1. First Line of Defense
Sa loob ng isang kuwarto sa isa sa mga lumang building sa may Divisoria area, seryosong nakatitig si Grace sa labing-anim na monitors.
Kung hindi lang malaki ang pasahod ng kumpanyang ito, matagal na sana siyang nag-resign.
High-tech ang setup ng mga CCTV at monitors.
Pero ang paligid? Puro sako ng telang "discontinued" at amoy ng naphthalene balls.
Walang ka-aesthetic-aesthetic vibes. Tapos isabay mo pa ang lalaking halos magmakaawa na sa paningin niya dahil sa sobrang patay-gutom.
"Baby Grace, sample naman ng isang matamis mong 'Oo'. Sige na naman. Sige ka mapapanisan ka ng laway diyan."
Hindi lumingon si Grace. Ang mga daliri niya ay mabilis na nagta-type sa console.
Sanay na siya sa mga ganitong banat ni Baste. Matagal na rin siyang pinopormahan ng lalaki, pero hindi niya ito pinapatulan, lalo pa't partner sila sa trabaho.
Pero hindi mapipigilan ang bunganga niya na soplakin ang lalaking ubod ng siba.
Wala itong ginawa kundi ang lumamon nang lumamon kahit nasa oras pa sila ng trabaho.
"Baste, 'yung uniform mo, ayusin mo. Nang magmukha ka namang security guard ng isang high-tech na lab, hindi ng ukay-ukay."
"Ay, grabe siya," hirit ni Baste.
Nakasandal siya sa pader. Ang asul na uniporme niya ay may bakas pa ng sarsa na hindi malaman ni Grace kung anong klaseng sawsawan na naman ang tumapon doon.
"Patay-gutom kasi," bulong ni Grace sa kanyang sarili.
Ang nameplate niyang 'Sebastian' ay nakakabit gamit ang safety pin dahil nawala ang lock. Sa halip na baril, ang nakasukbit sa holster niya ay isang plastik na binatog na may saging na saba pa sa loob.
Inilapit ni Baste ang plastik sa tapat ng mukha ni Grace.
"Bakit pa? Eh, wala naman nakakaalam na may high tech lab dito, at tsaka narinig ko yung binulong mo? Grabe ka naman, hindi ba pwedeng gutom lang? Pero aminado ako sadyang patay na patay nga ako pero hindi sa pagkain." Nakangising sabi nito.
Umirap naman si Grace dahil alam na niya kung ano ang susunod na sasabihin ni Baste.
"Patay na patay ako sa'yo, baby Grace, ayiieh, kailan mo ba ako sasagutin?" Tila kinikilig pa na sambit ni Baste habang hawak na niya ang plastik ng binatog.
"Tumigil ka, napipikon na ko ah!" Inis na sambit ng dalaga.
Pero hindi rin mapipigilan si Baste sa pangungulit.
"Bakit ba kasi ayaw mo kong tikman ay este itong kinakain ko. Ang sarap kaya parang pag-ibig ko 'to, Grace, puro niyog, purong-purong pagmamahal ang kaya kong ialay sa'yo!" At inilapit pa nito ang binatog malapit sa mukha ng dalaga.
Huminga nang malalim si Grace, pilit na hindi tinitignan ang binatog.
"Sa dalawang taon nating undercover dito, wala ka na bang ibang ginawa kundi asarin at pagtripan ako!"
"At sino naman ang may sabi sa'yong inaasar kita, hindi kita pinagtri-tripan ah, seryoso ako sa'yo ah! Saka, ano ka ba? Two years na tayong nakatitig sa monitor na 'yan. May nangyari ba? Wala! 'Yung vending machine sa labas, ni hindi nga naglalabas ng softdrinks kapag hinulugan ng barya, hanggang ngayon nga hindi natin alam kung bakit ba pinabantayan sa atin 'yan, pero nandito pa rin tayo."
Hinarangan ni Baste ang Monitor 7, ang view ng secret entrance gamit ang kanyang likod.
"Kaya pwede ba, sagutin mo na ako? Isang 'Oo' lang, ililibre kita ng unli-rice sa kanto."
Dahan-dahang hinarap ni Grace si Baste.
Nakakuyom na ang kanyang magkabilang kamao.
Ang kanyang mga mukha ay namumula na.
Medyo mabigat na rin ang kanyang paghinga.
Konting-konti na lang ay gusto na niyang suntukin si Baste.
Pero mahaba ang pasensya niya. Training nila iyon.
At tama si Baste.
Sa loob ng dalawang taon… wala ngang nangyayari.
Ang maliit na control room na ito ang nagsisilbing First Line of Defense ng kumpanya.
Limang hakbang lang ang layo ng pinto ng silid nila sa lumang Vending Machine na nakasandal sa dulo ng madilim na hallway ng bodega.
Ang vending machine na 'yun ang pinakamalaking joke sa building na ito.
Tadtad ng kalawang at mga lumang sticker ng 'Mountain Dew' at 'Royal,' akala ng sinumang makakakita ay tambak na basura lang ito.
Pero sa likod ng huwad na lalagyan ng barya at basag na salamin, nandoon ang hydraulic door na nagsisilbing elevator shaft patungo sa Sub-Level 3—ang sikretong laboratoryo sa ilalim ng Recto.
Trabaho nina Grace at Baste na siguraduhing walang makakapasok... at higit sa lahat, walang makakalabas nang buhay mula sa machine na 'yan.
So, basically, wala naman silang ginagawa kaya maraming oras si Baste para bwisitin siya.
"Baste, unang una wala talagang lalabas na softdrinks diyan dahil props lang ang vending machine kung hindi ka ba naman ubod ng tanga. Pangalawa, hinding-hindi kita sasagutin kahit kailan. Tsaka pwede ba maging consistent ka naman sa mga offer mo. Nung nakaraan lilibre mo ko unli-kwek kwek, tapos naging calamares tapos ngayon naman unli rice."
Akmang sasagot siya pero agad siyang inunahan ni Grace.
"Oops, huwag ka nang humirit pa, at kung pwede lang, kapag hindi related sa trabaho ay huwag na huwag mo akong kakausapin."
"Aray naman, baby Grace. Parang 'yun lang, oh siya, sige, kung saan mo gusto, doon kita papakainin kahit itong ano ko ipapakain sa'yo?" Nakangising sabi ni Baste, sabay tingin sa pagitan ng pantalon niya.
Nanlaki naman ang mga mata ni Grace dahil sa makamundong naisip niya.
Dumale na naman ng bastos na biro si Baste.
"Anong ano? Bastos ka ah!" Anas ni Grace.
Tatayo na sana ang dalaga para bigwasan si Baste, pero biglang tumunog ang isang loud, glitchy beep mula sa console.
"Baste, tumabi ka," boses ni Grace, malamig pero may halong kaba.
For the first time ay ngayon lang nangyari ang ganito.
Isa lang ang ibig sabihin may gustong duman sa secret entrance kung saan natatakpan ng lumang vending machine na walang pakinabang.
Sa Monitor 7, ang pinto ng Vending Machine—ang secret elevator—ay nagsimulang yumugyog.
Pero hindi ito normal na yugyog.
May mga duguang kamay na humahampas sa salamin, saktong sa tapat ng sticker ng 'Royal True Orange'. Sa lakas ng hampas, nagsimulang mag-crack ang salamin ng makina.
Nawala ang ngisi ni Baste.
Dahan-dahan niyang binitiwan ang plastik ng binatog sa mesa, pero dahil sa kaba, tumapon ang niyog sa keyboard ni Grace.
“Baste! Punyeta ka talaga!” sigaw ni Grace.
Pilit niyang dinudukot ang mga kinudkod na niyog na sumingit sa ilalim ng ‘Enter’ key.
"Teka, Grace, mas punyeta ata yung mga nilalang na naglalabasan sa vending machine," sabi ni Baste habang mabilis na binubunot ang kanyang heavy-duty baton.