PANGITI at pasipol-sipol na pumasok si Arman sa kan’yang opisina. At nang pag-upo niya sa kan’yang silya ay sinabayan pa niya ito ng isang kanta. Dahil sa inasal ni Arman ay palihim siyang pinagsi-chismisan ng kan’yang mga empleyado.
“Totoo siguro ‘yong mga bali-balita sa ibang departamento na bakla si Mr. President,” wika ng isang empleyado ni Arman.
"Oo nga, eh! Sayang ang guguwapo pa naman ng dalawang 'yan! Lalong-lalo na si Mr. President!" tugon naman ng isa pang empleyado.
“Hoy! Nag-chi-chismisan nanaman kayo, no?!” mahinang boses a sambit ni Mirasol.
Si Mirasol Noyala ay ang secretary ni Arman at Junior Relation Employee ni Ms. Mildred, o mas kilala bilang si ‘Miss Sol’.
Unang araw pa lang ni Miss Sol bilang Secretary ni Arman ay mayroon na itong lihim na pagtingin kay Arman.
“Naku, hindi po, Miss Sol!” sagot ng isang empleyado.
Pagtalikod ni Mirasol ay sa kan’ya naman nabaling ang kanilang mga topic.
“Huwag ninyong iparinig kay Ms. Sol kapag pinag-uusapan ninyo sina Sir Arman at Mr. President, malalagot talaga kayo sa Sol na ‘yon! Patay na patay ‘yan sa Boss niyang si Sir Arman.” bulong ng isang empleyado.
Habang inisa-isang sinusuri ni Arthur ang mga reports ng bawat departamento ng kaniyang kompanya ay bigla niyang naisipan ang napag-isa niyang lola sa kanilang mansion, kaya agad niya itong tinawagan.
“Señora? Nasaan ka ba, bakit ang ingay-ingay ng paligid mo?”
“Nandito ako sa palengke, apo. Bakit?”
“Nasa palengke ka? Gusto mo ba na puntahan kita riyan?” nag-aalalang bigkas ni Arthur sa kaniyang lola na nasa kabilang linya.
~At Wet Market~
Habang patuloy sa pamamalengke si Señora Guada ay biglang hinablot ng isang binatilyo ang hawak-hawak niyang maliit na shoulder bag.
“Magnanakaw! Magnanakaw!” malakas na sigaw ng matanda.
Habang patuloy sa pagsisisigaw si Señora Guada ay siya namang pagdating ng mga romurondang tanod sa loob ng palengke. Agad namang naabutan ng mga tanod ang binatilyong humablot sa kaniyang bag.
“Ma’am, kailangan niyo pong e-blotter ang lalaking ito para maibsan na rin po ang mga kumakalat na mga magnanakaw rito sa lugar natin,” humihingal na sambit ng isang tanod.
“Maraming salamat sa inyong maagang pagresponde, ha? Pero, maaari ko bang makausap muna itong bata?” mahinahong wika ni Señora Guada sa mga tanod.
Agad namang sumang-ayon ang mga tanod sa sinasabi ng señora
“Ano ang pangalan mo, boy? Wala ako sa lugar para pagbintangan ka na isang magnanakaw dahil hindi ko alam kung ano ang pinagdaanan mo,” makabuluhang saad ng matanda.
"Pero paano na lang kung ibang tao ang inagawan mo ng bag? Eh ‘di, tiyak na sa kulungan ang bagsak mo?" patuloy sa wika nito sa binatilyo.
Habang kinakausap ni Señora Guada ang binatilyo ay agaw pansin sa kan’ya ang isang pamilyar na boses ng babae na sumisigaw at tila ay mayro'ng taong hinahanap.
“Fino! Fino! Nasaan ka ba! Huwag mo akong pagtataguan, Fino!” sambit ng isang pamilyar na boses ng babae.
“Teka, pamilyar ang boses na iyon, ah!” biglang tugon ng Señora.
At nang paglingon ng Señora sa bandang kaliwa niya ay tanaw niya ang mukha ni Luna. Dahil sa labis na tuwa ng matanda ay agad na niyang pinaalis ang binatilyo at agad niya itong inabutan ng Sampung Libong Pesos na pera.
“Ito boy, oh. Tanggapin mo ang perang ito at umuwi ka na sa bahay ninyo, maliwanag?” Ngumiti si Señora Guada matapos inabot ang pera.
Matapos tinanggap ng binatilyo ang pera ay agad siyang kumaripas nang takbo papalayo kay Señora Guada.
“Luna!” sigaw ng matanda, sabay yakap kay Luna.
Dahil hindi nakita ni Luna ang mukha ng babaeng yumakap sa kan’ya ay bigla siyang tumiwalag mula sa pagkayakap nito sa kan’ya.
“Sandali lang po, sino po ba ka---“ putol na sambit ni Luna.
At nang magkaharap na ang dalawa, laking gulat ni Luna nang masilayan ang mukha ni Señora Guada.
“Señora! Kayo nga! Bakit kayo nandito?” masiglang wika ni Luna.
“Mabuti at nakita kita, Luna! Sabayan mo naman akong mamalengke, oh! Sa katunayan niyan, wala talaga akong alam sa pamamalengke,” kunwari malungkot na boses ng Señora.
Walang nagawa si Luna kung ‘di ang pagbigyan ang hinihiling ng matanda.
Matapos nilang namalengke ay agad nang hinatid ni Luna si Señora Guada sa nakaparadang kotse nito.
“Paano po, señora. Hanggang sa muli po nating pagkikita,” nakangiting wika ni Luna.
“Anong paano? At ‘anong hanggang sa muli’ ang pinagsasabi mo, ha? Pumasok ka sa loob ng kotse at ihatid mo ako sa bahay ko” wika ng matanda sabay pasok sa loob ng kaniyang kotse.
“O, ano pang itinatayo-tayo mo riyan? Batang ito! Pumasok ka na at meron tayong pag-uusapan sa bahay,” pagpapatuloy ni senora habang hinihila si Luna papasok ng kaniyang kotse.
At nang marating na nila ang mansion ng Del Rio, laking gulat ni Luna nang makita ang kabuon nito.
“Sandali lang po, Señora Guada!” nag-aalalang wika ni Luna.
“Pasensiya na po kayo, ha? Pero kailangan ko na po ang umuwi, hahanapin ko pa kasi ang kapatid ko, eh,” wika ni Luna na may halong pangamba.
“Luna!” sambit ng matanda.
“Kaya kita dinala rito dahil gusto kitang kuning cook dito sa mansion. Huwag kang mag-alala, dalawa lang naman kami ng apo ko ang ipagluluto mo, eh,” paliwanag ng matanda.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang katawan ni Luna nang marinig niya ang sinabi ng señora tungkol sa apo nito. Ang pilit na kinalimutang bangungot ni Luna sa kaniyang nakaraan ay muli nanamang nahalungkat nang mapagpaimbabaw na kapalaran.
“Pasensiya na po kayo, Señora Guada. Hindi ko po matatanggap ang inaalok ninyo,” nakayukong wika ni Luna.
Aalis na sana si Luna ng biglang---
“Fifty Thousand Pesos!” pasigaw na bigkas ng matanda sa nakatalikod na si Luna.
“Fifty Thousand Pesos bawat buwan ang suweldong ibibigay ko sa ‘yo. Nagmamakaawa ako sa ‘yo Luna, tanggapin mo na ang inaalok ko sa ‘yo, oh. Ikaw lang ang puwede kong mapagkatiwalaan,” hikbing wika ng matanda.
Laking gulat ni Luna nang makita ang umiiyak na si Señora Guada, habang pinupunasan nito ang mga luhang namumuo sa kaniyang mga mata.
Kaya agad nang lumapit si Luna sa matanda.
“Señora naman, eh! Bakit ba kayo umiiyak?” wika ni Luna, sabay haplos sa mukha ng matanda.
“Tinatanggap mo na ba ang alok ko sa ‘yo apo, ha?” mahinang boses na bigkas niya.
“May magagawa pa ba ako? Umiiyak ka na, eh!” nakangiting wika ni Luna.
“Pero may hihilingin lang sana ako sa inyo, señora. Maaari po ba na huwag n’yo na lang ipaalam sa apo ninyo na ako ang magiging cook ninyo? Kahit bawasan niyo na lang po ang suweldong ibibigay ninyo sa akin,” pilit na mga ngiting saad ni Luna.
“Kung iyan ang gusto mo, apo! At huwag kang mag-alala kung ano ang ini-offer kong suweldo, iyon pa rin ang matatanggap mo, maliwanag?” masiglang sambit ng matanda.
Masayang pinagmamasdan ni Señora Guada si Luna habang nililinis nito ang kaniyang mga pinamiling mga frozen products at mga gulay sa palengke.
“Señora! Bago po ako uuwi, ipagluluto ko na lang kayo ng inyong ulam, total mag a-alas kuwatro na rin naman,” wika ni Luna habang hinihiwa ang karne ng manok.
“Alam mo ba ang suwerte ng mga magulang mo sa ‘yo,” wika ng matanda.
Biglang nalungkot ang mukha ni Luna nang marinig ang sinabi ng matanda.
“Ulila na po kami sa magulang,” maiksing tugon ni Luna.
“I’m sorry, Luna. Hindi ko sinasadya,” tugon ng matanda.
“Ayos lang po ‘yon, señora,” buntong-hinga na wika ni Luna.
Ikinuwento ni Luna sa matanda ang tungkol sa kaniyang mga kapatid at sa bago nilang tinitirhan sa Lungsod ng Del Rio. Maliban lamang ang tungkol sa kanilang ina at ang dahilan sa kanilang biglaang paglipat sa siyudad.
Alas sais na ng gabi nang matapos ni Luna ang kaniyang nilulutong mga ulam para sa mag-lolang Guada at Arthur. Aalis na sana si Luna ng bigla nanaman siyang tinawag ng matanda.
“Luna! Bago ka umalis dalhin mo na ang mga ito, oh!” aniya sabay abot ng mga ulam na nakalagay sa plastic ware.
“Total marami naman itong ulam na niluto natin.-- Niluto mo pala!” halakhak na sambit ng matanda.
Alas otso nang gabi nang umuwi si Arthur. Pagpasok niya sa mansion ay laking gulat niya nang makitang masigla at masaya ang kan’yang lola habang nanunuod ng telebisyon.
“Aba! Aba! Mukhang ang saya-saya natin ngayon, ah!” wika ni Arthur sabay halik sa pisngi ng matanda.
“Ahh..! Ang sarap talaga matulog dito.” Paglalambing na bigkas niya. Habang nakasandal ang ulo sa balikat ni Señora Guada.
“Tumayo ka na riyan, nakahanda na ang hapunan! Halika ka na at sabay na tayong kumain,” nakangiting wika ng matanda.
Habang papalapit si Arthur sa mesa ay amoy niya ang mababangong ulam.
“Wow! Mukhang masarap ang ulam natin ngayon, ah!” masiglang wika niya.
“Syempre naman! Lutong mansion ito, eh!” pangiting bigkas ng matanda.
“Wow Lola! Sigurado po ba kayo na ikaw ang nagluto ng lahat ng mga ito?”
“Hindi ba’t sinabi ko sa ‘yo na ako na ang bahalang maghanap nang cook natin?” aniya sa apo.
“Ibig sabihin meron na kayong makakasama rito kapag wala ako sa mansion?” masiglang wika ni Arthur.
“Parang ganoon na nga, pero stay-out kasi siya, kaya tuwing umaga lang siya nandito sa mansion,” paliwanag ng matanda.
“Bakit? Ayaw ba niyang tumira dito? Pero ayos na rin iyon, at least may makakasama ka na rin tuwing umaga. At saka masarap magluto ang bagong cook mo, ha! Mukhang tataba ako sa kaniya!” halakhak na sambit ni Arthur.
Tuwang-tuwa si Señora Guada nang makitang muli ang pinakamamahal na apo na tumatawa. Sa mahigit limang taon niyang pagsubaybay sa kaniyang apo, ngayon lang ulit niya ito nakitang tumawa nang malakas.