Chapter 7

3181 Words
HINDI alam ni Alexander kung bakit ganoon na lang kagaan ang loob niya sa anak ni Christine na si Daphne. Naalala niya nang bumisita siya sa bahay ng mga ito. Gayon na lang ang halakhak siya nang bumungad sa sala si Daphne karga ng isa sa mga kasambahay nina Christine. Nanlaki ang mga mata nito at biglang patiling umirit nang makita siya, sabay lahad ng mga matatabang braso na parang nagpapakarga. Halos hindi na niya namalayan ang oras dahil sa pakikipaglaro sa bata. Nang mapagod si Daphne at makatulog, saglit silang nagkuwentuhan ni Christine bago siya nagpaalam na umuwi. Aaminin niyang masaya at kompleto ang araw niya kapag kasama niya ang mag-ina. Sobra ang nararamdaman niyang fondness para kay Daphne. At kay Christine, aminado siya na attracted siya rito unang kita pa lang niya rito. Gusto niya na parati itong nakikita. He loved the way she smile, the way she laugh, everything about her. Hindi mahalaga sa kanya kung dalagang-ina ito. Sa katunayan, hinahangaan pa nga niya ang panininidigan nito na buhayin at palakihin si Daphne kahit mag-isa lang ito. Dinampot niya ang cell phone niya. Napangiti siya nang makita ang mukha ni Daphne na siyang wall paper niyon. Tumikhim siya bago i-d-in-ial ang numerong kabisado na niya. Nakailang ring muna bago may sumagot sa kabilang linya. “Xander…” ani Christine. Paos pa ang boses nito. Halatang kagagaling lang sa pagtulog. Maagap na tinakpan niya ang mouthpiece nang kumawala ang isang ungol mula sa kanyang lalamunan. Kakaiba ang epekto ng paos na boses nito sa kanya. Na-imagine niya ito na nasa kama nito at nagising dahil sa tawag niya. Then he pictured her he was there in her room embracing her.              “Chris…”Nakagat niya ang ibabang labi dahil hindi pa rin mawala sa imahinasyon niya si Christine habang nasa bisig niya ito. Goodness! Nangangarap pa yata siya ng gising, “Napatawag ka? Mr. Model, baka sira ang relo mo kaya ipapaalala ko sa `yo na ala-una na ng madaling-araw—” “Alam ko.Sorry, hindi kasi ako makatulog,” putol niya sa sinasabi nito. “Hindi ka makatulog kaya gusto mo akong idamay, ganoon ba?” anito na hindi naman tonong-galit. “I was thinking…” Tumigil siya nang wala siyang narinig na tugon sa kabilang linya.Marahang huminga siya at matamang inisip ang sunod na sasabihin. “Gusto mo bang malaman kung ano ang iniisip ko,Christine?” Ikaw, si Daphne, tayo… I don’t care about the past, Christine. Ang mahalaga sa akin ay ang ngayon at bukas… “Bakit, may kinalaman ba ako diyan? Iniisip mo ba na nadehado ka sa talent fee mo at ngayon ay balak mong maghabol ng karagdagang bayad?” tanong nito na halatang nagbibiro. Natawa si Alexander at sinakyan ang biro nito. “Yes. Na-contact ko na ang mga abogado ko. Magkita na lang tayo sa korte.” Pakikisakay niya rito. “What? Seriously?” Lalo siyang natawa. Inaantok pa nga ito. “Biro lang. Sige na, bumalik ka na sa pagtulog mo. Sorry sa pang-iistorbo ko. Ahm, gusto ko lang kasing marinig ang boses mo.” Nanahimik ito sa kabilang linya. Bigla tuloy siyang nag-alala. Hindi ba nito nagustuhan ang sinabi niya? Akmang magsasalita siya nang marinig niya itong magsalita. “O-okay. Goodnigh—I mean, good morning na pala.” Lumamlam ang mga mata niya, sabay napangiti. “Good morning,” malambing na sabi niya. “B-bye.” “Bye.” May ngiti pa rin sa mga labing ibinaba niya ang cell phone. Tumitig siya sa malawak na kisame ng kanyang silid. Tila isa iyong malaking sinehan, pero wala siyang ibang nakikita kundi ang mukha ni Christine. Napailing na lang siya. Malala na siya. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagiging teenager na pinagpapantasyahan ang kanyang crush. Pero paghanga lang ba ang nararamdaman niya para kay Christine? Parang higit pa roon ang nararamdaman niya.   NAPABALIKWAS ng bangon si Alexander sa kanyang kama nang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa sa kanyang silid. “Kuya Vlad!” gulat na bulalas niya nang makilala kung sino ang bisita niya sa kanyang silid. Nakaupo ito sa single seater sofa na nasa gilid ng kama niya at matamang nakatingin sa kanya. “Jesus! Tinakot mo ako! Akala ko, kung sino na ang nakapasok sa kuwarto ko,” nakasimangot na wika niya rito nang makabawi. May sariling susi ito ng bahay at condo unit niya. Tumayo ito. “Ayusin mo ang sarili mo. Hihintayin kita sa kusina,” seryosong sabi nito bago tuloy-tuloy na lumabas ng silid niya. Nagsuot lang siya ng boxers at pinatungan niya iyon ng roba pagkatapos maghilamos at magmumog. Hindi na niya pinagkaabalahang ayusin ang magulong buhok. Nabungaran niya ito sa kusina na nagtitimpla ng dalawang tasa ng kape. Lumapit siya rito at kinuha ang isang tasa.Sumimsim siya roon. “Ano’ng problema,Kuya Vlad? Bakit umagang-umaga ay narito ka at para ka pang magnanakaw na pumuslit sa kuwarto ko? And what’s with that look? May kasalanan ba ako kaya ganyan ka makatingin?” tanong niya sa tonong nagbibiro. Tinitigan muna siya nito nang mataman bago nagsalita. “Alexander, sigurado ka ba talaga na hindi mo anak si Daphne?” Muntik na niyang maibuga ang iniinom na kape. “Akala ko ba, tapos na tayo sa usaping `yan, Kuya?” napapantastikuhang tanong niya. “Sagutin mo ang tanong ko!” “No. Hindi ko nga anak si Daphne,” siguradong sagot niya. Bagaman sa puso niya ay naroon ang pag-asam na sana ay siya na lang ang ama nito. “Paano ka naman nakakasiguro na hindi mo nga siya anak?” muling tanong nito. Halatang hindi ito naniniwala sa sinabi niya.  “Para na akong sirang plaka, Kuya. All right,sasabihin ko uli for the nth time. Magaan ang loob ko sa bata,oo, pero sigurado akong hindi ko siya anak. Sa eroplano ang unang pagkikita namin ni Christine. Believe me, Kuya, walang rason para magkaila ako sa iyo kung may anak na nga ako.” “Kung ganoon, paano mo ipapaliwanag ito?” wika ni Vladimir. Inilapag nito sa counter ang isang sobre. Kinuha niya iyon at binasa ang laman niyon. Disbelief. Shock. Surprise. Ilan lang ang mga iyon sa naramdaman niya pagkatapos niyang mabasa ang nilalaman ng papel. Pakiramdam din niya ay tinakasan siya ng dugo sa buong katawan sa naramdamang panlalamig at pamumutla. Binasa uli niya ang nilalaman ng papel para siguruhing tama ang nabasa niya. Pero parehong impormasyon pa rin ang nabasa niya. Isang DNA test result iyon. According to the test, he and Daphne was sharing 99% of genetic material. Paano nangyari na naging anak niya si Daphne gayong hindi niya kilala si Christine bago pa niya ito makasakay sa eroplano? “Alexander, okay ka lang?” Matalim ang mga mata na tiningnan niya ang kapatid. “Mukha bang okay lang ako? Damn it! I’m not okay!” He was angry and frustrated. “Paano nangyari iyon? God, hindi ko pa kilala si Christine noon!” Nasuntok niya ang mesa dahilan para lumigwak ang kapeng nasa tasa. Binalingan uli niya ang kapatid nang may maalala. “Bakit mo ginawa ang DNA test, Vladimir?” Alam ng kapatid niya na sa puntong iyon ay galit na siya dahil hindi niya ito tinawag sa palayaw nito at hindi rin niya ito tinawag na “kuya.” Nagagalit siya dahil ayaw niyang umasa na anak nga niya si Daphne dahil kahit ano ang isip niya, wala talaga siyang maalala. Napatayo siya. Hindi na siya magtataka kung paano nakakuha ng DNA sample ang kapatid niya mula kay Daphne. Maaaring pumunta ito sa bahay ng mga Vinluan at palihim na nakakuha ng ilang hibla ng buhok ng bata. Tumayo rin ito. “Hindi kasi ako matahimik. Hindi maalis sa isip ko ang malaking pagkakahawig ni Hera kay Daphne. Kaya ipina-DNA test ko kayong dalawa. At huwag mo ring sabihin na hindi accurate ang resulta. Personal kong inasikaso ang bagay na ito. Ako rin mismo ang kumuha ng hair strand ni Daphne nang minsang pumunta ako roon. Isa pa, ilang laboratory ang hiningan ko ng opinyon. Alam mong matibay na ebidensiya ang DNA. Now, ipaliwanag mo sa akin kung paano nangyari ang lahat!” Naihilamos niya ang kamay sa mukha dahil nauubusan na siya ng pasensiya. Paikot-ikot lang sila. “Damn it, Kuya! Paano ko ipapaliwanag ang isang bagay na hindi ko rin alam? Sabihin mo nga, kung akin nga talaga si Daphne, sa palagay mo, hindi ko paninindigan si Christine? Responsable akong tao at alam mo iyan. You raised me to be one!” Nagpakawala ng malalim na hininga si Vladimir. Hindi pa rin nawawala sa mukha nito ang kalituhan sa mga nangyayari. “Think, Alexander! Noong mabuo si Daphne, nasaan ka noon?” Saglit na tumahimik siya at kinalkula sa isip kung kailan nabuo si Daphne. Walong buwang gulang ang bata nang makasabay niya si Christine sa eroplano. Nine month old na ito ngayon. All in all eighteen months. Ibig sabihin, nabuo si Daphne isang taon at anim na buwan na ang nakararaan. “Nasa Paris ako noon. It was the first leg of Tally House and Creations’ European Catwalk Invasion. At hindi ko nakilala si Christine doon o kahit nakabungguan man lang. I had a few relationships at mabibilang sila sa mga daliri ko. Sa katunayan, kaya kong isa-isahin sa iyo ang mga pangalan nila!” wika niya. Umupo si Vladimir. “Damn!” “Double damn!” aniya. Umupo rin siya. Ilang beses na huminga siya nang malalim para payapain ang naguguluhang isip. Pero sa kabila ng pagkalito, nakakaramdam siya ng saya dahil siya pala ang ama ni Daphne kahit hindi niya alam kung paano nangyari iyon.                   He sighed. Isang malaking misteryo at palaisipan sa kanya ang tungkol doon. “Ano’ng gagawin natin ngayon, Kuya?” Bumuntong-hininga ito. “Ano pa nga ba kundi ang alamin ang katotohanan. Si Christine lang ang makapagbibigay ng paliwanag dito. I’m sorry, Alexander, pero pati si Christine ay pinapaimbestigahan ko na rin. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko nalalaman ang buong katotohanan.” Nag-pause ito, saka tiningnan siya nang mataman. “Ano’ng nararamdaman mo ngayong nalaman mo na anak mo si Daphne?”               Hindi niya napigilang mapangiti nang maalala ang minsang pagtawag sa kanya ng bata ng “dada.” “Nagalit ako kanina dahil baka binibiro mo lang ako. Ayokong umasa, Kuya, dahil ang totoo, magiging masayang-masaya ako kung mapapatunayan na anak ko nga si Daphne …” Gumuhit ang isang matipid na ngiti sa mga labi ng kapatid niya. “Kaya pala hindi na ako natahimik mula nang makita ko ang bata. Ramdam ko talaga ang kakaibang lukso ng dugo. Na parang iisang dugo lang ang dumadaloy sa mga ugat namin. Ano’ng balak mo ngayon? Kokomprontahin mo ba si Christine tungkol dito?” Ano nga ba ang gagawin niya? Wala pa siyang konkretong plano. Umiling siya. “Hindi ko alam, Kuya. Hindi naman ganoon kadali iyon. Isa pa, malaking palaisipan sa akin kung bakit tila walang alam si Christine.” “How about sperm donations? Nagpa-freeze ka ba ng sperms mo or whatsoever? Baka nagpa-artificial insemination si Christine at nagkataong `yong sperms mo ang napili niya.” Natawa siya dahil sa sinabi ng kapatid. “Huwag kang tumawa, Xander. Sinasabi ko lang ang isa sa posibleng rason kung bakit wala kayong alam pareho ni Christine na anak n’yo si Daphne,” sita nito sa kanya. Nahagod niya ang batok. “Sorry, Kuya. Hindi ko lang maiwasang matawa sa idea. It was absurd. Hindi ako nagdo-donate ng sperm at hindi rin ako nagpa-freeze niyon. What for? Kung ang mga nakarelasyon ko naman ang pag-uusapan, I always see to it I’m protected kapag alam mo na…” “Sinabi mo na nasa Paris ka noong mabuo si Daphne. Hindi imposibleng naroon din si Christine nang mga panahong iyon dahil afford niya na mangibang-bansa anytime. May pagkakataon ba noon na nalasing ka? Alam nating dalawa na masama sa iyo ang nalalasing nang husto. Isa ka sa mga taong paggising kinaumagahan ay hindi matandaan ang ginawa nang nagdaang gabi.” Natigilan siya at napaunat ang likod mula sa pagkakaupo. Totoo ang sinabi nito. Kaya hanggang maaari ay iniiwasan niya ang malasing lalo na at nasa isang kasayahan siya. Pulos fruit punch lang ang iniinom niya kapag may dinadaluhan siyang social gatherings at very minimal ang alcohol intake niya. “Ano, Alexander? Uminom ka ba noon? Isipin mong maigi. Doon sa mga dinaluhan mong social gatherings o pre-victory party.” Nahagod niya ang kanyang buhok. “Masyado nang matagal para matandaan ko pa iyon.” “Think harder, Xander,” udyok sa kanya ni Vladimir. Pumikit nga siya at pilit binalikan sa isip ang mga pangyayari noong nasa Paris pa siya. Mayamaya ay nangislap ang mga mata niya. “I think, may pagkakataon nga na nalasing ako noon…” Pilit niyang binalikan sa isip ang nangyari noong nalasing siya pero kahit anong pilit niya ay wala siyang maalala. “Argh! This is so frustrating!” Bumuntong-hininga si Vladimir. “Pasasaan ba’t lalabas din ang lahat.” Tumayo na ito. May dinukot ito sa bulsa ng suot nitong army uniform. Inilapag nito iyon sa harap niya. “Here, tingnan mo ang lumang litrato ni Hera.” Kinuha niya iyon at tiningnan. Luma at medyo lukot na ang larawan pero malinaw pa rin ang hitsura ng batang naroon. Nanindig ang lahat ng mga balahibo niya sa katawan habang nakatitig doon. Tama si Vladimir, malaki ang pagkakahawig ni Daphne sa namayapa nilang kapatid. Sa katunayan, puwedeng ipagkamali na si Daphne ang nasa larawan.   “XANDER! Kanina ka pa diyan?” gulat na bulalas ni Christine nang makita niya ang binata na nakatayo sa pintuan ng opisina niya sa CC MOA. She was so busy she didn’t notice his presence. Naglakad ito palapit sa mesa niya. Gusto niyang kabahan sa klase ng pagkakatingin nito. Tila nanunuot iyon hanggang sa kaluluwa niya. Pero saglit lang at muling bumalik ang charming aura nito. Naupo ito sa visitor’s chair. Hindi siya hinihiwalayan nito ng tingin kaya kumabog ang dibdib niya. Nakaramdam siya ng pagkailang. Tumikhim siya para pukawin ito. Noon lang ito tumigil sa pagtitig sa kanya. Inilapag nito sa ibabaw ng mesa niya ang isang maliit na sobre pagkatapos ay marahang itinulak iyon papunta sa kanya “Ano `yan?” “Invitation sa binyag ng panganay nina Zeke at Patrice. Busy pa ang mag-asawa kaya sa akin nila ipinadala ang imbitasyon na para sa iyo. Isa ka sa mga ninang kaya hindi puwedeng hindi ka pupunta,” wika ng binata. Dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang manganak si Patrice. Isinama siya ni Alexander sa pagdalaw sa bagong mommy, at doon niya nakilala nang personal ang asawa nito na si Ezekiel Moreno, ang charming na CEO na mukhang masyadong seryoso maliban na lang kung ngingiti at lilitaw ang dimple nito. Ninang daw siya ng baby ng mga ito. Kinuha niya iyon at binasa. “Forever Island?” aniya na ang tinutukoy ay ang nabasang lugar na pagdarausan ng nasabing binyagan. “Isa ang Forever Island sa mga bagong pag-aari nina Zeke at Patrice. Isa iyong isla na matatagpuan sa Palawan. Ang alam ko, gagawin sanang commercial resort ang isla pero nagbago ang plano nila. Instead, ginawa na lang nilang pribadong bakasyunan iyon. Gusto ng mga Moreno na gawing pribado at solemn ang binyag kaya doon gaganapin sa isla,” paliwanag nito. Hindi makapagdesisyon si Christine kung a-attend o hindi. Inaalala kasi niya si Daphne. Napangiti siya. Nine month old na ito. Isang buwan na pala ang nakalilipas mula nang makasakay nila si Alexander sa eroplano. “It was just a one day event, Christine. May private plane na magdadala at maghahatid pauwi sa mga guests. Pero puwede kang mag-stay kung gusto mong i-explore ang isla. Huwag mong alalahanin si Daphne dahil puwede mo siyang isama. I don’t mind babysitting my da—her. I’m sure, mag-e-enjoy roon si Daphne lalo at maraming mascots na inarkila sina Patrice.” Tumango-tango siya. “Bukas na pala ang binyag. Bakit ngayon lang ibinigay ang invitation? Wala pa akong nabibiling regalo.” “Gifts aren’t necessary, your presence does. Kaya ngayon lang ipinamigay ang invitations ay para hindi makatunog agad ang press. Alam mo naman na malaking tao si Ezekiel Moreno. Hanggang maaari ay gusto niyang iiwas sa media ang kanyang pamilya.” Napapitlag siya nang ipatong ni Alexander ang palad sa kamay niya at bahagyang pisilin iyon. She felt the heat. Kumabog din ang dibdib niya. Paano ba siya magre-react? Ni hindi niya magawang sawayin ito.  “O-okay… I’ll go. Nakakahiya sa mag-asawang Moreno kapag hindi ako pumunta,” sa wakas ay sabi niya bago pasimpleng binawi ang palad. Mabuti na lang at nakaupo siya dahil nanginginig pala ang mga tuhod niya. Tumayo si Alexander at ipinatong ang mga kamay sa mga balikat niya. “Isasama mo ba si Daphne?” “O-oo.” Gusto niyang kutusan ang sarili sa pag-i-stutter. Ngumiti ito, halatang nasiyahan sa sinabi niya. “Good.” Hindi siya sigurado pero tila nagbago ang timbre ng boses nito at bahagyang dumiin ang mga palad nito sa mga balikat niya pero saglit lang iyon dahil umupo uli ito. Tinitigan uli siya nito nang mataman. Ano ba ang gustong palabasin ng lalaking ito? Tumingin si Alexander sa suot na relo. “Tanghali na pala. Let’s go?” “Saan?” nakakunot-noong tanong nito. “Sa labas para mag-lunch.” Umiling siya. “May appointment ako ngayong twelve kaya nag-early lunch na ako kanina.” Sinimulan na niyang ligpitin ang mga gamit niya sa mesa. Kailangan niya ng distraction dahil nakaka-conscious ang paraan ng pagtitig nito sa kanya. “Ganoon ba? Ihahatid na lang kita sa meeting place n’yo.” Tinulungan siya nito sa pagliligpit ng mga folder at iba pang papeles na nasa mesa niya. “Hindi na. Kaya ko—” Nahigit niya ang hininga nang aksidenteng pumatong ang palad niya sa kamay nito nang kukunin niya ang isang bunton ng papel na kukunin nito para iligpit. Para siyang nakuryente sa sandaling pagkakalapat ng mga balat nila. Napalunok siya. Natagpuan niya ang sarili na nag-aangat ng tingin at sinasalubong ang mga mata nito. Ilang sandaling nanatiling magkaugnay lang ang mga mata nila. Napakaraming emosyon na dumadaan sa mga mata nito na hindi niya mapangalanan lahat. “C-Christine…” mahinang wika nito subalit malinaw niyang narinig. Bahagyang ipinilig niya ang kanyang ulo para gisingin ang sarili sa animo ay panaginip na kinaroroonan niya. Mabilis na binawi niya ang sariling palad. “K-kaya ko na. Huwag mo na akong ihatid. Salamat na lang…” Lihim siyang nagpasalamat na hindi na ito nangulit pa. Tumango na lang ito. “I’ll go ahead.” Tuloy-tuloy na itong lumabas ng opisina niya. Binitiwan niya ang mga hawak na papeles at sumandal sa backrest ng swivel chair niya. What a moment it had been!  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD