Wala rin naman siyang ibang magagawa kung hindi ang respetuhin ang desisyon ko. Alam ni Xy na mayroon akong isang salita at hindi ako katulad ng ibang tao riyan na ma-offer-an lang nang kakaiba at kumikinang, e biglang nagbabago na ang isip at desisyon. Sa kaso ko kasi, hindi gano’n kadaling magbago ng isip. Hindi gano’n kadaling umalis na lang sa trabaho ko at maglaho.
“Oh, nasaan ang nabili mo?” Si Lola Tasha ang sumalubong sa akin nang makapasok na ako sa mansyon. “Ang sabi kasi sa akin ni Puring, e nagpaalam ka raw sa kanya na lalabas ka kasi mayroon ka raw bibilhin sa convenience store.”
“Uh… hindi na po ako nakabili,” tugon ko. “Wala po kasi roon ang hinahanap ko. Korean food po kasi ‘yong hinahanap ko, e akala ko po kasi Korean convenience store ‘yong mayroon po rito. Hindi po pala.”
In fairness sa akin, ang bilis kong makaisip agad ng ipapalusot. Siguro ay dahil na rin nahasa ako nang maigi ni Xyrus na umisip palagi ng excuses sa mga press at fans niya sa tuwing tinatamad siyang um-attend sa mga event na dapat ay kasama siya. Bilang Personal Assistant niya kasi… e, kasama rin sa trabaho ko na mag-imbak ng maraming excuses para sa kanya.
“Ahhh gano’n ba?” Mayamaya ay ibinato niya sa akin ang isang susi ng sasakyan. “Samahan mo ako, hija. Mamaya pa naman ang lakad n’yo ng apo ko, ‘di ba?”
Nauna na siyang lumabas ng mansyon habang siya ay inaalalayan ng nurse niya na humakbang patungong garahe. Nang makarating ay sumakay na agad ako sa driver’s seat, si Lola ay sa passenger’s seat at ‘yong nurse niya ay nakakapagtakang hindi sumakay ng sasakyan.
“Hindi ko siya isasama.” Tila ba nabasa ni Lola Tasha ang isip ko, nagsalita siya… na ang tinutukoy ay ‘yong nurse sa labas ng sasakyan. “Kasama naman kita kaya feeling ko, e hindi ko na kailangan pa ng alalay na nurse patungo sa doktor ko.”
“Sa doktor n’yo po?”
“Oo…” I started the engine and drive in a moderate speed, tulad na rin ng bilin sa akin ni Felix ‘pag gan’tong lola niya ang pasahero ko. “Ang alam kasi ni Felix, e daily checkup lang ang ipinupunta ko sa doktor ko.”
“Pero mayroon pa pong ibang dahilan, ‘di po ba?”
Mahina siyang humagikgik. “Gusto kong manatili lang sanang sikreto ito sa pagitan nating dalawa. Maipapangako mo ba ‘yon sa akin, Ziah?”
“Oo naman po,” nakangiti kong sagot, although hindi niya naman makikita ‘yon kasi sa daan nakatuon ang atensyon ko. “Ano po ba talaga ang dahilan?”
“Sakit ng matatanda.” Malalim na buntong-hininga ang aking narinig. “Recently, na-diagnose ako ng doktor ko to have Alzheimer’s disease.”
Gusto ko sanang ipreno ang kotse dala ng sobrang gulat, pero ang OA naman yata no’n. Bahagya akong natulala at natigilan sa pag-iisip ng kung ano-ano, kasi ‘yong balitang nalaman ko… medyo mabigat na tanggapin at paniwalaan. Noong nauna kong ma-meet kasi ang matandang ito, mukha naman siyang okay at walang sakit. Mukha nga siyang malusog kahit na mayroong isang nurse ang umaaligid sa kanya.
“Hindi pa ako handang ipaalam sa apo ko ang tungkol dito, kaya hinihiling ko ang kooperasyon mo. Ayokong dagdagan pa ‘yong lungkot sa puso niya… kasi nitong nakaraang isang buwan lang, e pumanaw na ang nanay niya. Hindi pa siya nakaka-recover sa pagiging ulila sa magulang. Ako na lang ang mayroon si Felix… at ‘pag nalaman niya ang tungkol sa sakit ko, malulugmok na naman sa lungkot ang batang ‘yon.”
“Nakakalungkot lang talaga na hanggang ngayon, e wala pang lunas sa sakit na ito. May gamot pero hindi nakakagaling. May treatment, oo… pero para lang ma-manage at mapatagal ang buhay ko. Pero kamatayan pa rin naman ang ending. Kaya hangga’t maaari… hangga’t kaya pang i-manage at pahabain ng treatment ang buhay ko, sumusunod ako sa payo ng doktor. Ayoko naman kasing sundan agad ang nanay niya. Hindi pa ako handang iwan siya… na maging tuluyan na siyang mag-isa sa mundo.”
Ang paglingon niya sa akin at ang pakiramdam na hinawakan nito ang kamay kong nasa kambyo, I saw that in my peripheral vision. “Kaya ko nga gustong magkaroon na siya ng asawa at ng sariling pamilya. Kaya ko binuo ang kasunduan sa pagitan ng pamilya mo at namin ay dahil gusto kong sa araw na oras ko naman para magpakuha na sa liwanag… e, at least ay kampante ako na maiiwan ko si Felix nang hindi nag-iisa rito sa mundo.”
Parang ang selfish ko naman pala kung gano’n. Matapos marinig ang mga sinabi ni Lola Tasha sa akin… biglang naging masama ang tingin ko sa sarili ko. Kasi ginagawa ko lang naman ito… nagpapanggap ako, nagsisinungaling at niloloko sila kapalit ng malaking halaga ng pera.
Nang hindi man lang inaalam ang dahilan nitong matanda kung bakit mayroon siyang kondisyon kay Felix… which is mabigyan siya ng apo at ng asawa bago makuha ang pamana na inaasam no’ng tao… it was really because of the fact that his grandmother wants him to settle to have his own family… for his own sake. Para hindi siya maiwan ng lola niya nang mag-isa.
Ang selfish ko para gawing pagkakakitaan ang pag-take ko ng advantage sa kanila sa ngalan ng pera. Although nakapangako ako kay Lola Tasha na hindi ko sasabihin kay Felix ang tungkol sa sakit niya… parang na-te-tempt ako na gawin. Naiintindihan ko naman ang dahilan kung bakit ayaw niya muna ipasabi… pero ang naisip ko kasi… baka magbago rin ang takbo ng isip ni Felix once he finds out about this. Baka hindi na lang puro tungkol sa pamana ang isipin niya.
“Hintayin mo na lang ako rito,” bilin niya sa akin bago siya pumasok sa clinic ng kanyang neurologist.
Ako naman ay naupo sa mahabang upuan sa may tapat ng clinic. Hindi naman ubrang tumayo na lang ako habang naghihintay. What if matagal pala ang checkup niya, edi nangawit pa ako.
“Wala na nga pong humihilab.”
“Kahit na. Mainam nang makasigurado tayo na walang nangyaring masama riyan sa pagbubuntis mo. ‘Wag ka na makulit d’yan! Nandito naman na tayo, e!”
Pamilyar sa akin ang boses na ‘yon… at nang tumingin ako sa gilid ko… sina Papa at ang isa kong kapatid na si Myra ang kasama niya. Agad kong tinakluban ng malaking panyo ang mukha ko para hindi nila ako makilala at pasimple akong tumitingin sa kanila at nakikinig sa usapan. Katabi lang kasi ng neurologist’s clinic ang OB Gyn.
“Papa naman… sabing okay nga lang ako.”
Ayon sa nakikita ko, okay lang naman at normal ang katawan ni Myra. Kung hindi ko pa narinig ang pinag-uusapan nila, hindi ko naman aakalaing buntis ang kapatid ko, e ang liit lang naman ng tiyan niya. Ang bata pa kasi ni Myra… 16-year old lang siya tapos malalaman kong nawala lang ako sa bahay, e buntis na ang bunso namin?!
Nakakagalit naman talaga at tila mapupuno ang galon ng sama ng loob ko sa nakikita. Nag-aaral pa kasi ‘yang kapatid ko… at ang laki ng pangarap ko sa kanya. Nangako kasi siya sa akin na magiging Architect siya at siya raw mismo ang magdidisensyo sa bago naming bahay pagka-graduate niya sa kolehiyo. E, anong nangyari ngayon? Imbes na pangarap naming bahay ang bubuuin niya, bakit nauna niyang bumuo ng bata?
“Next na tayo. Halika na.” Bakas sa mukha ni Myra na ayaw niya pang sumama kay Papa, pero kinayag na siya nito papasok. Nawala na sila sa paningin ko… and good thing na hindi naman nila ako napansin.
“Halika na, hija,” tinig ni Lola Tasha ang narinig ko. Nabalik lang ako sa wisyo nang malaman na nakalabas na pala siya sa clinic. “Umuwi na tayo’t baka naroon na si Felix.”
Sumunod na ako kaagad sa kanya pabalik sa kotse. Lutang pa rin ang isip ko pero pilit ko na lang ‘yon na hindi ipinapahalata roon sa matanda. Gusto ko kasi ng kasagutan. Marami akong gustong malaman. Kung paanong nabuntis nang gano’n kaaga ang kapatid ko? Sino kaya ang tatay no’n? At bakit naman pinabayaan nina Papa na mabuntis ang kapatid kong ‘yon?
Nakakainis na hindi pa man ako nawawala nang higit sa isang taon sa bahay, e mayroon nang nangyayaring gan’to. Kalahating taon nga lang akong mawawala… dapat na ba akong mag-expect na may higit pa sa bagay na ito ang mangyayari in my absence?
“May iniisip ka ba?” Napansin na nga siguro ni Lola ang kanina ko pang pananahimik. “Tungkol saan ‘yan? Hmm?”
“Wala po,” tugon ko. “Uh… iniisip ko pa rin po kasi kung tutungo na lang po ako sa malapit na Korean Mart o o-order na lang po online ng pagkain na gusto ko po sanang makain ngayon.”
“Naglilihi ka na?”
“H-Hindi po.” Nakakagulat naman ang tanungan ng matandang ito. Hindi ako ready. “Nag-crave lang po ako sa Korean foods-”
“Baka maging hawig ng mga Koreano ‘yang magiging anak n’yo ni Felix kaya sa Korean foods ka naglilihi, hija!”
Ang tanging choice ko lang ay manahimik na lang muna. Hindi ko kinakaya ang mga theories nitong si Lola Tasha. Ni wala pa ngang halikan, haplusan at himasan na nangyayari sa amin ng apo niya, tapos ay iisipin niyang buntis na ako agad? Paano naman ako mabubuntis nang ako lang mag-isa? Wala namang sperm ang daliri ko… at tiyaka isa pa… hindi naman ako si Mama Mary para manganak kahit virgin pa.
“Excited lang ba ako?”
“Opo,” nahihiya kong sagot. “Parang maaga pa po yata para sa sinasabi n’yo.”
“Alam ko naman. Dapat wedding muna bago honeymoon. Nagbibiro lang naman ako. Ikaw talaga!”
Sa isip ko nga… e, ‘yong birong niyang ‘yon ay hindi nakakatuwa. Hindi pa nga nakakapag-move on ang utak ko sa nalaman kong buntis ang bunso namin, tapos aakalain pa ni Lola Tasha na buntis ako? Jusmiyo.
—
“Masyadong mahal ‘yang gown, Felix. Marami namang choices na mas mababa ang presyo kaysa riyan… hindi ba p’wedeng ‘yon na lang,” bulong ko sa kanya. May pinal na itinuro niya kasi ang isang gown na nagkakahalaga lang naman ng P65k. “Maigi sigurong pagkagastusan mo na lang ‘yong kasal ‘pag totoo na.”
“That’s fine… ‘wag kang manghinayang sa pera. Maraming gan’yan ang pamilya natin,” tumatawa niyang tugon. “Besides, I want this wedding to be realistic. Para naman hindi nila isipin na maraos lang itong kasal na ito at isipin na hindi natin ito pinaghandaan. Kahit man lang sa pagpili ng mga decorations, gown, etc, ay masabi naman nilang matagal natin itong pinagplanuhan.”
Ako ay tutol pa rin talaga. Nanghihinayang ako sa pera na masasayang… maliban na lang kung sakaling magpapakasal ulit si Felix, pero sa totoo na talagang Keziah, e isusuot niya rin ulit itong wedding gown. Hindi ba ‘yon bawal? Na mas nauna pa ‘yong suotin ng nagpapanggap lang kaysa roon sa totoo?
“Kung may ma-o-offer ka pa sa amin na mas maganda riyan, mas okay,” aniya pa. “And about sa venue ng wedding, kung p’wedeng beach wedding na lang? Tingin mo?” Humarap siya sa akin, asking for my opinion. “Beach wedding seems to be nice. What do you think?”
“Sa church na lang siguro?”
Kung hindi kasi nagkakamali ang pagkalkula ko, mas mahal ang magagastos kung sa beach pa gaganapin ang kasal kaysa sa ordinaryong simbahan na lang. Mas simple at comfortable para sa akin if sa simbahan na lang… pero ‘yong beach wedding kasi, classy at elegante. Kaya mas mahal kung sa beach pa gaganapin ang kasalan. Iniisip ko ‘yong laki ng magagastos para sa contract marriage namin ni Felix.
“Para naman maiba… mas maganda if sa beach na lang.” Naglalambing pa siya sa akin nang ipulupot ang kamay sa baywang ko. And he glanced at our wedding planner. “Settled the beach, then.”
Hindi makapaniwalang tiningnan ko si Felix. Hindi na ako nakatiis pa at in-excuse muna namin ang sarili sa wedding planner at lumayo roon. Kailangan ko siyang makausap talaga nang masinsinan kasi namamahalan talaga ako sa gusto niyang kasalan.
“Felix… ‘wag ka naman sanang magdesisyon nang gano’n. Okay lang naman akong ikasal sa hindi masyadong pinagkagastusan na wedding. Naiintindihan ko naman kung titipirin mo ‘yong wedding natin… kasi contract marriage lang naman ito. Hindi natin kailangang gumastos nang malaki.”
“This need to be realistic, as I said-”
“Paano ngang magiging totoo ang hindi totoo? Kahit ano namang gawin natin… this will still looks like not true at all.”
“Let me do-”
“Anong sinasabi n’yong hindi totoo?” Mula sa likuran ko ay may nagsalita. “What is this all about?”