Nang gabing iyon, magdamag silang nagkwentuhan. Sina Mayhem at ang mga amo niya. Nalaman niyang may itinatago pala siyang daldal at gilas sa pakikipagkuwentuhan. Ibinida niya sa mag-asawa ang mga alaga niyang aso pati na rin ang kaniyang mga halaman. Nagpaturo pa nga ang Mama She niya kung paano magtanim.
Ikinuwento niya sa mga ito kung gaano katagal na siyang nakatira sa car graveyard na iyon na ikinaawang ng bibig ng mga ito. Hindi makapaniwala na magmula pa noong high school niya nadiskubre ang lugar na iyon. Nagpumilit pa nga ang dalawa na ampunin na lamang siya na kaniyang tinanggihan. Bukod sa nahihiya na siya sa dami ng naitulong nito sa kaniya, nasanay na rin naman siya roon kasama ang mga aso niya.
Ipinangako niya sa mga ito na palagi siyang mag-iingat at agad na tatawag kapag may nangyaring hindi maganda. Kaya ang numero ng mag-asawa ang kauna-unahang mga numerong nai-save niya sa contact list niya. At kinabukasan nga niyon ay hinatid sa kaniya ng Mami Dan niya ang lumang generator na siyang nagsu-supply sa kaniya ng kuryente ngayon. Masasabi niya na talagang napakasuwerte niya.
Ipinagpatuloy ni Mayhem ang pag-aalis ng mga expired na pagkain. Nasa huling estante na siya ng mga noodles nang marinig niya ang tunog ng maliit na bell sa pintuan ng convenience store. Tumayo siya at pinagpagan ang sarili. Ang akala niyang customer ay delivery guy pala. May nakaparada nang delivery truck sa harap ng store. Ni hindi niya narinig iyon dahil sa paglipad ng kaniyang isip.
"Miss, delivery ho." Pagtawag sa kaniya ng may katangkaran na delivery guy.
May suot itong asul na sumbrero pares ng kulay ng suot nitong company uniform at may hawak na invoice.
"Wait lang po, kuya. Maupo ho muna kayo," itinuro niya ang customer's lounge. "Wala po kasing nasabi ang boss ko na may darating pala na delivery. Nagmamadali po kasi siya umalis kanina. Tatawagan ko lang ho siya saglit."
"Ay sige ho, Miss. Wala pong problema," sabi ng delivery guy bago inalis ang sumbrero nito at ginamit iyon na pampaypay. Mukhang init na init ito dahil sa panahon.
Mabilis niyang kinuha ang cellphone sa bag niyang nakasabit sa likod ng pintuan. Hinanap niya sa contact list ang cellphone number ng Mami Dan niya at agad na tinawagan iyon. Ngunit ilang minuto ang lumipas ay operator lamang ang sumagot sa kabilang linya. She hit the dial button again but just like her first try, it was also answered by the call operator.
She sighed. Mukhang sa pag-aalala ni Mami Dan sa asawa nito ay nakalimutan na magbilin sa kaniya tungkol sa delivery. Nakakahiya naman kung paghihintayin niya ang mga nagde-deliver. Lumabas siya mula sa storage room. Ipapaliwanag na lamang niya mamaya sa amo sakaling magtanong.
"Kuya, hindi sumasagot yung amo ko e. Receive ko na lang po iyong delivers tapos paki-iwan na lamang po ninyo sakin ang numero ninyo." Sa totoo lang ay hindi kasi siya pamilyar sa mga delivery guy ngayon.
Ang kakilala lamang kasi niya ay iyong mga lalaking nagde-deliver sa kanila ng food supplies. Kaya naman nag-aalinlangan talaga siyang i-receive kung ano man ang dala ng mga ito.
Pagkatapos niyang mapirmahan ang proof of receival ay isa-isa nang ibinaba ng mga delivery guy ang ilang kahon mula sa truck. Malalaki iyon. Nagulat pa nga siya nang ipaalam sa kaniya ng mga ito na bayad na pala ang lahat ng iyon. Madalas kasi ay hindi nagbabayad through online transaction ang kaniyang amo.
"Salamat ho, mga kuya," sabi niya.
"Walang anuman, Ma'am." Narinig na lamang niya ang pagbuhay ng makina ng truck pagkatapos niyon.
Pagkaalis ng mga ito ay isa-isang binuksan ni Mayhem ang mga kahon. Umupo siya sa tiles na sahig at inalis ang mga packaging tape. Kumunot ang kaniyang noo nang makitang iba't ibang magazine, libro at pocketbook ang mga iyon. Lalong bumilis ang t***k ng kaniyang puso. Kinakabahan siya. Hindi naman kasi sila nagbebenta ng ganoon sa kanilang convenience store. Napakamot siya ng ulo. Sana'y hindi wrong delivery ang mga iyon, kung hindi ay katakut-takot na sermon ang aabutin niya sa Mami Dan niya. Nangyari na kasi iyon dati. Nag-receive siya ng item na wrong delivery pala nang walang pahintulot ng amo at buong araw siya nitong binigyan ng "lecture."
Bubuhatin na sana niya ang mga kahon papasok sa storage room nang mahagilap ng mga mata niya ang isang kulay itim na libro. The Mysteries of Lucid Dreaming. Iyon ang nakasulat na titulo sa makapal at matigas na pabalat ng libro. Cursive at kulay ginto ang pagkakasulat niyon, at walang nakalagay na pangalan ng sumulat. Inilabas niya iyon mula sa kahon at ipinatong sa counter bago sinimulang ipasok ang lahat ng kahon sa storage room.
***
Mabilis na lumipas ang oras. Bandang alas-tres ng hapon ay marami-rami ring naging customer si Mayhem. Karamihan sa mga iyon ay mga binatilyong naglalaro ng baseball sa burol hindi kalayuan sa kaniyang pinagtratrabahuhan. May mga suot kasing baseball glove ang mga ito nang bumili sa kaniya ng ilang bottled water at tsitsirya.
Nagsisimula nang dumilim sa labas. At nang tingnan niya ang oras ay alasais 'y media na ng gabi. Nag-text naman sa kaniya ang amo na mahuhuli ito ng dating at mag-OT na lamang daw siya. Wala naman iyong problema sa kaniya. Malamang ay hindi nito maiwan si Mama She. Nagreply siya rito ng 'take your time, Mami D,' bago bumalik sa kaniyang ginagawa.
Matatapos na niyang ilagay sa eco bag ang lahat ng mga malapit nang ma-expire na items nang dumating ang Mami Dan niya.
"Bruha, ano 'to?" Agad na tanong nito nang makita ang libro na ipinatong niya sa counter.
"Iyon pong dumating na delivery, Mami Dan," sagot niya.
Ipinaalam niya rito ang pagdating ng kahon ng mga libro. Tila lumuwag naman ang kaniyang kalooban nang malamang ipina-deliver pala talaga iyon ng kaniyang amo dahil daw may ilang matatanda ang nag-request dito na magbenta ng libro. Mabuti na lamang at hindi iyon wrong delivery. Hassle kasi at magiging dagdag sa trabaho kapag ibinalik nila iyon sa delivery company.
Ipinakita rin niya rito ang ilang items na malapit na ma-expire at pinilit ang amo na ikaltas na lamang iyon sa kaniyang sahod ngunit hindi ito pumayag. Iuwi na lamang daw niya iyon at huwag nang alalahanin ang bayad.
"E, Mami Dan, itong libro. Pwede ko na lang bang bilhin?" tanong niya habang sinisipat ang librong kalalagay lamang ng maliit na papel na may presyo.
Hindi naman siya nagbabasa ng mga ganoong libro, ngunit hindi niya alam ang pumasok sa isip para bilhin iyon. Naisip na lamang niyang baka matuto siya roon ng mga paraan upang maremedyuhan ang bangungot na lagpas isang taon na niyang pinagtitiisan.
Saglit nitong sinulyapan ang libro na sinasabi niya. "Saan nanggaling iyan?" Kunot ang noo na tanong nito.
"Uh, sa deliveries ho," aniya. Wala sa sarili na napatingin na lamang siya sa libro.
"Talaga? May ganiyan pala? Parang di naman ako nag-order ng ganiyan." Ibinalik ng kaniyang amo ang atensiyon nito sa paglalagay ng presyo sa iba pang mga libro at itinatayo iyon sa isang estante. "O sige, ikaw ang bahala, 'nakshi. Ilagay mo na lang ang bayad sa perahan," sabi nito na sinunod naman niya. Inilagay niya ang bayad sa perahan.
Nakiligo muna siya sa banyo bago umalis. Pagkatapos ay isinukbit na sa mga balikat ang kaniyang bag at binitbit naman ang isang eco bag ng mga pa-expire na items.
"Mami Dan, uuwi na po ako," paalam niya. Busy pa rin ang amo sa pag-aayos ng mga magazine.
"Mag-ingat ka ha! Diretso uwi na kaagad," sabi nito.
"Opo," nakangiting sagot niya at tinungo na ang pintuan palabas.
Ngunit hindi pa man niya nararating ang nakaparadang bisikleta ay gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan. Pakiramdam niya ay may mga matang nakatitig sa kaniya. Tila tumatagos ang lamig sa kalamnan niya, dahilan din upang bumalik ang t***k ng kaniyang puso.
At hindi nga siya nagkamali. Dahil nadagdagan pa ang kilabot niya nang makita ang isang matangkad na lalaking nakatayo sa ilalim ng poste ng ilaw hindi kalayuan sa convenience store. Tawid lamang iyon ng kalsada. Hindi gumagalaw ang lalaki ngunit alam niyang sa direksyon niya ito nakatingin. Basta't nakatayo lamang ito roon. Mahaba ang suot nitong itim na coat at ang itim ding sumbrero ay bahagyang natatakpan ang mukha.
Malalaki ang hakbang na bumalik siya sa loob ng convenience store. Muling tumunog ang maliit na bell sa pintuan sa pagpasok niya.
"Welcome-- Oh May, bakit bumalik ka?" kunot-noong tanong sa kaniya ng amo.
Itinago niya ang kaba. "N-naiwan ko po kasi yata ang cellphone ko sa may storage room. Babalikan ko lang."
"O sige, kunin mo na at umuwi ka na--" hindi na niya nagawang patapusin magsalita ang amo. Dali-dali siyang pumasok sa storage room. Kahit wala naman talaga siyang naiwan. Ilang minuto ang pinalipas niya upang matanggal ang kaba bago lumabas. Ilang beses siyang napahugot ng malalalim na paghinga.
"Ano? Nahanap mo na ba?" tanong sa kaniya ng Mami Dan niya.
"Opo, uuwi na po talaga ako. See you tomorrow, Mami."
"Sige, mag-ingat ka at mag-text ka ha kapag nakauwi ka na."
"Opo, Mami." Natigilan siya nang makitang wala na sa ilalim ng poste ang misteryosong lalaki. Ngunit hindi pa rin natanggal ang kaniyang kaba. Dahil naroroon pa rin ang pakiramdam na tila may sumusunod sa kaniya ng tingin.
Pinatapang niya ang sarili. Mas lalong hindi siya makakauwi kapag hindi niya iyon ginawa. Malalaki ang hakbang na tinungo ang nakaparadang bisikleta. Nanginginig ang mga kamay na tinanggal iyon sa pagkaka-lock at inilagay sa basket sa harapan niyon ang eco bag na dala.
Walang lingon siyang nagpedal pauwi. Pinipilit alisin sa isip ang nakitang lalaki...