CHAPTER 6

1401 Words
NAPAHINTO si Elena nang makitang nasa sala ang kanyang itay, kasama ang lalaking si Henri. Ano naman kayang ginagawa ng lalaking ito dito? Napaiwas nang tingin si Elena nang ito agad ang nakapansin sa kanya. Doon naman lumingon ang kanyang itay. Kaagad naman siyang lumapit at nagmano rito. Nang biglang may kapilyahang naisip si Elena - bahagya siyang lumapit sa lalaki at akmang magmamano dito. "Mano ho, Sir Henri --" "Anak! Ano bang ginagawa mo?" sita nang kanyang itay. Nagmaang-maangan naman si Elena kahit ang totoo, gusto niyang bumunghalit ng tawa at kitang-kita niya ang pamumula ng mukha ng lalaki. Pati tainga nito, pulang-pula! Sumeryoso rin nang husto ang awra nito. "Bakit ho, itay?" Piling inosenteng tumingin siya sa kanyang ama. Nang bigyan siya nito ng babala sa pamamagitan ng tingin. Lihim na napalunok si Elena. Mabait ang kanyang ama - ngunit mahirap ding galitin at talagang namamalo ito nang p'wet! Ngiwing ngiti ang pinakawalan ni Elena nang bumaleng siya kay Henri na ngayon ay nakatingin pa rin sa kanya. Tila nga, gumagalaw ang panga nito - mukhang hindi nito nagustuhan ang kalukuhang ginawa niya! Gusto niyang matawa dahil doon. "Sorry po, Sir Henri. Ganito po kasi ang tradisyon dito sa baryong Hinawasan - ang gumalang sa matatanda at ito'y ginagawa sa pamamagitan ng pagmano at pagbanggit ng po at opo.." nang-aasar pang bigkas ni Elena sa lalaki. Pero totoo namang ganoon talaga ang paggalang sa baryo nilang iyon. Kahit hindi kamag-anak, basta nakasalubong, binabati ito at minamanuhan kapag matanda. At alam niyang alam naman iyon ng lalaki at Pinoy din naman ito - sadyang mapang-asar lang siya ng mga oras na yon. Lalong sumeryoso ang mukha nito. Titig na titig din nga ito sa kanyang mga mata. Ngunit ng mga oras na iyon, hindi siya naiilang at mas pinagtuunan niya ng pansin ang pang-aasar dito. Gusto lang niyang ipamukha rito kung ano ang turing niya rito - isang tiyuhin na dapat igalang sa pamamagitan ng pagmano! Akmang magsasalita ang kanyang itay nang maunahan ito ng lalaki. "Hindi mo naman kailangang gawin, 'yan Elena. Edad lang ang matanda sa akin, pero ang katawan ko, hindi pa naman halatang katandaan para manuhan mo ako.." nagawa pa nitong ngumiti. Ngunit nagbigay kilabot ang ngiting iyon kay Elena. Mahina at mahinahon ang pananalita nito ngunit tila may kahulugan ang bawat titig na ipinagkakaloob nito sa kanya. Para pa ngang nagbabanta? Isang tikhim naman ang pinakawalan ng kanyang ama - napalingon naman si Elena. "Magpalit ka na nang damit, anak. Mag-usap tayo mamaya.." wika ng kanyang itay. Marahan siyang tumango. Tila wala sa sarili habang nagpapalit ng damit si Elena. Galing siya ng school at limang araw nga ring hindi niya nakita ang lalaking Henri na iyon. Hindi niya inaasahang pupunta ito sa bahay nila - ano naman kayang sinadya ng lalaking iyon dito? O baka, inutusan ito nila Ma'am Zasha? Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Elena. Hanggang sa napabungisngis siya ng maalala ang kalukuhang ginawa niya. Siguradong napahiya ang Henri na iyon dahil sa ginawa niya - ipamukha ba naman niya kung gaano ito katanda para sa kanya! Pagbukas niya ng pinto - ang seryosong mukha ng kanyang itay ang bumungad sa kanya. "Bakit ho, itay?" "Anong bakit? Bakit mo iyon ginawa sa lalaking iyon? Mukha na ba siyang matanda ha, anak?" Napakagat-labi si Elena. "E, mukha naman --" "Bakit minamanuhan mo ba si Sir Christopher para gawin mo iyon sa kanya?" Lalong natameme si Elena. Gusto niyang mapasimangot at nasermunan siya dahil sa lalaking iyon! "Pambabastos ang ginawa mo, alam mo ba iyon?" Biglang kinabahan si Elena at seryoso pa rin ang mukha ng kanyang itay. Mukhang malaki ang nagawa niyang kasalanan! Tila kasi, pang-aasar ang ginawa niya kanina! Pero iyon talaga ang plano niya - ang asarin ang lalaki! "Gusto ko lang naman siyang igalang, itay.." "Sapat nang tawagin mo siyang Sir Henri, anak. Hindi mo na kailangang gawin iyon at hindi pa naman talaga siya matanda!" wika nito. Kumibot ang labi ni Elena. "Okay po, itay." Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito at napahimas sa sariling batok. "Ako ang napahiya sa iyo e." Napayuko si Elena. Tila biglang namroblema ang mukha ng kanyang itay. Kahiya-hiya ba talaga ang ginawa niya? "Bukas, wala kang pasok. Samahan mo siya sa rancho --" "Po? Bakit ako, itay?" maktol ni Elena. Hindi naitago ang pagbusangot sa mukha niya. "Kailangan kong pumunta sa kabilang lupain, anak. Samahan mo lang siya pagpunta doon at si Mang Paeng na ang bahala sa kanya. Gusto yatang makita ang mga kabayo." Gustong magprotesta ni Elena ngunit hindi niya magawa. Kailanman hindi siya naging suwail sa mga magulang. Ngunit ngayon lang kasi nangyaring may ipinapagawa ang kanyang itay na ang bigat sa kanyang kalooban. Lalo siyang nanggigigil sa lalaking iyon! Pakiramdam tuloy ni Elena, talagang may gusto sa kanya ang lalaki - bakit kailangang pumunta pa ito rito para lang magpasama sa rancho? Kung tutuusin, kayang-kaya nitong pumunta nang mag-isa! Bakit kailangan pa niya itong samahan? Lalo lang siyang nainis sa isiping gumagawa ang lalaking iyon para mapalapit sa kanya. Tila kinilabutan si Elena. Lalo na kapag naaalala ang tatoo-an nitong pangangatawan. May kahabaan din ang buhok nito na akala mo e, isang gangster sa pelikula. Mukha lang yata ang mas kaaya-aya sa lalaki! Oo nga, makinis ang balat ngunit puno naman ng tatoo ang mga braso nito! Akmang tatalikod ang kanyang itay, nang maagap niya itong pigilan. Isang tikhim pa ang pinakawalan niya. "Anong sinadya pala ng lalaking iyon dito, itay?" Gusto lang makasiguro ni Elena kung talagang pumunta lang ang lalaking iyon para magpasama sa rancho. "May ipinabibigay lang si Don Abier." Napatango-tango si Elena. So, ibig sabihin sinamantala ng lalaking iyon ang pagpunta rito para magpasama sa rancho? Ayos din pala ito e! Para-paraan din! Oras talagang malaman niyang may gusto ito sa kanya, talagang iiwasan na niya ito! Hinding-hindi siya papayag na lumapit-lapit ito sa kanya! Bumalik siya sa kuwarto. Hanggang sa tinitigan ang sariling mukha sa salamin. Kumibot-kibot ang labi ni Elena. Hindi nakakapagtaka kung humanga ito sa ganda niya - pero kailangan ba talagang pagka-interesan siya nito? Halata naman siguro sa kanya na napakabata pa niya kng ikukumpara dito. Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ni Elena. Hanggang sa biglang may pumasok na kalukuhan sa kanyang isipan. Balak niyang ituloy ang pang-aasar sa lalaki. Gusto niyang ipamukha rito kung ano talagang turing niya dito. KINAUMAGAHAN Pupungas-pungas na lumabas mula sa kuwarto si Elena. At ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makitang nakaupo sa sala si Henri! Kitang-kita niyang natigilan din ito. Naudlot nga ang binabalak nitong pag-inom ng kape! At ang mga mata nito, nasa bandang hita niya! Maikling shorts at hanging na blouse ang suot niya lalo na't mainit sa gabi, tanging electric fan lang ang gamit niya at 'di naman sila mayaman. Iyong kaantukan ni Elena, biglang naglaho at uminit ang mukha niya dahil sa titig nito! Gusto niya itong sabihang .. bastos! Ngunit mas pinili niyang tumalikod at nagmamadaling bumalik ng kuwarto. Tila siya biglang hiningal! Napahawak pa siya sa sariling dibdib! Hanggang sa nasabunutan niya ang sarili at nakita nito ang mga hita niya pati na ang pusod niya! Mariing napapikit si Elena nang maalalang napalunok ang lalaki - gumalaw ang adams apple nito e! "Bastos na lalaking iyon!" bulong niya sa sarili. Paano naman siyang naging bastos, Elena? Ikaw itong basta na lang lalabas ng ganyan ang itsura e! Natural, titingin iyon at may mga mata - nakita mo namang nagulat din iyong tao. "Bakit kailangan pa niyang titigan ang legs ko? Talagang lumunok pa?!" naiinis na pagkakausap niya sa sarili. At bakit nandito na naman ang lalaking iyon? Daig pa nitong nanliligaw at mukhang gusto na yatang tumira sa bahay? Talagang naki-kape pa? Ilang katok ang narinig ni Elena. "Anak, magbihis ka na. Hinihintay ka ni Sir Henri.." Doon lang naalala ni Elena na sasamahan nga pala niya ang manyak na lalaking iyon! Lalo lang nagdabog si Elena sa loob ng kuwarto! Paano kung bastusin siya nito at wala man lang siyang kalaban-laban? Paano kung may pinaplano pala ang lalaking iyon sa kanya? At walang kamalay-malay ang kanyang itay at basta na lang itong nagtitiwala? Dahil ba tauhan ito ni Sir Christopher? Kaya wala ring choice ang kanyang ama kun'di ang pagbigyan ang lalaking Henri na iyon? Oras na magkamali ka, talagang isusumbong kita kay Don Abier Del Fio! Mabigat sa loob na nagpalit siya ng damit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD