Nanginig sa takot ang apat sa banta ng kanyang ninang Tere at napalunok na lang habang unti-unting naninigas ang katawan ng mga ito at hindi makagalaw sa kanilang kinatatayuan.
"Nakakatakot siya..." bulong ni Paolo.
Si Paolo ang pinaka-gentle sa apat—mahahabang pilikmata, mapupulang labi, at makinis na kutis na tila nag-g-glow. Ang malalaki at expressive niyang mga mata ay puno ng ka-inosentehan at kabaitan. Halos mahirap tukuyin kung inosente lang ba siya o sadyang napaka-amo ng kanyang dating.
"Kung wala na kayong tanong pwede na kayo umakyat sa taas, sasamahan kayo ni Mira sa mga kwarto niyo," wika ng ginang nang hindi na kumibo ang apat at lumabas na ito ng mansyon patungo sa kanyang sasakyan.
"Yes ma'am!" sagot ng apat at mabilis na kinuha ang mga gamit nila.
Tahimik na sinundan ng mga ito si Mira na parang hangin na naglakad paakyat ng hagdan, napahagilap ng flashlight si Vincent ng mapansing madilim ang kanilang dadaanan at kumukurap-kurap pa ang mga ilaw.
"Huhu, bangungot ba 'to? Imposibleng may ganitong klaseng bahay sa totoong buhay," nanginginig na sambit ni Paolo.
"Sa presyong limangdaan kada buwan? Hindi na rin 'to masama," sagot ni Kenneth.
"Kunsabagay, linis at ayos lang kailangan dito," sang-ayon naman ni Laurence.
Habang abala ang apat sa pag-inspeksyon sa paligid ay hindi nila namalayan ang paghinto ni Mira sa paglalakad at bumangga sila sa likuran nito. Si Vincent na nasa likuran ni Mira ay napatalon nang dahan-dahan itong lumingon sa kanila, nakita niya ang maputla nitong mukha at ang nangingitim na gilid ng malalalim nitong mga mata. Sa labis na pagkabigla ay di sinasadyang naitutok ni Vincent ang hawak niyang flashlight sa mukha ni Mira at napasulyap din ang tatlo sa dalaga.
"Waaahhhhhhhhhh!!!!!!"
Naghiyawan ang apat sa nakakatakot nitong itsura na natapatan pa ng flashlight.
"Ano ba? Hindi ka ba marunong magsalita?" inis na tanong ni Vincent kay Mira. Habang ang tatlo naman sa likod nila ay hawak ang dibdib at halos atakihin na sa sobrang takot.
Hindi pinansin ni Mira si Vincent at itinuro sa kanila ang mga kwarto na magkatapat.
"Kayo na bahala mamili ng gusto niyo," maikling saad ni Mira at dumiretso na ito sa pinakadulong kwarto at agad isinara ang pinto.
"Ako lang ba ang nakaramdam? Parang nawala ang lamig sa paligid pag-alis ng babaeng yon?" tanong ni Laurence sa mga kasama.
"Siguro ayaw niya sa'tin..." tugon ni Kenneth at nagsipasok na sila sa kanya-kanyang kwarto.
Namangha ang apat pagpasok sa napili nilang kwarto, malawak ito at maayos tingnan, maalikabok nga lang pero okay na okay pa. Samantala, pagpasok ni Mira sa kanyang kwarto ay tulala siyang umupo sa sahig at sumandal sa likod ng pinto.
"Paano ako mabubuhay kasama ang mga lalaking 'yon? Ni hindi man lang ako makatingin ng deretso sa kanila," bulong niya sa sarili, yakap ang dalawang binti at malungkot na isinubsob ang mukha sa kanyang tuhod.
"Uuy... nagwa-gwapuhan ka sa kanila 'no?" tukso ni Chelsea na lumapit sa tapat niya.
"Imposible yang sinasabi mo, hindi basta-basta naaakit si Mira," kontra naman ni Michaelangelo na tinapik pa si Chelsea upang tumigil.
"Sus... bibigay din 'yan! Ahihi, parang ako..." hagikhik ni Chelsea at pahapyaw na hinampas si Michaelangelo sa braso.
Maya-maya pa ay tumayo na si Mira at taas-noong nagsalita.
"Kaya ko 'to! Masasanay din ako," puno ng determinasyong sambit niya sa sarili.
Nang magdapit-hapon ay nagtipon ang apat sa sala sa ibaba, nagkaroon sila ng pagkakataong magkausap at makilala ang isa't isa.
"Pamilyar ka sa'kin, nagkita na ba tayo noon?" tanong ni Laurence kay Kenneth.
"Oo, sa isang hotel. Kundi ako nagkakamali, apo ka ng dating presidente, di ba?" tanong ni Kenneth.
"At ikaw naman ang nag-iisang tagapagmana ng VR Motors Corp. na kilala sa paggawa ng mamahaling mga sasakyan," sagot ni Laurence na sinundan niya pa ng isang tanong.
"Anong ginagawa ng tulad mo sa lugar na 'to? Siguro may ginawa kang kalokohan at tinapon ka dito noh?" pilyong tanong ni Laurence.
Natawa si Kenneth sa sinabi niya at tumugon.
"Parte ito ng tradisyon sa pamilya namin. Hindi ako yung tipong gagawa ng kalokohan at ipapatapon dahil lang sa pag-aaksaya ng oras sa pambababae," sarkastikong saad ni Kenneth.
Naningkit ang mga mata ni Laurence at halatang tinamaan sa sinabi ni Kenneth.
"Di nga? Babaero ka pala?" sabat naman ni Paolo na nakikinig sa usapan nila.
"Shut up!" inis na sabi ni Laurence.
Tahimik namang nakadungaw sa bintana si Vincent at malalim ang iniisip nang kausapin siya ni Kenneth.
"Ikaw? Saang pamilya ka nabibilang?" ani Kenneth.
"Wala, mag-isa lang ako," matipid na sagot ni Vincent.
"Ako naman ay taga-probinsya tsaka—" pakilala ni Paolo subalit naputol ang pagsasalita nito nang makarinig sila ng tunog ng makina ng sasakyan. Agad tumayo sina Laurence at Kenneth, lumapit sa kinatatayuan ni Vincent para tingnan kung sino ito.
"Di bale na nga lang..." bulong ni Paolo na bahagyang napahiya.
Isang lalaki ang bumaba mula sa sasakyan, may dala-dala itong mga pagkain mula sa isang fastfood at pumasok sa loob ng mansyon.
"Magandang gabi, ako nga pala si Red, masaya akong makilala kayo," pormal na bati niya sa mga ito habang nakangiti.
Si Red ay may matured na katangian—diretso kung tumingin, banayad na ngiti, at mga mata na tila may itinatagong lihim. Taglay niya ang walang-kupas na kagwapuhan, clean jawline at pinapanatili ang maayos na buhok. Mainit ang kanyang pakikitungo subalit may kalakip na distansya, kaya nagiging misteryoso ang dating niya.
Sabay-sabay kumulo ang tiyan ng mga ito nang maamoy ang dalang pagkain ni Red, wala sa sariling sinunggaban nila ang kanyang bitbit at dali-daling nilapag sa lamesa. Nabigla siya sa ginawa ng mga ito at naiiling na lang na sumunod sa kanila nang maramdamang parang may nagmamasid sa paligid.
Lumingon si Red at napansin ang babaeng nagtatago sa likod ng hagdan, ito ay walang iba kundi si Mira na kanina pa pala sila minamanmanan. Kumuha siya ng isang burger, pinuntahan ang babae at iniabot ito sa kanya. Kinuha ito ni Mira at tahimik na umakyat sa hagdan, pinagmasdan na lang ito ni Red hanggang sa ito ay mawala sa kanyang paningin.
"Red! Kumain ka na, malapit ka na maubusan!" aya ni Paolo habang abala sa paglamon ang iba pa.
"Hoy, wag mo ubusin yung pizza!" puna ni Vincent kay Laurence.
"Magdahan-dahan nga kayo, mabubulunan kayo niyan eh!" paalala naman ni Kenneth.
"Nasan yung hot sauce?" sigaw ni Laurence.
Napangiti na lang si Red, kinuha na niya ang iba niyang mga gamit at umakyat na ng hagdan.
"Hindi ka kakain?" tanong ni Paolo.
"Hindi na, busog pa naman ako. Sige, ubusin niyo na 'yan," saad ni Red.
"Sandali! Sasamahan na kita sa kwarto mo," habol ni Paolo sa kanya.
"Salamat--?" patanong ang pagkabigkas ni Red, inaalam ang pangalan nito.
"Paolo," sabay kamay sa kanya.
Narinig naman sila ng iba at nagpakilala din.
"Ako nga pala si Kenneth," nakangiting wika ng binata at tumayo pa habang hawak ang soft drinks sa isang kamay.
"Ako naman si Laurence, salamat dito ah," aniya nang hindi na tumayo pa at itinaas nito ang piraso ng french fries pagkatapos ay isinubo din sa bibig.
Napatingin ang lahat kay Vincent nang hindi ito kumibo at abala pa din sa pagnguya ng noodles.
"Hoy, magpakilala ka naman! Lamon ka ng lamon d'yan!" tapik ni Laurence dito.
Bahagyang napatingin si Vincent kay Red at nagsalita kahit puno pa ang bibig.
"Minshen," pakilala nito.
"Ha? Ano daw? Di ko naintindihan," tanong ni Paolo.
Sa inis ay bigla itong tumayo at padabog na binagsak ang dalawang kamay sa mesa.
"Vin—" naputol ang sasabihin ni Vincent nang biglang masamid, napaupo siya hawak-hawak ang leeg at pilit nilulunok ang bumara sa lalamunan niya.
"Anak ng!? Yan na nga ba sinasabi ko eh!" reaksyon ni Kenneth at nataranta na ang lahat nang tuluyan na nga itong mabulunan.
"Tubeeeeg!" sigaw ni Laurence.
"Hampasin mo sa likod!" turo ni Kenneth.
"Masiba ka kasi!" inis na sermon ni Laurence dito.