Epilogue

2013 Words
"Okey class check ko muna ang attendance, paki-lakasan ang present ha!" Nakangiti kong sabi sa mga estudyante ng Sto. Domingo National high school. "Opo Maam!" Sagot ng mga first year student na hawak ko. "Girlie Agustin!" Tawag ko sa pangalan ng pinaka-makulit na estudyante. "Present Maam!" "Richelle Obcena!" "Present!" "Rexy Pearl Tizon?" "Absent Maam--joke lang!" Nakangising sagot ng pinakamadaldal sa section na yon. "Gie Calzar?" "Present Maam." Sa loob ng limang taong pagtuturo sa paaralan na aming pinanggalingan ay nasanay na ako sa ganong routine araw-araw. Hindi ko akalain na magiging teacher ako. Sabi nga ni Mrs. Capre akala nya si Analuna ang magiging Guro sa aming magkakaibigan pero ang lola mo ay isa ng flight atendant sa Philippine airline. Si Daril naman ay sa maynila na naka-base dahil tagadoon ang napangasawa nito. Si RoseAnn na tanging di nakatapos ng kolehiyo sa amin ay doon parin sa bayan ng Sto Domingo nakatira at lima na ang anak. Si Michelle ay nurse na sa Jeda pero single parin ito. Ang malala ay si Katness na di namin akalaing magiging modelo sa ibang bansa. At ako ang naiwan sa school bilang bagong guro. Madalang man kaming magkita-kitang magkakaibigan ay di naman nawala ng kumonikasyon namin lalo na at nauso ang cellphone at social media. Pinagtibay ng panahon ang aming samahan at may plano na kaming magkita-kita next month. Heto ako at wala na yatang balak umalis sa SDNHS. Marami nang nagbago sa paaralan. Tulad ng mga inayos na building. Nadagdagan ang room at lalong gumanda. Halos nabura na ang bakas ng kahapon nung kami ay high school student pa lamang. "Okey class dismiss!" Sabi ko ng mag-chime tanda ng tapos na ang klase ng tanghaling yon. Inayos kona ang mga gamit dahil nagpaalam akong mag-half day lang. Nakangiti akong lumabas ng room dala ang bag at ilang libro. Habang naglalakad ay napapangiti ako sa mga nagsabit na puso sa paligid na di pa tinatanggal nung nakaraang Valentines. Dumaan muna ako sa likod ng paaralan sa may burol. Huling pagpunta ko na yun doon dahil bukas ay sisimulan na itong patagin. Pagtatayuan kase ito ng bagong classroom kaya malungkot man ay wala akong magagawa. Mawawala na rin ang burol katulad ng pagkawala ni Ken sa buhay ko. Si Ken ang dahilan kung bakit ko ginustong maging guro nung una. Para bang hindi ko matanggap noon na napakadali nyang nawala sa akin. Hanggang ngayo'y sobrang sakit parin. May mga gabi parin na iniiyakan ko ang pagkawala ni Ken. Naitanong ko sa sarili noon na bakit kay lupit ng tadhana sa akin? Bakit ang agang kinuha ng Diyos si Ken? Napakaganda pa naman ng mga plano ng binata. Pero naglaho din yon kasama ng mga pangako nya. Naalala ko pa 10 years ago. Nung ibalita nga na isa si Ken sa mga nasawi sa aksidente. Naniwala lang akong patay na si Ken nung makita ko na sya sa ataul. Bumaha ng mga luha sa unang gabi palang ng lamay. Halos di ko alam non kung paano tatanggapin na wala na si Ken. Kaya nag-teacher ako at ninais na magturo sa school na yon. Dahil dito ko lang nararamdamang kasama ko parin si Ken. Dahil deep inside me, hindi parin ako makawala sa alaala nya. He was my first love. At totoo ang pagibig na yon kahit sabihin pa nilang may gatas pa kami sa labi. And i also believe Ken nung sinabi nya na mahal na mahal nya ako. Kaya lang kahit anong gawin kong pag-alala kay Ken, unti-unti kong na-realize na sadyang di na ito babalik pa. Na si Ken ay isang ala-ala nalang ng kahapon ko. Na kahit anong gawin kong paghihintay sa burol tuwing graduation day ng school ay walang Ken na babalik, na kahit tumambay ako sa bubong nila tulad ng sinabi nito ay dina sya darating. Sobrang hirap magpatuloy. Kahit anong gawin kong paglimot sa lalaki ay diko magawa. May ilan akong manliligaw na kusang mga tumigil dahil hindi ko kayang buksan ang puso ko sa iba. Pakiramdam ko babalik pa si Ken sa buhay ko kahit napaka-imposible non. "Miss saan po tayo?" Tanong ng tricycle driver. Tila ako biglang nagising sa realidad ng marinig ang tanong ng lalaki. Oo nga pala, pagkagaling sa school ay sumakay ako ng tricycle para puntahan ang puntod ni Ken. 10th year death anniversary ni Ken kaya dadalawin ko sya. "Miss saan po?" Ulit ng driver. Naantipatikuhan ako sa klase ng pagtatanong nito. Niyuko ko pa ang lalaki para taasan ng kilay. Napaka-walang modo kung magtanong. Walang galang sa guro. "Sa sementeryo!" Timpi ang inis na sagot ko. "Okey sabi ko na nga ba eh." "What?" Kunot ang noo kong tanong. "Wala po." Inis na umayos ako ng upo sa loob ng sasakyan. Hindi naman ako likas na masungit. Katunayan ay ka-close ko lahat ng estudyante ko dahil di ako istrikta. Pero ngayon lang ako nabastusan sa isang lalaki. Pagbaba ko sa tricycle ay iniabot ko ang trenta pesos sa driver. Medyo natigilan pa ako ng mamasdan ito. Bata pa pala ang driver at may hitsura. Yun nga lang bastos. "Salamat po, mabilis lang ba kayo? Hintayin na kita para di ako lugi sa gasolina pagbalik." Nakangising saad nito. Nairita na naman ako pero naisip kong mas okey na ring magpahintay dito dahil liblib ang lugar na yon at malayo sa kalsada. Kung walang papasok na tricycle ay lalakarin pa ang ilang kilometro para marating ang labasan. Kaya tumango nalang ako sa walang modong driver. Dala ang bulaklak at kandila na nagtungo ako sa puntod ni Ken. Bagong pintura na yon at ipinalinis na ni Aling Gloria kahapon. Sinindihan ko ang kandila at nag-alay ng panalangin para sa binata. Nagbara na naman ang lalamunan ko sa pinipigilang pag-iyak. Muling nanumbalik ang lahat sa aking gunita at tila ba kasama ko pa si Ken. Na para akong baliw na iniisip na paglabas ko ng sementeryo ay makikita ko sa bungad ng gate si Ken at sinusundo ako. Nawala ito sa akin na di nasagot ang katanungan sa utak ko. Kung ano ba yung sorpresa nya sakin na dapat ay ibibigay nya noon sa burol. Ang dami kong nais malaman, ang dami ko ring nais sabihin. "Ken napakahirap mong kalimutan. Kung alam ko lang na mawawala ka ng ganoong kaaga ay hindi ko nanaising magkalapit tayo. Sana di mo nalang ako nilapitan nong Valentines. Sana hindi mo na sinabi na gusto mo rin ako. Kung sana'y sa malayo nalang kita minahal siguro hindi ganito kasakit sa akin ang katotohanang wala kana." Humangin ng malakas at pinahid non ang luha ko sa mata na napalis sa aking mukha. Kailan ako muling sasaya? Tumingala pa ako sa langit nang bigla ay may maalala. "Kapag nami-miss mo ako pumunta ka lang dito sa bubong namin at hintayin ako. Makikita mo lang ako dito." Dali-dali akong umalis sa puntod ni Ken. Iniisip ko kung paano nasabi ni Ken iyon. Gusto kong pumunta ulit sa bubong nila at hintayin ang sinasabi ni Ken. "Miss okay ka lang?" Tanong ng walang modong driver ng mabilis akong sumakay sa tricycle nya. Nakita marahil nito na umiiyak ako. "Pakihatid ako sa purok dos." Garalgal ang tinig na wika ko. "S-sige." Hindi na ako umimik at tahimik na tumangis sa loob ng tricycle. Baliw na yata ako. Sampung taon ko nang iniiyakan ang isang patay. Pero wala kong pakialam sa sasabihin ng iba. Pagdating ko doon ay umakyat ako ng bubong nila Ken. Medyo kalawangin na ang bubong nila dahil wala nang nakatira don. Nung mamatay kase si Ken ay nagdesisyon si Aling Gloria na sa kabilang bayan nalang manirahan para makalimutan ang namayapang anak. Napunta nalang sila doon tuwing kaarawan ng kamatayan ni Ken. Tulad ng dati ay naupo ako sa bubong yakap ang rug doll na bigay nya. Iniisip ko kung saan ko don makikita si Ken. Sana kahit kaluluwa ay magpakita sya para manlang mapawi ang sakit na nararamdaman ng puso ko. "Ken ang sakit-sakit parin.!" Hikbi ko. "Sabi mo dito ako magpunta pag nami-miss ka? Wala ka naman eh, niloloko mo lang ako. Sinungaling ka Ken." Umiiyak na parang baliw kong bigkas. "Ken Miss na miss na kita!" "Ken magpakita ka.." Pagkuway inalis ko ang suot na kwintas saka tiningnan ang singsing na ibinigay nya sa akin noong ikasal kami sa marriage booth. Lalo akong napaiyak. Hindi ko namalayan na humahagulgol na pala ako sa pagkakaupong yon sa bubong ng bahay nila. Hanggang humangin ng malakas at niyakap ako ng lamig nito. Natigilan ako at wala sa loob na minasdan ang singsing. Saka ako napamaang ng mabatid ang desenyo non. Dali-dali akong nahiga sa bubong, wala akong pakialam kung mangalawang ang damit ko. Humiga ako don na nakaunan ang isang braso sa ulo saka minasdan ang malawak na kalangitan. Hihintayin kong gumabi. Alam kong darating si Ken mamayang gabi. Mapait akong napangiti. Nanatili akong nakatitig sa kalangitan hanggang sumapit na nga ang dilim. Then i burst into tears again ng masilayan ang natatanging bituin na tanaw na tanaw mula sa kinaroroonan ko. Yes Ken was right. He's here whenever i need to see here. Hindi sya nagsinungaling sa akin. Dahil nandito lang sya. Kasama ko sya kapag nandito ako dahil sya ang pinaka-makinang na bituin sa langit na nakatunghay sa akin. Mapait akong napangiti kasabay ng pagtitig sa kalangitan. Hanggang diko namalayan na nakatulog ako sa gitna ng pagluha. "Vivian i'm sorry, mahal na mahal kita pero hindi tayo para sa isa't-isa. Ayokong patuloy kang masaktan please Vivian. Palayain mo na ang sarili mo. Wala na ang burol at gayon din ang bubong na ito. Hindi mo na kailangang puntahan ang mga lugar na sinabi ko sayo noon. Sapat na ang nasa isang sulok ako ng puso mo. I want you to be happy without me. Please allow me to see you smile again, para maging masaya narin ako." Nagmulat ako ng mga mata at muling tumambad sa akin ang makinang na bituin sa langit. Gabi parin ng mga oras na yon. Muli akong napaluha ng maalala ang panaginip. Paulit-ulit at tila liriko ng kanta na tumatak sa utak ko ang mga sinabi ni Ken sa aking panaginip. Alam kong totoong nagpakita sya sa akin sa panaginip para iparating ang lahat ng yon. Yung luha ko ay muling naging hagulgol. "K-Ken, I'm sorry Ken, tama ka kailangan na kitang palayain." Paulit-ulit kong sabi habang nananangis. Kinabukasan ay masigla na akong gumising at nagbihis ng uniporme para pumasok sa paaralan. Ipinangako ko na kagabi na iiwasan ng maging malungkot kapag sumagi sa isip si Ken. Ito ang unang araw ng aking bagong simula. Simula ng buhay na tanggap ko nang wala na si Ken. Kaya naman nakangiti akong lumabas ng aming tarangkahan para mag-abang ng tricycle. Yun nga lang nawala ang ngiti ko ng tumigil sa aking harapan ang sinakyan ko kahapon. Yung antipatikong driver na nakakainis ang dating. Ang agang sinira ng ngisi nito ang bagong araw kong simula. "Hi Teacher, sasakay kayo?" "Yes. Kaya nga kita pinara diba?" Di ko napigilang magtaray. Ewan ko ba, nakakainis ang awra ng mukha ng lalaki. "Ah akala ko po kase yun magpapandesal ang kinakawayan nyo. Buti tumigil ako." Kakamot-kamot pa sa ulong sabi nito. "Dami mong satsat, pakihatid ako sa school." Inis kong pakli saka sumakay sa loob. Hinawakan ko ang singsing ni Ken na nakalawit sa suot kong kwintas. Bigla kong inutusan ang driver na timigil, sinunod naman nito iyon. Lumabas ako at nagtungo sa tabi ng mahabang tulay. Lumakad ako don saka inalis ang singsing sa aking kwintas. Tinitigan ko yung saglit bago dinala sa dibdib. Huminga muna ako ng malalim saka itinapon ang singsing sa rumaragasang tubig sa ilalim ng tulay ng Sto. Domingo. "Malaya kana Ken!" I whispered in the air habang may ngiti sa labi. Saka ako tumalikod para lisanin ang lugar na yon. Habang palapit na muli sa tricycle ay nagtama ang mga mata namin ng driver. _End_
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD