KINABAHAN si Genna nang mamatay ang mga ilaw sa hall ng Enix Hotel. Paboritong laro talaga ni Primo ang "Soul Mates In The Dark." Pagkabukas ng mga ilaw mamaya, kailangang magsayaw sa last dance ang mga naging magkakapares sa dilim. Marami na rin sa mga ka-village nila ang nagkatuluyan dahil doon.
Noon, si Melvin parati ang nakakahanap sa kanya para daw hindi siya mapunta sa kung sino. Dahil alam nitong hindi siya komportable sa ibang tao, lalo na sa mga potensiyal na magiging kapareha dahil wala pa siyang interes doon. Ang hindi alam ni Melvin, wala siyang interes sa ibang lalaki dahil ito ang gusto niya.
Seigo's face flashed in her mind. At iyon ang lalong nagpakaba sa kanya.
Hindi naman siguro niya 'ko hahanapin. 'Wag sana.
"Genna."
She froze. It was Seigo's voice! Kung puwede lang kumaripas ng takbo, ginawa na niya. Pero nanginginig ang kanyang mga tuhod at pakiramdam niya, hindi siya makahinga.
And then a warm hand held hers.
"My labs."
Relief flooded her system when she heard that familiar voice. Melvin! Nang hilahin siya ng binata at ipulupot ang mga braso sa kanyang baywang, tuluyan na siyang nakahinga nang maluwag. Nahampas tuloy niya ito sa dibdib. "Sira-ulo ka! Bakit ngayon ka lang dumating?"
"I'm sorry," he whispered gently. "Were you scared?"
Tumango siya. "Konti. Pero alam ko pa ring darating ka."
He chuckled. "'Looks like I spoiled you, huh?"
Nag-angat ng tingin si Genna. Nasanay naman na ang kanyang mga mata kaya medyo naaaninag na niya ang mukha ni Melvin. He was staring at her. "Is that a bad thing?"
"No. I like spoiling you."
Tuluyan nang natunaw ang kanyang puso. She felt like everything fell into its rightful place at the perfect time. Her heart was beating fast, he was holding her close to his body, and she just fell in love with him again. "I love you, Melvin," halos pabulong na pagtatapat niya.
Bago pa makasagot ang binata ay bumukas na ang mga ilaw. Subalit ang kanyang tingin ay nanatili lang nakapako sa mukha ni Melvin dahil gusto niyang makita ang reaksiyon nito. He was smiling. Ganoon din ang singkit na mga mata. At ang ngiting iyon ang nagbigay ng pag-asa sa kanyang puso na positibo ang maririnig niya mula sa binata.
"Ano ka ba, Genna? You know I love you, too. Ikaw nga si 'my labs,' 'di ba?"
Tumabingi ang kanyang ngiti. Hindi sineryoso ni Melvin ang "I love you" niya at lalong walang ka-roma-romansa ang "I love you, too" nito. She was "friendzoned." Again.
***
KopeeBook
"GENNA! Look at what I got you!" Masayang ipinakita ni Melvin ang ipinagawa niyang kuwintas na tinawag niyang "Golden Flower Necklace."
Mula sa kape na tinititigan lang kanina ni Genna ay umangat ang tingin nito. Pagkatapos ay dumako iyon sa hawak niyang kuwintas. "Oh," walang-buhay na komento ng dalaga.
Bahagyang kumunot ang kanyang noo pero pinanatili pa rin niya ang ngiti. "Maganda, 'di ba? Isuot mo na."
Tumango lang si Genna. Pagkatapos ay walang-imik na kinuha ang kuwintas at isinuot. "Maganda siya. Salamat," she said dully.
Hindi na napigilan ni Melvin ang sarili. Naihampas niya ang mga kamay sa mesa. "What's happening to you, my labs? Galit ka ba sa 'kin? May nagawa ba 'kong mali?"
Nanatili itong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay umiling at bumuntong-hininga.
Napasinghap si Melvin. Pagkatapos ay nilingon niya ang kanyang mga kaibigan. Seryosong-seryoso sina Primo, Alaude, Sley, at Stein habang naglalaro ng baraha. "Unggoy-ungguyan" ang nilalaro ng apat. "Hey, Genna is ignoring me!"
"Baka may-kagaguhan ka na namang sinabi kaya nagalit siya sa 'yo," iiling-iling na sabi ni Alaude.
"Wala kaya!" kaila ni Melvin. "So I don't understand why she's acting like a zombie!"
"Oh. Maybe a broken heart 'zombified' her," parang nanunuksong sabi ni Primo habang titig na titig sa mga baraha.
"'Zombified' isn't a word," angil ni Melvin.
"In Luna Ville, it is because I said so. I'm the lord here. Puwede akong mag-imbento ng mga salitang gusto ko. Kung gusto mo, pagagawan ko pa ng papeles 'yon kay Pearl ko."
Umiling-iling na lang si Melvin. "Broken heart? Who broke her heart?" Napasinghap siya nang dumaan sa kanyang isip ang imahen ni Seigo. Mabilis niyang binalingan si Genna. "My labs, ano'ng ginawa sa 'yo ni Seigo? May sinabi ba siyang kung ano sa 'yo?"
Hindi pa rin sumagot ang dalaga.
Pumasok siya sa loob ng counter at pumuwesto sa likuran ni Genna. Pagkatapos ay minasahe niya ang mga balikat nito. "Gen, talk to me. Alam mo namang hindi ko natitiis kapag hindi mo 'ko pinapansin."
"Bakit?"
"Ha?"
"Bakit hindi mo kaya na hindi kita pinapansin?"
Natigilan si Melvin sa pagmamasahe. Hindi niya alam kung bakit, pero parang napakabigat ng katumbas ng tanong na iyon. Nang lingunin niya ang mga kaibigan para humingi ng saklolo, napansin niyang natigilan din ang apat na lalaki at nakatingin sa kanilang direksiyon.
Tumayo si Genna at hinarap siya. May kakaibang emosyon sa mga mata ng dalaga na hindi niya mapangalanan, subalit alam niyang negatibo iyon. "Bakit, Melvin? Paano mo nasasabing hindi mo kayang mabuhay nang wala ako kung hindi mo naman magawang tingnan nang tama ang nararamdaman ko para sa 'yo? It's unfair... it's really unfair."
Naguluhan siya. Lalo siyang nataranta nang makita ang kalungkutan sa mga mata ni Genna. He wanted to hug her to assure her everything would be all right. Pero may pakiramdam siyang hindi niya iyon puwedeng gawin ngayon kaya pinigilan niya ang sarili. "Genna?"
"Parati mong sinasabing hindi mo kayang mabuhay nang wala ako, pero bakit hindi ko magawang makapasok sa puso mo, Melvin? Alam mo kung ano'ng totoo? Ako 'yong hindi kayang mabuhay nang wala ka. It's unfair that I'm in love with you, while you only love to be with me," punong-puno ng emosyong sabi ng dalaga.
Natigilan siya. Ngayon ay napangalanan na niya ang emosyon sa mga mata ni Genna—mahal siya nito. She was in love with him. At ipinagtapat pa iyon ni Genna sa harap ng mga ka-village nila. Hindi niya alam kung paano tutugon dahil masyado siyang nagulat.
Nag-iwas siya ng tingin dahil hindi niya kinaya ang bigat ng emosyong naglalaro sa mga mata ni Genna. Nang dumako ang tingin niya sa mga kaibigan, nakita niyang nagulat din sina Primo, Sley, Stein, at Alaude. Nabitawan pa nga ang mga hawak na baraha.
"Siguro, dapat na tayong masanay sa buhay na hindi kasama ang isa't isa," mariing sabi ni Genna.
Noon muling hinarap ni Melvin ang dalaga. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Let's end our friendship. Hindi ko na kayang maging kaibigan mo ngayong alam mo na ang tunay kong nararamdaman." Pagkasabi niyon ay tuloy-tuloy na itong lumabas ng KopeeBook.
Gusto niyang sundan si Genna at magpaliwanag, pero masyado siyang nabigla para makakilos at makapag-isip ng sasabihin. How should he react anyway? Sa huli ay parang robot na nagtungo na lang siya sa mesa ng mga kaibigan at umupo roon.
"Pakibatukan nga ako—" Hindi na naituloy ni Melvin ang sinasabi dahil sabay-sabay siyang pinagbabatukan ng apat niyang kaibigan. Naramdaman din niya ang pagbato sa kanya ng mga nilamukos na tissue ng mga ka-village niya. "Aray! Ang sasama talaga ng ugali n'yo!"
"How come you didn't tell us Genna's in love with you?" galit na tanong ni Primo.
"Hindi ko rin alam!" depensa niya. "I'm just as shocked as you are."
"It's because you have been taking her for granted."
Sabay-sabay silang napalingon sa nagsalita—si Charly, kasama si Crey. Tumayo ang dalawa sa harap niya at sabay pang humalukipkip.
"Masyado kang naging kampante na hindi mawawala si Genna sa 'yo dahil lang sa magkaibigan kayo. Nakalimutan mong isaalang-alang ang nararamdaman niya. Oo nga't hindi mo kasalanan na minahal ka niya, pero hindi mo rin siya masisisi dahil sa pagiging sweet at attached mo sa kanya. Parang pinagbawalan mo na siyang magmahal ng iba tuwing sasabihin mong hindi mo kayang mabuhay nang wala siya. And that's very selfish," mahabang sermon ni Charly.
Sunod-sunod na pana ang parang tumama sa puso ni Melvin kaya hindi na siya nakasagot.
"Ang tanong: ano ba talaga ang nararamdaman mo para kay Genna?" tanong naman ni Crey.
"I love her..." mabilis na sagot niya.
"But there are different kinds of 'love' in the world, Melvin," katwiran ni Crey.
Natahimik na lang siya. Alam niyang mahal niya si Genna. Pero tama si Crey. Anong klaseng pagmamahal? Bumuga siya ng hangin. "I'll be gone for a few days. I'm going to climb a mountain."