Chapter 14: Documentary

1300 Words
      *** Sa maliit na opisinang ginagamit ng mga taga-Patrol Unit, naroon si Timothy at kasalukuyang inaaayos ang kaniyang mga gamit. Ngayong araw ay malilipat na siya sa Cybercrime Investigation Unit, na nasa ikatlong palapag ng gusali ng Central Police Station.   Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na mabilis na na-approve ang kaniyang paglipat. Iyon ay dahil sa video na anonymously ay nai-upload sa website ng Geeks Club.   Lahat ng kasamahan niya na nakapanood ng video, sumang-ayon na malaki ang posibilidad na konektado ang pagkawala ng apat na babae, sa kaso ng mga naputulan ng daliri magmula pa noong isang taon.   Bagamat opisyal na ang kaniyang paglipat, may kondisyon naman ang kanilang hepe. Magkakaroon ng Joint Investigation ang Crime Investigation Unit at Cybercrime Investigation para sa naturang kaso.   Kailangan nilang makipagtulungan ng magiging partner niya na si Police Investigator Guadalupe Estrella Francisco. Perpekto raw ang kombinasyon nila dahil dating taga-Missing Persons Team ang babae, habang siya ay dati namang taga-Investigation Bureau.   Subalit, may naririnig siyang ma-attitude daw ang taong 'yon. Hiling niya lang ay sana ay makasundo ito.   Napahinto siya nang may mapansin sa kaniyang drawer. Naalala niyang naroon pala niya naitabi ang case investigation file mula sa kagamitan ng dating partner na si Investigator Trinidad. Kinuha niya iyon para kaniyang mabasa.   Ang mismong kaso ang dahilan kung bakit namatay ang kaniyang dating partner, samantalang siya ay nadaplisan ng bala sa balikat. Bukod pa roon, nakasuhan pa siya ng kapabayaan dahil sa pagpapakamatay raw ng suspek, na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa napapatunayang nagkasala.   Akala niya'y tuluyan nang mababaon sa limot ang kaso, ngunit mukhang nagising na naman ang tunay na pasimuno sa pangyayaring ito.   Bukod sa case file, may nakuha rin siyang notes na isinulat ng dating partner. Mula roon ay nabasa niyang isang kulto ang pinaghihinalaan nitong utak ng krimen.   Napapaisip siya tungkol sa posibilidad ng bagay na 'yon, pero hindi na 'yon tiningnan pa ng mga pulis na pinasahan ng kaso--ang kasong inaakala ng lahat na magiging cold case-- ngunit, dahil sa video na na-upload sa website ng Geeks club, sa wakas ay nagkaroon na rin ng lead.   May isa pa siyang ipinagtataka tungkol sa suspek ng kasong 'yon noon. Napag-alaman kasi niya na noong i-autopsy ang lalaki, may natagpuang latex gloves sa lalamunan nito, kung bakit ay isang malaking palaisipan para sa pulisya.   Positibong, karamihan ng mga naging biktima ng karumal-dumal na krimen ay nanggaling sa Horizon University, na kung hindi man nag-aral ay nakapagtrabaho naman doon. Kataka-taka lamang na matapos nilang mawala ng ilang araw, babalik sila nang hindi namamalayan na nawalan na pala sila ng mga daliri.   Labis na nakakabahala rin ang kakaibang reaksyon ng mga babae sa video, na mistulang wala katinuan. Paano nila naatim na papakin ang sariwang daliri-- na parang hindi nila alam na 'di naman iyon pagkain?   At sino naman kaya ang baliw na kukuha pa ng video na tila isang documentary?   Napalingon siya nang mapansing pumasok ang isa sa member ng Crime Investigation Unit na si Hilario. Tila nasa malayong lugar ang pag-iisip nito at lumapit lamang sa kanya para kunin sa table ang case file, pagkatapos ay walang paalam ding naglakad palabas.   "Saan ka pupunta?" pahabol niya pero hindi siya nito nilingon. "Anong nangyari doon?" baling niya sa police intern nilang si Jacobo na kapapasok lang din sa pinto.   "Ah, dumating po 'yong isa sa mga magulang ng apat na babae sa video na nagpapapak ng daliri para magbigay ng statement," sagot nitong napaturo sa labas.   Kaagad na siyang naglakad para sumunod kay Hilario.   Sa isang silid na may bintanang salamin, natanaw niya si Hilario at ang isang ginang na ngayon ay luhaan. Nakaupo ito sa tapat ng mesa kaharap ang kasamahan.   Nang pumasok siya ay walang lumingon sa kanya dahil mukhang masinsinan ang pinag-uusapan ng mga ito. Sumimple lang siyang tumabi kay Hilario na ngayon ay nakikinig nang maigi sa ginang na kasaluluyang nagpapaliwanag.   "Hindi ko alam na magkakasama sila ng mga dating kaibigan niya. Ang alam ko lang, nagpadala siya sa amin ng text message na magbabakasyon muna siya, pero hindi niya sinabi kung saan," paliwanag ng babaeng nasa higit singkuwenta pero mapustura pa rin ang ayos at pananamit.   "Ilang araw mula nang gabing 'yon, nagpadala siya ng mensahe na sa isang hotel sa probinsya muna siya magtatrabaho. Hinayaan ko na lang siya kasi mukhang masaya naman siya sa mga ipino-post niyang pictures sa social media."   "Hanggang sa naging madalang na ang pag-message niya sa akin. At ito, narinig ko sa bunso kong anak ang tungkol sa video na nakita raw niya ang ate niyang--" napahinto na lamang ito sa pagpapaliwanag at patuloy na humagulgol ng iyak.   Saglit nila itong hinayaang lumuha. Inabutan naman ito ng maiinom ni Hilario na matapos siyang tanguan, hinayaan na siya na sunod na magtanong sa ginang.   "Kailan ho kayo huling nakatanggap ng mensahe mula sa kanya?" usisa ni Tim sa malumanay na pananalita.   "Noong isang linggo lang," sagot ng babae saka nito pinunasan ang luha gamit ang tissue.   "P'wede niyo ho bang ipakita sa amin ang email na 'yon?"   "Sandali lang," sagot nitong kinuha ang phone sa bag at kaagad may hinanap doon. Medyo natagalan ito sa pagpindot at base sa mga mata nito na pabago-bago ng laki, tila nalilito ito kung nasaan ba ang hinahanap.   "Nakakapagtaka?" wika nito habang makailang-ulit pa ring pumipindot sa phone. "Nandito lang 'yon, eh? Paanong... wala na 'yong mga mensahe ni Angelica rito?"   Kaagad na lumapit si Timothy sa kinauupuan ng ginang para tingnan ang phone nito. "Ako na ho," wika niya at agad naman 'yong ibinigay ng ginang.   Tinignan niya ang list ng messages, maging ang spam box at ibang folder, pero wala siyang makitang email na mula sa anak nitong nagngangalang Angelica.   Napatingin siya sa ginang, maging kay Hilario kasunod ng kaniyang pag-iling. Paanong bigla na lamang mawawala ang mga mensaheng nanggaling daw mismo sa anak nito?   Muli na naman itong humagulgol at nagmakaawa sa kanila, "Tulungan n'yo ako, tulungan niyong mahanap ang panganay ko! Parang awa n'yo na ho?" iyak nito sa kanila.   "Huminahon ho kayo," wika ni Hilario, "Hindi ho makakatulong na umiyak kayo. Kailangan po ninyong magpakatatag."   Ibinalik niya ang phone sa ginang saka siya muling naupo sa tabi ni Hilario. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng mesa at ipinagdaop ito, saka muling nagtanong sa ginang, "Sa palagay n'yo po ba, bakit ginusto ng anak ninyong magtrabaho sa probinsiya? Ayon sa file niya, maganda ang posisyon niya sa isang five star hotel dito sa Central, ah?"   "Hindi ko rin alam, eh." Umiling ito habang nakatingin sa ibaba. "Hindi naman kasi kami gaanong nakakapag-usap tungkol sa mga personal na bagay. Medyo malaki ang naging pagbabago niya mula noong bago siya grumadweyt ng highschool."   "Paano hong nagbago siya?" usisa niya.   "Sobrang malapit kami sa isa't isa noon. Sinasabi niya sa akin ang lahat. Masayahin at pala-barkada rin ang anak ko. Pero, ilang buwan bago ang graduation nila, bigla na lang siyang napirmi sa bahay at lagi lang nasa kwarto niya," salaysay nito.   "Ang sabi niya, kailangan niyang mag-aral para makapasa. At nakikita ko namang nag-aaral nga siya. Pero, ang labis kong ipinagtataka ay 'yong malaking pagbabago noon ng ugali niya. Hindi na rin siya pala-imik sa amin at palaging bahay-eskwela na lang ang pinupuntahan niya, kahit Sabado at Linggo. Noong mag-kolehiyo siya at magka-trabaho ay hindi na nabago 'yon."   Nagkatinginan sila ni Hilario saka ito naman ang nagtanong, "Nakausap n'yo ho ba 'yong ibang magulang ng mga kaibigan ng anak ninyo?"   "Wala na akong kontak sa kanila. Matagal na kasi kaming lumipat ng bahay. Si Arriane ko lang ang nagsabi na kasama ng ate niya sa video ang mga kaibigan nito noong highschool," sagot nito, "Ah, sa Friendsbook ng anak ko, baka mga friends niya pa 'yon doon. Ibibigay ko sa inyo ang mga pangalan nila."      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD