Chapter 2: Start

1623 Words
Nandito na ako ngayon sa harap ng napakalaking mansyon ng mga Imperial. Napahigpit ang kapit ko sa hawakan ng lumang bag na dala ko habang nakatingala sa mataas na gate na yari sa bakal. Kahit ilang beses ko nang nakita ang bahay na ito sa litrato noong iniinterbyu ako ni Ma’am Jenny, hindi pa rin ako makapaniwala na makakapasok ako rito bilang empleyado. Maaga akong dumating dahil ayokong ma-late sa unang araw ko pa lamang. Alam kong napakahalaga ng trabahong ito para sa akin. Hindi lang ito simpleng trabaho. Ito ang pag-asa ko para matulungan ang kapatid kong si Jeremy. Napabuntong-hininga ako. Naalala ko na naman ang huli naming pag-uusap bago ako umalis ng bahay. “Ingatan mo sarili mo, Ate,” mahinang sabi niya habang nakahiga sa kama. Pinilit niyang ngumiti kahit halatang nanghihina siya. “Basta magpagaling ka lang. Ako na ang bahala sa lahat,” sagot ko noon kahit hindi ako sigurado kung paano ko gagawin iyon. Pero kailangan kong maging matatag. Para sa kanya. Huminga ako nang malalim bago tuluyang pumasok sa loob ng gate. Pagkapasok ko ay agad akong sinalubong ng isang babaeng may edad na. Nakasuot siya ng maayos na uniporme ng kasambahay at may mabait na ngiti sa labi. “Ikaw si Lisandra?” tanong niya. “Magandang umaga po. Opo, ako po si Lisandra,” magalang kong sagot. “Magandang umaga rin. Halika na at ipapakita ko sa’yo ang mga dapat mong gawin dito.” Tahimik akong sumunod sa kanya habang naglalakad kami sa malawak na bakuran. Kahit ang hardin pa lamang ay mas malaki na kaysa sa buong lupang kinatitirikan ng bahay namin. May mga rosas, orchids, at kung anu-anong mamahaling halaman na hindi ko man lamang alam ang pangalan. Pagpasok namin sa loob ng mansyon ay para akong napako sa kinatatayuan ko. Napakalaki ng chandelier na nakasabit sa gitna ng kisame. Kumikinang ang marmol na sahig at halos makita ko ang sarili kong repleksyon dito. Pakiramdam ko ay nasa ibang mundo ako! “Halika na, Ineng,” tawag ng babae. “Ah, opo.” Dinala niya ako sa kusina. Napakalawak din nito at kumpleto sa mamahaling kagamitan. “Ito muna ang isuot mo,” sabi niya habang inaabot sa akin ang isang uniporme. “Salamat po.” Agad akong nagtungo sa banyo upang magpalit. Pagkatapos kong isuot ang uniporme ay humarap ako sa salamin. Napakunot ang noo ko. Medyo maiksi ang palda kumpara sa mga damit na nakasanayan kong isuot. May kasama pa itong pares ng mataas na heels. Hindi naman ako sanay magsuot ng ganito. Mukha tuloy akong ibang tao. Bahagya kong inayos ang buhok ko bago lumabas ng banyo. “O-okay po ba?” nahihiya kong tanong. Napangiti siya. “Bagay na bagay sa’yo, Ineng.” Bahagya akong ngumiti. “Ako nga pala si Nancy. Pero bahala ka na kung ano ang itatawag mo sa akin.” “Manang Nancy na lang po.” Tumawa siya. “Pwede na rin.” Mula noon ay nagsimula niya akong ilibot sa buong mansyon. Habang naglalakad kami ay hindi ko maiwasang mamangha. Napakaraming silid. May sariling library. May mini theater. May indoor gym. May music room pa. Pakiramdam ko ay para akong naglilibot sa isang mamahaling hotel. “Dito ang guest rooms.” Tumango ako. “Dito naman ang opisina ni Sir Fernando.” Muli akong tumango. Habang tumatagal ay lalo akong nalilito kung paano ko matatandaan ang lahat ng lugar. Pagdating namin sa ikalawang palapag ay biglang huminto si Manang Nancy. Napansin kong nawala ang ngiti sa kanyang mukha. Nakatayo kami ngayon sa harap ng isang malaking itim na pinto. Kakaiba ito sa lahat ng pintong nadaanan namin. Mas mabigat tingnan. “Wag kang pupunta rito,” babala niya. Napatingin ako sa pinto. “Bakit po?” hindi ko mapigilang magtanong. “Kwarto iyan ng anak ni Ma’am Jenny.” “Si Christopher po?” tumango siya. “Madalas mainit ang ulo noon. Kapag may kailangan siya, siya ang lalapit. Huwag mo siyang guguluhin.” Tumango ako. “Sige po.” Hindi ko na ipinilit pang magtanong. Pero hindi ko maiwasang mapaisip. Ano kayang klaseng tao ang anak ng mga Imperial? Nagpatuloy kami sa paglilibot hanggang sa matapos niya akong turuan sa lahat ng gawain ko. Pagkatapos noon ay nagsimula na akong maglinis. Napakalawak ng sala kaya agad kong kinuha ang vacuum cleaner. Habang naglilinis ay pilit kong inaalala ang bawat bilin ni Manang Nancy. Ayokong magkamali. Ayokong mawalan ng trabaho. Ilang sandali pa ay muli siyang lumapit. “Ineng, maiiwan muna kita rito.” Napalingon ako. “Mamamalengke kami ni Nestor. Naka-off kasi ang dalawa nating kasama.” Paalam sa akin ni Manang Nancy. “Sige po.” Sagot ko. “Bahala ka muna rito.” Ngumiti siya bago tuluyang umalis. Nang magsara ang pinto ay biglang nanahimik ang buong mansyon. Nakakapanibago ang katahimikan. Pakiramdam ko ay ako lang ang tao sa napakalaking bahay. Naririnig ko lamang ang mahinang ugong ng air conditioner at ang tunog ng vacuum. Habang naglilinis ay napansin ko ang isang malaking family portrait na nakasabit sa dingding. Lumapit ako rito. Napakaganda ng kuha. Mukhang perpektong pamilya. Sa ibaba ng larawan ay nakasulat ang kanilang mga pangalan. Fernando Imperial. Jenny Imperial. Christopher Dark Imperial. Althea Britney Imperial. Apat pala silang miyembro ng pamilya. Naalala ko ang sinabi ni Manang Nancy na nasa ibang bansa ang anak nilang babae para mag-aral. Talagang ibang klase ang buhay ng mga mayayaman. Samantalang kami noon ay hirap na hirap makapagbayad ng matrikula. Bigla akong nalungkot. Naalala ko sina Mama at Papa. Kung buhay pa sana sila, baka hindi ganito kahirap ang lahat. Napapikit ako sandali. Ngunit agad kong itinaboy ang mga alaala. Hindi ito ang oras para malungkot. Kailangan kong magtrabaho. Bigla akong natigilan nang makarinig ng malalim na boses. “Hoy.” Napalingon ako. Nanlaki ang mga mata ko. May lalaking nakatayo sa ikalawang palapag. Matangkad, maputi at malapad ang balikat. At napakagwapo. Parang artista. Ngunit higit sa lahat, may kakaiba sa kanyang aura. Parang mapanganib. At nakakatakot lapitan. Dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan habang nakatingin sa akin. Para bang wala siyang ibang nakikita kundi ako. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa kaba o sa paraan ng pagtitig niya. Paglapit niya ay lalo kong napansin ang matalim niyang mga mata. “Ikaw ang bagong katulong?” tumango agad ako. “O-opo, Sir.” Mula ulo hanggang paa ay tila sinusuri niya ako. Parang produkto sa tindahan. Hindi ako komportable at hindi ko alam kung bakit. Bahagya akong napaatras. Ngunit parang napansin niya iyon. Mas lalo lamang siyang lumapit. “Anong pangalan mo?” seryoso niyang tanong. “Lisandra po.” Ilang segundo siyang natahimik. Pagkatapos ay bahagyang ngumiti. “Lisandra.” Parang sinadya niyang ulit-ulitin ang pangalan ko. “Magandang pangalan.” Hindi ko alam ang sasabihin. Tumango na lamang ako. “Sir, may ginagawa pa po akong trabaho.” Tumingin siya sa paligid. Pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa akin. “Walang ibang tao rito.” Bigla akong nailang. May kakaibang tensyon sa pagitan namin. Hindi ko maipaliwanag. Pakiramdam ko ay may gusto siyang sabihin pero pinipigilan niya. Ilang sandali siyang nanahimik. Pagkatapos ay naglakad palapit sa mesa sa gilid. May kinuha siyang puting sobre. Pagbalik niya ay iniabot niya iyon sa akin. Naguguluhan ko iyong tinanggap. “Sir?” kabado kong tanong. “Buksan mo.” Dahan-dahan kong binuksan ang sobre. At halos mabitawan ko iyon sa gulat. Pera! Makapal na pera. Napakaraming pera. Nanlaki ang mga mata ko. “Ano po ito?” tanong ko. “Tatlumpung libo.”Napahawak ako sa dibdib ko. “Sa’yo na.” Napatingin ako sa kanya. Hindi ako makapaniwala. Tatlongpung libo. Halos katumbas na iyon ng ilang buwang sahod ng karaniwang empleyado. “Bakit po?” tanong ko pero ngumiti siya. “Huwag ka nang magtanong.” Lalo akong naguluhan. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o matatakot. Napatingin ako muli sa pera. At agad na pumasok sa isip ko si Jeremy. Ang mga gamot niya at ang laboratory tests. Ang check-up at ang mga utang namin. Napakaraming problema ang maaaring masolusyunan ng perang ito. Ngunit kasabay noon ay may kung anong babala sa loob ko. Parang may nagsasabing may mali. Napansin niyang tahimik ako. “Huwag kang mag-alala.” Pagkatapos ay tumalikod siya. Akala ko ay aalis na siya. Ngunit huminto siya sandali. Hindi siya lumingon. “Walang dapat makaalam tungkol dito.” Pagkasabi niya noon ay tuluyan siyang umakyat sa hagdan. Naiwan akong mag-isa. Mahigpit kong hawak ang sobre. Pakiramdam ko ay bumigat bigla ang hangin sa paligid. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Bakit niya ako bibigyan ng ganoong kalaking halaga? Ano ang kapalit nito? Walang taong basta nagbibigay ng pera nang walang dahilan. Lalo na ang isang taong ngayon ko lang nakilala. Napaupo ako sa sofa. Tinitigan ko ang laman ng sobre. Para bang anumang sandali ay mawawala ito. Ngunit totoo ito. Totoong pera. At totoong nasa kamay ko. Naramdaman kong mangilid ang luha sa mga mata ko. Hindi dahil masaya ako. Kundi dahil sa sobrang pagkalito. Alam kong mali. Ramdam kong may hindi tama. Pero naalala ko si Jeremy. Naalala ko ang mga gabing umiiyak siya sa sakit. Naalala ko ang mga pagkakataong wala kaming pambili ng gamot. Naalala ko ang mga utang na patuloy na lumalaki. Mahigpit kong ipinikit ang mga mata ko. “Kailangan ko ito,” mahina kong bulong sa sarili. Kahit hindi ko alam kung ano ang hinihingi kapalit. Kahit hindi ko alam kung ano ang kapalit ng pagtanggap ko sa perang ito. Sa puntong iyon, isang bagay lamang ang malinaw sa akin. Handa akong gawin ang lahat. Lahat. Para mailigtas ang kapatid ko. Kahit pa ang kapalit nito ay ang sarili kong kapayapaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD