boses niya, halatang hindi nakabantay siya sa bawat kilos ko. “Wala po,” mabilis ko siyang sinagot. “Tinitingnan ko lang… grabe, ang ganda at ang laki ng eroplano. Tapos tayo lang ang sakay.” Nginitian ko siya, pilit na tinatakpan ang tunay kong iniisip. Pero hindi maalis sa isip ko ang tanong: Bakit hindi sumakay si Mr. Hugo Nick… at bakit parang may mali sa pakiramdam ko? “Pagmamay-ari ba ni Señor Del Fierro ang eroplanong ito, anak?” tanong ni Mama habang iniikot ang paningin sa loob ng napakaluwang na kabina. “Siguro po,” sagot ko. “Del Fierro–Brothers kasi ang pangalang nabasa ko.” Hindi siya sumagot. Kaya humarap ako sa kanya… nakatingin siya sa malayo, nakatagilid ang katawan, at parang may ibang iniisip. “Ma… hindi ka na po sumagot. May dinaramdam ka ba?” “Maayos naman ang pakiramdam ko, anak,” tugon niya, pero bakas ang pag-aalala sa mata. Luminga siya sa paligid, saka tumingin pabalik sa akin at marahan niyang hinawakan ang kamay ko. “Anak… sa totoo lang, hindi ko maiwasang mangamba.” “Tungkol po saan, Ma?” “Biyudo na raw yata si Señor Del Fierro,” mahina niyang wika. “At baka kaya niya tayo tinutulungan ay dahil may inaasahan siyang kapalit mula sa’yo.” Ramdam ko ang bigat sa tinig niya, pati ang higpit ng kapit niya sa kamay ko. “Ma,” napailing ako, bahagyang natawa para gumaan ang sitwasyon, “hindi po ganun ang agreement namin. Ipinaliwanag ko na sa inyo ‘di po ba?” “Oo naman, anak… pero hindi ko pa rin mapigilan na mag-alala sa’yo. At tungkol naman kay Hugo…” huminga siya nang malalim. “Baka mag-away kayo dahil dito.” “Hindi po, Mama. M-maunawain naman po siya.” Pinilit kong ngumiti. “Kita n’yo naman, siya pa ‘yong naghatid sa atin dito sa airport.” “Sabagay, tama ka… mukha namang mabait ang nobyo mo,” ani Mama, medyo gumaan ang tono ng pananalita niya. Pero bago pa niya maidugtong ang kung ano pa man, may papalapit nang staff. “Ma, may staff na paparating,” bulong ko. “Okay, anak.” “Ma’am,” magalang na bati ng flight attendant, “mawalang-galang na po. Pupuntahan kayo ni Doktora upang i-check ang kalagayan ng pasyente, sapagkat malapit na po tayong mag–take off.” “Sige, Ms. Ivee.” Nginitian ko siya. “Maraming salamat.” Nagpaalam siya at muling lumakad papunta sa unahan ng kabina. At sa pagitan ng mahinang ugong ng makina at malamlam na ilaw ng private plane, muling sumiksik ang tanong na kanina ko pa nilalaro sa isip: Tama ba ang desisyon sumama kami kay senyor Del Fierro… at bakit hindi ko maalis ang pakiramdam na parang may mangyayaring hindi ko inaasahan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD