"Mang Abner ano pong gusto niyong tanghalian?" Tanong ko sa matanda habang pinagmamasdan ko ang bagong tanim na rosas.
"Alam niyo naman paborito ng misis ko—bulalo." Ngiting-ngiti niyang sagot at litaw ang ilan niyang mga ngipin.
"Sige ho. Nasaan nga po pala sila. Mukhang ayaw yata nilang magpakita sa akin."
Kumamot sa ulo ang matanda at ika-ikang naglakad papunta sa likod bahay. Sineyasan niya ang mga kasama at isa-isang tinawag.
Lumapit ang pamilya niya, sila ang napili kong caretakers ng aking mansyon habang hindi pa ko nakakalipat. Dalawa ang anak niyang lalaki at isang babae.
Isa-isa silang bumati sa akin.
"Hindi po namin kayo napansin, Sir. Nagtatanim kasi kami ng gulay na katulad ng bilin niyo." Sabi ni Aling Sally, ang asawa ni Manong Abner.
"Wala ho iyon. Gusto ko lang kayong sabihan na huwag na kayong bumili ng tanghalian. Sabay-sabay na rin tayong kumain."
Nagtinginan silang pamilya sa isa't-isa. Bibihira lang kasi akong magtagal sa mansyon na ito. Kung kakain man ako ay hindi rito. Madalas kasi ay kumakain ako pagkatapos ng meeting ko.
May maliit akong negosyo na sinimulan ko dalawang taon ng nakakalipas. Masasabi kong pagod at puyat ang nilaan ko sa cofee shop na iyon.
Maliit man pero sapat na para mabuhay ang pamilyang bubuuin ko. Masasabi kong sa akin ko inasa ang pagpapagawa sa maliit kong negosyo. Sinimulan ko ang pag i-ipon noong college ako.
May extra ako noon sa online, ginamit ko ang skills ko sa pagdr-drawing para maging graphic designer. Bukod pa rito, ang sweldo ko galing sa kumpanya namin.
Hindi ko tinanggap ang alok ni Papa na maging may-ari ng aming kumpanya at hindi iyon alam ni Mama. Pero sinisigurado ni Papa na balang araw ay tatanggapin ko iyon.
Dahil isa sa hakbang para mapasakin ang kumpanya ay ang pagpapakasal kay Rosella. Senyales din ito na mas magiging matatag ang kumpanya namin.
"Sir, nakakahiya naman kung makikisabay pa kami sa inyo." Sabay na sambit ng mag-asawa.
"Kakain din naman tayo ng tanghalian bakit hindi pa sabay-sabay?" at tinignan ko ang aking wrist watch."Mag a-alas dose na rin." Sabi ko.
"Salamat po, Sir." Ngumiti ako sa mag-asawa matapos sabihin iyon.
Ngumiti rin pabalik ang mga anak nila at hindi makapagsalita.
Nag-tricycle na lamang ako dahil malapit lang naman ang karinderya kung saan may masarap na bulalo. Pagkababa ko ng tricycle ay agad akong napatingin sa babaeng nakatalikod at nakalugay mahaba nitong buhok.
Nakaramdam ako ng kaba sa dibdib. Ang kaba na ngayon ko lang ulit naramdaman matapos ng ilang taon na pagdurusa na wala siya sa tabi ko.
Kung paano siya kumilos at tumawa ay malakas ang kutob kong siya iyon. Nakatayo ang babaeng matagal kong hinahanap sa hanay nang mga nagtitinda ng prutas.
Nakabestida siyang kulay dilaw at may hawak na bayong habang nakikipagtawanan sa tindera. Tinuro niya ang pinya at nag-abot ng bayad.
Patakbo akong lumapit sa kanya. Hinawakan ko ang braso niya upang iharap ang mukha niya sa akin.
Kumunot ang noo niya at kinalas ang sarili mula sa pagkakahawak ko sa braso niya. "Anong problema mo?"
Kumamot ako sa aking ulo. Laking gulat ko ng tinitigan ko ang mga mata niya."Pasensya na. May hinahanap lang ako." Bigo kong sagot.
Nakapamulsa akong tumakbo sa karinderya at um-order ng bulalo. Sabagay, imposibleng makita ko siya sa lugar na ito. Wala naman siyang gagawin dito.
Isa pa malayo ang probinsya nila. Hindi niya maatim na lumapit sa akin. Ramdam ko kung gaano ko siya nasaktan noon. Ang naisip kong dahilan kung bakit wala siyang social media account ay para hindi ko na siya mahanap.
Pero, hindi nagtatapos ang lahat do'n. Ang kwento naming dalawa ni Kaoree ay hindi pwedeng hanggang dito lang.
Pero may agam-agam ako, may iba akong pakiramdam kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya makita.
"Boss, ito po ang bulalo niyo. Gusto niyo bang doblehin ko na ang plastik?" Alok sa akin ng tindero.
"Sige po. May eco-bag ba kayo? Medyo mainit kasi ito."
"Eco bag daw!" Sigaw niya sa mga kasamahan niya at binigyan nila ako. Babayaran ko sana pero ang sabi niya ay huwag na raw.
Nang makabalik ako sa mansyon ay handa ang hapagkainan. May kanin din at may nilaga pang saging. Meryenda daw nila iyon para mamaya at kung minsan ay umagahan nila.
Matapos na sabayan sila sa pagkain ay nanood ako ng dalawang oras at nakatulog sa sofa. Nagising ako sa tunog ng cellphone ko.
Nakauwi na ko, T.H. Pero kila Almira muna ako ng dalawang linggo.
-Rosella
Nag-reply ako sa sinabi nito. Mukhang may mali sa kanya. Kapag umuuwi siya galing ibang bansa ay hindi naman siya ganito.
Sige. Sabihan mo lang ako kapag may kailangan ka.
-Sent
Nagsend lang siya ng emoji na like sa messenger bilang reply sa text message ko. Ini-stalk ko si Rosella sa mga social media accounts niya.
Mukha naman siyang masaya at nag-bar hopping pa siya sa picture na ito kasama ang iilan niyang kaibigan. Pero mayroon din na hindi ko kilala.
Baka may nakaaway lang siya sa bar na pinuntahan niya o kung saan man siya nagpunta. Bukod sa desisyon ng magulang ni Rosella na next year kami ikasal. Isa pa sa dahilan kung bakit ilang beses itong naudlot ay dahil sa ganitong ugali niya.
Ayaw niyang pakawalan ang pagkaadik sa bar. Ayon ay ayoko sa lahat, ang madalas siyang uuwi galing inuman. Hindi sa ayaw ko ng alak pero maraming pwedeng mangyari lalo na kapag gabi.
Nanood na lang ako ng TV para magpalipas ng oras hanggang sa dalawin ako ng antok. Naalimpungatan na lang ako sa aking higaan—sa sofa ng ginising ako ni Manong Abner.
"Hapon na po, Sir." Kumamot ako sa aking ulo at mukat-mukat ang aking mga mata.
Nakatulugan ko pala na bukas ang TV. Kumunot ang noo ko. "Hindi ho ba kaibigan niyo po iyan?" Turo ni Mang Abner sa lalaking model ng isang tooth paste brand.
Ngumiti ako. "Opo. Siya pa 'yung anak ng dating may-ari ng bahay na ito."
Iba ka na talaga Latrelle sana kung magkita man tayo ay napatawad mo na ko. Papatayin ko na sana ang TV pero...
"Welcome to The Talk!" Sabi ng host na lalaki na naka-all white suit at sapatos na black loafers. Nagpalakpakan ang audience sa masigla niyang intro.
Hindi ako mahilig manood ng ganito pero hindi ko alam kung bakit napahinto ako.
"Ang guest natin ngayon ay walang iba kung hindi si—" pinutol niya ang sariling sinabi para sa mga manonood.
"Latrelle Keegan Aurelius!" Pagtuloy ng mga audience sa sinabi nito.
Konsetrado akong nanood at gano'n din si Mang Abner na umupo sa kabilang coach. Nagsimula ang usapan sa kung paano na discover si Latrelle hanggang sa peak ng kasikatan niya.
Ang pinakahihintay ng lahat ay usapang love life. Hindi siya nagdalawang-isip na sagutin iyon. Ang sabi niya ay single siya at iniintay niya pa rin ang babaeng para sa kanya.
Huwag niyang sabihin na si Kaoree pa rin ang gusto niya hanggang ngayon. Baka mag-artista ako, at malaman niyang no match sa akin kaya umayaw na lang siya kay Kaoree.
Marami siyang sinagot na tanong at natawa ko sa huli nitong sinabi.
"Sa mga kaibigan ko, lalo na kay T.H alam ko malapit ka ng ikasal tapos si Jez. Oo, ikaw rin Jez! Huwag niyo naman kaming iwan tatlo. Akala ko ba magkakaibigan tayo." Tumawa siya pati ang audience sa sinabi nito.
Tumayo at pinaubaya kay Manong Abner ang remote. Nabunutan ako ng kaunting tinik. Kahit pa-paano ay alam kong okay na ko kay Latrelle.
Sa tatlo na lang ako hindi sigurado. Pero hindi ko man kausapin sina Wyn at Marcus alam kong mapapatawad nila ako kaagad. Si Jez lang ang hindi ko alam.
Pero, si Jez? Teka nga muna.
Napahawak ako sa aking baba. Anong ibig sabihin ni Latrelle sa sinabi niya kanina kay Jez?
Hindi kaya... pero imposible.
Hanggang sa sasakyan ay inisip ko kung tama ba ko ng hinala. Pero wala akong balita ngayon kay Jez. Tahimik ang social media accounts nito.
Tinignan ko rin ang social media account ni Apple—ang kapatid niya. Wala naman kahit anong ganap sa pamilya niya, maliban sa isa.
Ayokong mag-over think. Tama, hindi ako gano'n. Saka hindi ako chismoso sa buhay ng iba.
Pero minsan naiisip ko kumusta rin kaya ang iba pang kaibigan ni Kaoree?
---
Writer' Note:
Gusto ko lang sabihin na Soon To Be Published na ang novels ng iba pang Heartthrobs.
Ang pangalawa kong ilalabas ay Whisper of The Night. Hulaan niyo kung kanino to' (Eme).
Gusto ko lang din magpasalamat sa mga suporta ng Book 1 nito. Sana suportahan niyo rin ang iba ko pang novels.
Sa mga nag-like at nag-share ng f*******: Page ko—salamat po sa inyo!
Sa mga kasali sa f*******: group namin na Chace Gonzales Readers, maraming salamat din!
Sana po i-follow niyo rin ako sa iba ko pang social media accounts for more interaction.
Sa mga nanalo sa palaro ko at kahit sa mga hindi nanalo—salamat pa rin sa pag-participate! Marami pa tayong activities na related sa aking novel.
Pinakamahalaga kong tanong na-mi-miss niyo ba si Kaoree?