My Everything
Lisha's POV
NAPADAAN AKO sa nagtitinda ng pritong manok at naisip ko si Lando dahil paborito niya ang putaheng ito. Kusang napadpad ang aking mga paa sa nagtitinda at bumili ng limang piraso. Kahit naman sa bangketa lang ito matatagpuan ay natitiyak ko namang puwede kainin. Pampalipas gutom na rin at maging masaya sila.
"Singkwenta po, Ate Ganda,” saad ng binatilyong tindero at inabot ko ang singkwentang malutong na bagong hango sa bulsa ng isang customer. Ito ang limang-daan tip mula sa pagsasayaw ko.
Napakagat ako sa 'king labi. Naiilang din ako minsan na gastusin ang pera na mula sa mga iba't-ibang bulsa ng kalalakihan.
"Salamat, Ate Ganda! Balik po kayo!" masayang pasasalamat sa 'kin ng binatilyong tindero at nginitian ko na lang ito ng tipid.
----
NAPATINGIN AKO sa 'ming munting tahanan. May nakasinding ilaw hudyat na hinihintay ako. Pumasok na ‘ko at sumalubong sa ‘kin ang pagkwekwento ni Lando sa ‘ming bunso na si Lizzy.
"May isang prinsesang nawawala. Siya at pinaghahanap ng kaniyang mahal na prinsipe. Kaso nga lang ay ‘di siya makita nito dahil pinipigilan siya nang masamang mangkukulam," pagkukwento nito habang ‘di gumagalaw at nakikinig naman si Lizzy na halatang-halata ang pagkamangha.
Kay ganda nilang pagmasdan. Talagang naalis ang mga bigat ng aking iniisip at pagod kapag nakikita ko silang magkasama’t malusog. Tumikhim ako at umayos nang pagkakatayo.
"Nandito na si Ate! May dala pala ‘kong chicken." Sabay silang napabaling at mabilis na tumayo ang aking kapatid na halos kumaripas na ng takbo dahil sa manok.
"Ate magpalit ka muna. Ihahanda ko po muna ang hapag," saad nito sabay punta sa kusina habang hawak-hawak ang supot na naglalaman ng mga manok.
Nakita ko naman ang aming munting prinsesa na tila nagpapakarga sa 'kin. Ngumiti ako rito at hinalikan ang pisngi. Kahit saglit lang kami nagkawalay ay namimiss ko agad si Lizzy.
"Halika dali, Zy! Samahan mo ‘kong magpalit ng damit." Mabilis na gumapang si Lizzy at agad ko naman siyang kinarga. Nagtungo kami sa kwarto.
"Namiss mo ba ko, Zy?" naglalambing kong tanong at mabilis na nagpalit ng damit. Mamaya na lang ako maglilinis ng katawan.
Pagkatapos kong magbihis ay nagtungo na kami sa kusina. Ngumuso naman ito sa 'kin pero ‘di sumasagot. Natawa naman ako rito. Mukhang namiss ako nito.
"Miss mo ba ‘ko? Ay! Parang ‘di, ah..." inulit ko ang aking tanong dahil nakatitig lang siya sa 'kin habang nakanguso. Hinalik-halikan ako nito sa pisngi habang naglalambing.
Nakakawala talaga ng pagod ang aking prinsesa at kapatid. Natawa naman ako dahil gan‘yan si Lizzy kapag umuuwi ako. Bigla itong humikab at inilagay ang ulo sa balikat ko.
"Lando, nalinisan mo na ba si Bunso?" tanong ko habang karga si Lizzy na tila inaantok na.
"Opo, Ate! Napainom ko po na rin siya ng gatas. Ate malapit na po palang maubos ang gatas at diaper ni Lizzy," sagot ni Lando at nagsandok ng kanin.
"Sige, mag-iiwan ako ng pera. Bumili ka na lang kay Aling Sonya." Tinignan ko si Lizzy na papikit-pikit kaya naman natawa ako at hinimas ang likod.
"Opo, Ate! Kailan po pala tayo mamasyal? Promise mo po sa 'kin na kapag naka-top 1 ako’y ililibre mo po kami." Napaisip ako. Tama naman, dapat bigyan ito ng premyo tutal ay nagpupursige naman itong mag-aral. Kahit sa gano’ng paraan man lang magkaroon ng selebrasyon. Ginagalingan naman nito ang pag-aaral. Wala na ‘kong maipipintas dito. Pursigido at mabait na bata.
"Sige, Lando. Pupunta tayo sa Jollibee," sabi ko. Tila nagising din si Lizzy na nasa aking mga bisig. Nanlalaki pa’ng mga mata nito kaya natawa ako nang malakas.
"Oh, akala ko’y tulog ka na? Nakarinig ka lang ng pasyal, eh..." dagdag ko habang humahalakhak na ikinanguso naman nito.
‘Naku! Mukhang lakwatsera si Lizzy.’ Napailing na lang ako sa 'king naisip.
"Gan’yan na po ‘yan. Kapag natuto po siyang maglakad baka nasa kapitbahay na paggising pa lang," pang-aasar ni Lando.
"Nakakata-cute!" nanggigigil kong sabi habang kinakagat nang marahan ang pisngi ni Lizzy na ikinatatawa nito.
"Okay! Tapos na ‘kong maghain. Kain na tayo!" Lumapit na kami sa hapag habang isinasayaw-sayaw ko si Lizzy na ikinatatawa nito.
Masaya kaming nagsalu-salo sa 'king nabiling pritong manok na 'di mo mahahalatang sa kalsada nabili. ‘Di naman namin alintana kung mumurahin lang ang aming ulam basta't nakakakain kami nang maayos. Sana man lang magbago ang aming pamumuhay at umahon kami mula sa hirap.