“Ikaw, Kimberly. Mag-sorry ka sa Ate Keziah mo.”
“Bakit ako mag-so-sorry-”
“Dapat lang na mag-sorry ka sa kanya. Hindi magandang pagdudahan mo siya na ibang tao siya. Kung ako man ang sabihan mo o tanungin mo ng mga tanong mo kanina kay Ke, hindi rin ako matutuwa sa ginawa mo.” Bakas ang disappointment sa mukha ni Mama ngayon. “Para ka na ring sa akin nagkaroon ng kasalanan. Kasi anak ko ‘yong pinagdudahan mong ibang tao. Hindi ako natuwa roon, Kim.”
Masasama pa rin ang tingin ni Kim sa akin. At labas sa ilong siyang nagsalita, “Sorry.”
Matapos no’n ay agad rin siyang umakyat patungo sa kwarto niya. Halata na ngang hindi sincere ang paghingi niya sa akin ng sorry, minadali niya pa ang pag-alis niya, na maski ang pagtawag ni Mama sa kanya to make her stop didn’t even effective at all.
Hindi naman ako manhid para hindi maramdaman na hanggang ngayon pa rin naman, e alam kong mayroon pa ring pagdududa sa akin si Kim. She’s a good observer. Wala pa mang isang linggo kaming nagkakakilala ay nahahalata na niyang mayroon akong itinatago. Kaya’t mas kailangan kong husayan ang pagpapanggap ko. Hindi p’wedeng mapatunayan ng Kim na ‘yon na totoo ang pagdududa niya sa akin.
“Pasensya ka na roon. Kakausapin ko siya mamaya, hmm?”
“Kailangan pa po ba ‘yon?” Inayos ko ang pagkakaupo nang pa-indian sit sa sofa, and humarap ako kay Mama. “Hayaan n’yo na po ‘yon, ma. Mayroon po talagang mga bagay na hindi po natin kayang ipaintindi o mapaniwala ang iba na tanggapin o paniwalaan. May sarili silang pag-iisip, e. Kung ang paniniwala po ni Kim, e hindi na ako ‘yong dating Keziah na nakilala niya… hayaan ko na po. Handa naman po akong maghintay gaano man katagal bago niya matanggap na hindi po ako nagpapanggap lang… kung hindi ay matanggap na niya po balang-araw na nagbago lang talaga ako… pero ako pa rin naman ito.”
“E, ako naman… hindi naman ako nagdududa.” Bahagyang inilapit niya ang kanyang sarili sa akin, at sa ilang sandali lang ay nakakulong na ako sa kanyang mga bisig. “Hindi ko kinukwestyon kung mayroon mang nagbago sa pagkatao mo. Normal lang naman na mangyaring pagbabago sa isang tao makalipas ang maraming taon. At naiintindihan ko ‘yon. Magagalit ako kung nagbago ka for the worst. Pero hindi naman ‘yon ang nangyari.” Iniharap niya akong muli sa kanya at ngumiti siya sa akin nang napakalawak. “Proud na proud ako sa iyo… at kailanman ay hindi ako mapapagod na sabihin ‘yon sa iyo nang paulit-ulit. I’m very proud of the woman you’ve become.”
Pigil na pigil ko ang sariling umiyak. Para kasing sariling nanay ko lang ang kinakausap ko. Sobrang sarap pakinggan ng sinasabi niya. Tagos sa puso hanggang esophagus. Pero at the same time ay nakakalungkot din na mapalitan ng disappointment ‘yong proudness niya sa akin once dumating na ‘yong time na kinatatakutan kong dumating.
P’wede bang matapos na lang ang kontrata namin ni Felix nang hindi ako nabubuking? Anong klaseng pag-iingat kaya ang dapat kong gawin para hindi ako maabutan ng katotohanan at maunahang magsalita?
—
Katatapos lang ng pag-uusap namin ni Felix via phone call. Ikinwento ko sa kanya ang tungkol sa pagdududa sa akin ni Kim at kung anong dapat kong gawin para tantanan na ako ng pinsan na ‘yon ni Keziah. And according to him, mas husayan ko na lang daw ang pagpapanggap at sikapin na ‘wag ipakita na affected ako sa tuwing i-o-open nito ang tungkol sa suspetsya niyang hindi ako totoo.
At isa pang way para makuha ko ang loob niya, I need to further my research about their pastime before. Nalaman ko kasing close na close pala si Keziah kay Kim. Kaya siguro gano’n na lang ang pagdududa niya sa akin… it’s because my character used to be close to her before. Ngayong nagpapanggap ako bilang pinsan ni Kim, dapat ay makasundo ko rin siya. Dapat ay makuha ko rin ang loob niya at maging close din kaming dalawa… an easiest way to stop her from doubting my real identity.
“Paano ko naman kaya sisimulan ito?” tanong ko sa sarili.
Kanino naman ako magtatanong kung anong hilig gawin ni Keziah at Kim noon? Kung anong pinag-bo-bonding-an nilang dalawa? Hindi naman ubrang kina Mama ako magtanong. Mas inilalaglag ko lang ang sarili ko sa kanila kung mismong sa kanila ako magtatanong kung ano ba ako dati? Kung paano kami nagkasundo ni Kim noon, and so on.
Hindi p’wede ‘yan.
“Uh-huh!”
Agad akong naghalungkat sa katabing cabinet ng closet ko. Nabanggit kasi ni Mama sa akin noon na dito niya raw pinagsama-sama ‘yong mga gamit ko noong teenage years ko. Baka naman may mapulot akong mahalaga rito—katulad na lang nitong scrapbook namin ni Kim. Binuklat ko ito at mga pictures namin gamit ang polaroid ang halos nakadikit sa bawat pahina nito.
Mga litrato na nasa bukid sila ni Keziah at nagpapalipad ng saranggola, namimingwit ng isda, naglalaro ng chinese garter at nagtatalian ng buhok. Naglalaro din sila ng ball games like volleyball, soccer at badminton. And the other thing that caught my attention is when a picture of Kim appeared to me… a photo of them rather while Keziah putting makeup on her.
Marunong naman akong maglagay ng makeup pero ang isang bagay na hindi ko kayang gawin ay ang mag-blend ng eyeshadow. Hindi ako nagsusuot ng eyeshadow sa mga mahahalagang okasyon na dinadaluhan ko… and I will never ever put eyeshadow on my face kasi nga ay nahihirapan ako na mag-blend no’n. Hindi ko alam pero… ‘pag ako na kasi ‘yong gumagawa, pangit ang kinalalabasan. Pero ‘pag sa mga tutorial video naman, parang ang dali lang sa kanila na mag-blend ng eyeshadow tapos perfect pa ‘yong output. Ginagaya ko naman kung paano sila mag-blend noon… pero ‘pag sa akin talaga, hindi maganda lagi ang labas. Ang unfair!
“Ito yata ang kailangan kong pag-aralan nang husto.” Nanghihina ang katawan kong bumagsak sa kama.
Ilang beses ko na ring sinubukan na matuto sa kakanood ko ng napakaraming tutorial videos on how to properly blend eyeshadow… ewan ko na lang talaga kung sadyang isinumpa ang kamay ko para hindi maging magaling sa pag-be-blend… o sadyang hindi lang talaga ako gifted.
—
“Ang akala ko pa naman ay ang dami mong bibilhin para samahan pa kita rito sa mall. Makeup lang naman pala ang sadya mo rito.”
“Maraming makeup.” Kinuha ko ‘yong isang malaking eyeshadow na mayroong 24 types of colors. “Particularly… eyeshadows.”
“Aanhin mo ba kasi ‘yan? Recreation activity?”
“Kailangan kong matutunan ito, Felix.” Sumeryoso na ang mukha ko as I proceed to speak. “Nabanggit ko naman sa iyo kagabi na parang nakakaramdam na ‘yong pinsan ni Keziah na hindi ako totoo. E, naisip ko sana na baka ‘pag nakuha ko ‘yong tamang timpla ng pag-be-blend nito, e maniwala na siyang hindi ako peke.”
“Anong connect ng eyeshadow?”
“May nakita kasi akong scrapbook sa kwarto na tinutuluyan ko. And I saw a picture of them… si Keziah pala ang makeup artist nitong si Kim. And she has a perfect skill of blending eyeshadow. Naisip ko na ‘pag natuto rin akong mag-blend ng eyeshadow at maipakita ko ‘yon kay Kim, baka hindi na niya ako pagdudahan na ibang tao.”
“Para din mabawasan na ‘yong kaba ko everytime na tinitingnan niya na lang ako nang may pagdududa.”
“Kailangan mo ba talagang gawin ‘yan?” Habang abala siya sa pagtitingin-tingin ng iba’t ibang shades ng lipsticks, I don’t know if it’s just my imagination that I saw him smile. “Gusto mo sigurong career-in na si Keziah? I mean ‘yong pagkatao niya?”
“Hindi, ah!” Kung alam niya lang talaga na gusto ko nang matapos ang kontrata na mayroon kami nang makauwi na ako sa bahay namin na milyonaryo na. “Ginagawa ko ito kasi hindi lang ako concern sa sarili ko… pati na rin sa iyo.”
“Dahil?” Para siyang nang-aasar sa paraan ng pagtatanong niya. Akala niya siguro, e nagugustuhan ko na siya. Asa pa!
“Kapag nahuli ako, ilalaglag kita. Ngayon, ‘pag nahuli na nila ang tungkol sa plano natin, hindi mo na tiyak makukuha pa ang pamana sa iyo ng mama mo na matagal mong hinahangad. ‘Pag hindi mo ‘yon nakuha, paano mo ako mababayaran? Hindi naman ako papayag na masasayang ang pagod ko sa wala… tapos ang bayad mo lang sa akin: ‘Salamat sa lahat’? No way!”
Halakhak niya ang tanging napakinggan ko. “May point ka nga naman.”
“By the way, salamat sa concern. Pati pala ‘yong concern mo sa akin, bayad.”
Matapos no’n ay dumiretsyo na kami sa counter para bayaran na lahat itong mga abubot na binili ko. Pero hindi talaga makatakas sa pansin ko na parang nawala ‘yong energy ni Felix kanina no’ng kausap ko siya. Sa huling sinabi niya kanina, bahid roon ang bitterness.
I’m just stating facts. Hindi p’wedeng mahuli ako kasi damay siya. Hindi p’wedeng mabuking siya kasi damay ako. Itong sitwasyon kasi na kinasasangkutan naming dalawa ngayon, may isa lang sa amin na mabuking ay wala na… end of the world na. Damay na rin ang isa sa kapabayaan ng kasama. Kaya pareho kaming dapat mag-ingat nang husto.
“Okay ka lang ba?” Nang makarating na kami sa kotse, nagmatapang na ako na magtanong at alamin kung na-offend ko ba siya sa sinabi ko. “May nasabi ba akong hindi maganda kanina para magkagan’yan ka?”
“Wala.”
“Weh?”
“I said… none.”
“Hindi nga-”
“Kung patuloy mo lang akong kukulitin, Julie… please, manahimik ka na lang.” May awtoridad ang boses niya na ultimo nagpasimangot sa mukha ko. Bakit naman bigla siyang sumungit? “Marami pa akong gagawin, kung tutuusin. Sana nagpasama ka na lang sa isa sa mga driver n’yo o nagmaneho ka na lang nang mag-isa kung eyeshadow lang naman pala ang sadya mo rito sa mall.”
“Nang-abala ka pa talaga ng isang taong maraming ginagawa.”
I froze as I heard that. Grabe naman… hindi ko naman sinasadyang abalahin siya. Noong kausap ko naman kasi siya sa phone kanina, e hindi naman daw masyadong marami ang ginagawa niya kaya free siya na samahan ako. Anong nangyari ngayon? Biglang na-revise? Bigla na lang niyang sasabihin na napaka-busy naman pala niyang tao para magkaroon pa siya ng oras na samahan akong bumili ng eyeshadow sa Watson?
Isang salita lang naman ang ‘hindi’, bakit hindi niya ‘yon isinagot sa akin kanina no’ng tinanong ko siya kung p’wede niya akong samahan dito sa mall? Ngayon, e ako pa ang nasisisi.
“Make sure to study harder about that. Gawin mo ‘yan nang mabuti para hindi ka na pagdudahan ng babaeng ‘yon.” Iyon ang huling mga salita na narinig ko sa kanya bago ako bumaba ng kotse niya.
Hindi na ako nag-abala pang lumingon o mag-response sa kanya. Nakakahiya naman na nagmamadali nga raw siya. Binilisan ko na lang ang pagbaba para naman magawa na niya ang mga trabaho niyang iniwan niya kanina para samahan ako sa mall. Nakakahiya naman kasing nakaabala pa pala ako.
“Bakit ang ganyan ang mukha mo, anak?” salubong ni Papa sa akin. “At… ano ‘yang nasa plastic na dala mo?”
“Pagkain po.”
“Pero Watson-”
“Wala na raw po kasing extra plastic bag sa grocery section kaya plastic ng Watson po ang naibigay sa akin.” Grabe… ang dami ko nang kasinungalingan ang nasabi. Quota na kaya ako kay L?
Pumasok na rin kami ni Papa nang sabay. At nang makapasok sa bahay, lunch is ready na pala. Si Mama ay naghahanda sa table ng mga pagkain, katuwang niya si Kim. Ako naman ay pasimpleng itinago muna sa sofa ang plastic bag na hawak ko. Baka magtanong pa ‘yong babaita… e, hindi pa ito ‘yong right time kasi.
“Kain na kayo!”
Nagtungo na ako sa dining table para sabayan sila na kumain.
“Anak…” Nagsalita bigla si Papa. Kaharap ko siya ngayon, and his looks are very serious.
“Gusto ko lang palang itanong… hindi ka ba nagdadalawang-isip na pakasalan ‘yang si Felix?”
A-Ano?