Habang wala pa naman si Felix para sunduin ako rito kina Melody, kinapalan ko na ang mukha kong makitawag sa landline nila. Hindi kasi ubrang malaman nina Papa ang bagong number na ginagamit ko, baka hindi ako tantanan no’n sa katatawag… e, mabuking pa ako.
[Sino ito?]
“Pa…” mahinay lamang ang naging tugon ko. “Si Julie po ito-”
[Julie?!]
[Anak, bakit naman ngayon ka lang tumawag sa amin?!] Sa kabilang linya ay sigurado akong nabulabog na ng papa ko ang mga kasama namin sa bahay na may kung ano-anong inaatupag. [Ni hindi ka man lang nagpaalam sa amin na may balak ka na palang pumunta ng abroad. Halos mahimatay ang mama mo sa iyo sa sobrang pag-aalala, alam mo ba ‘yon?!]
“Pasensya na po-”
[Oh, e, kumusta ka naman? Kailan ang uwi mo n’yan?]
“Anim na buwan po kasi akong mananatili rito… depende pa sa kontrata.” Naisip ko na kung hindi magigising si Keziah within six months, ipinalusot ko na lang din kay Papa na depende pa rin sa kontrata ang ihahaba ng pananatili ko rito sa trabaho ko. “Pero wala naman po kayong dapat ipag-alala sa akin, pa. Kayo. Okay lang naman po ako rito. Nakakakain pa rin naman ako tatlong beses sa isang araw.”
“Kayo ang dapat kong kumustahin.” Ang dahilan naman talaga kung bakit ako napatawag sa kanila ay para alamin ang isang bagay na natunghayan ko no’ng nakaraan. “Si Myra po… umbok na ba ‘yong tiyan?”
[Anong pinagsasasabi mo riyan?] Narinig ko pa mula sa kabilang linya ang mahina niyang pagtawa at mahihinang footsteps na para bang lumayo muna siya sa lugar na kanina ay naroon siya. [Nahihibang ka na-]
“Pa… kahit na po nandito ako sa ibang bansa, updated ako sa nangyayari d’yan sa inyo. Hindi po ba’t maraming akong mga mata na nakakalat d’yan.” Kahit na ang buong katotohanan naman, mismong mga mata ko ang nakahuli sa kanila. “So, sino ang ama? Pinanagutan po ba siya? Ano pong sabi ng pamilya? Payag po ba na pakasalan ng anak nila ‘yong kapatid ko pagkatapos niya ‘tong buntisin? O kailangan n’yo po ako riyan?”
[Anak… hindi sa gano’n.]
“E, ano? Nakausap n’yo na po ba ‘yong lalaki? ‘Yong pamilya niya?”
[Ang totoo kasi n’yan, Julie… ‘yong ama ng ipinagbubuntis ni Mara ngayon… siya ‘yong nakabuntis sa kapatid mong si Myra.]
Parang gumuho ang mundo ko sa narinig. Ang lalaking ‘yon… hindi pa nakuntento sa isang babae, pati kapatid kong saksakan pa ng bata, inanakan niya rin? Demonyo.
“Pa! Bakit mo naman hinayaan na magalaw ng lalaking ‘yon ang kapatid ko?!” Nakakahiya na sumigaw ako mismo sa loob ng bahay ni Melody, kaya pabulong na lang akong gigil na gigil magsalita. “Noon pa lang ay masama na talaga ang awra ko riyan sa lalaki ni Mara. Alam n’yo po ‘yan. Bukod sa hinuhuthutan ng pera ng lalaking ‘yan ang kapatid ko, wala rin sa itsura niya na mayroon siyang gagawing tama.”
“E, ano nga ang nangyari ngayon? Nakaisa siya sa kapatid ko. Ang bata pa ni Myra, pa! Bakit n’yo naman kasi pinabayaan ‘yong anak n’yong ‘yon? Paano na ang pag-aaral ni Myra n’yan ngayon?!”
Kung harap-harapan ko lang na kausap si Papa ngayon, malamang ay nabingi na siya sa lakas ng boses ko. Kasi gustong-gusto ko talagang magwala. Gusto kong ilabas lahat ng sama ng loob ko. Gusto kong sumabog na parang bomba kasabay ng nalaman ko kay Papa. Ang taas ng pangarap ni Myra. Siya lang ang inaasahan ko na mag-aahon sa amin sa hirap. Bunso siya… nasa kanya at sa kanya namin tinitingnan ang pag-asa.
Tapos binuntis pa no’ng bwisit at walang-kwentang lalaki ni Mara!
[Anak, patawarin mo ako.]
[Noong nalaman naming nawala ka at kailangan mong kumayod riyan sa abroad pansamantala, mas dinoble ko ang pagtatrabaho. Kailangan ko ring doblehin ang pagkayod dahil ako lang naman ang aasahan dito sa bahay ngayong wala ka at hindi ka na namin kasama. Naging abala ko masyado. Hindi ko na gaanong natututukan ang kapatid mo… aminado ako roon. Kaya’t pasensya na, anak. Kasalanan ko ito.]
Those words coming from him hurt the most. Hindi ko naman gustong marinig sa kanya mismo na sisihin niya ang sarili niya dahil sa nangyari. Hindi naman si Papa ang sinisisi ko. Kung mayroon man tao na worthy na masisi sa nangyari, ‘yong lalaki dapat ni Mara ‘yon, e. Palamunin na sa bahay, tamad, at pati sa pamilya ko ay bastos at kinakalantari.
“Magpapadala po ako ng pera d’yan ngayong araw rin. Basta may isang bagay lang ako na gustong hilingin sa iyo, pa,” tinapangan ko ang sarili kong humingi sa kanya ng pabor. “Utang na loob, palayasin n’yo na ‘yong lalaki sa bahay. Hindi kailangan ng baby ni Mara at Myra ng tatay na kagaya ng lalaking ‘yon. Ako nang bahala sa gagastusin basta masiguro ko lang na wala na ang lalaking ‘yon sa bahay. Please lang.”
[Susubukan ko, anak. Pero hindi ko maipapangako sa iyo na magagawa ko. Alam mo namang mahal na mahal ni Mara ang lalaki na ‘yon kahit gano’n ‘yon.]
Lintek na pagmamahal talaga. Magkita lang kami ulit ni Mara, sasampalin ko talaga siya kahit ilang daang beses ko pa ‘yon kailangang gawin nang magising naman siya sa katotohanan… sa kahibangan niya. Kung nakakabusog lang sana ‘yang pagmamahal niya sa lalaking hindi naman niya mapakinabangan, e ayos lang. Kaso mas nagugutom at kinakapos sa pera ang pamilya ko dahil sa lalaki niyang palamunin at walang silbi, e.
“Sige na po. Ipadadala ko na po riyan ‘yong pera.” Tinapos ko na rin ang tawagan namin dahil mukhang nakakapansin na si Melody na napapatagal na ako roon sa telepono nila.
Mabuti na rin pala na naisipan kong tumawag sa bahay. Kung pinatagal ko pa bago ako tumawag, e hindi ko pa malalaman na dinedemonyo na pala ng Poncio Pilato na ‘yon ang pamilya ko.
“Okay ka lang? May problema?”
“Tingin mo kaya ay pababalehin ako ni Felix sakaling bumale muna ako?” walang hiya-hiya na nagtanong ako kay Melody. “Kailangan na kailangan ko kasi ng pera ngayon. Ako lang kasi ang inaasahan ng pamilya ko… at kailangan ko na silang mapadalhan ng pera sa lalong madaling panahon. Lalo na ngayon kasi ‘yong dalawang kapatid kong babae… sabay pa nabuntis.”
“Ng iisang lalaki,” dagdag ko habang hinihilamos ang mukha ko gamit ang dalawang palad.
Tuwing maiisip kong muli ang tungkol sa rebelasyon na nalaman ko, naaalala ko lang din ulit ‘yong sagad sa buto na galit ko sa lalaki ni Mara. Pati na rin d’yan sa kapatid kong saksakan ng walang utak pagdating sa pag-ibig. Napaka-martyr.
“I think hindi ka muna niya mabibigyan ng pera. Marami siyang pinagkakagastusan ngayon, if I’m not mistaken.” I was close to losing my hope when Melody quickly held my hand. “But don’t worry, ako na lang muna ang magpapahiram sa iyo ng pera. Magkano ba ang kailangan mo?”
“T-Talaga?”
“Kay Felix ko na lang sisingilin ‘pag nakakaluwag-luwag na siya.”
Maluwag akong nakahinga dahil buti na lang ay napakabait ni Melody para mag-offer siya sa akin ng tulong. Kailangan na kailangan ko talaga ng pera na maipapadala kina Papa para naman masustentuhan ko ‘yong mga kapatid kong nagpabuntis sa hindi katiwa-tiwalang lalaki.
—
“Busog ka ba? Bakit hindi mo kinakain ‘yang pagkain mo?”
“Nawalan na kasi ako ng gana kumain.” Tanging pagtitig lang ang nagawa ko sa isang mangkok ng beef mami. “Kaya mo naman sigurong ubusin lahat itong mga in-order mo, ‘di ba?”
“Pang-dalawahan ang in-order ko, Julie. Hindi naman ako dalawang tao para maubos ang mga ‘yan.” And then hinarang niya ‘yong kadaraan lang na waiter sa tabi namin. “Pakibalot nga itong mga ‘to. I-take-out na lang namin.”
Ngayon ay maski siya ay itinigil na rin ang pagkain niya roon sa beef mami. Hindi ko lang siya sinabayan na kumain, hindi na rin siya kumain. Hindi ba niya maintindihan na wala naman kasi talaga akong gana kumain?
“Kanina ko pa napapansin na parang ang layo mo sa akin? Parang ang lalim ng inisiip mo.”
“Kahit sino naman ang ilagay mo sa p’westo ko ngayon, araw-araw talaga siyang mapapa-overthink para gawin ang isang complicated job.” Naglalakad na kami palabas ng restaurant na pinasukan namin dito sa isang malaking mall. “Ang hirap kaya no’n… na gabi-gabi mong iniintindi ang sari’t saring mga what if’s… what if mahuli ako? What if nagsisimula na pala akong imbestigahan ni Kim? Paano ako makakatakas? Ipapakulong kaya nila ako?”
“And so on…” Sa bigat ng nararamdaman ko at sa dami ng mga iniisip ko, hindi ko alam kung paano ko pa ba ito lahat ilalabas at masosolusyunan nang tama. Kasi para lang akong naghahanap ng solusyon na itama ang isang mali. “Masisisi mo ba ako kung bakit parang napakalutang ko ngayong araw?”
“I’m sorry,” ang tanging narinig kong sambit niya.
“Tatanggapin ko ‘yang ‘sorry’ mo kung hahayaan mo na akong talikuran na ito.” Humarap ako sa kanya, hinahamon siyang gawin ang gusto kong mangyari. “Kaya mo bang pakawalan ako kapalit ng pagtanggap ko d’yan sa ‘sorry’ mo?”
“Alam mong hindi p’wede, Julie-”
“Then, ‘wag ka na rin mag-sorry.” Umiwas ako agad sa kanya at nagpatuloy na lang sa paglalakad. “Wala ring kwenta na humingi ka sa akin ng ‘sorry’ kung hindi mo naman pala ako kayang pakawalan… for the meantime.”
“I thought I made everything clear to you. Bakit mo na naman ba inuungkat, Julie?” Naramdaman ko ang paghawak niya sa braso ko that made me stopped from walking. “Para ipamukha sa akin na hinatak kita sa gan’tong sitwasyon, dapat ay obligasyon kita? Kinokonsensya mo ako?”
“Obligasyon mo naman talaga ako, ‘di ba?”
“Nandoon na nga tayo, Julie. Kaya, ano? Magkano ba ang kailangan mo?”
Sa naging dating ng tanong niya sa akin, iba ‘yong naramdaman ko. Bakit parang ipinapamukha naman sa akin ng Felix na ito na ako ‘yong tipo ng mga babae na habol lang sa isang lalaki ay pera? ‘Yon bang tipo ng mga babae na ibinebenta ang sarili nila sa kung sino nang isang gabi kapalit ng malaking halaga.
“Dahan-dahan naman. Binabayaran mo ako sa serbisyo hindi dahil bayaran ang katawan ko, huh? Magkaiba ‘yon.”
Nilinaw ko muna ang isang ‘yon bago ako nagpatuloy sa another objective ko. Hindi kasi sapat ‘yong ipinahiram ni Melody sa akin kaya hahanapan ko ito ng pandagdag.
“Kailangan ng pamilya ko ng pera ngayon, Felix. Dalawang kapatid ko kasi ay nabuntis. Sabay pa sila kaya doble ‘yong pamomroblema namin sa pagpapaanak at panggatas no’ng baby ‘pag nakapanganak na sila.”
“Napahiram ka na raw ni Melody, ‘di ba? Nasabi na niya sa akin.”
“E, hindi nga enough.” Sobrang kapal na talaga ng mukha ko, to the highest level. “Kasi idadagdag ko na rin sa uutangin ko ‘yong pambabayad namin sa ospital kasi ‘yong mama ko… inatake na naman daw ulit sa puso.”
Nasabi kasi sa akin kanina ni Papa na nasa ospital nga raw sila… si Mama naman ang nandoon. Patong-patong na problema nga ang kinahaharap ng pamilya ko ngayon, tapos hindi ko pa sila p’wedeng puntahan. Na kahit ilang kilometro lang naman ang layo ko sa kanila, hindi nila ako p’wedeng makita.
“Ako nang bahala, Julie.” He gave me his reassuring smile. “Ako na mismo ang tutungo sa pamilya po para ipaabot ang pera.”
“Hindi ba delikado-”
“Don’t worry, hindi naman nila ako kilala. Hindi nila ako mamumukhaan.”