Kabanata 1

565 Words
"Ayusin mo yang tono mo Nathan baka nakakalimutan mo kung sino mga kinakalaban mo" "Baka mag malay ka nakahandusay na iyang duguan mong katawan sa tabing kalye o kaya naman ay lumulutang na lang ang katawan mo sa ilog" "Huwag mo akong subukan Nathan..."  Napahawak na lang ako sa aking ulo habang binabasa ang mga bagong mensahe sa aking email mula sa isang tao na hindi ko kilala. Lumapit sa akin ang aking ka trabaho upang bigyan ako ng kape. "Ayos ka lang ba?" tanong nito sa akin. Ngumiti ako sa kaniya at pasimpleng tumawa. Marahil ay alam na niya ang dahilan ng aking pagtawa. Sumilip siya sa aking computer at binasa ang mga email. "May nagbigay na naman pala sayo ng mga banta. Kailan ba titigil ang mga iyan sa pagbatikos sayo?" Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil sa totoo lang kahit ako ay di maintindihan kung bakit may mga taong magagalit sa akin ng dahil sa mas pinili kong maging tapat at mag serbisyo ng ayos sa aking trabaho. "Wala naman akong magagawa kung gusto nila magalit sakin. Hindi ko naman ikamamatay ang pagbibigay nila ng banta. Limang taon na ako sa trabahong ito at halos lahat naman ng nagbigay sakin ng banta ay hanggang banta lang" banggit ko. "Grabe talaga boss. Wala ka talagang takot sa mga taong katulad nila. Talagang ikaw nga si Nathan Santiago"  Nathan Santiago, isang pangalan ng lalakeng sinasabi nila na maswerte sa buhay. Pero sa kabila ng swerte sa buhay ang naging pundasyon ko ay tiyaga, sipag, at talino upang makamit ang kung anong meron ako ngayon. Lahat ng taon na aking ginugol sa pagsisikap ay nagbunga at naging kilala akong detective at milyonaryo sa Manila. "Boss uwi na siguro ako. Masyado na yata akong over time at tyaka hanap na din siguro ako ng Misis ko" sabi nito habang tinitingnan ang oras sa kaniyang relo. "Naku ma 11:00 pm na pala!" Kumaway siya sa akin bago lumabas ng opisina. Nakakatuwa ang mga katulad niya na nagtatrabaho dito sa aking opisina.   Tumayo ako sa may harap ng aking malaking bintana sa opisina kung saan tanaw ko ang iba't ibang gusali na nagpapagandahan ng ilaw at nagpapalakihan. Nagsimulang umulan at ramdam ko ang biglang paglamig ng hangin. Narinig ko ang dahan-dahan na pagbukas ng pinto sa aking opisina. Hindi ko na ito sinilip dahil marahil ito ay ang aking katrabaho na bumalik para kumuha ng payong. Nanatili ako sa kinatatayuan ko at patuloy na pinagmasdan ang ganda ng tanawin. Ngunit ang nakapagtataka imbis na yapak na palayo upang lumabas ng opisina ang aking marinig ay tila ba ang mga ito ay papalapit sa akin.  "Kamusta Nathan Santiago?" sambit nito.  Dali-dali akong humarap para tingnan kung sino ito ngunit sa aking pagharap ay sinakal ako nito gamit ang makapal na goma na naging dahilan para mahirapan akong huminga. May takip ang kaniyang mukha, nakasuot ng sumbrero at naka jacket. Tanging ang kaniyang mata na may balak pumatay ang aking nakikita. "Masyado ka kasing pakilamero, hindi ka marunong tumahimik! Diba sabi ko sayo bawas-bawasan mo pagiging matapang mo? Paano yan mukhang wala ka yatang kalaban laban sa akin ngayon? " Ang tanging nagagawa ko lamang ay hawakan ang kanyang braso at subukang alisin ang kanyang pagkakasakal sa akin. Nagsisimula na akong kapusin ng hinga at magdilim ang paningin. Ang tanging naririnig ko na lamang ay ang kanyang halakhak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD