“Ba’t ang tagal naman atang manganak ng asawa ko, dalawang oras na ang dumaan ngunit hindi pa rin siya natatapos. Hindi kaya isang mahirap na panganganak ang dinaranas niya ngayon?” usal ng isang lalaking sa labas ng isang pinto habang sa loob nito ay hindi magkamayaw sa pagsigaw ang kanyang asawa na nanganganak.
Aligaga siyang nagpaikot-ikot ng lakad sa labas ng pintuan habang pilit pinipigilan ang sariling basta na lamang pumasok sa loob, dahil kapag ginawa niya iyon ay alam niyang magiging labag ito sa patakaran ng kanilang sekta.
Ilang minuto pa ang dumaan at sa wakas ay may narinig nang iyak ng sanggol na nanggagaling sa loob. Ngunit ang iyak na iyon ay kaagad ding naputol.
****
Makalipas ang labing-anim (16) na taon. . .
“Wala ni isa man ang nag-akalang manganganak ang asawa ng pinuno ng ating sekta ng isang patay na sangol, dahil sa takot na rin ng pinuno ng ating sekta na maging malungkot ang kanyang asawa sa balitang iyon ay kaagad niya nang ipinalibing ang bata sa mismong gabi ng panganganak nito. Pero sinong mag-aakalang sa gitna ng gabing iyon habang tinatabunan na ng lupang ang kabaong ng bata ay isang pag-iyak ang maririnig sa loob nito...
“Nagsitakbuhan ang mga taong naglibing sa bata ngunit may isang naglakas loob na buksan ang kabaong. Sa pagbukas niya ng kabaong ay hindi niya inakala ang tumambad sa kanya.”
Mahabang pagsasalaysay ng isang nakakatandang studyante ng sektang iyon habang ang kanyang mga kamag-aral na disipolo at may mas mababang rango sa kanya ay naka-ikot at masinsinang nakikinig sa kanyang kwento.
Nagkagulo ang lahat at mas lalo pa silang sumiksik palapit sa nagsasalaysay upang marinig ng mabuti ang susunod nitong sasabihin.
Muling nagsalita ang nakatatandang estudyante.
“Nang buksan ng taong ‘yon ang kabaong ng ikalawa nating binibini,” puno ng pagpapanabik ang kanyang boses na lalo pa niyang hininaan sa bawat salita at nagsanhi upang mas lalong ilapit ng mga nakikinig ang kanilang tenga sa kanya. At sa huling salita ay nilakasan niya na ito na nagpatalon sa mga nakikinig.
Humalakhak lang siya dahil sa kanyang ginawang panggugulat.
“Sa tingin niyo ano ang nandon?” pagtatanong niya sa lahat. Walang sumagot kaya nagpatuloy na siya. “Syempre, buhay pa ang ikalawang binibini natin. ‘Yon nga lang wala siyang mga pandama, pandinig, panlasa at lahat na.” At muli na naman siyang humalakhak.
Bakas sa mga mukha ng lahat na hindi sila naniniwala sa sinasabi ng nakatatanda nilang kapwa disipolo.
“Hindi kayo naniniwala sakin, halikayo at ipapakita ko.” Huli niyang bigkas saka siya naglakad paalis sa lugar na iyon habang ang iba naman ay nakasunod lang sa kanya.
Kinuha niya ang isang paputok at ibinigay ito sa isa nilang kasama upang pahawakan at ipalapit sa ikalawang binibini nilang ngayon ay naiidlip sa sangang katawan ng kahoy ng Malabulkak.
Dahan-dahang lumapit dito ang may hawak ng paputok, biglang nagtaas ng hintuturo ang nakatatandang studyante, maya-maya pa’y may kunting apoy na lumitaw sa hintuturo niyang ‘yon.
Itinira niya ito sa paputok ngunit sinalo lamang ito ng ikalawa nilang binibini gamit lamang ang kanyang mga palad.
“O tingnan niyo na, ‘di ba sabi ko sa inyo kanina, ‘di ba? ‘di ba?” usal ng nakatatandang estudyante.
Iwinaksi ng dalaga ang apoy na nasa kanyang kamay papunta roon sa paputok kaya ito ay nagsiputokan at naglikha ng napaka-ingay na tunog. Napatakip pa ng tenga ang lahat pwera na lamang sa kanya.
“2nd Senior, ano na namang pakulo ‘to?” tanong niya sa nakatatanda niya ring kapwa disipolo sa sekta nila.
“Wala.” Tanging nasagot lang ng huli.
“2Nd Senior, palagi mo na lang akong pinagtitripan ng ganito tapos takot naman pala kayo sa paputok,” usal ng dalaga habang nakapameywang pa.
Ngumisi lang ang kausap niya.
“Tama, ikaw lang naman ang hindi takot sa ganyan eh kasi ‘di mo naman naririnig—”
“Hiraya!” sabat na sigaw ng isang panauhin sa likoran nila, tumingin naman sa pinanggalingan ng boses na iyon ang dalaga at saka agad na ngumiti.
“Manawari! Senior Bulan” balik niya ring sigaw sa huli pati sa kasama nito.
Lumapit naman sa kanya ang tinawag niyang Manawari saka sila nagyakapan, ilang saglit pa’y bumaling ito sa kaharap niya saka piningot ang tenga nito.
“Paham! Kahit kailan talaga, hindi mo ba titigilan kapatid ko, ha?” inis na wika ni Manawari sa tinawag ni Hiraya kaninang 2nd senior na ang pangalan pala ay Paham.
Daing lang naman nang daing ang huli dahil sa pagpingot dito ni Manawari.
“Pag ‘di ka pa talaga tumigil sa kabwisitan mo, isusumbong na talaga kita kay ama sige.” Pananakot ni Manawari rito pati na rin sa mga kasamahan nito. Mabilis namang nagsitabuhan ang lahat at naiwan na lamang doon silang apat nila Hiraya at ng kasama niya.
“Mana, hayaan mo na sila hindi naman ako nakakaramdam ng sakit eh,” sambit ni Hiraya sa kakambal habang nakangiti pa sabay pakita ng namumula niyang palad. Bakas naman sa mukha ng kanyang kakambal ang pag-aalala dahil sa namumulang palad niya
“Shhh, tama na ‘yan. Mana, nakalimutan mo na ba kung anong pakay natin dito?” sabat ng kasama ni Manawari kanina na tinawag nilang Bulan.
Si Bulan ang first senior ng kanilang sekta. Ang ibig sabihin ay siya ang may pinakamataas na rango sa lahat ng disipolo sa Dawn.
Sandali pang nag-isip si Manawari pagkatapos ay maligalig nang kinausap ang kanyang kakambal.
“Oo nga pala. Hiraya, may magandang balita ako sa’yo.”
“Hmm?”
“Tayo ang itinalaga ni Tiya Masari na mag-organisa ng ornamental ceremony niya kaya tara na umalis na tayo sa bundok na ‘to.”
Bigla namang lumugmok ang mukha ni Hiraya dahil sa sinabing iyon ni Manawari.
“Ih, ikaw na lang alam mo namang tamad ako sa mga ganyang bagay eh. Ayaw ko, kayo na lang ni 1st senior doon.”
“Hindi pwede, tsaka maraming makikisig na mga mandirigmang pupunta roon, maghanap tayo ng gwapo.” Mapilyang wika ni Manawari sa lumilingo niyang kakambal.
“Oy, ano ‘yang pinagsasabi mo, Manawari? Ikaw ah, kahit ano na lang pinagsasabi mo jan sa kapatid mo.” Pagsabat ni Bulan dahil sa kapilyahang sinabi ni Manawari na hindi niya gaanong nagustuhan.
Nakanguso namang sumagot si Manawari rito.
“Anong bata, 17 na kaya kami ni Hira saka sabi naman ni Tiya Masari pwede na raw kaming maghanap ng mapupusoan namin,” pagpapaliwanag pa niya sabay dila kay Bulan, napalingo-lingo na lang ang huli dahil sa kasutilan ng isa.
Bigla namang hinila ni Manawari si Hiraya kaya wala na itong nagawa kundi sumama na lamang sa kanila.
****