Chapter 02 - Meeting her New Tenants/Housemates

1322 Words
“Bakit gano’n? Ang init pa rin naman sa labas, pero parang sobrang lamig naman po yata dito?” nagtatakang sabi ng babaeng naka-dress, halos magyakapan na sila ng kasama niya sa ginaw. “K-kaya nga po… kung walang kuryente, b-bakit sobrang lamig dito?” takot na tanong ng babaeng naka-pants. “Dahil may mga multo sa tabi n’yo…” bulong ni Mira nang mapansin sina Michaelangelo at Chelsea na umaaligid sa mga bisita. Nang sandaling iyon, naisip ni Mira na kailangan niyang gumawa ng paraan—kung hindi ay baka mawalan sila ng potential boarders. Lumingon siya at naghanap ng puwedeng pantaboy sa pasaway na mga multo. Napansin niya ang brush na hawak niya. Walang pag-aatubili niya itong inihagis sa direksyon nina Michaelangelo at Chelsea. Sapat iyon para mabugaw sila… pero hindi na siya nakapagtago agad, kaya nakita siya ng mga bisita. “Aaaahhhhhhhh! Multo!” sigaw ng dalawang babae bago dali-daling tumakbo palabas ng mansyon. Nagulat din si Mira sa sigaw nila at nanigas sa kinatatayuan sa itaas. “Teka, sandali! Inaanak ko siya! Hindi siya multo!” habol ng ninang niya, ngunit mabilis nang sumakay ang dalawa sa tricycle at umalis. Malungkot itong bumalik sa mansyon at tumingala sa kanya. “Mira…?” tawag ng kanyang ninang Tere, tila naghihinala sa ginawa niya. “’Di ko po sinasadya… dumulas sa kamay ko,” pagdadahilan ni Mira. Tinitigan siya ng kanyang ninang nang matagal bago malalim na bumuntong-hininga at ngumiti. “Hindi bale, marami pa naman naghahanap. Isa pa, mukhang hindi rin naman magtatagal ang dalawang ’yon dito,” positibong sambit nito. “Pasensya na po, Ninang…” nahihiyang sabi ng dalaga. “Okay lang, hija,” tugon ng kanyang ninang. Nagdaan pa ang mga araw, subalit wala pa ring gustong tumira sa mansyon. Umaatras agad ang mga pumupunta pagkakita pa lang sa bahay—lalo na kapag sinimulan ng pasaway na mga multong manggulo para pigilan silang tumira roon. Dahil dito, sumuko na ang ninang niya sa pagpili ng mga babaeng mangungupahan; kung hindi kasi matatakutin ay ubod naman ng arte, kaya pumayag na itong kahit sino, basta estudyante. May ilang lalaki ring hindi natinag sa mga multo, pero sa kanya naman natatakot. Lumipas ang isang buwan at wala nang nagpunta para tingnan ang mansyon. Masayang-masaya si Mira dahil sa wakas, hindi na niya kailangan pang makisama at masosolo na niya ang buong bahay. May maliit na bahagi sa kanya na nakokonsensya dahil nabigo ang ninang niya sa plano, ngunit mas malaking bahagi niya ang magaan ang pakiramdam. Isang araw, sa sobrang tuwa, sinipag siyang maglinis at napapasayaw pa habang ginagawa iyon. Patapos na siya nang biglang nag-ring ang kanyang phone—tumatawag ang ninang niya. “Hija? Good news! May mga uupa na sa mansyon!” masaya nitong balita. Agad nabura ang ngiti sa mukha ni Mira at napalitan ng pagkadismaya. Bahagya siyang umubo at napalunok bago sinagot ang tawag, para maalis ang bumara sa kanyang lalamunan dala ng disappointment. “T-talaga po? Mabuti naman kung ganon…” malungkot niyang tugon. “Bukas ang lipat nila kaya may oras ka pa para makapaglinis, hija. Pupunta rin ako nang maaga diyan para salubungin sila,” paalala ng ginang. “Sige po, Ninang. Ako na bahala dito.” Nagpasalamat ito saka ibinaba ang linya. Pagkatapos maglinis ay mabigat ang loob na niligpit ni Mira ang kanyang mga ginamit bago nakayukong umakyat sa kwarto. Pakiramdam niya ay nabiktima siya ng maling akala, pero salamat na rin at napalinis siya nang maaga. Naisip niya na manuod na lang ng paborito niyang horror movies para malimutan ang sama ng loob—at epektibo naman. Nalibang siya nang sobra habang nanonood kasama si Michaelangelo. Mabuti na lang at inasikaso agad ng ninang niya ang linya ng kuryente sa mansyon. Sa kasamaang palad, inabot sila ng umaga. Hindi niya namalayan ang oras dahil hindi niya man lang nakita ang pagsikat ng araw—lagi kasing nakababa ang makapal na itim na kurtina ng kanyang bintana. Nasisilaw siya sa liwanag at mas komportable sa dilim. Nang tingnan niya ang oras sa cellphone ay lowbat na pala, kaya nagpasya na lang siyang bumaba para tingnan kung dumating na ang ninang niya. Kahit nahihilo sa antok ay nagpatuloy siya sa paglalakad palabas ng kwarto. Nang manlabo ang paningin ay kinusot niya ang mga mata at pilit itinuon sa nilalakaran. Para siyang lasing na pasuray-suray hanggang sa pagbaba ng hagdan. “Wow, may halimaw…” Napahinto si Mira nang marinig ang boses ng isang lalaki. Dahan-dahan niyang iniangat ang mukha at tumambad sa kanya ang apat na naggagwapuhang nilalang. Kausap ng mga ito ang ninang niya, na nakatalikod sa kanya. Nang marinig ng tatlo ang bulong ng kasama nila ay sabay-sabay silang napatingala sa itaas. Nanlaki ang mga mata nila nang makita siya. Matagal silang nakatitig sa kanya, hanggang sa unti-unting napupuno ng takot ang kanilang mga mukha dahil sa itsura niya—magulong buhok, nanlalalim na mga mata, puting bestida, at parang multong zombie ang lakad. “Waaaaaaahhhhhhh!!!” sabay-sabay na sigaw ng apat bago nagtakbuhan palabas ng mansyon. Gulat na napalingon si ninang Tere sa kanya. Sinubukan ni Mira na humakbang pababa ng hagdan kahit hilo pa rin siya upang maipakilala ang sarili at malinawan ang mga lalaki na hindi siya multo. Subalit namali siya ng tapak at bumulusok pababa, bahagya siyang nasaktan sa pagkakahulog. “Mira!!!” sigaw ng Ninang Tere niya sabay takbo palapit sa kanya. Natigilan naman ang apat na lalaki sa paglabas ng mansyon nang marinig ang sigaw ng ginang at dali-daling lumapit. “Tulungan n’yo ’ko, ihatid natin siya sa ospital!” natatarantang sigaw ni Ninang Tere. Tumingin si Mira sa ginang at pinakalma ito. “Ninang, ayos lang ako… mababaw lang naman ang binagsakan ko,” mahinang sambit ng dalaga. “Ah, ganun ba?” Agad namang nahimasmasan ang Ninang ni Mira. Dahan-dahan siyang inalalayan nito sa pagtayo bago ipinakilala sa apat. “Ito nga pala si Mira, anak ng may-ari ng mansyong ito. Siya ang magiging landlady n’yo at kasama n’yong titira dito,” nakangiting pagpapakilala ni Ninang Tere. “Ano!???” gulat na reaksyon ng mga lalaki. "Yang white lady na yan ang landlady dito?" hindi makapaniwalang tanong ni Vincent, isa sa apat na mangungupahan sa mansyon. Si Vincent ay may chiseled features— strong jawline, high cheekbones, at matalim na mga matang tila laging may bahid ng pagiging arogante. Full lips at magulong buhok na nakadagdag lang sa natural niyang karisma. May kung anong kaakit-akit sa kanya—mapanganib, puno ng kumpiyansa, at mahirap balewalain. "Magdahan-dahan ka sa pananalita, inaanak ko siya!" bahagyang napaatras si Vincent ng medyo magtaas ng boses ang ginang, mukhang ito yung tipong hindi mo gugustuhing galitin. "Ah, mawalang-galang na ho pero... sigurado ba kayong tao siya?" tahasan ngunit may paggalang pa din naman na tanong ni Kenneth. Si Kenneth ay may maayos na anyo—makinis na balat, gentle brown eyes at kalmadong ngiti na may kumpiyansa. Ang kanyang itim na buhok ay laging maayos, para bang walang hiblang naliligaw. Tahimik ngunit elegante, halatang galing sa marangyang pamilya at sanay sa pormal na pakikitungo. "Iniinsulto mo ba ang inaanak ko?" taas-kilay na tanong ni ninang Tere sa binata habang pilit pinapakalma ang sarili sa mga nakakalokong komento ng mga ito sa pinakamamahal niyang inaanak. Natahimik na lang si Kenneth habang nanginginig naman sa takot ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Laurence at Paolo. "Kayo? may tanong pa ba kayo!?" bahagyang tumaas ang boses ni ninang Tere nang mapagbalingan ang dalawa. "Ah... eh... pwede pa po ba mag-back out?" alanganing tanong ni Laurence. Si Laurence ay may mapaglarong kislap sa mga mata at ngiting nakakatunaw ng puso. Magulo ang buhok ngunit bagay sa kanyang roguish na anyo. May charm siyang mahirap iwasan, at ang bawat salita niya ay parang may kasamang lambing na nakakaakit pakinggan. "Oo naman... kung makakalabas pa kayo ng buhay," nakangising sagot ng ginang at matalim na tumitig kay Laurence.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD