This is... that kind of dream again.
Nakatayo sa gitna ng isang hindi pamilyar na lugar. Kulay itim at puti pa rin ang paligid. Ngunit hindi tulad ng nauna niyang panaginip, wala siya ngayon sa isang abalang kalye. Nasa gitna siya ng tila isang pamilihan. Maraming mga magkakatabi na hitsurang tent ang nasa paligid. Gawa ang bubong ng mga iyon sa malalaki at makakapal na tela. Maingay ang mga tindero at tindera na nag-aalok na kanilang mga paninda. Ngunit hindi niya maintindihan ang lenggwahe ng mga ito.
Kanya-kanya ang mga ito sa paghatak ng mga mamimili, ang iba ay bitbit pa ang paninda nila at nagsasayaw-sayaw. Kanya-kanyang gimik ang mga ito.
"Ay! Sorry bata." Wala siyang boses. Sa isip niya lamang sinabi ang mga katangang iyon. Sinubukan niya ibuka at muling isara ang bibig niya ngunit wala talagang boses na lumalabas mula roon.
May isang batang lalaki na nakabunggo sa kaniya. Nadapa ito, at tumapon ang mga mansanas nitong bitbit. Nakalagay iyon sa isang malaking bilao na pinapatong nito sa ulo nito. Ngunit agad na tumayo ang bata, napatingin-tingin sa paligid nito na para bang hindi siya nakikita. Napakamot ito ng ulo at tagusan ang tingin sa kaniya. Mukhang hindi pa rin siya nakikita ng mga tao sa paligid niya. Para tuloy isang multo ang presensya niya.
Lumuhod ang bata at isa-isang pinulot ang nagkalat na mansanas. Gusto sana niya itong tulungan pero hindi niya magawa. Parang nakapako pa rin ang mga paa niya sa lupa. Hindi siya makaalis sa kinatatayuan niya.
"Pasensya ka na," sabi ng isip niya habang nakatingin sa bata.
Madungis ang bata. May punit ang damit nito at nakayapak. Kumunot ang noo niya nang makitang ang mga bukong-bukong nito ay nakakadena sa isa't isa. Hindi lamang ito ang mayroon niyon sa mga paa. Doon lamang niya napansin na maraming mayroong ganoon. Binatilyo, matanda, iba't ibang edad. At lahat ng mga ito ay halata na mas mababa ang katayuan kaysa mga taong magagara ang kasuotan. Madudungis din ang mga ito, may punit ang mga damit, at kung hindi nakayapak ay butas ang mga sapatos na suot.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit tila walang pakialam ang mga tao sa batang lalaki; na kasalukuyang abala sa pagpupulot ng nagkalat nitong mga panindang mansanas. Ang iba pa ang ay sinisipa ang mga iyon, at patay-malisya na inaapakan.
Segundo lamang ang lumipas nang mahawi ang mga tao. Isang mataba at pandak na lalaki ang dahilan niyon. Nakasuot ito ng pormal na kasuota. May pa-ribbon itong kurbata sa leeg, may puting gloves sa kamay, at mataas ang suot na sumbrero. Sa likod nito ay isang matangkad na lalaki na malaki ang pangangatawan. Gwapo ang lalaki, ngunit walang kahit anong emosyon ang mukha nito. Nakapormal din itong kasuotan, ngunit hindi tulad ng matabang lalaki, wala itong sumbrero, at imbes na bowtie, mahabang kurbata ang nasa leeg nito. At nang dumako ang tingin niya sa paa nito, may kadena ang mga iyon.
Ito pa lamang ang kauna-unahan niyang nakita na may kadena ang mga paa ngunit maayos ang pananamit.
Ano kaya ang ibig sabihin niyon?
Nang makita ng batang lalaki ang matabang lalaki ay unti-unting gumuhit ang takot sa mukha nito. Naging mabilis ang kilos nito. Mas binilisan pa ang pagpupulot sa mansanas. Lumapit ang matabang lalaki rito. At segundo lamang ang lumipas ay tumigil na ito sa pagpupulot. Nakita na lamang niya ang batang lalaki na nakaluhod na sa harapan ng matabang lalaki. Umiiyak ang bata at halos halikan na ang sapatos ng matabang lalaki.
Mukha itong humihingi ng tawad.
May mga sinasabi ito ngunit hindi niya iyon maintindihan. Kung ano man iyon, alam niyang paghingi iyon ng tawad. Pinagsalikop pa nito ang mga palad at kulang na lamang ay sambahin na ang matabang lalaki.
Kitang-kita ang takot sa mga mata nito.
Humalakhak ang matabang lalaki. At ang sunod na ginawa nito ang halos dumurog sa puso niya. Sinipa nito sa mukha ang bata. Halos sumalampak ito padapa sa mga mansanas na pinulot nito kani-kanina lamang. Muling gumulong ang mga mansanas.
Nagpalinga-linga siya. Gusto niyang humingi ng tulong sa mga tao sa paligid. Ngunit karamihan sa mga ito ay nanonood lamang, nagbubulungan, at mayroon pa ngang wala talagang pakialam at dinadaan-daanan lamang ang bata at matabang lalaki.
Walang gustong umawat, walang gustong mangialam.
Nag-unahan sa pagtulo ang nga luha niya. Siya ang may kasalanan niyon. Siya ang may kasalanan kung bakit binubugbog ngayon ang batang iyon. Kung hindi lamang sana ito nabunggo sa kaniya, sana ay hindi ganito ang nangyayari ngayon.
Hindi pa nakuntento ang matabang lalaki. Mahigpit nitong hinawakan sa buhok ang batang lalaki na napaigik na sa sakit. Doon, lumantad sa kaniya ang nasasaktang mukha nito. Kahit itim at puti ang kulay ng paligid, alam niyang dugo ang tumutulo mula sa ilong nito. Tumutulo na iyon sa maduming damit ng bata.
Halos umangat sa lupa ang mga paa ng bata na nagpupumilit makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng matabang lalakinsa buhok nito.
Unti-unting kumuyom ang kaniyang kamao. Walang puso sa ang lalaking ito! Marahas niyang pinunasan ang kaniyang luha.
"TAMA NA IYAN!" Galit na sigaw niya. Natigilan ang mga tao dahil sa lakas niyon.
Namilog ang kaniyang mga mata. Lumabas na ang mga salita mula sa bibig niya. Maging ang kaniyang mga paa, naigagalaw niya na rin. Hindi na iyon tila nakadikit mula sa kaniyang kinatatayuan.
Aawatin sana niya ang matabang lalaki. Ngunit sa oras na naihakbang niya ang paa, tumigil sa paggalaw ang lahat. Parang naestatwa ang mga tao roon, pati na rin ang mga bagay. Tumigil sa paggalaw ang mga gumugulong na mansanas, tumigil sa ere ang nahulog na sukli ng isang ale. Pati ang pagwawala ng isang kabayong nakatali sa isang kahoy na wagon sa hindi kalayuan, tumigil din.
Siya lamang ang malayang nakakagalaw. Kung saan-saan niya nailingon ang kaniyang ulo dahil talaga namang nawi-weirduhan siya sa mga nangyayari.
Napaatras siya nang unti-unting mag-c***k ang lupang kinatatayuan niya. Parang isang iyong salamin na unti-unting nababasag, at may isang napakaputi at napakaliwanag na ilaw na nanggagaling sa bawat c***k niyon.
Nakaramdam siya ng kaba.
"A-ano ba ang nangyayari?" Nauutal na tanong niya sa kaniyang sarili.
"IKAW!" Napapitlag siya sa isang malakas na pagsigaw na iyon.
Mula sa kung saan ay sumulpot ang guwapong lalaki na kamukha niyong lalaki na nagbibigay sa kaniya ng ice cream sa totoong mundo.
Nagmamadali itong lumapit sa kaniya. Ramdam niya ang bigat ng bawat yabag nito. Ramdam niya ang galit na inilalabas ng aura nito. Ibang-iba iyon sa aura nito noong isang gabi kung saan hinalikan siya nito.
At mas nakapagtataka pa ay nakakagalaw at nakakapagsalita rin ito tulad niya.
Nang tuluyan itong makalapit sa kaniya ay mahigpit nitong hinablot ang siko niya. Halos mapaigik siya sa sakit na dulot niyon.
"Ano ang ginawa mo?" Galit na tanong nito. Bahagya pa siyang natigilan dahil sa lahat ng tao sa paligid, ito lang ang naiintindihan niya ang sinasabi. Halos patayin na siya ng malalamig nitong mga mata.
"H-hindi ko alam. Wala naman akong ginawa," depensa niya sa sarili ngunit mas humigpit lamang ang paghawak nito sa siko niya.
"Anong klaseng tao ka?" Kunot ang noo na tanong nito habang titig na titig sa kaniyang mga mata. "Sumagot ka. Anong klaseng tao ka?"
Hindi niya ito maintindihan. Hindi niya alam ang dapat isagot. Basta ang alam niya, nasasaktan na ang siko niya at gusto niyang makawala mula sa hawak nito.
"B-bitawan mo ako. Nasasaktan ako," she struggled. Pilit niyang binawi ang kamay at piniksi iyon.
Marahas naman siya nitong binitawan, at pakiramdam niya, nahulog siya mula sa isang mataas na lugar. Just like the other night, para siyang sinipa pabalik sa realidad.
Napabalikwas siya ng bangon. Nakatulog pala siya sa pagbabasa niyong libro na binili niya sa convenience store. At dahil padapa siyang nakatulog, nawala sa isip niya na mababa nga lamang pala ang bubong niyon. Naumpog tuloy ang ulo niya roon.
"Ack!" Nasapo niya ang nasaktang ulo. "Aray ko," she hissed.
Maliwanag na sa labas. Ang liwanag ng araw ay sumusuot sa maliit na siwang sa ice cream truck. Umaga na pala kaagad, at hindi siya makapaniwala doon. Parang sandali lamang siyang nakatulog. Parang saglit lamang ang oras ng kaniyang nanaginip. Pero napakaraming oras na pala ang lumipas.
Naramdaman niya na basa ng luha ang kaniyang magkabilang pisngi. Agad niyang tinuyo ang mga iyon gamit ang kaniyang palad.
Punung-puno siya ng prustrasyon na napaupo na lamang sa sahig.
Ano bang klaseng panaginip iyon?