Chapter 01 - The Mysterious Girl
“Mira, hija?”
Tumigil si Mira sa pag-inom ng tubig nang marinig ang mahinang tawag ng kanyang Ninang Tere.
“Bakit po, Ninang?” tanong niya.
“Halika, maupo ka muna dito,” anyaya nito mula sa sofa.
Tumango si Mira, inilapag ang baso sa lababo at lumapit. Nang makaupo siya sa tabi nito, ipinagpatuloy na ng kanyang ninang ang sasabihin.
“Napagpasyahan kasi namin ng nanay mo na parentahan muna itong bahay… Tutal dito mo rin gustong tumira, edi ikaw na ang maging landlady ng bahay na ’to.”
“Ho?” tanging reaksyon ni Mira, halatang hindi makapaniwala.
Hinawakan ng kanyang ninang ang kamay niya at marahang pinisil-pisil iyon. “Alam kong ayaw mong may ibang tao sa paligid mo, pero kailangan mong sanayin ang sarili mo, Mira.”
“May gusto po kayang tumira sa lumang mansyon na ’to, Ninang? ‘Haunted house’ nga po ang tawag ng mga kapitbahay natin dito,” tugon ni Mira, kumpiyansang walang magkakainteres tumira roon maliban sa kanya. Malakas din ang hinala niyang may kinalaman ang kanyang ina sa desisyong ito upang mapilitan siyang umuwi.
“Meron naman siguro. Bababaan ko ang renta nang sa ganoon hindi masakit sa bulsa ng mga estudyante,” sagot nito.
“Estudyante?” tanong ni Mira para makasiguro.
“Oo. Gagawin ko ’tong parang dorm—tulong na rin sa kapwa mo estudyante na malayo sa eskwelahan ninyo. Gusto ko sana puro babae lang para may mga kasama ka ring makakatulong magturo sa’yo mag-ayos ng sarili.” Nakangiti pa ang ginang habang sinasabi iyon.
“Kayo pong bahala…” mahina at pilit na sambit ni Mira.
Tumayo siya at nakayukong naglakad paakyat sa kwarto. Bagama’t hindi niya gusto ang plano ng kanyang ina at ninang, wala siyang magagawa—sila ang may-ari ng bahay. Pag-alis niya, agad namang tinawagan ni Ninang Tere ang nanay niya upang ipaalam ang naging pag-uusap nila.
“Hello, Alona? Pumayag ang anak mo sa plano! Excited na akong maghanap ng boarders…” masayang balita ni Ninang Tere. Napabuntong-hininga na lamang si Mira habang umaakyat ng hagdan. Malaking hamon ito para sa kanya—pagpasok pa lang sa eskwelahan ay hirap na siya sa pakikisalamuha; hanggang sa pag-uwi ba naman sa bahay ay may ibang tao pa rin siyang kasama? Kinilabutan siya sa ideyang iyon.
“Turuan mag-ayos ng sarili? Para namang may gustong makipagkaibigan sa’kin,” bulong niya nang makarating sa kanyang kwarto. Humiga siya sa malambot na kama at tumitig sa kisame.
Matagal-tagal na rin mula nang huli siyang makisalamuha sa iba. Bata pa siya noon, kaya halos hindi na niya maalala ang pakiramdam ng may kaibigan. Simula kasi nang ilabas niya ang kanyang tunay na pagkatao, nilayuan na siya ng mga tao at wala ring nakakatagal kausapin siya.
“Mira! Aalis na ’ko, ikaw na bahala dito ah!” dinig niyang sigaw ng kanyang ninang mula sa ibaba.
Agad tumayo si Mira at dumungaw sa bintana. Pasakay na sa sasakyan ang ninang niya nang tumingala ito at kumaway-kaway. Bahagya niyang itinaas ang kamay bilang tugon. Pagkatapos nito, pumasok na si Ninang Tere sa sasakyan at umalis, kaya naiwan siyang mag-isa sa mansyon.
“Mukhang malaki ang problema mo, Mira?” biglang sulpot ng isang multo sa kwarto, naka-upo ito sa kama.
“Michaelangelo… anong gagawin ko?” malungkot niyang tanong.
“Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para walang tumira dito,” pangako ni Michaelangelo bago tumayo at dahan-dahang lumutang palabas ng kwarto.
“Umaasa ako sa iyo,” sagot ni Mira habang pinapanood ang paglutang nito. Nakasuot ito ng itim na amerikana, may panloob na puting kamiseta, itim na bow tie, itim na pantalon at sapatos. Nakasumbrero rin ito ng top hat, may puting guwantes, at may hawak na baston—tila isang magician noong nabubuhay pa.
Pag-alis ng multo ay isinara niya ang pinto at umupo muli sa kama. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya puwedeng makihalubilo sa iba at kung bakit pinili niyang manirahan sa haunted mansion na ito.
Pakiramdam niya, dito siya nabibilang dahil hindi siya normal.
Dahil nakakakita siya ng MULTO.
Bagay na kahit ikwento pa niya sa iba ay hindi naman siya pinaniniwalaan. Kaya mas pinili na lang ni Mira na lumayo at umiwas sa mga tao upang wala na siyang kailangang ipaliwanag pa.
Kinabukasan…
“Hello?” inaantok pang bati ni Mira nang tumawag ang kanyang Ninang Tere. Alas-singko pa lang ng madaling araw.
“Hija, maglinis ka at may bisita tayo mamaya,” diretsahang utos nito, halatang excited base sa boses.
“Sino po?” tanong niya habang tinitiklop ang pinaghigaan.
“’Yung mga estudyanteng interesado umupa diyan sa bahay. Ang dami nga nila—nakakatuwa,” kwento ng kanyang ninang.
“Ganun po ba? Sige po, Ninang. Maglilinis na ako,” sagot ni Mira, hindi maitago ang pagkadismaya.
“Salamat, hija. Huwag kang mag-alala, sigurado naman akong makakasundo mo rin sila,” pagtitiyak nito.
“Sana nga po…” maikli niyang sagot bago sila magpaalam sa isa't-isa.
Pagkatapos mag-almusal ay sinimulan na ni Mira ang paglilinis ng bahay. Inuna niya ang CR, sumunod ang kusina, saka ang malawak na sala. Kita sa kanyang mukha ang labis na pagod. Bukod kasi sa malaki at malawak ang mansyon, siya lang mag-isa ang naglilinis. Ipinagwalang-bahala na lamang niya iyon dahil ayaw niyang mapahiya ang kanyang ninang sa mga bibisita. Kahit gusto niyang magpahinga sandali, pinigilan niya ang sarili at pinilit tapusin ang ginagawa.
“Kailangan mo ba talagang gawin ’to, Mira?” nag-aalalang tanong ni Michaelangelo, na kanina pa siya sinusundan at pinapanood.
“Kaya nga. Bakit nagpapakahirap ka pa? Pwede mo namang pabayaan na lang na madumi ’to… para magdalawang-isip silang tumira,” sabat naman ni Chelsea.
Napabuntong-hininga si Mira at saglit na tumigil.
“Naisip ko na rin ’yan. Kaya lang, ayokong malungkot si Ninang pati si Nanay. Alam ko namang lahat ng ’to ay ginagawa nila para sa’kin. Iniisip nila na ang pagkakaroon ko ng kaibigan ay makakabuti. Kaya napag-isip-isip ko na sundin na lang sila para mabawasan ang alalahanin nila,” paliwanag niya sa dalawa.
“Sadyang napakabuti mong bata, Mira,” naiiyak na sabi ni Michaelangelo.
“Tss. Ang drama n’yo naman,” puna ni Chelsea sabay irap.
Si Chelsea ay isa ring multo—medyo masungit dahil namatay itong hindi pa nagkakaroon ng jowa. Hindi maintindihan ni Mira kung ano ang nakakalungkot doon, pero sising-sisi si Chelsea sa masaklap niyang kapalaran.
Ilang sandali pa ay narinig na nila ang tunog ng makina ng sasakyan—mukhang dumating na ang ninang niya. Naku! Kailangan na niyang magmadali at hindi pa niya tapos linisin ang mga kwarto sa ikalawang palapag; nasa hallway pa lang siya.
“Welcome!” masiglang bati ng kanyang ninang sa dalawang babaeng kasama nito. Alanganin ang mga mukhang pinagmasdan ng mga ito ang buong bahay.
“Pagpasensyahan n’yo na at may kalumaan na itong mansyon, pero gumagana naman lahat ng nandito,” paliwanag ng ninang sa kanila.
“W-wala po bang multo dito?” nauutal na tanong ng isa, nakasuot ng blue shirt at maong pants.
“Siyempre wala! Mukha lang haunted house ’to dahil sa kalumaan, pero walang multo dito,” natatawang sagot ng ninang niya.
“Ako ang dating nakatira dito kaya maniwala kayo. Isa pa, narito ngayon ang inaanak ko—mag-iisang buwan na siyang nakatira dito at naghihintay na lang ng enrollment sa eskwelahan,” dagdag pa nito upang mas makumbinsi ang dalawa.
“Bukas po ba ang aircon n’yo?” tanong naman ng babaeng naka-maroon na dress.
“Ang totoo niyan, sa ngayon wala pang kuryente dito, pero inaayos na namin para paglipat n’yo ay meron na,” nahihiyang sagot ng ninang niya.
Habang nag-uusap ang tatlo, pasimpleng nagtago si Mira sa gilid ng dingding sa second floor at nakinig sa kanila. Nang mabanggit siya ng kanyang ninang, taimtim siyang nagdasal na huwag siyang tawagin—nahihiya siyang magpakita sa kanyang ayos. Nagmadali siya kanina sa paglilinis kaya hindi na niya napalitan ang suot na puting bestida na pantulog; hindi rin siya nagsuklay o nagtali ng buhok. Kinapitan na ng alikabok ang damit niya at pakiramdam niya ay nanlilimahid na sa dumi ang kanyang buong katawan.