C-1
ALLIEXHA
“Sabi nila ang kasal ang pinakamagandang mangyayari sa buhay ng isang babae. Ngunit bakit sa akin ay hindi ito? Bakit kailangan kong ikasal sa lalaking hindi ko kilala at hindi ko naman mahal?”
“Baka nakakalimutan mo kung bakit ka nandito ngayon?” sabi sa akin ng tiyahin ko na halatang galit na naman.
Nandito kami sa simbahan at sinasabi niya sa akin na umayos ako dahil ito ang araw ng kasal ko at ayaw niyang mapahiya. Ilang ulit na niya akong pinagsasabihan at halos mabingi na ang tainga ko sa kanya.
“Auntie, baka may ibang paraan pa po? Baka may ibang paraan para mabayaran natin ang utang niyo at isa pa, utang mo naman po ‘yon eh. Hindi ko naman po utang,” parang naiiyak na sabi ko sa kanya at nilakasan ko na ang loob ko.
“Wala ka talagang utang na loob! Pagkatapos kitang kupkupin ay ‘yan ang sasabihin mo sa akin! Ang lakas ng loob mo na sabihin ‘yan sa akin! Sino ka ba sa tingin mo?! Sino ka?!” galit na sigaw niya sa akin sa harap ng mga kamag-anak namin.
Sanay na sila at ni isa sa kanila ay walang nagtatanggol sa akin. Sa tingin ko nga ay masaya pa sila kapag pinaparusahan ako o kapag binubulyawan ako ng tiyahin ko. Minsan pa nga ay ang mga pinsan ko pa ang number one bully ko. Sila pa ang mahilig na ipahiya ako sa ibang tao lalo na sa school. Lahat ng ‘yon ay tiniis ko dahil sa utang na loob na sinasabi ng tita ko. Hindi ko lang talaga magawang umalis sa bahay namin dahil ito na lang ang mayroon ako. Bahay ito ng mommy ko bago siya nawala.
“Kaya ko naman pong bayaran ang lahat ‘wag lang po ang gani–”
“Alam mo, kung ako sa ‘yo ay magpapakabait na lang ako. After all hindi ka naman gusto ni Steve. Ako ang mas pinili niya,” sabi sa akin ng pinsan ko at ang tinutukoy niya ay ang kasintahan ko na inagaw niya.
“Auntie, parang awa mo na po. ‘Wag po ako, iba na lang, iba na lang po,” umiiyak na sambit ko at talagang umiiyak ako.
“Kahit lumuha ka pa ng dugo ay hindi magbabago ang isip ko. Wala akong pakialam sa drama mo. Kung talagang gusto mo na mabayaran ang utang na loob mo sa pagpapalaki ko sa ‘yo ay sundin mo ako,” galit na siya ngayon.
“Parang awa mo na p-”
“Stop the act, girl. Hindi na ‘yan mabenta. Ang dapat mong gawin ay magpakasal sa lalaking lumpo. Don't worry, marami naman ang pera niya kaya okay lang ‘yan, okay lang na maging caregiver ka niya. Mag-aalaga ka ng isang lumpo,” natatawa na sabi pa ng pinsan ko at tumawa silang lahat.
Ako naman itong awang-awa sa sarili ko. Nawala na ang lahat sa akin pero gusto pa nila na kunin talaga ang mayroon pa ako. Gusto na nilang limasin ang lahat. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong gawin. Kung tatakas naman ako ay paano ko ito gagawin. Nandito na kaming lahat sa simbahan at nakasuot na ako ng damit pangkasal.
Ang tanging hinihintay na lang namin ngayon ay ang pagdating ng lalaking mapapangasawa ko. Kanina pa kami dito pero wala pa siya at sana nga ay hindi na lang talaga siya dumating. Mas okay na hindi na lang. Dahil kapag wala siya ay walang kasal na magaganap.
“Auntie, please po—”
“Dumating na si Mr. Morgan!” narinig ko na sabi ng isa naming kamag-anak.
“Nandito na siya kaya umayos ka,” may pagbabanta na sabi sa akin ng tiyahin ko.
Wala na akong nagawa kung hindi ang hayaan sila na ayusin ulit ang makeup ko. Tumigil na rin ako sa pag-is yak dahil wala naman akong magagawa kahit pa magmakaawa ako. Siguro kailangan ko talagang tanggapin na ito na ang magiging kapalaran ko.
At ang kapalaran na hindi naman ako ang pumili. Dahil sa pagdating ng lalaking mapapangasawa ko ay nagsimula na ang seremonyas pero hindi naman ito tulad ng kasal na nakikita ko. Dahil mas huli pa ang groom.
At nang dumating na ito ay nagulat ako. Ang buong akala ko kasi ay matanda na ito pero hindi dahil sa tingin ko ay nasa 30’s na pa lang siya. Ang lamig ng aura niya. Ang tingin niya na nakakatakot kaya kahit pa gwapo siya ay hindi ito ang unang mapapansin sa kanya kung hindi ang malamig niyang tingin.
Nakaupo siya sa wheelchair habang papalapit sa amin.
“Umayos ka, Alliexha. ‘Wag kang tanga,” pabulong na sabi sa akin ng tiyahin ko pero hindi pa rin ako nagsasalita hanggang sa yumuko na lang ako dahil bigla na lang akong kinilabutan sa lalaking ito.
“Let’s get out of here,” malamig na sabi ni Mr. Morgan.
“Mr. Morgan, hindi pa po tapos ang kasal,” sabi ng tiyahin.
“I’m already here and that’s enough,” sabi niya sa tiyahin ko.
“Pero po–”
“Considered your debt is already paid,” sabi niya at hinawakan na ang kamay ko.
“What are you waiting for?” malamig na sabi niya kaya napatingin na naman ako sa kanya.
“Ano pa ang hinihintay mo? Sumama ka na,” tinulak pa ako ng tiyahin ko kaya napatunayan ko na wala talaga siyang pakialam sa akin.
Gustuhin ko man na umiyak ay hindi ko magawa. Ano pa ba ang magagawa ng pag-iyak?
“K–Kailangan ko po ba talagang sumama sa ‘yo, S–Sir? Nauutal sa takot na tanong ko sa kanya.
“You’re my wife at ibinayad ka nila sa akin kaya bakit ka hindi sasama?”
“Ang tanga mo talaga! Sumama ka na,” sabi pa ng tiyahin ko kaya naman wala na akong nagawa pa.
Nanginginig ang mga kamay ko ng hawakan ko ang wheelchair niya. Prente lang itong nakaupo na para bang kahit lumpo siya ay siya ang hari sa lugar na ito. Wala akong narinig na kahit na anong bulungan. Lahat ng tao na nandito ay parang takot sa kanya.
Alam ko na kilala ang mga Morgan sa lugar na ito bilang mga mayayaman. Pero hindi ko lang talaga inaasahan na mapupunta ako sa pamilya nila. At ngayon na asawa na niya ako ay hindi ko alam kung ano ba ang magiging kapalaran ko sa poder niya.
Dahil ngayon ay pagmamay-ari na ako ng isang Crippled Zillionaire na si Abraham Zeus Morgan at nasa kamay na niya ang magiging kapalaran ko.