Episode 1 MISSING BRIDE
Kendrick POV
" Dennis, wala pa rin ba sila? " pangatlong beses na iyong itinanong ni Kendrick habang nakatayo sa malaking open cottage na siyang pagdadausan ng kasal nila ni Cassy. Isang magaling na wedding coordinator ang nag decorate niyon. Inarkila nila ang buong beach resort para sa kasal na iyon.
" Relax ka lang Kendrick, " wika sa kanya ni Dennis na marahan siyang tinapik sa balikat.
" Malayo rin naman ang bahay nila."
Nagbuga siya ng hininga upang pakawalan ang tensiyong namumuo sa kanyang dibdib. Wala pang isang oras ang byahe mula sa bahay nina Cassy na kalapit baryo lang ng San Simon. Alas otso ang kasal. Alas otso kinse na sa kanyang relo. Kung anu ano na ang pumapasok sa kanyang isip.
Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at nag dial. Tatawagan na niya sa cellphone si Cassy.
Ngunit walang sumasagot sa cellphone nito. Panay lang ang ring niyon. Naisip niya na baka naiwan iyon sa bahay. Ang numer naman ng mama nito ang tinawagan niya. Eksaktong nag ring iyon ay nakita rin niya ito na bumaba mula sa kotse. Namumutla ito at sira ang poise.
Pagdaka ay kinabahan si Kendrick sa nakitang reaksiyon ni Carmina habang palapit sa kanila.
" K...Kendrick, may problema. " wika nitong bakas sa tinig ang pagkabalisa.
" A..ano hong problema? " kabado niyang tanong. Halos ay ayaw na niyang himinga.
" Nasaan si Cassy? "
" Kendrick, hindi ko alam kung paano ipaliwanag ito sa iyo. "anitong parang maiiyak na.
" M...may iniwan siyang sulat para sa iyo. "
" Ho? " napalunok siya nang iabot ito iyon sa kanya. Pigil niya ang hininga nang basahin iyon.
" NO ! " bulalas niya matapos iyong basahin. Walang pagsidlan ang sama ng loob na nadarama niya nang mga sandaling iyon.
" NO ! " pinunit niya ang sulat. " Bakit mo ginawa sa akin ito, Cassy? " sigaw niya. Lahat at nabulabog at nagkagulo. Marami ang lumapit sa kanya upang aluin siya. Pero ayaw niyang magpahawak sa mga ito. Pumiksi siya nang hawakan siya ni Dennis sa magkabilang balikat. Tinungo niya ang kanyang kotse at lumulan doon. Pinatakbo niya iyon ng mabilis. Habang nagmamaneho siya ay tumutulo ang kanyang luha. Hindi niya matanggap na tinakasan siya ni Cassy. Kahit sa hinagap ay hindi niya naisip na ipapahiya siya nito ng ganoon. Para siyang binagsakan ng langit. Iyon na yata ang pinakamasakit na bagay na nangyari sa buhay niya, ang takasan siya ng Bride.
" Akala ko ay mahal mo na ako, Cassy." wika niyang napapahampas sa manibela. " Hindi pala totoo ang lahat ng ipinakikita mo. Niloko mo lang ako. Sinadya mo iyon upang mas maging masakit sa akin ang gagawin mong ito. " Itinabi niya sa gilid ng kalsada ang sasakyan at dumukmo sa manibela.