Chapter 8

2799 Words
“KUMUSTA ang tulog mo, hija? Mahimbing ba?” tanong ng doktor habang tinitingnan ang resulta ng MRI na isinagawa sa kanya nang nakaraang araw. Ang occasional checkup niya dahil sa kanyang amnesia ang appointment na tinutukoy niya kanina kay Alexander. Hindi gaano, Doc. Madalas akong mapuyat sa kakaisip sa isang tao. Hindi mawala sa isip ko ang malalagkit na titig niya, ang mapanuksong tingin, at ang nakapanlalambot-tuhod na ngiti… “A-ah, okay naman po.” “Kumusta naman ang pagkain mo?” Hindi ako gaanong makakain lately, Doc. Mas gusto ko kasing isipin si Xander kaysa kumain. Hindi na nga— Christine, ano ba ang mga iniisip mo? kastigo niya sa sarili. Nakagat niya ang ibabang labi. Nasa isang checkup siya, she better gather her wits. “Okay naman po, Doc. Healthy ang diet ko at magana rin akong kumain.” Tumango-tango ito bago inalis ang salamin at inilapag iyon sa ibabaw ng mesa. “Okay naman ang resulta ng MRI mo. Magaling na ang head injury mo. Normal din ang blood circulations, at walang chemical imbalances na nangyayari.” “Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik ang kompletong alaala ko, Doc? Sinubukan ko nang pumunta sa mga lugar na dati kong pinupuntahan. Madalas ko rin pong kausapin ang mga kaibigan ko katulad ng payo n’yo pero bakit wala pa ring pagbabago? Hindi ko pa rin matandaan ang ilang pangyayari sa buhay ko…” Kung ano pa ang isa sa pinakamahalaga, siya pang nakalimutan ko. Kung puwede lang na biyakin ko ang ulo ko makita ko lang ang sagot kung sino ang tunay na ama ni Daphne. Hanggang ngayon, nangangapa pa rin ako sa dilim… “Katulad ng sinabi ko dati, mahiwaga ang utak ng tao. Hindi natin eksaktong alam kung kailan babalik ang kompletong alaala mo. Ang ilang naging pasyente ko na may amnesia ay iba’t iba ang degree ng pagkalimot nila, iba-iba rin ang naging factor para bumalik ang alaala nila. Madalas ay kailangan na may mag-trigger para bumalik ang alaala ng isang tao. Don’t worry, hija. Sa nakikita ko, maayos ang lahat. Isang araw, kusang babalik ang nawalang memorya mo.” Tumango siya. Umaasa siya na malapit nang dumating ang sandaling iyon. “Thank you, Doc.” “You’re welcome.”                   PARANG déjà vu ang nangyayari. Katabi uli ni Christine si Alexander pero this time ay sa isang eight-seater chartered plane sila nakasakay. Pagkasundo ni Alexander sa kanila ni Daphne, dumeretso sila sa isang private hangar kung saan naghihintay roon ang isang chartered plane. Katulad noong una, abala uli ito sa pakikipag-usap sa anak niya. Parang may sariling mundo uli ang dalawa. Pero parang may kakaiba ngayon sa paraan ng pagtingin ni Alexander sa anak niya. May pagkakataon na parang may kumislap na luha sa mga mata ng binata habang nakatitig kay Daphne. “Xander, bakit wala yata tayong ibang kasabay papunta sa isla?” naisipan niyang itanong nang makita ang mga bakanteng upuan. “Susunod sila,” maikling sagot nito nang hindi lumilingon sa kanya. Abala ito sa pakikipaglaro kay Daphne. Ibinaling na lang niya ang kanyang paningin sa labas ng eroplano. Pagkalipas ng mahigit isang oras ay unti-unti nang bumababa ang lipad ng eroplano sa isang isla. Kitang-kita niya sa ibaba ang isang bahay na nakatirik sa isang isla. Nakakaakit ang maputing buhangin na hinahampas ng mga alon. Nangangasul din ang tubig doon. It was so enchanting. Parang gusto niyang ang unang gawin pagbaba sa isla ay maglunoy sa tubig. Mayamaya pa ay bumaba na ang eroplano sa airstrip. Excited na sinamsam niya ang dalang gamit. Kinuha ni Alexander ang dala niyang malaking nappy bag at saglit na nakipag-usap sa piloto bago tuluyang umalis ang eroplano. “Let’s go,” yaya ng binata. Napakatahimik ng lugar maliban sa panaka-nakang paghuni ng mga ibon, pag-ihip ng hangin, at paghampas ng alon sa dalampasigan. It was a perfect place for soul-searching. Kumunot ang noo niya. Parang wala namang gaganaping binyagan. Wala siyang nakikita kahit isang tao na abala para sa gaganaping binyagan bukas. O baka naman maaga lang silang dumating at mamayang gabi pa sisimulan ang paggagayak sa lugar? Pagpasok nila sa bahay ay sinalubong din sila ng katahimikan. Iginala niya ang paningin sa paligid. Kompleto sa mga kagamitan ang bahay at may linya ng kuryente. Natuon ang pansin niya sa isang crib na nasa sala. Ibinaba ni Alexander ang sukbit na nappy bag bago nito maingat na inilapag si Daphne sa crib. “There, baby. Good girl,” anito kay Daphne sa bata bago ito naupo sa sofa. “Maupo ka muna, Christine,” anito sa kanya. Tumalima siya. Tumayo rin ang binata. “I’m sure, may inihandang merienda si Manang Rosie. Titingnan ko lang kung ano iyon.” Sinundan na lang niya ng tingin si Alexander. Hindi mawala ang pagdududa niya. Ipinilig niya ang ulo. Ano naman kung sakali ang mapapala ni Alexander sa pagdadala nito sa kanila ni Daphne sa isla nang wala naman palang binyagang magaganap? Pagbalik nito ay may dala na itong tray na kinalalagyan ng merienda. Tahimik na kumain siya. Pinadede na rin niya si Daphne. Pagkatapos nilang mag-merienda, dinala sila ni Alexander sa silid na ookupahin nila ni Daphne. Pumasok sila. It was spacious and simple yet there were elegance in every corner. “Nagustuhan mo? Sa tingin mo, magiging komportable kayo rito ni Daphne? O kung gusto mo, `yong masters bedroom na lang ang sa inyo. Masyadong malaki iyon para sa akin.” “Ilang kuwarto ba ang meron dito?” tanong niya habang inilalapag sa kama ang natutulog na si Daphne. “Four. One master bedroom, isa kay Kuya Vlad, saka two guestrooms.” Uminit ang ulo niya at lalong tumindi ang pagdududa niya. Ang sabi sa kanya ni Alexander, pagmamay-ari ng mga Moreno ang isla, pagkatapos ay sasabihin nito na ito ang umookupa ng masters bedroom at may sarili pang kuwarto roon si Vladimir? Huminga siya nang malalim at pilit kinalma ang sarili.     “Doon tayo sa sala, Xander,” aniya rito bago nagpatiuna nang lumabas ng silid. Hindi niya nais na magising ang bata kapag sinita na niya si Alexander. Sumunod ito sa kanya. Hinarap niya ito nang nasa sala na sila. “Sabihin mo ang totoo, Alexander. May binyagan ba talaga rito bukas o wala?” nakapamaywang na tanong niya rito. “Wala,” kalmadong sagot nito na parang bale-wala lang dito kung nagsinungaling ito sa kanya. “Kung gano’n, bakit mo kami dinala rito on the pretense na may binyagan na magaganap?” pilit nagpapakinahon na tanong niya rito. “Hey, relax. Wala akong masamang balak. Gusto lang kitang makasama, saka si Daphne.” “Bakit kailangang isama mo pa sa kalokohan mo ang anak ko? Diyos ko! Isla ito, Xander. Huwag naman sanang itulot ng Diyos na may mangyaring emergency kay Daphne dahil kapag nagkataon, paano kami aalis dito?” At hindi mo ba alam na nakapagpapataranta at nakapagpapakaba sa akin na tayo lang dalawa ang narito sa islang ito? Wala ka ba talagang idea kung gaano kalaki ang epekto mo sa akin? Mukhang hindi ito naapektuhan ang pangangamba niya. “Christine, relax, okay? Huwag kang mag-alala dahil hinding-hindi ko pababayaan si Daphne. Ngayon pa bang alam ko nang—” “Alam mo na ang ano?” putol niya rito. Ngumisi ito. “Sasabihin ko na sana pero in-interrupt mo ako.” “You’re impossible! Akalain ko ba na may saltik ka pala sa ulo!” nanggagalaiting wika niya habang nagpapalakad-lakad. “This is double kidnapping!” “Of course not. Kusa kang sumama sa akin. Pangalawa, hindi naman kita pipigilan kung gusto mong umalis. Puwede kang umalis ngayon kung gusto mo. Iyon nga lang, walang bangka o rubber boat dito sa isla. Chopper lang ang means of transportation dito. At kanina pa iyon nakaalis,” nakangising wika nito. “Since, alam mo na ang totoo, sige, aamin na ako. Akin ang islang ito. Pinagbakasyon ko muna ang caretaker ng isla na si Manang Rosie—yep, kunwari ko lang kanina na titingnan ko kung ano ang inihanda niyang merienda,” anito na tila nahulaan ang nasa isip niya nang sabihin na pinagbakasyon nito ang caretaker. “Tayo lang tatlo nina Daphne ang narito ngayon,” nakangisi pang sabi nito na tila nagwagi sa kung anong laban. Sa sobrang inis niya, naghagilap siya ng maibabato rito. Nahagip niya ng tingin ang mga throw pillow sa sofa. Iyon ang sunod-sunod na ibinato niya rito. Kapagkuwan ay nagmamartsang lumabas siya ng bahay at nagtungo sa dalampasigan. Naupo siya sa buhanginan. Ano ba ang gustong palabasin nito sa pagdadala sa kanya roon? At talagang ginusto pa nitong isama si Daphne!                      Hindi na niya namalayan ang paglipas ng oras dahil sa pagsisintir. Napansin lang niya iyon nang magsimulang kumalat ang dilim at nakaramdam siya ng gutom. Hindi sana niya gustong bumalik sa loob ng bahay pero naisip niya si Daphne.  Baka nagugutom na ito. Hustong nakatayo siya at pinapagpagan ang damit ng mga buhangin ay narinig niya ang boses ni Alexander. “Christine! Halika na sa loob, lumalamig na!” Umismid siya at hindi ito pinansin. “Sige ka, kapag ganitong oras, may siyokoy na umaahon mula sa dagat!” sigaw nito. Doon siya nataranta. Napabalikwas siya patungo sa bahay at mabilis na naglakad papasok. Bata pa lang siya ay takot na siya sa siyokoy. Hindi niya na-overcome ang takot na iyon kahit nang lumaki na siya lalo pa at may nabasa siya minsan na article sa Internet tungkol sa nakitang patay na nilalang sa dagat na pinaniniwalaang isang siyokoy. Damn you, Alexander! aniya nang madaanan niya ito sa pinto. Sinadya niyang banggain ang braso nito dahil sa buwisit. Nilampasan niya ito at dere-deretsong pumasok na sa silid. Ini- lock niya ang pinto. Tiningnan niya si Daphne. Tulog na tulog pa rin ito. Mukha namang hindi pa ito gutom dahil siguradong magigising ito at mag-aalboroto kung gutom na. Mayamaya ay nakarinig siya ng mahihinang katok sa pinto. “Christine, halika na. Kain na tayo. Kanina pa walang laman ang tiyan mo. Napadede ko na si Daphne at kumain din siya ng solid food kaya `ayan, tulog na naman.” Nahimigan niya ang fondness sa boses nito para sa anak niya at nakabawas iyon sa nararamdaman niyang inis dito. Pero hindi pa rin siya sumagot. Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Okay, I’m sorry. Hindi tama na nagsinungaling ako sa iyo.” Hindi pa rin siya sumagot. Sa halip ay tinabihan niya sa kama si Daphne. Itutulog na lang niya ang gutom na nararamdaman. “Christine, I said I’m sorry.” Hindi pa rin siya sumagot. Bumuntong-hininga uli ito. “Okay, in case na magutom ka, nasa kusina lang ang pagkain. Goodnight, Christine. Say goodnight to Daphne for me.” Iyon lang at narinig na niya ang palayong mga yabag nito.   NAPAHIKAB si Christine habang tulalang nakaupo sa kitchen table. Sa harap niya ay naroroon ang isang tasa ng umuusok na kape. Hindi siya coffee drinker pero sa mga sandaling iyon ay kailangan niya ang kape para mabuhay ang mga dugo niya. Muli siyang napahikab. Halos hindi siya nakatulog dahil magdamag niyang inisip kung ano ang pumasok sa isip ni Alexander at kinailangan pang pagsinungalingan siya para madala sila ni Daphne sa islang iyon? Kahapon pa siya kinakabahan, hindi dulot ng takot kundi dulot ng katotohanang sila lang ni Alexander ang naroroon. Paano niya ito pakikitunguhan kung ganoong practically ay solo nila ang buong isla? “Well, I’m glad, hindi lang pala ako ang nahirapang matulog kagabi.” “God!” gulat na bulalas ni Christine, tutop ang dibdib. Bigla na lang itong sumulpot at nagsalita roon. “Napakabata ko pa para ma-heart attack, Xander!” angil niya rito. Hindi nito pinansin ang sinabi niya. “Have you ever catch some sleep, Christine? Kahit kaunti? Ako, hindi.” Pinukol niya ito ng masamang tingin. Nakatayo at nakasandal ito sa hamba ng pinto. Nakakrus din ang mga braso nito sa dibdib. Mukhang kagagaling lang nito sa pagtakbo o pagja-jogging. Nakasuot ito ng track shoes, white shirt, at blue shorts. Mamasa-masa ang buhok nito sa pawis, gayundin ang suot nitong T-shirt na halos bumakat na sa matipunong katawan nito. “I’m sorry, hindi ko sinasadyang gulatin ka, Chris. Tumikhim ako para ipaalam na narito ako pero mukhang hindi mo napansin. Ang akala ko nga, sinadya mo lang na hindi ako pansinin.” Humakbang ito papasok ng kusina pagkatapos ay humarap sa kanya. “Masyado yatang malayo ang nilakbay ng isip mo…” Nanlaki ang mga mata niya nang maghubad ito ng T-shirt sa harap niya. Pagkatapos ay ginamit nito ang shirt na pamunas sa katawan nitong basa ng pawis. And for the life of her, hindi niya alam kung bakit sa halip na ma-turn off sa ginawa nito, na-turn on pa siya! His lean, sweet sheened muscles of his torso rippled smoothly with the movement he make. Napalunok siya nang dumako ang tingin niya sa pinong balahibo sa dibdib nito.                  What are you doing, Xander? Gusto mo ba talaga akong i-torture? She calmed herself. Ngayon ay hindi na niya kailangan ng kape para mabuhay ang dugo niya.            Nang muling ibalik niya rito ang tingin ay nahuli niyang may sinusupil itong ngiti sa mga labi. Kumunot ang noo niya. Mukhang sinadya nitong ibalandra sa kanya ang katawan nito dahil nag-e-enjoy ito sa uneasiness niya. Gusto niya itong singhalan pero hindi niya matagpuan ang sariling tinig. At nang lumapit ito sa kanya, napatayo siya at akmang iiwas dito pero hanggang pagtayo ang nagawa niya. Dahil tila naging semento ang mga kalamnan niya at hindi na niya maihakbang paalis ang mga paa.                      Pagkatapos siya nitong titigan nang ilang sandali, umangat ang isang palad nito at marahang humaplos sa kanyang pisngi. Lalo siyang nanigas kasabay ng pagbilis ng t***k ng puso niya. She could smell his natural manly scent. Pakiramdam niya ay may ginigising ito na kung ano sa pagkatao niya. Mariing ikinuyom niya ang palad upang pigilan ang matinding urge na damhin ang hubad na dibdib nito. Umagang-umaga pero tila katanghaliang-tapat na sa init na sumisingaw sa pagitan nila. Napatingala siya nang dumako ang kamay nito sa kanyang leeg. Hindi niya maigalaw ang ulo para umiwas. “You have a swan-like neck, don’t you know that?” anas nito. His voice was so husky.                       Get a grip, Christine! He was obviously seducing you! Tila nagising siya mula sa isang mahika dahil doon. Inipon niya ang lahat ng willpower para magawa niyang lumayo rito. “H-have you ever heard of s****l harassment?” tanong niya. Muntik na siyang sabunutan ang sarili sa pagkautal. “Chris, dear, this is s****l, but this is not harassment,” anito bago naupo sa silyang inokupa niya kanina. At ang lakas ng loob nito na humigop sa kape niya! “And that was based on experience. I’m not being arrogant. Sa edad ko, masasabi ko na kung kailan attracted sa akin ang isang babae o hindi,” dugtong pa nito na ikinapanlaki ng mga mata niya. “Gusto mo bang palabasin na attracted ako sa iyo?” defensive na tanong niya rito.                   Tumayo ito. “Iyon ang totoo kaya huwag mo nang ikaila. Isa pa, sigurado naman ako na alam mo rin na ganoon ang nararamdaman ko sa iyo. I’m attracted to you, Christine.” “I… h-hindi ko alam ang sinasabi mo, Xander,” paiwas na sagot niya. Bakit ba ganito na lang ang epekto sa kanya ng binata? Tila kayang-kayang lamunin ng presensiya nito ang buong pagkatao niya. Ilang sandaling tinitigan siya nito bago ito nagpakawala ang malalim na hininga. “Okay, I guess, kailangan mo pa ng oras. I’ll be patient. Good morning, Christine,” anito bago naglakad palabas ng kusina. He didn’t bother to wear his shirt. Isinampay lang nito iyon sa balikat nito. Hindi niya napigilan ang sarili na habulin ito ng tingin. Nakatalikod man ito o nakaharap sa kanya, nagagawa siyang akitin nito. He had a sexy butt, too, unlike most men she knew. Tumigil ito sa paglalakad at biglang lumingon sa kanya. Mabuti na lang at mabilis niyang naiiwas ang paningin dito bago pa siya nito mahuling nakatitig. “Chris…” Tumingin siya rito subalit hindi siya nagsalita. Ngumiti ito nang makahulugan. It was laced with arrogance, admiration, and seduction. “Isa akong professional model, `di ba?” Tumaas ang isang kilay niya. “Ano ngayon?” “Well, what I mean is I know how to wait for my cue. In our case, handa akong maghintay kung kailan ka handa nang aminin ang nararamdaman mo,” anito. Hindi na siya hinayaan nitong makapagsalita dahil tuloy-tuloy na itong umalis.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD