Abala ang lahat ng mga disipolo ng Dawn Sect na kalabanin ang isang halimaw na sing laki ng isang elepante. May mahahaba at matatalas itong mga kuko at mga pangil na sing haba ng isang espada. Ang lakas nito ay katumbas sa lakas ng sampung tao o higit pa.
Sa kanilang paglaban sa halimaw na iyon ay masusukat ang kanilang mga angking galing, iyon ang magpapatunay kung sino ang dapat hiranging pinakamalakas sa kanila pati na rin ang kung sino ang bagong mamumuno sa kanilang lahat.
Ngunit sadyang malakas talaga ang halimaw at hindi nila kayang tapatan lahat ang lakas nito. Kahit anong gawin nilang takteka at kahit pa nagtutulong-tulong na sila para lamang mapatumba ang halimaw ay wala iyong silbi. Nagmimistula lamang silang mga langgam na nagsasayaw sa kakarampot na lubid habang sa ilalim ay nagliliyab na apoy, naghihintay lamang silang maputol ang lubid na iyon at tuluyan silang matunaw sa naglalagablab na init.
Sa bawat paglipas ng minuto ay isa-isa silang nababawasan kasabay rin nun ay ang unti-unting pagkawala ng kanilang lakas ng loob upang magapi pa ang halimaw na iyon. Kahit pa gaano karami ang kanilang bilang kanina ay wala na ata talaga silang magagawa pa ngayon kundi hintayin na lamang ang oras ng kanilang pagpanaw.
Sa hindi kalayuan naman ay naroon ang tatlong taong masuri lamang na nanunood sa nangyayari. Sila ang mga elders at namumuno sa Dawn Sect, nakaupo silang tatlo sa mga silyang nakahilira. Nasa gitna ay ang mismong pinuno ng buong sekta habang sa kanang bahagi naman nito ay naroon nakaupo ang pinuno ng mga elder ng sekta at sa kaliwang gilid ay naroon ang isa pang elder ng sektang Daylight.
Hindi bahid ng pagka-awa ang makikita sa kanilang mukha kundi isang ekspresyong parang nagsasaya pa sila sa kanilang nakikita. Silang tatlo ay nakangiti habang walang putol ang tinging ipinupukol sa kanilang mga disipolong isa-isa nang namamatay sa kamay ng halimaw.
Hindi mo makikita ang buo nilang hitsura sapagkat may mga maskara silang suot, ganon din ang mga disipolo. Isa lamang iyon sa mga batas sa kanilang sekta, na nagpapahiwatig na bawal tanggalin ang maskara nila kahit kailan lalong-lalo na sa harap ng mga hindi kabilang sa kanila. Iyon upang mapantili nila ang integridad ng kanilang sekta bilang pinakamisteryoso sa limang sektang nabibilang sa martial world.
Kalahati na lamang ng orihinal na bilang ang natitirang nakatayo at patuloy na sumusubok talunin ang halimaw, wala na talaga silang natitirang lakas ng loob, ang tanging nagtutulak na lamang sa kanilang upang lumaban ay ang pagkadespiradong mabuhay o kaya ay kahit papaano ay mamatay silang lumalaban at hindi duwag.
Umamba na namang aatake ang halimaw sa tatlong nagkumpulang disipolo nang sa isang iglap ay isang espada ang bigla na lamang lumutang at sumalubong sa mga kuko ng halimaw. Nakaligtas ang tatlong disipolong iyon kasabay ng paglitaw ng isa pang dagdag sa magiging katunggali ng halimaw.
Ang kanina’y parang isang walang ganang labanan para sa tatlong elders na nanunuod ay kaaagad na nagbago. Para sa kanila ngayon ay mukhang magiging kapana-panabik na ang susunod na mga pangyayari dahil sa pagdating ng bagong panauhing iyon. Sa kanilang tatlo ay higit na nasasabik ang pinakapinuno ng sekta, hindi maitatago sa animo’y kumikinang nitong mga mata nang masilayan ang bagong dating.
Nagpatuloy ang laban at sa pagkakataong ito’y labanan na lamang ito ng nag-iisang disipolo laban sa napakalaking halimaw.
Kapwa umatras ang dalawang naglalaban upang maghanda sa kanilang susunod na mga hakbang. Mata sa mata ang kanilang titigan, disidido ang bagong dating na disipolong malipol ang halimaw at kitang-kita iyon sa nag-aapoy na determinasyon sa mga mata nito.
Sa mabilis na paraan ay muling nagbagaan ang dalawa, naglikha iyon ng usok na bahagyang tumakip sa kung anong totoong nangyayari sa loob ng labanan. Tanging mga tunog lamang ng espada na dumidikit sa matitigas na bagay ang umaalingawngaw sa paligid pati na rin ang iba’t ibang kulay na sanhi ng mga kapangyarihang binibitawan ng dalawang naglalaban.
Nang tuluyang mawala ang usok ay tumambad sa lahat ang dalawa. Putol na ang buntot ng halimaw habang nagkalat naman sa katawan ng disipolo ang dugo nito. Sunod ay lumipad pahimpapawid ang espadang hawak kanina ng disipolo at ito’y biglang dumami, kasunod nun ay siyang pagbulusok ng mga ito paibaba na matagumpay na tumarak sa iba’t ibang parte ng katawan ng halimaw.
Sumubok pang lumaban ang halimaw sa huling hininga nito ngunit wala nang nagawa ang huli nitong paglaban dahil ilang segundo lang ay tuluyan na itong binawian ng buhay.
Naging tahimik ang buong kapaligiran sanhi ng nakatulalang mga sugatang disipolo at hindi maka-imik na mga elders. Lumipas ang isang minuto at bumulwak na lamang bigla ang napakalakas na hiwayan ng mga disipolo dala ng kasiyahang nagapi na ang halimaw na iyon at hindi na sila susunod sa mga pumanaw nilang kasama.
Naiwang nakatayo sa gitna ng labanan ang nag-iisang disipolong iyon habang sa kanyang paanan ay nakahandusay ang walang buhay na katawan ng halimaw na kanyang pinaslang. Lumingon siya sa direksyon kung nasaan naroroon ang mga elders at doon ay tumitig siya sa taong nasa pinaka-gitna ng mga ito.
Kapansin-pansin ang kulay ginto niyang maskara na talagang naiiba sa kanyang mga kasamahang disipolo. Iba rin ang desinyo nito sa karamihan, waring ang maskarang iyon ay para lang talaga sa kanya.
Sabay-sabay na nagsitayuan ang tatlong elders na nanunuod. Pinalakpakan nila ang mga natitirang buhay na kanilang disipolo at sinabihang sumunod sa kanilang paglalakad pabalik sa loob ng kanilang bulwagan.
[. . .]
“Binabati ko kayo sa inyong matagumpay na pagpasa sa pasulit na inyong hinarap kanina. Magaling ang inyong ipinakitang angking galing lalong-lalo na si Aquila na siyang mismong tumapos sa buhay ng halimaw.” Pagbibigay bati ng pinaka-pinuno ng sekta sa mga nakaligtas na disipolo.
“Ngayon ay tapos na ang pagsusulit na iyon kaya panahon na para pumili ng mamumuno sa inyong pangkat. Sa puntong ito ay mamimili na kaming mga elders ng magiging inyong pangulo at siyang magpapalakad ng inyong pangkat.” Segunda pa ng isang elder.
Naroroon na lahat ang labin-dalawang elders ng sekta kabilang na ang pinuno ng mga ito pati na rin ang pinakapinuno ng buong sekta. Dahil nga’t isang mahalagang bagay ang pagpili ng mamumuno sa lahat ng kanilang mga disipolo ay kailangan nila itong pag-isipang mabuti kung kaya’t nararapat lamang na ang mapipili ay talagang papaboran ng lahat.
“Hindi na kailangang pumili pa, siguro naman ay alam na nating lahat kung sino ang karapatdapat na hirangin, hindi ba?” usal muli ng pinakapinuno ng buong sekta sabay tingin pa sa gawi ng disipolong siyang pumaslang sa halimaw, na kanyang tinawag kanina sa pangalang Aquila.
Nagkaroon ng bulong-bulongan ang mga elders at naging sanhi iyon para magkagulo ang mga nasa itaas. Napansin ito ng pinuno ng mga elders kung kaya’t nagpasya itong magbigay ng kanyang opinyon patungkol sa sinabi ng pinakapinuno.
“Mawalang galang na, Pinuno. Pero hindi ba’t parang hindi ata patas na basta-basta na lamang tayo pumili ng magiging pangulo ng lahat ng disipolo habang hindi pa naman natin nakukuha ang pasya ng lahat ng mga elders?” dahil doon ay pati na rin ang mga disipolo ay nagkagulo na rin at nagsimulang nang magbulongan sa kanilang mga katabi.
Nainis ang pinakapinuno at bigla na lamang sumigaw ng malakas na siyang nagpasindak sa lahat upang tumahimik na.
“Anong gusto mong iparating sa iyong tinuran, sinasabi mo bang pinapaboran ko si Aquila dahil lamang sa akin siyang direktang estudyante at hindi ko tinitingnan ang kanyang angking lakas, ganon ba?”
“Patawarin mo ako sa aking katampalasan ngunit hindi ganoon ang gusto kong iparating, gusto ko lamang na maging patas sa lahat.”
Ilang segundong hindi tumugon ang pinakapinuno, ang tanging ginawa lang nito ay titigan ng masama ang kanyang kausap. Maya-maya pa ay tumalikod ito saka dahan-dahang naglakad papunta sa kanyang silyang trono.
“Wala akong pake, nakita naman ng lahat kung gaano kalakas si Aquila kanina kung kaya’t hindi niyo makukwestyon ang pagpili ko sa kanya. Ako ang pinuno ng sektang ito kung kaya’t kung sino ang aking pipiliin bilang pangulo ng buong pangkat ng aking mga disipolo ay wala kayong ibang magagawa kundi sumang-ayon.”
Natahimik ang lahat ng elders pati na rin ang pinuno ng mga ito na nakipagtalo kanina sa kanya.
Sa bandang huli ay wala silang nagawang lahat kundi irespeto na lamang ang pasyang iyon ng kanilang pinuno. Na gawing pangulo ng lahat ng disipolo si Aquila.
Matapos nun ay opisyal nang inanunsyo sa lahat na si Aquila na ang magiging bagong pangulo ng lahat ng mga disipolo ng kanilang sektang Daylight. Wala namang naging tutol na ibang mga disipolo dahil siguro sa natatakot sila o sadyang alam lang nilang hindi nila mapapantayan ang aking galing at katalinuhan ni Aquila.
Bago magsi-alisan ang lahat ay may mahalaga munang sinabi ang pinuno ng mga elders.
“Magkakaroon ng pagtitipon-tipon ang limang sekta ng martial world at ito’y gaganapin mismo sa sekta ng Daylight. Kailangang may ipadala tayo roong magiging pangatawan ng ating sekta. Pangungunahan ito ni Aquila at ng apat pang disipolo.”
****