Sa monitor screen kung saan makikita ang lumang vending machine ay hindi na lang basta yumuyugyog; ito ay tila binubugbog mula sa loob, na may tunog ng basag na salamin na nagpapabilis sa tìbok ng puso ni Grace.
Hindi na mahalaga kay Grace kung hindi na niya maalis ang nakasingit na binatog sa may keyboard.
Ang importante sa isip ngayon ay malaman ng mga kasamahan nila kung ano ang nangyayari.
"Baste, alertuhin mo ang buong team!" utos ni Grace.
Ang boses ay matalim at walang bakas ng pagbibiro.
Agad namang dinampot ni Baste ang radio sa kanyang baywang, ngunit nang pindutin niya ang button ay tanging static lamang ang sumagot.
Walang boses, walang tugon.
Ang katahimikan mula sa kabilang linya ay mas nakakakilabot pa kaysa sa ingay na nagmumula sa vending machine.
Bigla, isang malalim, guttural na tunog ang umalingawngaw mula sa ilalim ng lupa.
Isang tunog na hindi nagmula sa tao, hindi rin sa hayop.
Ito ay isang pinaghalong pag-ungol at paghalinghing, na tila ba isang nilalang na naghihirap at nagagalit nang sabay.
Ang tunog ay nagpatindig ng balahibo ni Grace, at kahit si Baste, na laging may hirit, ay napatahimik.
Ang tunog ay nagmula sa direksyon ng elevator shaft, papalapit, at mas nagiging malakas sa bawat segundo.
Sa wakas, sa isang malakas na pagputok, bumigay ang lumang vending machine. Ang mga basag na salamin at kalawangin na metal ay lumipad sa lahat ng direksyon.
Mula sa madilim na butas na naiwan, lumabas ang dalawang pigura.
Nakasuot pa rin sila ng puting laboratory coat, ngunit ang mga ito ay punit-punit at may bahid ng maitim na likido.
Ang kanilang mga balat ay maputla at may mga ugat na umbok, ang kanilang mga mata ay walang buhay at tila nababalutan ng ulap. Ang kanilang mga bibig ay nakabuka, naglalabas ng isang nakakakilabot na huni, at ang kanilang mga kamay ay nakalahad, tila naghahanap ng mahahawakan.
Malinaw na sila ay mga siyentipiko na nagtatrabaho sa underground hi-tech lab, pero mukhang hindi na sila mga normal na tao.
Bago pa man tuluyang maunawaan nina Grace at Baste ang sitwasyon, isang pamilyar na boses ang umalingawngaw mula sa pasilyo.
"Uy, Baste! Heto na 'yung sukli mo. Napabaryahan ko na 'yung isang libong binayad mo! Pambihira kang lalaki, ka pinahirapan mo pa 'ko. Buti na lang, gwapo ka!"
Si Ate Lucing, ang tindera ng binatog sa labas ng building.
"Ay putang-inang hayop!" Pagmumura nito nang makita niya ang dalawang nilalang na kalalabas lang mula sa sirang vending machine.
Hinawakan niya pa ang dibdib niya sabay umiiling-iling at tumawa. Habang nagsisimulang lumapit ang dalawang nilalang sa kanya.
"Aba'y lintek sino ba kayo? Parang ngayon lang nagkaroon ng ibang tao dito. May kasama na pala ngayon dito sina Grace at Baste. At tsaka bakit ba ganyan ang suot niyo eh malayo pa naman ang halloween." Sabi pa ni Aling Lucing sabay halakhak.
"Baste, si Aling Lucing," tanging lumabas sa bibig ni Grace habang nakatingin sa monitor.
"Lalabas ako." Paalam ni Baste.
Tumingin sila sa isa't isa bago tumalikod si Baste para maglakad papunta sa may pinto.
At bago siya tuluyan lumabas ay nilingon niya si Grace.
"Remember the protocol, Grace. Walang ibang pwedeng pumasok sa room na 'to kung hindi tayong dalawa lang."
Tumango naman si Grace at akmang lalabas na si Baste pero...
"Teka lang, Baste." Pagpigil ni Grace sa partner niya.
Sabay kinuha ang nakatagong baril sa likurang pantalon niya at basta inihagis.
Nagawa namang saluhin ni Baste ang .45-caliber na hinagis sa kanya ni Grace.
Alam ni Grace na hindi kakayanin ng baton kung ano man ang haharapin ni Baste sa labas kaya binigyan niya ito ng proteksyon para makasiguro.
"Thank you, baby!" sabi naman ni Baste sabay kindat sa babae bago lumabas.
"Ang gago talaga!" bulong ni Grace sabay tingin ulit sa mga monitor.
Nag-focus siya ulit sa kung nasaan si Aling Lucing na tumatawa-tawa pa.
"Aling Lucing lumayo kayo sa kanila!" Sigaw ni Baste, sabay tutok ng baril sa dalawang nilalang na naglalakad.
Imbes na sumunod si Aling Lucing ay mas lalo pang lumakas ang tawa nito.
"Ikaw talaga Baste, ano ba tong ginagawa niyo? Siguro pinlano mo talaga magbayad ng buo para ihatid ko sa'yo ang sukli tapos pagpunta ko dito ay ganito ang gagawin mo, tatakukit mo ko? Teka nasan ang mga camera." sabi ni Aling Lucing sabay tingin sa paligid.
Sakto naman nakita niya ang isang cctv camera sa gilid kung saan kasalukuyang pinapanood ni Grace.
Akmang sasakmalin na si Aling Lucing ng isa sa mga naka-lab coat ay hindi natuloy dahil naglakad ito palayo kaya nadapa ito at sumunod ang kasama nito.
Lumapit si Aling Lucing sa may tapat ng camera.
Tumingala siya, at ngumiti.
Tinanggal niya ang pagkaka-ponytail ng kanyang buhok sabay tila sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang mga daliri niya sa kamay.
Tila ba ginawang salamin ang tapat ng CCTV habang ang dalawang nilalang na natumba sa sahig ay unti-unting bumabangon.
"Tang-ina?"
Halos sabay na sambit ni Grace at ni Baste habang pinapanood nila ang mga nangyayari.
"Hindi ako nagbibiro, Aling Lucing lumayo ka sa dalawang iyan, hindi mo ba nakita muntik ka na nilang sakmalin." sigaw ni Baste
Mabilis siyang lumapit habang nakatutok pa rin ang .45 caliber sa dalawang nilalang na kasalukuyang tumatayo.
"Tang-ina, mga bingi ba kayo, sinabi ng walang gagalaw!" sigaw ulit ni Baste sa dalawang nilalang.
Clap, clap, clap....
Bigla naman napalingon si Baste kay Aling Lucing sa ginawa nitong pagpalakpak.
Biglang katabi na pala niya ang babaeng sa tantiya niya ay mga nasa mid-50's na ang edad.
Nawala ang atensyon niya sa dalawang mga naka-lab coat na hindi marunong sumunod sa instruction.
"Grabe ang galing ng acting mo, Baste! Kung hindi ko lang kailangan ng pera ay libre na lang sana ang binatog mo, oh siya heto na ang sukli m- ahhhh!
Bago pa man maabot ni Baste ang kanyang sukli, mabilis na kumilos ang isa sa mga nilalang.
Sa isang iglap, sinakmal nito si Ate Lucing sa leeg, at agad sumunod ang kasama nito na sinakmal na naman ang kabilang leeg.
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Ate Lucing, kasunod ng isang nakakapanindig-balahibong tunog ng pagkapunit ng laman.
Kitang-kita nina Grace na nanunuod mula sa monitor, at Baste na saksi mismo ang pagsirit ng dugo mula sa leeg ni Ate Lucing, na tila isang fountain ng mapulang likido.
Hindi agad nakakilos si Baste sa labis na pagkagulat, tila na-estatwa at hindi makapaniwala sa kanyang nakakakilabot na nasaksikhan.
Kahit gusto niyang kumilos at magsalita, hindi niya magawa.
Tila ba napako siya sa pagkakatayo at hindi makagalaw hanggang sa...
BANG, BANG, BANG!
Napahawak si Baste sa magkabilang gilid ng kanyang ulo sabay dapa sa sahig sa sunod-sunod na pagputok ng baril na narinig niya.
Bumagsak sa sahig ang tatlo.
Ang dalawang nilalang pati na rin si Aling Lucing.
Pare-parehong dilat ang mga mata at wala nang buhay.
Lumingon si Baste sa likuran at nakita niya si Grace na nakatayo sa may pinto.
Nanatiling nakatutok ang baril nito, ang dulo ay naglalabas pa ng manipis na usok na humahalo sa amoy ng pulbura at malapot na dugo ni Aling Lucing.
Walang emosyon ang mga mata ni Grace. Hindi siya kumukurap, tila tinitiyak na wala na talagang gagalaw sa tatlong nakabulagta.
Dali-daling tumayo si Baste, nanginginig pa ang tuhod, at agad niyakap ang babae. Isiniksik niya ang mukha sa balikat ni Grace, humihingal sa takot at relief.
"You saved my life, baby!" bulong ni Baste, halos mangiyak-ngiyak. "Salamat... salamat talaga."
Hindi agad gumalaw si Grace. Hinayaan lang niyang yumakap si Baste, pero hindi niya ibinababa ang baril.
Ang kanyang paningin ay diretso pa rin sa bangkay ni Aling Lucing.
Hanggang sa napansin niya na bumaba na ang kamay ni Baste sa kanyang pang-upo kaya agad niyang tinulak si Baste.
"Putang-ina, Baste, oras ng trabaho ha!"
Tinulak ni Grace si Baste nang malakas kaya napaupo ito sa tapat ng mga sako ng ukay-ukay.
"Kahit kailan talaga napaka-bayolente mo parang naghahanap lang ng comfort," reklamo ni Baste habang pinapagpag ang sarili. "Kaya walang nagtatagal sa'yong partner eh. Buti na lang mahal kita!"
"Manahimik ka! Kung hindi dahil sa akin, baka isinunod ka na nila pagkatapos nilang papakin si Aling Lucing," sabi ni Grace, sabay talikod para pumasok ulit sa control room.
Sumunod naman si Baste sa babae habang kamot-kamot ang kanyang batok.
Bago tuluyang isara ang pinto, sumulyap muna siya sa tatlong bangkay na nakabulagta sa hallway.
Napailing na lamang siya at totoo naman na gusto lang niya talaga ng comfort na galing sa dalaga dahil sa pagkabigla at takot na ngayon lang niya naramdaman sa nasaksihan niya kanina.
"R.I.P Aling Lucing," sabi pa niya habang nag-sign of the cross.
Si Grace naman ay bumalik sa station niya at ang kanyang mga daliri ay nasa keyboard.
Sinusubukan niyang humingi ng rescue, pero tila nagkaproblema sa system kaya napamura siya.
"Putang-ina, paano natin ipaliliwanag ang mga nangyari. May nadamay pang inosente."
"Heto ang tandaan mo, Grace. Hindi natin kasalanan. Ginawa mo lang ang dapat." Seryosong sagot naman ni Baste.
Hinarap ni Grace ang partner niya. Ang mukha ay seryoso na at tila nakalimutan na ang ginawang panghihipo nito kanina.
"Pwes, tayo na ang magre-respond. Lock the secondary bolts, Baste. Ngayon lang nagsimula ang shift natin. Ngayon natin patutunayan kung bakit tayo ang tinalagang First Line of Defense."
Kasabay ng seryosong sambit ni Grace ay ang matalim na tunog ng pag-kasa niya ng baril.